ANG REALIDAD SA IYONG MGA MATA
Paputok pa lamang ang araw sa silangan ngunit maaga ka nang napabangon. Marahan kang umupo sa iyong kinahihigaang kama at agad na tiningnan ang petsa ngayon sa maliit at kulay dilaw mong kalendaryo. Napatakip ka na lamang sa iyong bibig nang iyong makita ang numerong binilugan ng lapis na kasunod ng petsang linagyan mo ng ekis kahapon. Hindi maipaliwanag ang sayang iyong nararamdaman. Magiging espesyal na naman ang araw na ’to sa iyo.
Napatalukbo ka nalang muli ng kumot, inihahanda ang sarili sa surpresang maaaring inihanda nila sa iyo. Sa ganitong oras ka kasi nila kadalasang ginigising upang ipakita ang mga bagay na inihinda nila sa iyo bilang regalo.
Napapahahikgik ka dahil sa tuwa. Muli mo na naman kasing naalala ang surpresa nila sa iyo noong nakaraang taon. Sari-saring pagkain din iyon. May letson at ice cream. Maraming damit at laruan ang iyong natanggap mula sa mga mahahalagang tao sa iyong buhay. May iba pa ngang hindi mo kakilala—mga kaibigan ng iyong ama at mga kasamahan ng iyong ina sa simbahan.
“Ano na naman kaya ang matatanggap ko sa taong ito?” ngingiti-ngiti mo pang tanong. Ngunit bigla ring nawala dahil sa mga namumuong mga tanong sa iyong isipan. Pano kung ang letchon, cake, spaghetti, at mga naglalakihang kulay dilaw na kahong naglalaman ng mga regalo nila sa iyo ay mawala? Paano kung nakalimutan nilang kaarawan mo ngayon?
“Dahan-dahan, baka magising siya,” dinig mong bulong ng kung sino. Sinilip mo kung sino ito sa maliit na siwang ng iyong kumot. At agad mo ngang nakita ang mga taong inaasahan mong darating. Napangiti ka nalang dahil dito. Biglang napalitan ang takot mo kanina ng pananabik dahil sa iyong nakikita.
Ramdam mo ang mga yabag nila pati na ang mahihina nilang bulong sa isa't-isa. Rinig mo pa nga ang ingay na nagmumula sa dala nilang supot na naglalaman ng iba't-ibang pagkain at bagay para sa iyo. Alam mo sa sarili mo na magiging masaya ito kagaya noong mga nakaraang taon. Mapupuno na naman ang araw na ito ng kasiyahan!
“Happy birthday to you. Happy birthday to you. Happy birthday, happy birthday. Happy birthday to you.” Kung anong saya na lamang ang bumalot sa iyo habang pinakikinggan ang paborito mong awitin. Hinihiling mo pa nga na hindi nalang ito matapos.
“Nay?” Agad kang napabangon dulot ng nararamdamang galak. Literal na nagnining-ning sa tuwa na para bang mga bituin sa kalangitan ang iyong mga mata.
“Magandang umaga anak,” may ngiti sa labing wika ng iyong ina. “Happy birthday.” Dahan-dahan siyang naglakad habang bitbit ang paborito mong kulay dilaw na cake. Meron itong disenyong mga mapuputing bulaklak sa bawat gilid. At sa pinaka-ibabaw nito ay isang maliit na prinsesitang nakasuot ng damit ni Belle sa Beauty and the Beast. Napapalibutan pa nga ito ng pitong makukulay na kandila. Ito ang birthday cake na lagi mong hinihiling sa kaniya tuwing kaarawan mo.
“Nagustuhan mo ba?” tanong niya pa na agad mo namang ikinatango. “Oo naman po. Gustong-gusto!” sagot mo pa at agad siyang niyakap. Hindi mo maipaliwanag ang iyong nararamdaman sa ngayon. Siguro, ang malapad mon ngiti ay sapat na para ipaabot sa kanila kung gaano ka nila napasaya.
“Si tatay? Talaga bang hindi siya naka-uwi mula sa Cebu?” tanong mo pa sa kaniya matapos mong kumalas mula sa kanilang pagkakayakap. Ilang sandaling hindi naka-imik ang iyong ina habang ikaw naman ay hinihintay ang kaniyang sagot na may suot pa ring ngiti sa mga labi. Umaasang ikakatuwa mo ang kaniyang magiging sagot.
“Tama na nga 'yan. Baka lumamig itong luto ni lola Terising na caldereta,” biglang wika ng isang dalaga. Pamilyar ang itsura niya para sa iyo, hindi mo lang talaga maalala ang kaniyang pangalan. Nanlaki naman ang iyong mata sa laniyang sinabi. Lola Terising? Akala mo ba ang nanay mo ang magluluto ng iyong paboritong pagkain kagaya noong mga nakaraan mong kaarawan?
“Lola Terising? Akala ko ba si—”
“Oo anak. Ako nga ang nagluto. Tinulungan lang ako ng lola Terising mo,” biglang wika ng iyong inay sabay tapon ng masamang tingin sa dalagita. “Ano, halika na sa salas? Doon ko kasi inilagay ang mga inihanda kong pagkain pati na rin ang iyong mga regalo.”
“Sige po,” wika mo pa sabay tayo.
Agad na nasilaw ang iyong mga mata sa iyong mga nakikita. Ang daming pagkain! Ang daming regalo!
Mabilis kang naglakad papunta sa mga ito. Bubuksan mo na sana ang isang parihabang kahon na binabalot ng kulay dilaw na bagay nang bigla kang sawayin ng iyong ina, “Anak. Hindi ba mas mabuting mamaya mo nalang 'yan buksan? Hindi mo pa nga natitikman ang mga pagkaing inihanda ng inay sa ’yo.” Napatango ka nalang at napa-upo sa isa sa mga silya.
“Sige, pwede nating tawagin ang birthday girl para panguluhan ang pagdadasal? May mga halatang gusto nang kumain dito sa tabi ko eh,” sabi pa ng isang binatang lalaki. Hindi ko rin alam kung sino siya, pero sa galawan niya, parang matagal ko na siyang kakilala.
“Ellie, anak. Halika ka na.” Agad ka nalang na napatayong muli at ipinikit ang iyong mga mata.
“Sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.” At agad mo na ngang sinimulang bigkasin ang mga salitang isinasa-ulo mo para sa ganitong okasyon, “Ama, una sa lahat magandang-magandang umaga!” wika mo nang may suot na napakalapad na ngiti sa labi. “Salamat sa biyayang ipinagkaloob mo sa amin. Salamat sa mga regalo at pagkain na nasa aking harapan ngayon. Salamat, salamat, maraming salamat. Amen.”
“Sa ngalan ng Ama, ng anak, at ng Espiritu Santo. Amen,” sabay-sabay ninyong wika. Matapos ito, ay muli mo na namang narinig silang inaawit ang paborito mong kanta, “Happy birthday to you. Happy birthday to you. Happy birthday, happy birthday. Happy birthday to you.”
“Happy birthday Ellie!” sigaw pa nila sabay palakpak. Napangiti ka nalang dahil sa tuwa.
“Maraming salamat,” wika mo pa. “Kain na tayo? Gutom na ako, eh.” napatawa nalang sila sa narinig.
Nasa sampung katao lamang ang kasama mo ngayon. Mas maliit sa mga numero ng mga bisita mo noong nakaraang taon. Siguro'y dahil sa mga panahong 'yon ay nandirito ang iyong ama kasama ang mga kasamahan niya sa kaniyang trabaho.
“Ayos ka lang ba, ma?” tanong ng iyong ina na agad na ikinalaki ng iyong mata. “Ibig kong sabihin, Ellie, anak ko.”
“W-Wala po,” sagot mo pa sabay subo sa pancit na inilagay sa iyong ina sa iyong plato.
Tahimik lamang ninyong pinagsalu-saluhan ang may kaliitang handa. Masaya mong inubos ang caldireta, pancit, at hotdog na inilagay ng iyong ina sa ’yung kulay dilaw na plato.
“Nay? Pwede na ba akong kumain ng cake?” ngingiti-ngiti mo pang tanong sabay presenta sa harap niya ang walang laman mong plato. Agad naman siyang tumango at binigyan ka. “Yehey! ’Yung kulay dilaw lang ma, ah?” Napa-palakpak ka na lamang sa saya.
Isusubo mo na sana ang cake na inilagay mo sa iyong kutsara nang mahagip ng iyong paningin ang mga mata ng mga bisita ninyong titig na titig sa iyo. Suot nila ng malalapad na ngiti sa kanilang mga labi, parang ang saya nila. Kaya imbis na isubo ang pagkain, ibinaba mo nalang ito. Bakit ka ba kasi nila tinititigan ng ganiyan? Nakaka-ilang!
“Natigilan ka yata anak?” Matapos kang tanungin ng iyong ina’y agad niya namang sinita ang inyong mga panauhin. “Kumain na nga kayo.”
“Nay, bakit ninyo ako tinititigan kanina? Madungis na ba ako?” tanong mo pa imbis na sagutin siya. “Wala. Masaya lang sila dahil masaya ka,” nakangiti niya pang wika.
Matapos ang maliit ninyong handaan, ipinatugtog ng iyong ina ang “maligayang araw” sa luma ninyong piyano. Sumayaw naman ang mga bisita ninyong puro lang naman mga binata’t dalaga habang kumakanta pa ng kantang hindi pamilyar sa iyo gamit ang gitara. Makikita mo ang galak sa kanilang mga mukha, dahilan upang mahawa ka na rin dito.
“Panginoon, salamat po ulit, ah? Salamat at binigyan mo ako ng mga magulang na lagi nalang akong binubusog ng mainit na pagmamahal. Wala man dito si tatay, masaya pa rin naman ako dahil sa mga regalo niya, at dahil na rin po kay inay na kailan ma’y hindi ako iniwan. Huwag mo po silang kunin sa akin, ah? Huwag mo pong hayaan na iwan nila ako,” kausap mo pa sa nakapakong mahal na Jesus sa krus na nakalagay sa maliit mong altar.
“Anak?” Agad kang napalingon nang biglang pumasok ang iyong ina at naglakad papalapit sa iyo.
“Napasaya ka ba namin kanina?” tanong niya nang makalapit sa iyo. “Oo naman po,” sagot mo pa. “Masayang-masaya!”
“Nagustuhan mo ba ang mga regalong ipinadala sa iyo ng iyong itay?”
“Nay, oo naman. Basta kulay dilaw ayos na sa akin. Kaso...”
“Kaso ano anak?”
“Mas masaya sana kung naka-uwi si itay.” Napabuntong hininga na lamang ang iyong ina. Napatingin nalang siya sa malayo. Halos hindi magawang tingnan ka sa mga mata.
“Alam mo naman na talagang hindi pwedeng iwan ng iyong ama 'yong trabaho niya roon diba? Tsaka, sinabi ko na rin sa iyo dibang madalang ang barko ngayon na papuntang Maynila?” sunod-sunod niya pang tanong. Napatango ka nalang dahil dito. Tama nga naman siya. Bakit mo pa ba kasi tinatanong ’yang inay mo gayung ilang ulit na niyang pinapaliwanag sa iyo ang dahilan?
“Sige anak, aalis na ang nanay,” wika niya nang hindi ka makasagot.
“Maglalabada ka na naman po kina Aling Awring?” tanong mo pa sa kaniya.
“O-Oo,” na-iilang niyang sagot sa hindi malamang dahilan. “S-Sige, alis na ako. Nandiyan naman si Carlito sa labas kung may kailangan ka.”
Gusto mo sanang pigilan ang iyong ina—ngunit hindi mo magawa. Hindi naman kasi siya nag-t-trabaho noon, eh. Kaso, mula noong huling umalis ang iyong ama, isang taon na ang nakaraan, sinimulan na niya ang pamamasukan bilang labandera sa isang mayamang pamilya sa inyong lugar. Wala kang ideya kung bakit. Maraming beses mo na nga siyang sinusubukang tanungin, ngunit binabaliwala ka lamang niya.
“Mag-ingat ka po. Huwag masyadong magpapapagod,” wika mo pa sabay halik sa kaniyang pisngi. Napangiti na lamang siya dahil dito.
Nang makaalis ang iyong ina, mag-isa ka na lamang na na-iwan sa kulay dilaw mong kwarto. Tanging katahimikan ang bumalot sa buong silid. Ni hindi ka man lang gumagalaw o umiimik. Malayo sa realidad ang iyong diwa. Maraming mga bagay ang tumatakbo sa iyong isipan.
“Kamusta na kaya ngayon si tatay?” tanong mo pa sa iyong sarili. Isang taon na rin mula noong huli mo siyang nayakap at nahagkan.
Dahil sa lungkot, dahan-dahan kang tumayo mula sa kina-uupuang kama at naglakad papunta sa maliit at kulay araw mong aparador. Agad mong hinanap sa loob nito ang kahon na pinaglalagyan mo ng mga sulat sa iyo ng iyong ama.
“Nandito lang ’yun eh,” bulong mo pa sa iyong sarili. Bakit ba kasi hindi mo makita ’yong kahon na iyon? Sa pagkakaalala mo, nasa loob lang naman ng aparador mong ito iyon nakatago.
Halos mailabas mo na lahat ng mga laruan at iba pang mga gamit ngunit hindi mo pa rin nakikita ang iyong hinahanap. Nandito lang ’yun eh. Bakit hindi mo makita?
"Baka itinago ni nanay." Agad kang tumayo at lumabas sa iyong silid. Hindi mo na muna ibinalik ang mga laman ng aparador. Mamaya nalang, may dapat ka pang hanapin.
Nang tuluyan kang makalabas sa kulay dilaw mong kwarto, isang pinto ang agad na sumalubong sa iyo. Agad mong pinihit pabukas ang pintuan ngunit hindi ka nagtagumpay. Pilit mo itong binubuksan ngunit hindi mo magawa. Isinarado na naman ito ng iyong ina.
Napabuntong hininga ka nalang. Nang dahil lang sa isang maliit na kahon naligo ka na sa pawis? Talaga namang malaki talaga ang importansiya nito sa iyo.
Wala ka nang nagawa pa. Wala ang iyong ina kaya hindi mo siya matatanong tungkol sa iyong hinahanap. Pumasok ka nalang pabalik sa iyong kuwarto dala-dala ang mabigat na damdaming iyong nararamdaman. Nasaan ba kasi iyon?!
Sa iyong paglalakad, maigi mong inilibot ang iyong paningin sa iyong silid, dahilan upang hindi mo na namalayan ang mga laruan sa sahig. Nagulat ka nalang nang bigla kang mawalan ng balanse't matumba. Namalayan mo nalang ang iyong sariling nakasubsob ang mukha sa malamig na sementong sahig.
“Lola Ellienita!” mga salitang iyong narinig bago sakupin ng kadiliman ang iyong diwa.
Nagising ka nalang na nakahiga na sa iyong kama. Ramdam mo ang bendang nakalagay sa iyong ulo. Hindi mo alam ngunit parang nanghihina ang iyong buong katawan. Gusto mong gumalaw ngunit hindi mo magawa. Bakit?!
"So ano, mommy? Dadalhin ba natin siya sa hospital?" tanong ng isang binata sa isang babaeng nakatalikod sa iyo. Papalabas sila sa iyong silid.
“Hindi na kailangan Charlie, I already told mama's private doctor about what had happen. He'll be here twenty minutes from now.” Ano bang sinasabi ng babaeng ito? Bakit hindi mo maintindihan?
Nang makalabas sila, agad mong pinilit ang iyong sariling makabangon. Laking gulat mo nang maka-upo ka na sa iyong hinihigaang kama nang makita mo ang iyong hinahanap na kahon sa lamesang nasa gilid nitong iyong hinihigaan. Wala naman ito kanina, ah?
Ngunit mas ikinagulat mo ang sumunod na nangyari. Nang iyong kukunin na sana ang kahon gamit ang iyong kanang kamay, nakita mo ang parte na ito ng iyong katawan na naging iba sa iyong inaasahan. Ibang-iba nasa malambot mong balat na meron ka kaninang umaga. Naging makulubot na ito!
Kinuha mo ang salamin sa ibabaw ng mesa, pinagmasdan ang iyong repleksiyon na may nanlalaking mata sa gulat. “Ano bang nangyayari?” Agad na ikinabigla mo pa nang marinig mong maging ang iyong boses ay nag-iba. Bakit?!
Nabitiwan mo ang iyong hawak na salamin dahilan upang makagawa ito ng isang ingay. Muli kang napahiga. Sa puntong ito, hindi ka makagalaw! Bangungot ba ang lahat ng ito? Paano naman kung totoo nga? Anong gagawin mo?!
“Agad akong pumunta rito matapos ang naging tawag mo. Nag-aalala akong baka dahil sa pagkabagok niya ngayon ay mas lumalala ang kaniyang mga sakit, lalo na ang kaniyang Alzheimer's desiese.” Pilit mong iginagalaw ang iyong ulo papunta sa pinto ng iyong silid. Nais mong makita ang nilalang na papapasok dito. Ngunit hindi mo magawa. Hindi ka makagalaw.
“Pag nangyari po ba 'yon, tuluyan na ba siyang makukulong sa kaniyang nakaraan pitumpo't-pitong taon na ang nakalilipas? Tuluyan na bang magiging bata siya sa kaniyang isipan at ako bilang kaniyang ina sa kaniyang pangingin?” Bumilis ang tibok ng iyong puso nang marinig ang boses na iyon. Hindi ka pwedeng magkamali, boses ito ng iyong nanay.
Pilit mong iniipon lahat ng iyong lakas upang maibukas ang iyong bibig. Nais mong magsalita. Nais mo siyang tanungin tungkol sa kaniyang mga pinagsasasabi. Diba dapat naglalaba siya ngayon? Bakit siya narito? At tsaka, sino 'yang kasama niya?
Ngunit sa tuwing pinipilit mong makagalaw, mas lumalala ang sakit at panghihinang iyong nararamdaman. Dahil sa nangyayari, unti-unti mong namamalayan ang pagtulo ng maliliit na butil ng tubig mula sa iyong mata. Nais mong gumalaw ngunit bakit parang katawan mo mismo ang pumipigil sa iyo?
Sa hindi malamang dahilan, bigla ka nalang nakaramdam ng kakaibang sakit sa iyong ulo. Ramdam mo ang pagbilis ng iyong paghinga. Gusto mong sumigaw sa sakit ngunit hindi mo magawa. Kasabay ba ng pagtanda ng iyong pisikal na anyo ay ang pagiging pepe mo rin?
“Mommy?!” Patakbong lumapit sa iyo ang babaeng kinilala mo bilang iyong ina.
Kasing bilis ng takbo ng isang kabayong nangunguna sa karera ang pagtibok ng iyong puso. Pinipilit mong abutin ang iyong hininga ngunit hindi mo magawa. Naninigas ang iyong katawan. Hindi mo maigalaw ang iyong mga labi. Bakit?!
Ramdam mong may masamang nangyayari sa iyo. Dahan-dahan. Pa-unti-unti. Sa hindi malamang dahilan, bigla kang naubusan ng hininga.
“Maminay!” sigaw ng mga binata't dalagang nakapalibot sa iyo.
Habang pinagmamasdan ang mga mukha nila, isang alaala ang lumabas sa iyong isipan...
“Sigurado ka po bang aampunin natin silang lahat?” tanong ng isang dalaga sa iyo. Tinitigan mo siya bago sinagot. Talagang kuhang-kuha niya ang mukha ng iyong ina.
“Oo. Alam ko kung gaano kahirap mawalan ng mga magulang sa murang idad. Ayaw kong magaya sila sa aking ipinagpasa-pasahan matapos kaming iwan ni itay at mamatay si inay dahil sa sakit noong pitong taon pa lamang ako. Nais kong matulungan silang punuin ng masasayang alaala ang kabataan nila kahit na wala na ang kinamulatan nilang magulang,” sagot mo pa sabay ngiti. Pinagmamasdan ninyo ang mga batang masayang naglalaro sa isang makulay na silid.
Napangiti na rin ang iyong kasama sa iyong sinagot. “Talagang ipinagmamalaki kong ikaw ang naging mommy ko.”
“Ginagawa ko lang ang sa alam kong dapat. Nais kong sa kanilang pagtanda, ang masasayang araw nila bilang mga bata ang unahin nilang balikan. Dahil para sa akin, ang pinakamasayang parte sa buhay ng tao ay noong siya'y inosente pa lamang.” Agad kang niyakap ng iyong anak matapos mo itong sabihin.
“Huwag kang mag-aalala mommy, tutulungan kita riyan.”
Tumulo ang maraming luha sa iyong mga mata. Hindi mo lubos maisip na ang iyong nais para sa iba ay sa iyo mismo nangyari ngayon. Dahil sa labis na pagmamahal mo sa iyong nakaraan, nang ikaw ay tumanda'y muli mo itong binalikan. Talaga namang walang kasiguraduhan sa buhay. Ang akala mong totoong nangyayari ay isang malaking akala lang pala dulot ng isang karamdaman.
Pero sa lahat ng nangyayari ngayon, ang ituring mong ina ang iyong anak ang labis mong kinaiiyakan. Hindi mo alam kung matutuwa ka o maiinis dahil dito. Nais mong mapangiti dahil sa ideyang hindi nagsawa ang iyong anak na alagaan ka. Ginawa niya ang lahat maging ang pag-arte bilang iyong ina. Ngunit gayun pa man, nais mong magalit sa iyong sarili dahil sa pinaharipan mo pa ang iyong anak. Naging pabigat ka pa sa kaniyalat maging sa mga batang pinalaki mo.
“Halika na, Ellie. Sumama ka na kay nanay,” mga salitang iyong narinig mula sa tinig ng babaeng totoong nagluwal sa‘yo, sinusundo ka mula sa pansamantalang mundo na ito.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro