Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 4


Nang magmulat si Nathaniel, agad na tinambol ng kaba ang kanyang dibdib nang mapagtanto niyang nasa parang siyang muli. Lumakas sa tainga niya ang huni ng mga ibon, ang mabining pagaspas ng hangin, maging ang payapang pagdaloy ng tubig mula sa batis. Sandali siyang nagpalinga-linga. Alam na niya ang susunod doon. Lilitaw ang leon at tigre at muli siyang sasagpangin.

Dahil sa takot, nagsimulang tumakbo si Nathaniel palayo sa parang. Subalit nakakailang hakbang pa lamang siya nang magsimulang bumigat ang kanyang mga paa. Tila inululubog ang mga iyon sa mainit na lupa. Nang yumuko siya, nakita niyang nakabaon na ang kanyang mga paa sa buhangin. Taranta siyang nag-angat ng tingin. Doon tumambad sa kanya na wala na siya sa parang at napapalibutan na siya ng milya-milyang buhangin.

Disyerto. Nasa gitna siya ng malawak at mainit disyerto.

Pilit siyang humakbang, subalit muling bumaon ang kanyang mga paa sa nakakapasong buhangin ng disyerto—lalo siyang pinahihirapan. Pilit siyang itinutulos sa mainit na kalagitnaan niyon. Subalit muli siyang humakbang, pauit-ulit. Hanggang sa ilang sandali pa, tuluyan na siyang nahapo. Nanuyo na rin ang kanyang lalamunan.

Tubig. Kailangan niya ng tubig.

Hindi naglipat sandali, mula sa kung saan, lumitaw ang isang tigre. Kumukinang ang balahibo nito sa ilalim ng araw. Ang mga mata nitong nanlilisik ay nakatutok sa kanya.

Agad na gumapang ang takot sa kanyang dibdib. Pinilit niyang tumayo nang maayos, humakbang palayo sa nagbabadyang kapahamakan na papapalit sa kanya. Subalit sa isang iglap, nakalapit na sa kanya tigre at mabilis na ibinaon ang mga pangil nito sa kanyang leeg.

Nagsisigaw si Nathaniel, pilit na nanlaban. Hanggang sa...

Malakas na tunog mula sa kung saan ang nagpamulat sa kanya. Bumungad sa kanya ang pamilyar na kisame ng guard quarters sa kanilang opisina. Nakiramdam siya, nasa sofa pa rin siya, nakaupo. Noon niya napagtanto na nagiginip siyang muli.

Nagbuga siya ng pagod na hininga. Panaginip lang ang lahat.

Muling rumehistro sa kanyang tainga ang malakas na tunog na siyang nagpagising sa kanya. Nang yumuko siya,naroon na sa sahig ang cellphone niya at tumutunog. Tumatawag sa kanya si Ms. Annie.

---

Alanganing kumatok si Nathaniel sa pinto opisina ni Mrs. Posadas, ang HR Manager ng kanilang kumpanya. Itinawag ni Ms. Annie ang pagpunta niya roon. Kung bakit, hindi niya alam. Hindi na kasi siya nagtanong pa nang tumawag si Ms. Annie sa kanya. Nahimigan pa niya kasi ang inis sa boses nito nang tumawag ito. Baka lalo lang itong mainis kapag nagtanong pa siya.

"Come in," anang pamilyar na tinig Mrs. Posadas sa loob ng silid.

Marahan niyang pinihit ang seradura at tinulak pabukas ang pinto. "Pinapunta po ako rito ni Ms. Annie, Ma'am," sabi niya sa may katabaang babae na nakaupo sa likod ng mesa na naroon.

Mula sa laptop nito ay nag-angat ng tingin si Mrs. Posadas sa kanya. Sandali siyang pinagsino gamit ang makapal na eyeglass nito bago nangunot-noo. "Pumasok ka at maupo, Nathaniel," anito, tinuro ang upuan sa harap ng mesa bago muling tumipa sa laptop nito.

Tahimik siyang tumalima kahit na puno ng kaba ang kanyang dibdib. Sa loob ng anim na taon niya sa kumpanya, bilang pa lang sa kamay ang mga pagkakataon na nakipag-usap siya ng solo sa babae. Istrikta kasi ito, may pagkasuplada rin kaya iwas siya rito.

Nang makaupo siya, tumikhim si Mrs. Posadas. "Nakausap ko si Boss. Ikaw raw ang dahilan ng gulo kaninang umaga sa executive floor," anito nang hindi tumitingin sa kanya, tuloy lang sa pagtipa sa laptop nito.

Agad siyang umayos ng upo. "M-Ma'am, hayaan niyo po muna akong magpaliwanag," umpisa niya bago dire-diretsong ikinuwento ang mga nangyari. "Hindi ko naman po alam na gano'n ang intensiyon ni Melody sa pagtawag niya, Ma'am. At saka hindi ko rin naman inakala na aabot sa—"

Napaigtad siya at natigilan nang biglang pukpukin ni Mrs. Posadas ang mesa nito. Naniningkit ang mga mata nitong bumaling sa kanya.

"So, sinong may kasalanan ngayon ng nangyari, Nathaniel? Si Boss? Gano'n ba?" gigil na tanong nito sa kanya, tinanggal na rin ang eyeglass nito. "Alam mo ba na sa isang organization, we always look after our own? Kahit na alam mong mali ang ginagawa ng kasama mo sa trabaho, hindi mo siya basta na lang iniiwan dapat sa ere! Nasaan na ang teamwork spirit mo? Palagi 'yang dini-discuss sa mga team building seminars natin a. Bakit hindi mo pa rin tanda? Automatic na dapat 'yon e. O talaga sigurong tinatamad ka nang magtrabaho dito sa kumpanya?"

Lalo siyang nataranta. "N-naku, Ma'am, h-hindi po 'yon gano'n. Gusto ko pa po ang trabaho ko rito, Ma'am—"

"Sabi ni Boss, tutulog-tulog ka raw sa trabaho."

Kumurap siya, lihim na minura ang sarili. Totoo 'yon, hindi niya puwedeng gawan ng palusot kaya lang, "K-kailangan ko po ang trabahong ito, Ma'am."

Nalukot ang mukha ng ginang, iritable pang ikinumpas ang kamay bago muling isinuot ang eyeglass nito. "Sana naisip mo 'yan bago mo ikinanta kay Ma'am kung nasaan kayo kahapon," sabi nito bago yumuko at hinila ang isa sa mga drawer ng table nito.

Naglabas ito ng ilang papel doon at inabot sa kanya. Nang tignan niya, porma iyon para sa clearance at termination.

Agad siyang nanlamig. Naguguluhan siyang nag-angat ng tingin sa HR Manager. "M-Ma'am, p-para po saan—"

"Sa Lunes na ang last day mo rito office, Nathaniel," putol nito sa kanya, nasa laptop pa rin ang mga mata. "I'm sorry but Mr. Dizon doesn't want your service anymore. But don't worry, ibibigay namin ang buong sweldo mo ngayong buwan at kaunting separation pay. Sa Lunes darating ang kapalit mo. Please make sure na you are here para ma-orient mo siya. Nagkakaintindihan ba tayo?" dire-diretsong sabi nito, ni hindi man lang sumulyap sa kanya.

Hindi siya sumagot, humigpit ang hawak niya sa mga papel na inabot sa kanya ni Mrs. Posadas hanggang sa tuluyang malukot ang gilid niyon.

Talaga bang tanggal na siya sa trabaho nang gano'n-gano'n lang? Labas naman na siya sa buhay mag-asawa ng amo niya pero bakit ngayong naiipit ito, sa kanya lahat ang sisi? Dahil ano, maliit lang siya? Dahil alam nilang susunod siya kahit na labag sa loob niya?

"Sige na, Nathaniel. Pirmahan mo na 'yan," pukaw sa kanya ni Mrs. Posadas maya-maya.

Lumunok siya, mabilis na nag-isip.

"M-Ma'am baka naman po puwede munang h'wag ko munang pirmahan 'to. Kakausapin ko lang po si Boss."

Muling tumingin si Ms. Posadas sa kanya, lukot ang mukha. "Ayaw ka nang kausapin ni Boss, Nathaniel. Ikaw ang puno't dulo ng gulo kaninang umaga sa taas. At saka nag-usap na sila ni Ma'am. Ikaw na lang daw ang tatanggalin kaysa ang mga nasa executive floor kanina. Kaya pumirma ka na nang matapos na 'to. Marami pa 'kong ginawa o," kaswal na utos nito sa kanya bago ibinalik ang tingin sa laptop nito.

Kumuyom na nang tuluyan ang mga kamay ni Nathaniel. Nangilid na rin ang kanyang luha. Masama ang loob niyang inabot ang ballpen na nasa mesa ni Mrs. Posadas at pinirmahan ang mga dokumentong pinapipirmahan sa kanya dahil alam niya, wala na siyang magagawa pa.

---

Tuliro si Nathaniel habang binabagtas niya ang daan pauwi. Sa isip niya ay ang mga nangyari ng araw na iyon. Halos hindi siya makapaniwala sa sunod-sunod na kamalasanag dumarating sa buhay niya. Totoong nagpaplano siyang humanap ng ibang trabaho, pero hindi naman agad-agad. Marami pa siyang utang na dapat bayaran at iba pang responsibilidad sa loob ng kanilang bahay. Kaya pa'no na ngayon? Wala na siyang trabaho. Kailangan niyang maghanap ng panibago, sa kung saang lupalop man siya makakahanap.

'Yan ay kung may tatanggap pa sa kanya. Hindi na siya bata. Sigurado siyang may mga magiging kasabayan siya sa pag-a-apply na mas bata at mas matalino. Kung naitsamba niya noon ang pagpasok sa trabaho niya ngayon, duda siyang magiging ganoon din kapag lumipat siya ng trabaho.

Marahan siyang nagbuga ng hangin at itinuon ang buong atensiyon sa pagmamaneho. Makalipas ang ilang minuto, inihinto ni Nathaniel ang kanyang motor sa garahe ng kanilang bahay. Latag na ang dilim subalit hindi pa rin nakabukas ang ilaw sa harap ng inuupahan nilang bahay na mag-anak. Sarado rin ang pinto na karaniwan ay bukas pa sa ganoong mga oras.

"Nay!" tawag niya sa ina subalit walang sumagot sa kanya. Sa hindi malamang dahilan, agad na tinambol ng kaba ang kanyang dibdib. Nagmabilis siyang bumaba sa kanyang motor at binuksan ang pinto ng kanilang bahay.

Kadiliman ang tumambad sa kanya.

"Nay!" tawag ulit niya sa i na subalit gano'n pa rin, wala siyang nakuhang sagot.

Kinapa niya ang switch ng ilaw sa dingding at pinindot iyon. Hindi naglipat sandali, tumambad sa kanya ang walang malay na bulto ng kanyang ina sa sahig.

---

Tulalang pinagmamasdan ni Nathaniel ang kanyang natutulog na ina sa higaan sa emergency room ng ospital. Nagkamalay na ito kanina. Natignan na rin ng doktor. Kaso kailangan daw nitong manatili roon ng ilang araw upang matignan nang mabuti ang kalagayan nito.

"Kuya," pukaw sa kanya ni Noel, tumabi sa kanya at sinabayan siya sa pagtitig sa ina.

Agad niyang pinasunod doon ang kapatid kanina. Si Noemi naman, hindi sigurado kung makakahabol dahil kukunin pa nito si Ashley sa kapitbahay nilang pinag-iiwanan nito sa bata tuwing nasa trabaho ito.

"Anong sabi ng doktor?" tanong niya sa kapatid. Katatapos lang nitong kausapin ang doktor na tumingin sa Nanay nila.

"Kailangan na raw ng by-pass operation ni Nanay, Kuya. Sa lalong madaling panahon daw," anito, may bahid ng pag-aalala ang tinig, hindi inaalis ang tingin sa ina.

"M-mga magkano raw ang aabutin ng... ng o-operasyon?" alaganin niyang tanong sa kapatid.

"Kalahating milyon daw, Kuya."

Mahina siyang napamura, naguguluhang ipinasada ang kanyang kamay sa buhok. Saan naman siya pupulot ng kalahating milyon sa lalong madaling panahon gayong 'heto siya, nalalapit nang mawalan ng trabaho?

"May mga puwede tayong lapitan na charity groups, Kuya. Pero kailangan pa nating maghintay bago nila tayo matulungan. At sa kaso ni Nanay b-baka..." Nangilid ang luha sa mata ng kapatid, hindi na naituloy pa ang nais sabihin.

Marahan siyang napailing, binigyan ng magaan na tapik ang balikat nito. "A-aabot 'yan. Magreremedyo ako," sabi niya, pilit na ngumiti. "Sige na, umuwi ka na. Ako na lang ang maiiwan dito para magbantay kay Nanay. Tatawag na lang ako kay Norman mamaya para siya ang hahalili sa akin bukas," sabi niya.

Tumango si Noel subalit nag-alangan ulit. "A-ano kasi, K-kuya... 'Yong ano... graduation fee. Pa'no kaya 'yon... ganito naman?"

Oo nga pala. Huwebes na ngayon. Nakalimutan niyang mag-withdraw ng suweldo. Mabilis niyang hinugot sa bulsa ang wallet niya at ibinigay ang kailangan ng kapatid.

"Salamat, Kuya. Babalik ako dito bukas pagkatapos ng klase ko," anito bago tuluyang naglakad palayo.

Hinintay ni Nathaniel na mailipat sa charity ward ang nanay niya bago siya nagtungo sa hilera ng mga karinderya sa harap ng ospital upang bumili saglit ng makakain. Malalim na ang gabi subalit hindi pa siya naghahapunan. Ang plano niya, bumili ng tinapay at kape—pantawid gutom niya sa magdamag na gugugulin niya sa pagbabantay sa ina.

Tahimik siyang kumakain sa gilid ng isang karinderya nang mahagip ng tingin niya ang tila isang pamilyar na bulto sa puno sa 'di kalayuan. Nangunot ang kanyang noo. Natitiyak niyang, 'yon ang gusgusing bata na namamalimos sa ilalim ng puno sa kanilang opisina. Mabilis niyang kinusot ang kanyang mata. Subalit nang muli siyang magmulat, wala na roon ang bata.

Lalo siyang naguluhan. Naroon ba ang bata o wala? Sinusundan ba siya nito? Bakit?

Pumalatak siya, lihim na pinagalitan ang sarili. Mukhang ginutom siya nang husto kaya ngayon, kung anu-ano ang nakikita niya.

Nagmadali niyang inubos ang kanyang pagkain. Pagbalik niya sa ward kung saan naroon ang nanay niya, tinawagan niya si Norman at inutusan itong halilihan siya bukas sa pagbabantay sa nanay nila. Mabuti na lang umoo ito kahit na hindi pa umuuwi sa kanila. Matapos niyon, humiga siya sa bakanteng kama sa tabi ng kama ng nanay niya.

Wala siyang balak matulog subalit, gaya ng mga nagdaang araw, tila palagi siyang hinihila ng antok. Ilang sandali pa, tuluyan na siyang naka-idlip. Subalit ilang minuto pa lang ang lumilipas, agad na napabalikwas ng bangon si Nathaniel. Habol niya ang kanyang hininga habang nanlalaki ang mga matang hinawakan ang kanyang leeg. Nanaginip siya ulit. Sa pagkakataon iyon, tatlong tigre na ang sabay-sabay na sumagpang sa kanya. 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro