CHAPATER 11
CHAPTER 11
DECEMBER 24, 2017
"ANO bang nangyari no'ng nakaraang araw? Bakit ayaw mo na naman yatamg sumamang magsimba?" sunod-sunod na tanong ni Kuya Mike sa akin at pilit akong hinihila sa kama.
"Wala naman. Inaantok pa kasi ako," tugon habang nakapikit pa.
"Bumangon ka na kasi riyan. Kung hindi ka sasama, siguradong hahanapin ka ni Hezekiah," sabi pa niya kaya bumangon ako at napabuntong-hininga.
'Yon na nga, eh. Si Hezekiah ang dahilan kung bakit ako nagkakaganito. Hindi ko alam kung paano ko siya haharapin dahil hanggang ngayon ay nagtatampo pa rin ako sa kaniya.
Hindi na namin ipinaalam ni Azarel ang nangyari noong nakaraang araw. Hindi alam nina kuya na iniwanan ako ni Hezekiah. Mabuti na lamang ay dumating si Azarel para sunduin ako.
"Oo na, sasama na ako," malungkot na sabi ko.
Napagtanto ko na mali pala ito. Ang Diyos ang pupuntahan ko sa church at hindi si Hezekiah. Kapag kasi sa tao mo itutuon ang pansin mo sa pagsamba, iyon din ang magiging hadlang sa'yo sa pagsamba.
Naalala ko iyan sa isinulat ko sa aking devotion journal noong mga nakaraang araw. Sa tuwing bago ako matulog sa gabi ay sinisigurado ko munang nakakapag-devotion ako.
Pagkarating ko sa dining table ay nandoon na sina mommy. Ako na lang pala ulit ang nahuling bumaba.
"Oo nga pala, after ng Christmas magbabakasyon tayo sa Pangasinan. Limang araw tayo roon," wika ni mommy.
Abot-langit naman ang aking ngiti ngayon dahil sa sinabi niya.
"Sa Manaoag po ba? Kina daddy?" tanong ko kaya napatango sila.
"Tinatamad ka na naman daw bang magsimba sabi ng kuya mo?" tanong sa akin ni dad habang inaabot sa akin ang hot chocolate na nasa tasa.
"Siguradong hahanapin ka ni Hezekiah kapag hindi ka pumunta. Teka, may nangyari ba noong Friday?" tanong din ni mommy kaya yumuko na lamang ako.
"W-Wala po," matipid na tugon ko at nagsimula na sa pagkain para hindi na nila ako tatanungin nang tatanungin.
Hindi naman na nila ako kinulit pa hanggang sa makarating kami sa church. Si Ate Karel at Azarel lang ang sumama sa amin dahil may inaasikaso raw si Tita Zandra.
Gaya ng dati, nagkaroon muna ng praise and worship bago ang mass. Tahimik lamang akong nakikinig hanggang sa matapos ang misa.
"Merry, papalapit dito si Kuya Hezekiah," bulong ni Azarel sa akin.
Napatigil ako sa paglalakad. Lumingon ako sa likuran ko at nakita kong masayang sinalubong nina mommy si Hezekiah. Kasama niya si Ate Lana.
"Mauna na tayo, Azarel," natatarantang sabi ko at hinila siya para mauna na kaming pupunta sa sasakyan pero pinigilan niya ako.
"Sigurado akong ikaw ang sadya niya. Kausapin mo na lang kaya siya," saad naman ni Azarel kaya wala na akong nagawa pa. Tuluyan nang nakalapit sa akin si Heze.
"Merry, gusto sana kitang makausap tungkol noong Friday," sambit niya sa akin at napatingin kay Azarel.
Ngumiti naman si Azarel 'saka umalis para makapag-usap kami nang maayos ni Heze.
"A-Ayos lang po," tugon ko kahit na ang totoo ay nalulungkot pa rin ako dahil sa nangyari.
Sadya ngang hindi ako makapagpapalusot kay Heze dahil nabasa niya kung ano ang totoo kong nararamdaman.
"Sorry na talaga, Merry. Alam kong may mali ako roon, responsibiliadad kong ihatid kita pauwi pero hindi ko nagawa," panghingi niya ng tawad.
Napatingin naman ako kay Azarel na nililibang sina mommy para hindi nila makita o marinig ang pinag-uusapan namin ni Heze.
"Hindi niyo na po kailangang mag-sorry. Ang totoo, hindi niyo naman po talaga ako responsibilidad na ihatid. Mas mahalaga po si Ate Lana kaya wala po kayong kasalanan," tugon ko naman kaya napatingin siya kay Ate Lana na masayang nakikipag-usap kay Kuya Mike.
"Basta, babawi pa rin ako sa iyo sa susunod na life group natin," giit niya at hinawakan ako sa balikat.
"Sorry po pero baka hindi ako maka-attend. Pupunta kami sa Pangasinan after Christmas. Limang araw po kami doon kaya siguradong hindi ako makaka-attend," sagot ko.
Napasimangot naman siya sa sinabi ko. Mayamaya pa ay napangiti siya at parang may magandang ideyang naisip.
"Alam ko na kung paano ako makakabawi sa iyo!" masayang sabi niya at muli na namang sumilay ang kaniyang napakagandang ngiti.
Mas lalong naningkit ang kaniyang mga mata na siyang dahilan ng muling pag-abnormal ng puso ko.
"P-Paano po?"
"Sasama ako sa inyo sa Pangasinan kung papayag ang mga magulang mo," tugon niya kaya napaawang ang bibig ko.
Teka, tama ba ang narinig ko? Sasama siya sa bakasyon namin sa Pangasinan? Pero paano 'yong life group? Hindi siya puwedeng um-absent dahil siya ang leader. Isa pa, napakadali niya naman yatang pagdesisyunan iyon.
"Talaga po? Pero paano po 'yong life group? Atsaka, baka magalit po si Ate Lana," sabi ko naman pero napangisi lamang siya.
"Ako na ang bahala. Dalawang araw lang akong sasama sa inyo para hindi ako makaliban sa life group. Atsaka, bakit naman magagalit si Lana?" wika niya kaya mas mabuhayan ako ng loob.
Hindi ako makapaniwala sa naisip niya. Kung matutuloy nga ang sinasabi niya, hindi na ako makapaghintay pa na dumating ang araw na iyon!
Pagkauwi namin sa bahay ay dumiretso ako kaagad sa kuwarto ko at nagtatalon sa tuwa. Kanina kasi kinausap din ni Hezekiah sina mommy at daddy na sasama siya sa Pangasinan.
Tinanong nga nina mommy kung bakit siya sasama pero si Azarel ang sumagot. Sinabi niya na gusto kaming maka-bonding ni Heze. Sinabi pa ni Azarel na kaibigan niya na rin si Heze.
Sasama rin si Azarel sa amin sa Pangasinan pero si Ate Karel naman ay maiiwan na lang kasama si Tita Zandra.
Pagkatapos kong magbihis ay hihiga na sana ako pero naantala iyon nang may kumatok sa pinto ng kuwarto ko kaya dali-dali ko iyong binuksan.
"Oh, Kuya Mike, anong kailangan mo sa akin?" tanong ko pero imbes na sumagot siya ay dali-dali siyang pumasok sa loob ng kuwarto ko. Nagtataka naman akong sumunod sa kaniya.
"Ano bang nakain mo, Kuya?" tanong ko pa ulit.
"Anong pangalan n'ong babaeng kasama ni Hezekiah?' tanong niya rin.
"Lana Acosta," matipid na tugon ko. "Teka, bakit mo ba natanong?" tanong ko pa.
"Wala lang. Masama bang magtanong? Oo nga pala, hihiramin ko sana 'yong laptop mo dahil nagloloko iyong laptop ko," sabi niya naman kaya napatango lang ako, at nagtungo na sa library ko dahil naroon ang laptop ko.
Bago ko ibigay sa kaniya ang laptop ko ay sinigurado kong nai-hide ko lahat ng mga files na dapat i-hide. Itinago 'yong mga ginawa kong mga tula para sa kaniya. Sinigurado kong naka-hide lahat para hindi niya ako mabuko.
"Ingatan mo iyan. Maraming mga importanteng files diyan!"
"Oo na! Mga chix ko nga iniingatan ko, laptop pa kaya ng kapatid ko," natatawa namang tugon niya kaya inirapan ko lang siya.
Noong sumunod na mga araw ay halos hindi na ako makatulog dahil sa kaiisip ko sa pagpunta naming sa Pangasinan. Kung maaari ay hilain ko na ang mga araw para lang sumapit na ang December 26.
Ngayon ay araw na ng pasko. Nagkaroon lamang kami ng kaunting salu-salo at nagpalitan ng mga regalo. Sobrang saya ko dahil kinabukasan ay ang araw ng pagpunta namin sa Pangasinan kasama si Heze.
Habang inilalagay ko sa maleta ang mga gamit na dadalhin ko sa Pangasinan ay hindi ko maiwasang mapangiti. Hanggang sa pagtulog ko ay hindi na mabura ang ngiti sa aking labi.
DECEMBER 26, 2017
ALAS kuwatro pa lang ng madaling araw ay nakahanda na kami para bumiyahe. Nasa harap ako ng gate para hintayin si Heze dahil ang usapan namin ay dito namin siya hihintayin sa bahay.
Habang inaabangan ko ang pagdating niya ay isinuot ko muna ang aking jacket dahil mas malamig ang simoy ng hangin kumpara kagabi. Naramdaman ko namang tumabi sa akin si Azarel na nakasuot din ng jacket. Nagulat na lang ako nang hawakan niya ang magkabilaang kamay ko.
"Para na namang nagyeyelo ang mga kamay mo," wika niya habang hawak pa rin ang dalawa kong kamay. Dama ko ang init ng kaniyang palad kaya nawala ng bahagya ang aking pagkaginaw.
Makalipas ang tatlong minuto ay natanaw ko na si Heze na paparating na nakasakay sa kaniyang motor. Pagkarating niya ay agad niya kaming sinalubong nang matamis na ngiti.
"Sorry, ako na lang yata ang hinihintay ninyo," wika ni Heze habang iginagarahe niya ang kaniyang motor.
"Mabuti ay alam mo," bulong ni Azarel na tiyak kong ako lamang ang nakarinig kaya kinurot ko siya sa kaniyang braso.
"Ayos lang po," tugon ko naman pero si Azarel ay nakasimangot pa rin. Hindi ko alam kung anong problema niya. Kanina namang pagkarating niya dito ay hindi naman siya ganiyan.
Pumasok na kami sa van para makaalis na kami. Si dad ang aming driver. Magkakatabi sina Kuya Mike, Kuya Melchi, at Azarel. Magkatabi naman kami ni Hezekiah kasama ang iba pa naming mga gamit.
Madilim pa ang paligid at tanging ang mga ilaw na nagmumula sa ibang mga kabahayan at mga street lights ang nagsisilbing liwanag. Habang nasa daan kami ay pansin ko ang sunod-sunod na paghikab ni Hezekiah.
"Inaantok pa po yata kayo," sabi ko naman kaya naptingin sa akin si Hezekiah at napaayos ng upo.
Totoo ngang nakakaantok ang biyahe, tapos ay limang oras pa ang aming tatahakin bago makarating sa Pangasinan.
"Oo nga, eh. Hindi kasi ako masyadong nakatulog kagabi," tugon niya at muli na namang napahikab.
Mayamaya ay mas lalong tumahimik ang paligid. Sina Kuya Mike at Kuya Melchi ay abala sa pagse-cellphone. Si Azarel naman ay tahimik lang na nakatanaw sa labas ng bintana habang nakalumbaba.
Pipikit na rin sana ako dahil nakaramdam ako ng antok nang maramdaman ko ang ulo ni Hezekiah na pumatong sa balikat ko. Hindi ako nakagalaw. Hinayaan ko na lamang siya sa gan'ong posisyon hanggang sa nakatulog na rin ako.
Naalimpungatan ako dahil sa malakas na tawanan na siguradong nagmumula kina Kuya Mike, Azarel, at Kuya Melchi. Agad akong napaayos ng upo nang mapagtanto kong ang ulo ko na ngayon ang nakapatong sa balikat ni Hezekiah.
"Hala, sorry po," nahihiyang sabi ko habang inaayos ko ang aking sarili. Imbes na tumugon ay ngumiti lamang siya.
Patuloy pa rin naman ang sigawan at tawanan nina Kuya Melchi dahil abala pala sila sa paglalaro ng Mobile Legends. Napatingin naman ako sa labas ng bintana kaya kita ko na tirik na tirik na ang araw.
Napatingin ako sa relo ko. Alas otso na pala ng umaga. Kung gan'on ay napahaba ang tulog ko. Siguradong nasa Pangasinan na kami ngayon.
"Nandito na tayo sa Dagupan. Isang oras pa siguro ay makararating na tayo sa Manaoag," sabi ni mommy mula sa harap. Si daddy naman ay panay ang pagsuway niya kina kuya habang siya ay nagda-drive.
"Pasensya na po kayo sa mga kuya ko kung maingay sila. Ganiyan talaga sila kaya maging ako ay sumasakit ang ulo," wika ko. Napatingin naman si Heze kina kuya na parang aliw na aliw pa.
"Ayos lang, ang saya nga nilang tignan. Ako kasi, wala akong kapatid na lalaki. Dalawa lang kaming magkapatid at ako rin ang bunso. May mas nakatatanda akong kapatid na babae, si Ate Eileen," tugon niya habang hindi pa rin inaalis ang pagkakatingin kina kuya.
Kahit hindi naman sabihin ni Hezekiah sa akin ay alam ko naman na mag-isa lamang siyang lalaki at may nakatatanda siyang babaeng kapatid. Si Ate Eileen ay isa ring life group leader kaya kilala ko siya. Iyon nga lang ay hindi niya ako kilala.
"Pareho lang po pala tayo ng sitwasyon. Wala kayong nakaka-bonding na kapatid na lalaki, ako naman ay walang nakaka-bonding na kapatid na babae," sabi ko naman habang nakatingin na rin kina kuya.
Makaraan pa ng ilang mga minuto ay nadaanan na namin ang Mangaldan at San Jacinto. Tanaw na rin namin ang arko na may nakalagay na "Welcome to Manaoag". Malapit na kami sa patutunguhan namin. Hindi alam ni Minerva na magbabakasyon kami sa kanila kaya siguradong masusurpresa siya.
"Malayo pa po ba?" tanong ni Azarel at itinago na ang kaniyang cellphone. Komportable na rin siya ngayon kina mommy at daddy kaya hindi na rin siya nahihiyang magtanong-tanong.
"Bibyahe ulit tayo ng fifteen minutes para makarating sa pupuntahan natin. Sa liblib na bahagi kasi ng baranggay Pugaro ang location ng bahay nila noon na tinitirahan ng pinsan nina Merry na si Minerva," tugon naman ni mommy.
Tama siya. Noong sampung taong gulang pa yata ako noong huling pumunta kami doon. Ang natatandaan ko ay para kaming nasa burol na napalilubutan ng maraming puno. Mas tahimik din doon kumpara saamin sa San Alidrona City na puro tunog ng mga sasakyan ang maririnig.
"Pre, makikilala mo na 'yong pinsan naming si Minerva. Baka pag-uwi natin sa San Alidrona, mayroon ka ng ka-long distance relationship," sabi ni Kuya Mike kaya inabot ko siya para batukan. Napatawa naman sila sa ginawa ko, ngunit si Azarel ay tahimik lamang habang pangiti-ngiti.
"Oh, ano naman ang masama kung maging sila ni Minerva? Nagseselos ka ba? Sabi ko na nga ba type mo si Azarel!" pang-aasar ni Kuya Mike kaya tumayo na ako para muli siyang batukan.
Halos mag-init ang magkabilaang pisngi ko nang pauulanan nila kami ng asar ni Azarel. Todo asar sila samantalang si Azarel ay nakangisi lamang. Ako naman ay hiyang-hiya na pinapatigil sila. Kulang na lamang ay magpalamon na ako sa lupa.
Mabuti na lamang ay nagsawa na silang lahat sa katutukso sa amin. Pati ba naman si Hezekiah ay tinutukso kami. Palibhasa ay hindi niya alam na siya ang gusto ko. Alam din naman ni Azarel na hindi siya ang gusto.
Eksaktong makalipas ang labinlimang minuto nang makarating na kami sa Pugaro. Pumasok ang van sa isang palikong bahagi. Bilang lamang ang mga kabahayan sa parteng iyon. Pababa ang daan hanggang sa maging patag na ulit, ngunit halos mauntog kami dahil hindi sementado ang ibang bahagi ng daan. Puro bato-bato pa kaya hirap kami sa pag-usad.
Maging si Hezekiah ay namamanghang nakatanaw sa labas ng bintana dahil puro puno lamang ang makitakita sa magkabilaang gilid ng daan. Hindi gaya sa ibang parte na puro gusali at kabahayan.
Pagkatapos naman ng rough road ay naging pababa ulit ang daan ngunit mas matarik ito kumpara kanina. Ilang metro lamang ay naging pataas na ang daan. Ito na siguro ang pinakamatarik na daan dahil nakalagay ito mismo sa gitna ng burol.
"Kapag hindi tayo nakaakyat, si Merry ang magutulak," pang-aasar na naman ni Kuya Mike kaya nagtawanan na naman sila. Wala na talagang ibang mapagtripan si kuya kaya ako na lamang palagi ang inaasar niya.
Pagkalagpas namin sa daang iyon ay naging patag na ang daan. Marami na rin ang mga kabahayan ngunit mas marami pa rin ang mga punungkahoy.
Mayamaya pa ay tumigil na ang van sa harap ng isang bahay na may matataas na mga kawayan sa likod nito. Hindi kalakihan ang bahay kumpara sa bahay namin sa San Alidrona, ngunit hindi naman gan'on kaliit. Kumbaga ay sakto lamang ito.
Sa bakuran naman nito ay may dalawang maliit na puno ng mangga. May mga puno rin ng aratiles, at puno ng kalamansi kaya maraming lilim sa harap ng bahay. Sa gilid naman nito ay may mga halamang namumulaklak kaya mas naging maganda ang view.
Dali-dali na kaming bumaba at kinuha ang aming mga gamit. Lalakad na sana ako para puntahan si Minerva na kumakaway nang tawagin ako ni Hezekiah.
"Kanino ang notebook na ito? Merry, sa'yo ba ito?" tanong niya. Nanlaki ang mga mata ko nang makita kong hawak na niya ang aking diary at akma na niyang bubuklatin.
Hindi ko alam ang aking gagawin nang makita kong hawak na ni Hezekiah ang aking diary. Hindi ko nga maintindihan ang aking sarili kung bakit tila natuod ako sa kinatatayuan ko at maging ang aking mga tuhod ay hindi ko maigalaw.
"Kay Merry iyan, akin na at ibibigay ko sa kaniya," sabi ni Azarel at kinuha kay Hezekiah ang aking diary.
Napahinga ako nang maluwag nang kunin iyon ni Azarel. Mabuti na lamang ay alerto siya kaya hindi tuluyang nabuklat ni Heze ang aking diary.
"Sa susunod ay ingatan mo ang mga gamit mo," pabulong na sabi sa akin ni Azarel pagkatapos ay ibinigay niya ito sa akin.
"Tara na!" masayang sabi ni Kuya Melchi kaya dali-dali na kaming naglakad papalapit kina Minerva. Niyakap ako nang mahigpit ni Minerva at gan'on din ang ginawa ko sa kaniya.
"Hindi ko inaaasahang bibisita kayo rito," sabi ni Tito Alfonso at bakas sa mukha niya ang saya at pagkasurpresa.
"Ang lalaki na ng mga anak mo, Caezar! May dalawa ka ng binata at isang dalaga," sabi naman ni Tita Laura habang nakatingin sa aming magkakapatid.
Napansin niya naman sa tabi ko si Azarel at Hezekiah kaya nagtataka siyang napatingin sa kanila.
"Ah, iyong nasa dulo ay ang anak ng kaibigan kong si Zandra, 'yong nasa tabi naman ni Merry ay 'yong life group leader nila na gustong sumama rito, si Hezekiah," pagpapakilala ni mommy.
Napatingin naman sa amin si Minerva kaya muling nanuyo ang lalamunan ko. Alam ni Minerva kung sino si Hezekiah dahil madalas ko siyang maikuwento sa tuwing magka-chat kami. Sana hindi sa madulas at masabi ang tungkol doon.
"Siya 'yong sinasabi mo sa akin?" gulat na tanong ni Minerva. Ito na 'yong sinasabi ko. Ayoko pang mabuking!
***
"ALAM din pala ni Minerva ang tungkol doon, ah," wika niya matapos kong basahin ang aking entry noong December 26, 2017.
"Malamang ay naikukwento ko rin sa kaniya lahat," tugon ko naman at inilipat sa susunod na pahina ang aking diary.
"Hindi ka pa pagod na magbasa?" tanong niya at napatingin siya sa kaniyang relo. "Alas dose na ng tanghali, hindi ka pa ba nagugutom?"
"Sige kain muna ulit tayo 'saka ko itutuloy ang pagbabasa," sabi ko at isinilid ang aking diary sa aking sling bag.
Nilisan muna namin ang San Alidrona Park para pumunta sa pinakamalapit na fast food chain. Pagkatapos naman naming kumain ay inilabas ko na ulit ang aking diary at doon na mismo nagbasa.
"Maingay rito, hindi ko masyadong marinig," pagrereklamo niya at lumumbaba kaya mas lumapit ako sa kaniya upang sa gan'on ay mas marinig pa niya.
Kahit may ibang mga tao sa paligid ay nagpatuloy pa rin ako sa aking pagbabasa dahil alam ko namang hindi nila kami pakikialaman dahil may iba rin silang inaasikaso sa kanilang buhay...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro