Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 1

“P-panaginip ka pa ba?” alanganing tanong ni Nathaniel sa lalaki na  namulatan niyang nakatayo sa kanyag harapan. Naghintay siya ng sagot mula sa lalaki. Subalit hindi ito umimik, tumitig lang sa kanya.

Nagsimula nang kumabog ang kanyang dibdib. Kumurap siya at wala sa sariling ipinagala ang kanyang mga mata sa lugar na kanyang kinaroonan, pinakiramdaman kung nasaan siya. Kapos sa liwanag ang silid. Ang tanging ilaw lamang ay ang bumbilya na nakabitin sa kanyang bandang ulunan. Subalit maliban doon, latag ang dilim sa bawat sulok ng silid. Maamoy rin ang kaba sa hangin. Lalo siyang nanginig sa takot.

“Nanaginip ka?” untag sa kanya ng lalaki, maya-maya.

“O-oo,” nagmamadali niyang sagot, alanganin.

Nitong nakaraang mga araw, may panaginip siyang laging nauulit. At kanina, nang sandali siyang umidlip, muli siyang dinalaw ng kaparehas na panaginip.  

Bumuntong-hininga ang lalaki, humalukipkip. “Sige, ganito na lang, kuwentuhan mo ‘ko,” sabi ng lalaki, umupo pa sa bakanteng silya na nasa kanyang tapat.  “Sige na, magkuwento ka. Makikinig ako,” anito, seryoso.

Kumurap si Nathaniel, sandaling nag-alinlangan. Puno pa rin ng kaba ang kanyang dibdib at kalituhan ang kanyang isip. Hindi niya pa rin mawari kung nasaan siya at kung sino ang lalaking kanyang kausap.  Subalit nang bahagyang ngumiti ang lalaki, nagpasya siyang ikuwento rito ang tungkol sa panaginip na lagi siyang binabagabag nitong huli.

“S-Saan mo g-gustong mag-umpisa?” tanong niya.

Nagkibit-balikat ito. “Ewan ko sa ‘yo, bahala ka, Nathaniel Cruz.”

Napatuwid siya ng upo, kumabog lalo ang kanyang dibdib. “P-pa’no mo nalaman a-ang pangalan ko?”

Ngumisi ang lakaki. “Marami na ‘kong alam tungkol sa ‘yo, Nathaniel Cruz. ‘Yang kuwento mo na lang siguro ang hindi. Kaya sige na, simulan mo na. Para malaman na natin ang katotohanan.”

Nagsalubong ang mga kilay niya. “Katotohanan tungkol saan?”

Ikinumpas nito ang isang kamay nito. “Basta. Sige na. Mag-umpisa ka nang magkuwento.”

“P-puwede ba akong umpisahan sa mga nangyari n-noong isang linggo?” tanong niya sa lalaki. Noong isang linggo kasi nag-umpisa ang paulit-ulit niyang panaginip.

Mabilis na naglabas ng stick ng sigarilyo ang lalaki bago, “Bahala ka,” sabi nito.

---

Seven days ago

“Kuya, magbabayad na pala ako  ng graduation fee. Sa Biyernes na raw ang deadline,” ani Noel, ang bunsong kapatid ni Nathaniel, habang nag-aagahan silan magkapatid.

Humigop muna ng mainit na kape si Nathaniel bago sumagot. “Sige sa Biyernes ka na lang magbayad. Sakto sa suweldo sa Huwebes,” aniya bago isinawsaw ang pandesal sa kape.

Magtatapos na sa kursong nursing ngayong taon si Noel. Sa wakas, ilang linggo na lang, magkakaroon na rin ng college graduate ang kanilang pamilya. Hindi rin kasi siya nakapagtapos dahil maaga siyang nagtrabaho.

Disiotso siya nang maulia sila sa ama. Mula noon, siya na ang tumayong breadwinner ng kanilang pamilya. Hindi naman niya maobliga ang Nanay Rosa nila na magtrabaho dahil may sakit ito sa puso. Kaya naman, sa bahay na lang talaga ito naglalagi. At dahil siya ang panganay, sa kanya lahat naipasa ang tungkulin upang buhayin ang kanilang pamilya.

Apat silang magkakapatid. Sumunod sa kanya si Norman. Pinag-aral niya ito kaso, hanggang senior high school lang ang natapos. Napabarkada kasi ito hanggang sa mabuntis nito si Mary Ann, ang ina ng dalawa niyang pamangkin dito. Kasalukuyang cook sa isang karindeya si Norman. May kita naman ito kahit paano, pero humihingi pa rin sa kanya madalas para sa pangangailangan ng pamilya nito. Pangatlo at nag-iisang babae sa kanilang magkakapatid si Noemi. Maayos naman ito noon. Masipag din mag-aral at matalino. Nakatuntong ng kolehiyo kaso hanggang first year college lang ang natapos dahil nakipagtanan. Ang masaklap, iniwan din ito ng nakabuntis dito. Sa ngayon, nagtatrabaho itong sales lady sa isang mall upang matustusan ang gastusin ng anak nito. Balak nga sana niya itong kausapin dahil gusto niya itong pag-aralin ulit. Para naman kahit paano, magkaroon din ito ng mas maayos na buhay kapag nakapagtapos ito.

Siya nga, kung may oras lang siya, mag-aaral siya ulit. Kaso, pakiramdam niya, hindi na siya bagay bumalik sa eskewela. Treinta y dos na siya, dapat lang na pagtatrabaho na ang inaatupag niya at hindi ang anupamang mga bagay.
Ilang sandali pa, bumukas ang pintuan ng silid ni Norman. Magkakasunod na lumabas doon ang mga pamangkin niyang sina Michelle at Mark at ang hipag niyang si Mary Ann na bitbit ang bag ng mga bata. Mukhang handa na nitong ihatid ang mga bata sa school.

“Tito Nathan, pahingi po akong baon,” nakangiting sabi ni Michelle sa kanya, nakalahad ang mga kamay.

“Ako rin po, Tito,” sabi rin ni Mark, nagmamadaling lumapit pa sa kanya, kuntodo rin ang ngiti.

Ngumiti siya, mabilis na hinugot ang pinataka niya at binigyan ng baon ang mga pamangkin niya.

“Si Norman?” tanong niya kay Mary Ann.

“Tulog pa, Kuya. Masakit daw a
ng ulo. Naparami kasi ng inom kina Tonio kagabi,” sagot ni Mary Ann.

“Salamat sa baon ng mga bata, Kuya. O, mag-thank you na kayo kay Tito Nathan,” anito sa mga anak. Agad namang tumalima ang mga ito at sabay na nagpasalamat. Matapos niyon, tumuloy na ang mga ito paeskwela.

Maya-maya pa, lumabas na ng kuwarto nito si Noemi, karga ang tatlong taong gulang na anak nitong si Ashley na panay ang iyak at ubo.

“O hindi ka papasok?” tanong niya sa kapatid dahil hindi pa ito nakauniporme, halatang hindi pa rin naliligo.

Umiling ito bago inihele ang anak. “Ipapa-check up ko muna si Ashely sa center, Kuya. Panay ang iyak kagabi e. Parang may lagnat din.”

“Binigyan mo na sana ng paracetamol, Ate,” ani Noel.

“Yon nga e. Naubos yung stock ko ng paracetamol sa ref. Kulang din ng budget. Wala pang sweldo,” ani Noemi, panay ang palatak habang pinapatahan ang anak nito.

Bumuntong-hininga si Nathaniel, inubos na ang kape na nasa mug. Para sa gamot na lang ng nanay nila ang natitira sa kanya at ang allowance niya para sa buong linggo. Pero hindi puwedeng hindi mabilhan ng gamot ang pamangkin niya, hindi ba?

Lagi na lang. Lagi na lang sabay-sabay ang gastusin kapag petsa de peligro, lihim niyang sabi sa sarili.

Tumayo na siya mula sa hapag at muling humugot ng pera sa kanyang pitaka. “O, dagdag pambili sa gamot ni Ashley.”

Agad iyong tinanggap ni Noemi. “Salamat, Kuya. Babayaran ko sa suweldo,” anito.

“Hindi na. H’wag na. Basta sa off mo, mag-usap tayo, ha?” aniya, marahan pang hinaplos ang ulo ng umiiyak na si Ashley. Tumango lang si Noemi. “Pakitignan muna si Nanay bago ka umalis, Noel. Baka masakit na naman ang paa at hindi na naman makatayo,” bilin niya sa kapatid bago siya tuluyang lumabas ng bahay at lumulan sa kanyang motor. Iyon ang gamit niya papuntang opisina.

Isang taon na lang, makukumpleto na niya ang paghuhulog para sa full payment niyon. Kaso nadale na niya ang panghulog doon ngayong buwan. Baka mangutang na lang muna siya sa opisina para mabuo ang ihuhulog niya para doon ngayong buwan.

Kung sabagay, tipikal na sa kanya ang ganoong eksena sa bawat umaga. Kasabay ng agahan, ang pagdating ng mga responsibilidad niya. Madalas ngang sabihin ng mga kapitbahay at mga kasama niya trabaho na dapat daw nag-aasawa na siya. Kaso, sa estado ng buhay niya ngayon, kaya ba niya? May mga utang siya. Halos hindi nga nababawasan kung tutuusin. Minsan, natatanong na rin niya sa langit kung hanggang kalian ba siya makakaraos. Ayaw niya sanang magsawang tumulong kaso…

Umiling siya at ibinuhos ang atensiyon sa pagmamaneho. Maya-maya pa, narating na niya ang building na pagmamay-ari ng Dizon Architectural Firm kung saan siya pumapasok bilang company driver. Halos anim na taon na siya roon. Mababa ang pasuweldo subalit tinatiyaga niya dahil mahirap maghanap ng trabaho lalo pa sa gaya  niyang hindi nakatapos.

Matapos i-park ang kanyang motor sa bandang nalililiman ng puno, sinipat niya ang kanyang relong pambisig. Limang minuto bago mag-alas-otso ng umaga. Sakto lang ang dating niya.
Patawid na siya mula sa parking lot patungo sa entrance ng building nang masagi niya ang lata na lalagyan ng baryang nalimos ng gusgusing batang lalaki na nakapuwesto sa may gilid ng puno. Ni hindi niya napansin na naroon ito kanina.

“Naku, sorry, bata. Hindi ko sinasadya,” aniya. Akma na sana niyang pupulutin ang mga barya upang ibalik sa lata nang tumunog ang cellphone niya.

Mabilis niya iyong hinugot sa kanyang bulsa at sinagot ang tawag. Si Ma’am Annie iyon ang sekretarya ni Mr. Dizon, pinagmamadali na siya. Tumingin siya sa batang lalaki na hindi pa inaalis ang tingin sa kanya. Subalit imbes na tulungan ito sa pamumulot ng mga natabig niyang mga barya, walang lingon-likod siyang pumasok sa building at dumiretso sa elevator.#1446words

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro