Ang Pulang Sining
Binilisan ko pa ang aking pagtakbo. Nararamdaman ko ang pagsigaw ng aking mga baga at ang pagnginig ng aking mga kalamnan.
Ito ang aking katawan at utak sa paghingi ng saklolo at kaligtasan subalit wala akong ibang maramdaman kundi sakit.
Napapaisip ako kung ano ang pananaw ng humahabol sa akin, kung mauunawaan ba niya ang takot ng hinahabol.
Patuloy akong tumatakbo sa kalsadang ito ngunit alam kong wala na akong oras. Sa sulok ng aking mga mata, nakikita ko ang pulang imaheng papalapit.
Sinubukan kong lakihan ang aking mga hakbang, ngunit huli na. Kumawala ako ng malakas na sigaw habang bumigay ang mga paa ko.
Bumagsak ako sa lupa. Sa paghiga ko roon ay nakita ko muli ang humahabol sa akin. Mayroon siyang nilalahad na maliit na bagay sa kaniyang kamay.
Paano ako makakatakas kung ang humahabol sa akin ay lumulutang at walang mga paa?
----
Nagising ako sa aking paniginip. Laging pareho ang bangungot ko. Malamig, madilim, nakakapagod.
Ang kalahating katawan na iyon ay lumalapit habang may inaabot na maliit na bagay. Lalapit siya, pagkatapos ay lalayo at pagkatapos ay mas lalapit muli.
Nilibot ko ang aking tingin at natagpuan ko muli ang aking sarili na nakatayo sa lugar na pinagtatrabahuan ko. Napalibutan ako ng mga obrang ginawa ko sa munting silid na ito. Mapa-estatwa, rebulto o iskultura.
Kadalasan ng aking mga obra ay nakukulayan ng iba't ibang klase ng pula. Hindi dahil sa paborito kong kulay ay pula, kundi dahil marami ang kahulugan ng pula.
Bilang isang manlililok, mahalagang mararamdaman ng mga tao ang pinapahiwatig ng aking mga obra. Mahalagang makita nila kung gaano katapang ang kulay pula.
Sa kabilang panig naman ng silid, may mga nakaladlad na koleksyon ko ng mga music box. Apat na pu't siyam ang mga music box ko. Ang isa'y binigay ko sa aking asawa na si Isabel.
Nakahiligan ng aking asawa ang musika. Dahil rin doon, napagisip-isip naming mangolekta ng music box sa bawat lugar na napupuntahan namin. Lahat ng mga music box na nakalap namin ay inuukitan ko ng 'E.M' - Eduardo Martinez.
Dalawang linggo na akong natutulog dito. Ayon sa aking saykayatrista, manatili muna ako rito sa halip sa aking tahanan. Mayroon daw insidenteng nangyari roon subalit hindi ko maalala.
Lubaybay ang mga balikat, nagtungo ako sa maliit kong kwarto. Kinusot ko ang aking mga mata at humiga sa kama.
Noong una, akala ko paulit-ulit lang na nababangungot ako ngunit 'di nagtagal naging istorbo na ito sapagka't pinipigilan akong magpahinga habang tulog.
Ikinislot ko ang aking kamay at kinuha ang phone sa bulsa ko. Walang pa ring mensahe gaya ng dati.
Bahagya akong bumangon at binuksan ang radyo. Pinalipat-lipat ko ang mga stasyon hanggang sa makarinig ako ng kwento ng isang detektibong naglulutas ng pagpatay.
Unti-unting bumibigat ang talukip ng aking mga mata at nakakaramdam na ako ng matinding pagkaantok habang nakikinig sa radyo.
----
Binangungot muli ako. Parang naulit ang eksena ng aking bangungot kanina at ang mga kaganapa'y eksaktong-eksaktong naipalabas ng dalawang beses sa isang gabi.
Nagising ang diwa ko ngunit nanatiling nakapikit ang aking mga mata habang tinitiis ko ang sakit sa aking ulo mula sa bangungot.
Minulat ko ang aking mga mata ngunit agad akong napahiyaw ng malakas. Nasa kalagitnaan ako ng madilim at maputik na kalsada.
Ito ang kalsadang nasa panaginip ko kung saan hinahabol ako ng pigura. Paano ko ito matatawag na bangungot kung hanggang paggising ko ay hindi ako nilulubayan?
Inilibot ko ang aking paningin. Sa ilang mga kadahilanan, mukhang pamilyar sa akin ang lugar. Kaunti lamang ang mga bahay at maraming mga puno. Masasabi kong wala ako sa syodad.
Sinilip ko ang orasan sa aking pala-pulsuhan. Mag-aalas dos pa lang ng madaling araw. Kumawala ako ng buntong hininga at napahilamos ako sa aking mukha ngunit nagtaka nang maamoy ang samyo ng air freshener ng aking kotse mula sa aking kamay.
Wala akong natatandaang, ginamit ko ang kotse. Tumingin ako sa aking paligid at nakapansin ako ng mga bakasin ng isang kotse buhat ng putikang kalsada.
Habang sinusundan ang bakasin, pinipilit kong isinasaulo ang lugar na ito. Napuntahan ko na ito noon subalit hindi ko maalala dahil sa Alzheimer's disease ko.
Humalukipkip ako sa aking dyaket at nanginginig na naglakad. Ilang minuto ang nakalipas, natagpuan ko ang bakasin ng aking kotse sa isang maliit na tiyatro. Sa mga bakasin, napansin kong nagparke ang kotse ko rito ngunit nagpatuloy ang bakasin papalyo.
Sa aking pag-uusisa, pumasok muna ako sa tiyatro bago sundan ang iba pang bakasin. Dumaan ako sa bintana at maingat na bumaba. Kaunti lamang ang mga ilaw na nakabukas dito.
Habang naghahanap ako ng pahiwatig kung bakit minsang nakaparada ang kotse ko rito, nakapansin ako ng mga mapuputik na yapak sa makinis na sahig.
Sinundan ko ang mga yapak. Bawat hakabang na tinatahak ko ay naglilikha ng mga eko sa tahimik at malawakang pasilyo ng tiyatro. Napansin kong patungo iyon sa awditoryum.
Habang patagl ng patagal, nararamdaman ko ang masakit na pagpintig sa aking utak na siyang pinipilit maalala ang lugar na ito.
Binuksan ko ang malaking pinto ng awditoryum at bumungad sa akin ang sandamakmak na mga pulang upuan. Sa pinakaharap naman ay may malawak na entablado.
Sinundan ko pa rin ang maputik na mga yapak. Patungo iyon sa likod ng entablado kung saan matatagpuan ang maraming mga silid na siyang ginagamit pamalit ng mga damit ng mga mananayaw, mang-aawit at mga aktor.
Tumigil ang maputik na yapak sa harap ng isang silid. Sa pinto may papel na nakadikit, "To restrict the artist is a crime. To restrict her is a crime."
Napalibutan ng kaba at takot ang aking galugod. Nagsitayuan ang bawat hibla ng buhok sa aking katawan. Ganyan ang sulat-kamay ko.
Mabilis kong binuksan ang pinto at bumungad sa akin ang isang pulang iskultura subalit kalahati lamang iyon. Beywang hanggang paa lamang ang iskultura at halatang biniyak iyon.
May damit na pang ballerina ang nakasuot sa bewang at ang mga paa'y may suot na sapatos pang ballet.
Hindi ko maiwasang maalala ang panaginip ko. Lumapit pa ako sa iskultura at aking napansin na hindi ito purong iskultura. Katawan talaga ito na sinemento at pininturahan ng pula. Kitang-kita ko ang puting galugod na nagtatampisaw sa pulang likido.
Ito ang kulay ng dugo, ngunit hindi ang matingkad na pula ng sariwang dugo, sa halip ay magkahalong kayumanggi at pula.
Sa gilid ng kalahating katawan ay may papel sa ibabaw ng mesa, "How can you dance without legs?"
Kumunot ang aking noo at binasa muli ang papel. Hindi na iyon nakasulat kamay tulad ng nabasa ko sa pinto, kundi ay naka-limbag. Labis pa rin ang pagtataka ko na ang nakasulat sa pinto ay katulad ng sulat-kamay ko.
Marahan akong napaatras sa aking nasaksihan. Nakakaramdam naman ako ng maayos kaya hindi ito bangungot.
Ito ang pinaka-ayaw kong karamdaman, ang lahat ng ito ay mukhang pamilyar. Kinapa ko sa aking bulsa ang phone ko at aking nakita na alas tres na.
Lumabas ako sa tiyatro at nagpasyang sundan ang bakasin ng aking kotse.
Ilang sandali, napagtanto kong patungo iyon sa aking tahanan. Sa 'di kalayuan, natanaw ko ang kotse kong nakaparada. Mabilis akong tumakbo papunta sa tapat ng aking pinto at sinusi saka pumasok sa loob ng aking tahanan.
Bumungad sa akin ang kakaibang amoy ng aking tahanan buhat ng mga panis na pagkain at mga amag. Nakikita ko muli ang mapuputik na mga yapak. Patungo iyon sa kwarto ko.
Pipihitin ko na sana ang hawakan ng pinto subalit ito'y naka-kandado. Nagtungo ako sa mga paso at isa-isang hinanap ang susi.
Sa aking paghahanap, napansin ko muli ang isang papel na nakapatong sa paso ng mga rosas, "Enter at your own risk."
Mula roon nahanap ko ang susi. Minadali kong binuksan ang kandado. Malakas ang kutob kong may ugnayan ito sa aking panaginip. Siguro nga upang matapos ang bangungot ay tuklasin ko muna kung ano iyon.
Marahas kong tinulak ang pinto ngunit napako ako sa aking kinatatayuan. Nais kong pumikit. Nais kong tumakbo ngunit hindi ko kaya.
Nakahiga sa aking kama ang itaas na bahagi ng sementadong katawan. Siya ang napaginipan ko. Nakataas ang kamay ng estatwa at may maliit na bagay sa kaniyang kamay.
Inawang ko ang aking bibig upang sumigaw ngunit hindi na ako makagalaw sa nakakapangilabot na eksena sa harapan ko.
Si Isabel.
Siya ang nawawalang iskultura ko.
Nagsibagsakan ang aking mga luha sa kalahating katawan ng babaeng sinemento na may mukhang nanghihingi ng tulong at nakiki-usap.
Napansin ko na may munting kahon sa tabi niya. Isang music box. Ito ang binigay ko sa kaniya.
Binuksan ko ang music box at tumugtog ang isa sa mga paborito kong klasikal na kanta, ang Swan Lake.
Binasa ko ang papel na nakasilid doon, "Can you dance with your partner without legs? Can he dance without you? Is this what it feels to be betrayed? I hope it's worth it."
Mas lalo akong kinilabutan dahil sulat-kamay ko iyon. Mula sa music box, naramdaman ko ang magaspang na ukit sa aking daliri. Sinuri ko ang likod ng music box at naroon ang mga letrang 'E.M.'
Ibinaba ko sa gilid ng kama ang music box. Aalis na sana ako nang mapatingin ako sa bagay na hawak ni Isabel. Isang cell phone.
Hahawakan ko na sana ang phone ngunit natigil ako dahil ayaw kong hawakan ang katawan niya subalit ito lamang ang paraan upang manghingi ng tulong.
Kinuha ko ang phone at maingat na tinanggal iyon mula sa kaniyang kamay. Tuwing nararamdaman ko ang semento, kinikilabutan ako. Lalo na nang makarinig ako ng mga bitak sa kaniyang palapulsuhan at mga daliri.
Nilakasan ko pa ang pag-alis ng phone sa kaniyang kamay at nakarinig ako ng dalawang daliring naputol.
Tuluyan kong naalis ang phone at binuksan. Dalawang porsyento na lang ang baterya. Pagka-swip-up ko doon, sumalubong sa nakasisilaw na screen ang pag-uusap namin sa text messages.
Habang nagbabasa, naririnig ko pa rin mula sa music box ang Swan Lake.
Isang mensahe mula sa numero ko ang aking napansin at doon nagkaroon ng katuturan lahat ng aking nasaksihan.
To my cheating wife, please leave.
Kasing bilis ng kidlat, ang marupok na sahig ay bumigay at ako'y nahulog sa isang malaking lalagyan na gawa sa salamin. Agad akong nakaramdam ng pagbuhos ng malamig na bagay mula sa aking ulo, pababa sa aking katawan
Hindi iyon tubig lang kundi pinaghalong tubig at buhangin.
Mabilis kong inalis ang semento sa aking mukha upang makahinga ngunit binigo ako nang nadagdagan pa ang sementong bumubuhos. Sinubukan kong sumigaw ng tulong ngunit huli na.
Napuno ng semento ang buong lalagyan at wala akong makita kundi kadiliman. Bumibigat ang aking dibdib at ulo dahil sa bigat ng semento na nagtutulak sa akin pababa.
Unti-unti akong nakaramdam ng pagkahina sa tuhod hanaggang sa bumigay ang mga iyon. Ang mga baga ko'y sumisigaw ng hangin.
Maraming nagsasabi na kapag mamamatay ka, magbabalik ang iyong mga alaala mula pagkapanganak hanggang kasulukuyan. Totoo nga.
Sa kabila ng pagkakaroon ko ng Alzheimer's, naalala ko lahat. Naaalala ko ang araw na nakilala ko si Isabel. Kung papaano siya sumayaw sa entablado ng tiyatro na may labis na pagkamatikas.
Ang kaniyang mga galawan ay perpekto at doon nag-umpisa ang aming pagkikita hanggang sa makasal kami.
Sa ikatlong taon ng aming pagsasama, napanisn kong nanlalamig siya. Unti-unti siyang dumidistansya sa akin. Inimbestigahan ko iyon at nahanap kong nakikipaghalikan siya sa lalaking kasama niya sa ballet.
Ilang linggo ko iyong pinalampas subalit nababahala na ako. Isa-isa kong sinemento ang mga kasama ni Isabel sa ballet. Sinunod ko ang pinalit niya sa akin.
Nadagdag sila sa mga koleksyon ng aking obra. Pininturahan ko rin sila ng pula.
Nalaman iyon ni Isabel at labis na ang pagkamuhi niya sa akin. Isusumbong niya raw ako kaya wala naman akong magawa kundi isemento rin siya.
Naalala ko kung paano ko siya sinemento at binasag ang kaniyang katawan. Naaalala ko kung paano ko itinayo ang lalagyang kinaroroonan ko at ang sementong nilagay ko sa taas para sa mga pulis.
Naaalala ko kung paano ako mag lakad habang tulog simula niyon. Para sa mga pulis dapat sementong ito subalit ako ang nahuli sa sarili kong patibong.
Nagpatuloy ang pagbabalik-tanaw ko hanggang sa kumawala ako ng huli kong hininga.
To my cheating wife, I leave.
************************************
#AngPulangSining
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro