Chapter 3
Tahimik ang buong opisina nang dumating doon si Nathaniel kinabukasan. Kaiba iyon sa kanyang inaasahang madaratnan. Bahagya siyang na-late dahil tinanghali siya ng gising. Paano, nanaginip na naman siya ng tungkol sa parang. Subalit maliban sa leon, isang tigre pa ang kasama nitong sumagpang sa kanya. Kung hindi pa siya ginising ng nanay niya, baka natuluyan na siyang talaga. Pakiramdam niya kasi, totoo ang panaginip. Pero hindi naman. Nagising siyang nasa bahay at wala sa parang.
Akala nga niya pagagalitan na naman siya ni Ms. Annie o 'di kaya ni Mr. Dizon mismo dahil na-late na siya sa pagpasok kaso, parang hindi ganoon ang mangyayari. Natitiyak niya, may nangyari bago siya makarating sa opisina.
Imbes na tumuloy sa opisina ni Mr. Dizon, nilapitan niya si Harold, ang isa sa mga janitor nila roon. "Anong balita? Bakit parang tahimik?" pabulong niyang tanong Harold habang nagmama-mop ito malapit sa water dispenser.
Alanganing sumulyap si Harold sa kanya. "H'wag kang maingay. Marinig ka ni boss, malintikan ka," bulong nito, patuloy sa pagmama-mop.
Pasimple siyang kumuha ng disposable cup at nagkunwaring kumukuha ng tubig. "Bakit nga? Anong nangayari?"
Pumalatak si Harold aat marahan siyang hinila sa gilid ng opisina, malapit sa fire exit. "Dumating si Mrs. Dizon. Nagtatalak. Nalaman na 'ata ang pinupuntahan ninyong chicks ni boss sa Bulacan." Marahan itong umiling, nagkamot ng batok. "Pinagmumura nga kaming lahat na nandito na kanina e. Kesyo raw kinakampihan namin si boss. Nagbanta pa nga. Bukas daw, wala na kaming trabaho. Malas nga e. Buti ka pa, late."
Bahagya siyang napangiwi. Kilala niya si Mrs. Dizon, istrikta ito at higit sa lahat selosa. Subalit ngayon lang talaga kasi nahumaling nang husto sa bago nitong babae si Mr. Dizon na halos araw-arawin na nito ang pagdalaw. Mukhang nakahalata na si Mrs. Dizon.
"Imposible naman tatanggalin kayo ni boss dahil lang do'n. Wala naman kayong kasalanan na nandito kanina," alo niya sa kasama.
Umiling si Harold. "Hindi mo kasi nakita si Mrs. Dizon e. Galit na galit. Parang may sapi! Ang dami ngang pinunit na papel."
Marahan siyang nagbuga ng hininga. Ayaw niyang maniwala na magtatanggal ng tao sa kumpanya si Mr. Dizon dahil lang sa gusto ng asawa nito. Pero... hindi rin siya sigurado.
Maya-maya pa, sabay pa silang napatingin ni Harold nang bumukas ang pinto opisina ni Mr. Dizon. Agad na naningkit ang mga mata nito nang makita siya.
"Nathaniel, pumasok ka nga rito! Bilis!" mataas ang boses na utos nito.
Agad na tumalima si Nathaniel sa utos ng boss. Pagkapasok na pagkapasok niya sa loob ng opisina ng amo, agad itong nagtanong.
"Tumawag ba sa 'yo ang misis ko kahapon?" anito, may halong inis ang boses.
Kumurap siya, pilit na inalala ang mga kaganapan ng nagdaang araw. "Si Melody lang po ang tumawag, boss." Si Melody ang mayordoma sa bahay ng mga Dizon. Halos kaedaran lang niya ito at ilang beses na ri niyang nakasalamuha.
"Sinabi mo kung nasaan tayo?"
Umiling siya. "Sinabi ko lang po na nasa site tayo tapos wala na."
"Saang site ang sinabi mo?"
"'Yong sa Bocaue po." May pinapatayong building doon ang amo niya. Doon din nakatira ang bagong kabit nito. Totoong sumaglit sila sa project site bago tumaloy sa kabit ng boss niya. Subalit wala pang kalahating oras doon si Mr. Dizon. Noon naman siya tinawagan ni Melody.
Nagmura si Mr. Dizon, namula ang mukha bago dinampot ang sign pen sa ibabaw ng mesa nito at ibinato sa kanya. Hindi siya agad nakaiwas. Tumama iyon sa kanyang noo. Agad siyang napasapo roon nang makaramdam siya ng hapdi roon.
"Bobo ka talaga, Nathaniel! Hindi ka man lang nagsinungaling! Sinabi ko na nga sa 'yo noon pang isang linggo na h'wag na h'wag sasabihin sa misis ko kung nasaan tayo. Oo ka pa nga nang oo. 'Yon pala, wala ka talagang kwenta! Lintik ka!" singhal sa kanya ni Mr. Dizon.
"E S-Sir hindi naman po si Ma'am ang tumawag si Melody—"
"Sumasagot ka pa talagang, b*bo ka!" inis na putol sa kanya ni Mr. Dizon. Bumaling ito kay Ms. Annie na noon ay nakatayo sa gilid ng silid, "Annie, alisin mo nga 'to sa harap ko! I cannot deal with his kinds right now. And get me HR. Now!" nagmamadaling utos nito bago dumiretso sa bar sa gilid ng opisina nito.
Mabilis naman siyang hinila ni Ms. Annie, palabas ng silid. "Ano ba naman kasi itong ginawa mong katangahan, Nathaniel? Binilinan ka na nga ni Boss na h'wag ipagsasabi kung nasaan kayo, sinabi mo pa rin sa iba. At higit sa lahat kay Melody pa. Alam mo bang kampi 'yon kay Ma'am?" Pumalatak ito, nagdadabog na inilapag sa mesa nito ang mga bitbit nitong folders.
Kumurap siya, lihim na pinagalitan ang sarili. Bakit ba kasi hindi niya naisip na tumawag lang si Melody sa kanya kahapon para hulihin kung nasaan sila ng amo niya? Siguro kasi, kursunada niya si Melody. Naging chatmate nga sila nito tatlong buwan na ang nakararaan. Kaso ito rin ang kusang hindi na nagparamdam sa kanya.
Kahapon, nang tumawag ito sa kanya, akala niya, nangungumusta lang talaga ito. Pero... ginamit lang pala siya nito para matunton sila ng amo niya.
Naguguluhan siyang napahawak sa kanyang noo. Ngumiwi siya nang makapa niyang may maliit siyang bukol doon.
"Ano? Alam mo na ngayon ang ginawa mo? Palibhasa hindi mo kasi ginagamit 'yang utak mo!" Dinuro ni Ms. Annie ang sentido niya. Muli siyang napangiwi. Mana talaga si Annie kay Mr. Dizon na laging mainit ang dugo sa kanya. Marami pa itong sinabing pang-iinsulto subalit pinili niya ang manahimik. "Umalis ka na nga lang muna dito, Nathaniel. Ginigigil mo 'ko! Doon ka muna sa guard house!" masungit na utos nito bago nag-dial ng numero sa landline.
Walang imik siyang humakbang palayo sa pwesto ni Ms. Annie. Lalo siyang nilunod sa kahihiyan nang mapagtanto niyang pinagtitinginan siya ng lahat ng tao na naroon sa executive floor. Pakiramdam niya tuloy isa siyang kriminal na dapat sintensiyahan ng kamatayan sa laki ng kanyang kasalanan.
Tahimik siyang sumakay sa elevator at nagtungo sa guard house. Inubos niya ang natitirang oras sa umaga na nakikipagkwentuhan kay Manong Jose, ang isa sa mga pinakaunang guard nila sa opisina at nagsisilbing tatay-tatayan nila.
Nang pumatak ang pananghalian, magkasabay silang nananghalian ni Manong Jose sa karinderya sa tapat ng building. Sumunod sa kanila roon si Harold. Umikot ang usapan nila sa nangyari pa ring pagwawala ni Mrs. Dizon sa opisina nang umaga. Napilitan siyang ipinaliwanag ang dahilan niya. Naikuwento na nga rin niya ang iba pa niyang problema.
"Hindi ko nga alam kung saan nagmumula ang sunod-sunod na kamalasan na dumarating sa 'kin ngayon. Para akong sinumpa," reklamo niya sa mga kasama, bago sumubo ng pagkain.
Natawa si Harold. "Sus! Uso pa ba ang sumpa? Kung anu-ano kasing pinapanood kaya ganyan ang mga naiisip mo."
Marahas siyang nagbuga ng hangin, muling sumubo ng pagkain. Sa totoo lang, hindi rin siya naniniwala sa sumpa at kung ano pa mang pamahiin. Moderno na ang panahon ngayon. Hindi na uso ang kung ano pa mang mga kababalaghan.
"Hango sa totoong buhay ang mga kwentong napapanood natin," pukaw ni Manong Jose sa kanilang dalawa ni Harold. "Dahil hindi pa natin nararasanan, hindi ibig sabihin no'n na hindi totoo ang kung ano mang kwentong kababalaghang naranasan ng ilan. Sabi nga ng lola ko, mabuti na ang nag-iingat kaysa magsisi sa bandang huli," dugtong pa nito, bago uminom ng softdrinks.
Tumikhim si Harold. "Kung mag-insenso ka kaya, Nathaniel? Sabi ng misis ko, magaling daw 'yon magtanggal ng malas e."
"Wala nang mas hihigit pang proteksiyon sa dasal, Nathaniel. Magdasal ka at tibayan mo ang 'yong pananampalataya. Pasasaan ba at matatapos din ang lahat ng problema mo," sabi naman ni Manong Jose.
Tipid siyang ngumiti. Matagal na siyang hindi nagsisimba. Mas inuuna niya kasi ang pahinga kaysa ang pagpunta sa simbahan. Nagdadasal naman siya kapag naaalala niya. Sabi ng pastor na bumisita sa bahay nila minsan, nasa lahat daw ng dako ang Diyos. Kaya alam niyang kahit na hindi siya magsimba, naririnig pa rin ng Diyos ang mga paminsan-minsan niyang pagdarasal. Ayos na siguro 'yon.
Pabalik na silang tatlo sa opisina nang mapansin niya ulit ang batang gusgusin na nakapuwesto sa may puno sa parking area ng kanilang opisina. Nakaupo ito sa mainit na semento, habang nakatitig sa kanya. Sa harap nito ay ang lumang lata na natabig niya noong isang araw dahil sa pagmamadali niya.
"Manong Jose, sino po 'yong bata na nasa may puno?" tanong niya sa kasama.
"Hindi ko rin siya kilala. Basta nakita ko na lang siya d'yan na namamalimos. Pero ni hindi pa siya lumapit sa 'kin para manghingi ng limos o kung ano," sagot ni Manong Jose, nagdire-diretso sa paglalakad.
"Baka naman dayo, o kaya naman miyembro ng sindikato. Uso 'yon ngayon e," ani Harold.
Muli niyang hinayon ng tingin ang bata. Nakatitig pa rin ito sa kanya. Baka namumukhaan siya nito dahil sa kasalanan niya noong isang araw.
"Nathaniel, h'wag mo na siyang tignan. Dumiretso ka na lang doon sa quarters kung hindi ka pa tinatawag sa taas. Puwede kang matulog doon kung gusto mo," si Manong Jose ulit.
Nagtataka man, tumalima siya sa utos ng matanda. Pagdating niya sa guard quarters, agad siyang umupo sa sofa at inilabas ang kanyang cellphone upang manood ng videos sa Facebook. Wala siyang balak matulog subalit, wala pang kinse minutos, tuluyan na rin siyang nakaidlip.
--
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro