Ang Pangitain
Tatlumpung minuto. Tatlumpung minuto na lang bago sakupin ng dilim ang kalangitan.
Dilim. Dilim na may kasamang lagim.
"Nay, dito na lang kayo sa bahay, please."
Naglagay ng pulbos sa mukha ang ina ng dalaga. "Ano ka ba, Geraldine? Lunar eclipse lang, takot na takot ka na? Sisilip lang naman kami. E kung ayaw mo, dito ka lang sa loob ng bahay."
"Pero, 'Nay..."
"Tama si nanay, Ate," sabad ni Felix, ang nakababata niyang kapatid. "D'yan lang din naman kami sa balkonahe o. Tamang-tama. Kita ang buong kalangitan."
"Felix, hindi mo kasi naiintindihan!" Bahagya nang tumaas ang boses ng dalaga dahil sa desperasyon.
"Na ano, Ate?" Umalingawngaw sa buong kabahayan ang tinig ng binatilyo. "Ano ba ang hindi namin maintindihan? Tungkol na naman ba 'yan sa panaginip mo? E 'di ba noon, pinakinggan ka naman namin? Noong may bagyong Lando, sabi mo lumikas tayo kasi napanaginipan mong aanurin 'yung bahay natin? Oh, ano ang nangyari? Inanod ba? Tapos noong mag-a-outing tayo sa Batangas last year, hindi rin tayo natuloy kasi sabi mo napanaginipan mong masusunog ang bahay natin habang wala tayo. Nasunog ba?"
Napayuko si Geraldine habang pinaglalaruan ang kanyang mga kamay. "Iba ang pakiramdam ko ngayon, Felix. Malakas ang insinuasyon kong magkakatotoo ang panaginip ko."
Isang pagak na tawa ang pinakawalan ng binatilyo. "Na ano? May lalabas na mga maligno mamaya?" Nilapitan ni Felix ang kanyang ate at inakbayan. "2021 na, naniniwala ka riyan? E parang mas posible pang magustuhan ka ng crush mong si Taehyung kaysa may lumabas na kung ano-ano."
Nakagat ni Geraldine ang pang-ibabang labi niya. Mukhang hindi na nga niya makukumbinse ang pamilya niya. Idinadalangin niya na lang na sana sa pagkakataong ito ay mali pa rin siya ng hinuha. Na baka tama nga ang kapatid niya.
Bata pa lamang siya ay samu't saring pangitain na ang nakikita niya.
Hindi niya alam kung maituturing niya itong biyaya o isang sumpa. Gusto niyang mamuhay nang normal tulad ng ibang mga bata ngunit hindi niya magawa. Minsan kasi ay bigla na lang lumalabas ang pangitain at wala iyong pinipiling oras. Katulad na lang noong minsang naglalakad siya galing sa eskwelahan. Bigla na lang siyang may pangitain na magkakaroon ng aksidente sa kanto na daraanan niya. Bigla siyang kinabahan kaya nag-iba siya ng direksiyon na dinaanan. Kinagabihan ay nalaman niya na totoo ngang may aksidente at naganap 'yun ilang minuto bago sana siya dumaan doon. Kung hindi siya nag-iba ng direksiyon ay maaaring pinaglalamayan na siya.
Ngunit hindi naman lahat ay nagkakatotoo. Tulad na lang ng sinabi ng kapatid niya. Dahilan 'yun para pagdududahan siya ng kanyang pamilya. Hindi naman niya masisi ang mga ito. Hindi rin naman kasi biro ang panahon at pera ng magulang niya na nasayang dahil lang sa pagpigil niya sa mga lakad nilang akala niya'y ikapapahamak nila.
Ngunit ibang-iba ang pakiramdam niya sa pagkakataong ito.
Isang linggo ang nakaraan nang lumabas ang balita na magkakaroon ng total lunar eclipse. Ito ang pangyayari kung saan ang mundo ay pumapagitna sa araw at buwan dahilan para hindi makarating ang sinag ng araw sa buwan sa loob ng ilang oras.
Ang pangyayaring ito ay nagdulot ng pagkabagabag sa dalagang si Geraldine. Mula kasi ng araw na iyon ay paulit-ulit siyang binabangungot. Mga pangyayaring nakahihilakbot tungkol sa lagim na maaaring bumalot sa gabi ng paglilinya ng araw, mundo at buwan.
Hindi niya maipaliwanag nang maayos ang hitsura ng mga ito. Ang alam lang niya ay mas nakakatakot pa iyon sa mga nilalang na madalas inilalarawan ng mga aklat at lathalain.
May punto naman ang kapatid niya. Nasa moderno na silang panahon at ang mga kuwento tungkol sa ganoon ay hindi na pinaniniwalaan. Ngunit hindi pa rin siya naaawat. Habang papalapit ang pagsapit ng ika-26 ng Mayo ay mas lalong lumalakas ang pangitain niya. Ang nakapagtataka pa roon ay paulit-ulit iyon sa tuwing siya ay natutulog. Na nakapagtataka dahil kapag nagkakaroon siya ng pangitain noon ay isang beses lamang niya iyong nararanasan. Hindi na nauulit pa. Ibang-iba sa ngayon dahil gabi-gabi iyong umuulit sa panaginip niya.
"Sundin natin si Dindin. Huwag na kayong lumabas. Dito na lang tayo sa loob ng bahay." Napatingin sila sa pinagmulan ng malagom na tinig na iyon.
"Tatay..."
Dahan-dahang bumaba ang matanda sa hagdanan ng kanilang abang bahay.
"Kung tutuusin, mahamog din sa labas. Panoorin na lang natin sa Facebook 'yung live ng eclipse."
Lumaylay ang balikat ng ina at kapatid ni Geraldine. Malaki ang respeto nila kay Tatay Lando kung kaya 'pag may sinabi ito ay sinusunod na lang nila.
Isinara ni Geraldine nang mabuti ang pinto at bintana. Sinigurong mahigpit ang mga iyon para hindi madaling mabuksan. Nang matapos siya ay nakikumpol siya sa mga kapamilya niya sa sala. Kaharap nila ang isang malaking LED TV kung saan naka-screen mirror ang cellphone ni Felix.
Unti-unti nang binabalot ng dilim ang buwan. Ang bawat isa sa kanila ay mataman lamang nakatutok habang inaabangan ang tuluyang pagsakop ng dilim sa bilog na buwan.
Ilang sandali na lang ay malapit nang mangyari ang kanilang pinakahihintay.
"Mas maganda siguro kung makikita natin mis—"
Naudlot si Felix sa pagsasalita nang gimbalin sila ng tahol. Mali. Alulong ng maraming aso sa labas ng bahay.
Napahawak si Aling Maria sa kanyang mga braso na pinangingilagan ng balahibo.
Mas lalo pang lumakas ang pag-alulong na sinabayan pa ng paghihiyawan ng mga tao sa labas. Hiyaw na may kasamang pananaghoy at iyak na dulot ng sakit. Para kang nasa eksena ng isang nakatatakot na palabas. Ngunit ang nangyayari ngayon ay totoong-totoo.
Napatingin ang mag-anak sa isa't isa. Banaag sa kanilang mukha ang tensiyon at pagtatanong.
"A-Anong meron?" Dahan-dahang lumapit si Geraldine sa bintana. Inililis niya ang kurtinang nakaharang upang tingnan ang komosyon sa labas ng bahay.
Nanlaki ang mga mata niya sa nasaksihan. Paroo't parito ang nagtatakbuhang mga tao. Mayroon ding mga nakahimlay sa kalsada na sa wari niya ay wala nang buhay.
Iniliit niya ang mga mata nang mas luminaw ang mga ito. Sindak at hindik ang kanyang nadama nang mausisa niyang hindi lang basta patay ang mga nakahiga sa kalsada. Karamihan sa mga iyon ay bulwak ang bituka at hati-hati ang katawan. Walang pinatawad. Matanda man o bata, babae o lalaki. Lahat-lahat ng nasa labas ay hindi nakatakas sa malagim na kamatayan.
Hindi pa man nagpoproseso ang lahat sa utak ni Geraldine ay napadako ang tingin niya sa kakaibang nilalang na hindi niya masabi kung ano ba. Basta ang alam niya, ang tindig ng mga ito ay parang tao ring tulad nila ngunit may apat na paa. Puno ng balahibo ang katawan, may buntot, mahahabang pangil at kuko at nakatatakot na itsura. Nababalutan din sila ng naglalangis na likido na para bang hindi nauubos kahit madikitan ng anumang bagay.
Hindi nila mabilang sa daliri kung ilan ang naroon. Ngunit sa tantiya ay higit daan ang mga iyon. Abala ang mga ito sa pag-apuhap sa mga taong nasa labas. Na para lamang silang humahabol ng isang manok sa sobrang liksi nilang kumilos.
Ilan sa mga ito ay nakayukod habang nilalantakan ang laman-loob ng mga bangkay na nakamulat pa.
Itinakip ni Geraldine ang mga kamay sa kanyang bibig. Kung gayon, nagkatotoo ang kanyang pangitain!
Agad pumunta si Tatay Lando sa kusina. Kinuha nito ang itak na bagong hasa.
"S-Saan ka pupunta, Lando?" garalgal ang boses ni Aling Maria nang tanungin niya ang kanyang esposo.
"Hindi puwedeng wala tayong gawin! Kailangan kong protektahan ang pamilya natin." Halos lumabas ang litid ng lalaki habang mahigpit ang pagkakahawak nito sa itak na hawak.
Agad siyang dinaluhong ni Geraldine. Humahagulgol na ito sa kaiiyak. "Itay! Huwag na po kayong lumabas!" Mahigpit na hinawakan ng dalaga ang binti ng kanyang ama.
Naramdaman ni Geraldine ang pagkilos ni Tatay Lando. Umupo ito sa sahig sabay tapon ng itak sa may dako pa roon
Agad na lumapit sina Aling Maria at Felix at mahigpit na niyakap ng pamilya ang isa't isa.
"Tatay, umalis na tayo rito. Baka pumasok sila. Ayokong may mapahamak tayo!" natatarantang sabi ni Felix.
Umiling si Mang Lando. "Hindi, anak. Dito lang tayo. Hintayin natin ang muling pagsilay ng liwanag sa buwan. Matatapos din ito."
Halos isang oras pa ang lumipas. Nanatili lang sa isang sulok ng bahay ang magkakapamilya. Gusto man nilang kumilos ngunit walang sumubok sa takot na mapansin sila ng mga nilalang.
Mayamaya pa'y ang taghoy ng mga kaaawa-awang biktima na kanina'y kanilang naririnig ay unti-unti nang nawala. Ang dilim na bumabalot sa buwan ay unti-unti na ring nawala.
Tapos na ang eclipse.
Dahan-dahang lumapit ang magkakapamilya sa may bintana at sinilip ang ganap sa labas. Sa pagsinag ng buwan ay naging abo ang mga maligno at mga biktima nito. Nang tuluyan na ngang lumiwanag ang buwan ay halos wala ng bakas ng kagimbal-gimbal na pangyayari na kanina ay nagpahilakbot sa mag-anak.
Isang linggo ang nakalipas. Nakagayak na sina Maria, Lando, Geraldine at Felix. Isang sulyap ang kanilang itinapon sa kanilang barangay na tinirhan nila sa loob ng ilang taon. Pinagmalas nila ang tingin sa mga kabahayan na noo'y wala nang kalaman-laman.
"Anak, nang sabihin mo na may napanaginipan ka tungkol dito, naniniwala ako."
Napatingin si Geraldine kay Mang Lando. Ang kanyang mukha ay punong-puno ng kuryosidad habang inaabangan ang sasabihin ng kanyang ama.
"Dahil ang tungkol dito ay naikuwento sa akin ni Tata Ente noong bata pa lamang ako."
"Tatay Ente? 'Yung ermitanyo sa may pulang bahay?" tanong ni Aling Maria.
Tumango si Mang Lando. "Ayon kay Tata Ente, ang Barangay Kinatamaran ay dating pugad ng mga mangkukulam. Ayon sa sabi-sabi ay mayroong ritwal na isinagawa ang pulutong ng mga mangkukulam upang makakuha ng malakas na kapangyarihan. Ang kapalit noon ay buhay ng mga inosenteng tao na iaalay tuwing sasapit ang eclipse minsan sa isang siglo. Noong una, hindi rin ako naniniwala ngunit mayroon akong patunay."
"Patunay? Ano pong patunay, 'Tay?"
May dinukot si Mang Lando sa kanyang bulsa. Isang maliit na manyika.
Halos hindi makakurap ang mag-iina mula nang makita ang bagay na hawak ng padre de pamilya.
Hindi ito pangkaraniwang manyika. Ga-kamao ang laki nito at katulad ng hitsura ng mga elemento na sumagupa sa barangay nila.
"Paano ka nagkaroon nito, Lando? I-Itapon mo nga 'yan!" Kinuha ni Aling Maria ang nasabing manyika at itinapon sa lupa. Wala namang pagtutol si Mang Lando nang gawin 'yun ng asawa niya. Kumuha pa nga siya ng lighter para silaban ito.
Pinanood lang nila ang unti-unting pagtupok ng apoy rito hanggang sa maging abo na ito.
"Kinuha ko ito sa bahay ni Tata Ente. Ang lola ng nanay niya ay isa sa mga mangkukulam na nagsagawa ng ritwal."
"Bakit niyo po ginawa 'yun, 'Tay?"
"Dahil ayon sa sabi-sabi, kung ang isang bahay ay mayroong ganoong manyika ay hindi ito gagambalain ng masasamang elemento sa oras ng eklipse. Mabuti na lang, naalala ko rin na mayroon ako niyan dahil muntik na talaga akong lumabas noong hawak ko 'yung itak."
Nanginig ang mga labi ni Geraldine. "Ibig sabihin...si Tata Ente..."
Labag sa loob na tumango si Mang Lando.
Nagyakapan silang mag-aama at umusal ng dalangin para sa kaluluwa ng matanda. Isinama na rin nila sa pagdarasal ang kaluluwa ng iba pang namayapa.
"Patawarin mo kami anak kung noong una ay hindi ka namin pinakinggan."
"Patawarin mo rin ako, ate," buong pagsisising turan ni Felix.
Hinigpitan ni Geraldine ang pagyakap sa kanyang bunsong kapatid at ina. "Wala 'yun, 'Nay, Felix. Ang mahalaga naman e kumpleto pa rin tayo at magkakasama."
Nilingon ng mag-anak ang mga kabahayan sa kanilang likuran sa huling pagkakataon.
"Tara na. Baka maiwan tayo ng huling biyahe ng jeep." Noon din ay nilisan na nila ang lugar.
Kung kailan magwawakas ang kababalaghan sa Baryo Kinatamaran ay hindi pa alam ninuman. Hangga't mayroong eklipse ay magpapatuloy pa rin ang paniningil ng mga elemento isang beses sa isang siglo. Kapangyarihan ang hiningi, buhay ang kapalit.
Ang tanong, mananatili pa bang nakatayo ang barangay na ito sa susunod na pagsapit nito?
Wakas
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro