Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 2

Panay ang palatak at buntong-hinga ni Nathaniel habang nakaupo siya sa loob ng company car na kanyang mimamaneho. Hinihintay niyang matapos ang pag-iinspeksyon ni Mr. Dizon sa bagong building na pinapatayo ng kumpanya nito. Halos isa’t kalahating oras na siya roon at naghihintay sa pagbalik ng boss niya kaya naman hindi niya maiwasang makaramdam ng pagkabagot.

Madalas talagang ganoon ang gawain niya, ang ipag-drive ang boss sa building projects nito sa iba’t-ibang dako ng Maynila at karatig lalawigan.
Kung tutuusin, maayos ang trabaho niya kahit na hindi gaanong mataas ang suweldo. Sa totoo lang, gusto na rin niyang sumubok mag-apply sa ibang kumpanya. Kaso, sa estado niya ngayon na maraming utang at bayarin, parang hindi iyon posible. Hindi tuloy maalis sa isip niya na humingi ng dagdag sweldo. Ilang beses na rin humirit ng dagdag-sahod ang mga maliit na empleyado sa kumpanya ni Mr. Dizon, kasama na siya roon. Kaso ayaw silang pagbigyan ng kanilang boss. Ang rason nito lagi, hindi raw inaprubahan ng board ang hiling nilang umento. Sa katunayan, marami sa mga kasabayan niyang pumasok sa kumpanya ang nagsialisan na. Siya na lang ang natira sa mga datihan.

Wala e. Kailangan niyang kumayod. Kailangan niyang kumita. Kailangan niyang buhayin ang pamilya niya. At hindi niya magagawa iyon kung makikipagsapalaran siyang humanap ng bagong mapapasukan.

Napabuntong-hininga siya. ‘Di bale kapag nagkatrabaho na si Noel, makakatulong na rin ito sa kanya. Sana
Sinipat niya ang kanyang relong pambisig, humikab bago nagpalinga-linga. Matagal pa siguro si Mr. Dizon. Puwede pa siya sigurong umidlip nang kaunti. Nagpasya siyang i-on  ang stereo bago tuluyang sumandal sa driver’s seat at pumikit.

Ilang sandali pa, dinalaw na siya ng antok at dinala siya sa lugar ng mga panaginip. Sa panaginip ni Nathaniel ay nasa isang malawak na parang daw siya na puno ng mga bulaklak at mga puno. Maririnig sa buong parang ang nakahahalinang huni ng mga ibon. At sa ‘di kalayuan ay dinig niya ang payapang pag-agos ng batis.  Payapa sa parang. Malayo sa kanyang mga utang, bayarin at iba pang isipin. Hanggang sa… mula sa kung saan ay lumitaw ang isang leon. Agad na nanlisik ang mga mata nito nang makita siya. Hindi naglapit sandali, dinaluhong na siya nito at walang habas siyang sinagpang.

---
Malakas at sunod-sunod na katok mula sa kung saan ang nagpagising kay Nathaniel. Nang imulat niya ang kanyang mga mata, agad niyang nakita si Mr. Dizon na panay ang katok sa bintana ng kotse. Agad siyang napatuwid ng upo at tarantang lumabas ng sasakyan.

“S-sorry po, Sir. H-hindi ko po—“ Hindi na naituloy pa ni Nathaniel ang paghingi ng paumanhin dahil malakas na tinapik ng amo ang kanyang sentido. 

“Ang sarap ng buhay  natin a. Natutulog ka pa talaga sa oras ng trabaho, Nathaniel. Ang lakas din ng loob mo, ‘no?”  gigil na sabi nito.

Yumuko siya, pasimpleng minasahe ang nasaktang sentido. “P-pasensiya na po, Sir. Hindi na po mauulit,” aniya bago alistong pinagbuksan ng pinto ng kotse si Mr. Dizon.

“Siguruhin mo lang, Nathaniel. Hindi ako mangingiming palitan ka kung tatamad-tamad ka sa trabaho!” anito bago tuluyang pumasok sa sasakyan.

Marahan niyang isinara ang pinto ng kotse, muling minasahe ang  nasaktang sentido.

Bukod sa mababang pasahod, isa pa sa pinakaiiwasan niya sa trabaho niyang iyon ang magaspang na ugali ni Mr. Dizon. Nananakit ito tuwing nagkakamali siya.  Ang sabi ni Ms. Annie, pagtiyagaan na lang daw niya at iwasan ang magkamali. Kaya lang, nitong nakaraang ilang linggo, mainit talaga ang dugo nito sa kanya, magkamali man siya o hindi. Mukhang iyon na ang magtutulak sa kanya para maghanap na ng ibang mapapasukan.

Tumunog ang cellphone niya. Mabilis niya iyong hinugot mula sa kanyang bulsa. Agad siyang nanlumo sa nabasang mensahe ni Noemi. Kailangan raw i-confine si Ashley dahil sa pulmonya.
Lihim na siyang napamura. Pera na naman.

“Ano ba, Nathaniel? Kanina ka pa nakatayo riyan a! Tinulugan mo na nga ako kanina, ngayon naman paghihintayin mo pa ‘ko. Nanadya ka ba?” sigaw ni Mr. Dizon mula sa bintana ng backseat.

Kumurap siya, mabilis na hinamig ang sarili bago nagmamadaling pumasok sa sasakyan. Pag-upong pag-upo niya sa driver’s seat, nag-ring ulit ang cellphone niya. Tumatawag na si Noemi. Imbes na sagutin ang tawag ng kapatid, mabilis niyang in-off ang cellphone niya. Kapag kasi hindi niya ginawa ‘yon, malilintikan na siyang talaga kay Mr. Dizon.

“S’an po tayo, boss,” tanong niya sa amo.

“Sa side-trip,” sagot nito, ang mga mata nakatutok sa cellphone nito.

Side-trip. Ibig sabihin, bibisitahin na naman nito ang bagong kerida nito sa Bulacan. Mukhang gagabihin na naman siya ng uwi ngayong araw.

Marahan siyang nagbuga ng hininga bago tuluyang pinaandar ang sasakyan.

---

“Sigurado ka? Hindi ka pa bayad sa utang mo noong nakaraang buwan, Nathaniel. Kung mangungutang ka ulit ngayon, dodoble ang sisingilin kong interes  alam mo ‘yan?” ani Mrs. Chan, isa sa mga empleyado sa finance department ng kanilang kumpanya.

Kilala ito ng lahat sa kanilang opisina dahil ito ang takbuhan  ng mga gaya niyang may biglaang pinansiyal na pangangailangan. May negosyo kasi itong pautang. Kaso, malakihan ang patong nitong porsiyento. Subalit wala naman siyang pagpipilian. Dalawang araw nang nasa ospital ang pamangkin niya at pinagreremedyo siya ng pera ng kapatid niya. Ito na lang talaga ang alam niyang paraan.

“Opo, Mrs. Chan. Alam ko po. Sa suweldo po ifu-full payment ko na ‘yong utang ko na isa para hindi magpatong-patong ang interes,” paliwanag niya.

Napatigil sa pagtipa sa computer nito si Mrs. Chan at tumingin sa kanya, halatang walang kumpiyansa sa sinabi niya. Maya-maya pa, inabot nito ang bag nito at inilabas doon ang pamilyar na notebook nito ng mga pautang. Sandali itong nagsulat doon bago inabot sa kanya ang notebook.

“Pumirma ka na, bago pa magbago ang isip ko,” anito.

Agad siyang tumalima at pumirma sa notebook. Matapos niyon, palihim nitong inabot sa kanya ang sobre naglalaman ng perang inutang niya.

“Salamat po, Ma’am. Babayaran ko rin poi to—“

“Sige na.Sige na,” anito, iritableng ikinumpas ang kamay. “May tinatapos ako. Umalis ka na,” anito bago muling itinuon ang atensiyon sa computer nito.

Humigpit ang kapit niya sa sobreng hawak niya. Mabigat sa loob niya ang maituring na parang langaw na nakakadiri at palaging binubugaw. Matagal na niyang alam na ang basehan ng respeto ng ibang tao ay ang salapi—salapi na lagi siyang kinakapos.
Bumuntong-hininga siya naglakad palabas ng finance department. Hindi bale, pasasaan din at matatapos din ang lahat ng kanyang mga bayarin. Makakaraos din siya. Sana.

---

“O, ginabi ka na naman ng uwi anak?” anang Nanay Rosa ni Nathaniel nang pagbuksan siya nito ng pinto. Alas onse na ng gabi subalit kauuwi pa lang niya.

“May pinatrabaho lang po si Mr. Dizon, ‘Nay,” aniya bago tuluyang humakbang papasok sa kanilang bahay, mabilis na nagmano sa ina.

“Kaawaan ka ng Diyos, anak,” anito, ngumiti.

“Si Noemi at Ashley po?”

“Marahil tulog na, anak. Hapon na rin kasi sila nakauwi kanina. Natagalan daw si Noemi sa pag-asikaso ng paglabas nila sa ospital. Pero maayos naman na ang pamangkin mo. Nagpakarga na rin sa akin kanina. Maiba ‘ko. Kumain ka na ba?” tanong nito.

“Opo, ‘Nay. Dumaan po ako d’yan sa karinderya ni Aling Ponyang bago ako umuwi,” aniya habang nag-aalis ng sapatos. “Si Norman po pala. Hinanap po sa akin ni Aling Ponyang kanina e. Dalawang  na raw na hindi pumpasok,” dugtong pa niya bago muling humarap sa ina.

Agad na bumakas ang kalituhan sa mukha ng nanay niya. “A… e… ano kasi, a-anak…”

Nagsalubong na ang mga kilay niya. Hindi niya gusto ang kinikilos ng ina. Ayaw niya sanang isipin pero…

“Sina Michelle at Mark, Nay?” mabilis niyang tanong.

“Ano e… s-sumama kay Mary Ann. N-nag-away na naman 'yong mag-asawa habang wala kayo. Pa’no, nalaman ng hipag mo na nalalo sa jueteng itong si Norman kaso ipinang-inom lang sa barkada. Ayon, umalis ang hipag mo. D-doon na raw muna sila sa mga magulang niya.” Nagbuga ng hininga ang kanyang ina.

“Malayo ang kina Mary Ann, ‘Nay. Pa’no ang pag-aaral ng mga bata? Ang sabi ni Michelle, periodical exam na raw nila bukas at sa Biyernes.” Hindi sumagot ang ina, wala rin maisip na sagot. Nagtagis ang kanyang mga bagang, kumuyom din ang kanyang mga kamay. “Si Norman po nasaan?”

“Ku-u! Naro’n kina Tonio. Doon raw muna tutuloy. Pihado, nagpapa-inom na naman ‘yon doon.” Pumalatak ito, umiling bago paikang humakbang patungo sa pinto ng kwarto nito.

Lihim siyang napamura. Inis na ipinasada ang mga daliri sa kanyang buhok. Mabuti na lang talaga at wala roon si Norman. Siguradong makakatikim ito sa kanya ‘pag nagkataon. Heto siya at namumrublema sa gastusin nila sa bahay tapos ito kung makapaglustay ng pera sa alak parang walang ng bukas.

P*tangina talaga.

“O siya, sige na, anak. Matulog ka na,” anang nanay niya, ngumiwi bago paika ulit na pumasok sa kwarto nito. Akma na sana nitong isasara ang pinto nang muli siyang magsalita.

“’Nay, may gamot ka pa?”

“Meron pa naman,” anito.

“E bakit parang hindi nababawasan ang sakit ng paa ninyo?”

Pilit itong ngumiti. “Ku-u! Wala ito, Nathaniel. Nangalay lang siguro,” anito bago tuluyang isinara ang pinto.#1540words

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro