Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 271

Returning

Jay-Jay's POV

"Bayaran mo na ko!" sigaw ni Ci-N kay Drew.

Marahas na kinamot ni Drew ang ulo bago dumukot sa bulsa. Nakakuha siya ng piso at inabot 'yon sa Batang Kumag.

"Oh ayan! Next time na lang 'yong 7," sabi niya sabay talikod.

Jusme! Otso pesos na lang hinulugan pa.

Hirap na hirap naman pala sa buhay ang lalaking 'to. Mabuti at inabot na niya sa 'kin ang hulog niya para sa araw na 'to. 5pesos.

"Jay," tawag sa 'kin ni Yuri. "Tuloy tayo mamaya?"

"Akala ko may lakad ka?"

"I can postpone that for you."

"Taray, sana lahat postpone," sabi ko at tumawa naman siya.

"Saan kayo pupunta?" tanong ni Ci na biglang sumulpot sa harap namin.

Sabay pa kami ni Yuri na nagulat sa kaniya. Nanlalaki pa ang mga mata at butas ng ilong niya habang palipat-lipat ng tingin sa 'min.

"Para kang kabuti," komento ko pero hindi niya ko pinansin.

"Saan punta? Sasama ako."

Mabilis akong napangiwi. Hindi siya pwedeng sumama. Tinignan ko si Yuri para hingan ng tulong pero halatang wala rin siyang maisip. Sinenyasan ko siyang kausapin ang Batang Kumag. Mabuti na lang at nakuha rin niya agad ang gusto ko iparating.

Nagseryoso siya at umayos ng pagkakatayo. "Sorry, but you can't come," sabi niya, parang nakita ko ang dating Yuri na nakikipagsungitan sa 'kin.

Parang batang napahiya si Ci. Akala ko magagalit siya sa 'min pero wala siyang naging reaksyon. Lumapit siya kay David na kasalukuyang tulog. Mahina niya siyang tinulak-tulak para gisingin.

"Oh?" inis na bungad ni Dabid.

"Inaaaway ako ni Yuri. Awayin mo nga," parang batang utos niya.

Gusto kong matawa sa itsura nilang dalawa. Halata namang walang pakialam 'tong isa dahil agad siyang bumalik sa pagdukdok para matulog.

"Oy Dabid! Pagtanggol mo ko! Akala ko ba tinalo mo si Gulayat?" pangungulit ni Ci-N sa kaniya.

Pasimpleng hinawakan ni Yuri ang kamay ko. Tinignan ko siya at sinenyasan niya kong lumabas. Sumunod naman ako sa kaniya habang busy sa pagkukulitan ang dalawa.

"Bakit?" tanong ko sa kaniya.

"Bili tayo. Libre mo ko," aya niya sabay swing ng kamay naming magkahawak.

Walang buhay ko siyang tinawanan. Matamis siyang ngumiti sa 'kin na nauwi sa pagtawa.

Ayan, ganiyan dapat!

Mas gusto kong makita na nakangiti siya. Ayaw man niyang aminin na meron siyang problema, kitang-kita ko naman sa itsura niya. Pero mas gusto ko kung sasabihin niya sa 'kin kung ano mang iniisip niya.

Naglakad kami papunta ng cafeteria ng hindi pa rin bumibitaw sa kamay ng isa't-isa. Para kaming mag-bestie na namamasyal sa park.

Pa-swing-swing pa.

At dahil sa ginagawa namin hindi maiwasan na salubungin kami ng mga tsismosang mata. Meron pang umiismid at parang nandidiri sa 'kin. Hindi rin mawawala ang kumuha ng litrato namin.

Sige! Kodakan niyo pa!

"Ganda ko," bulong ko at takang tumingin sakin si Yuri. "Naiingit sila sa ganda ko."

Mahina silang tumawa. "Oo naman. Maganda ka," sabi niya na nagpalapad ng ngiti ko. "Pero mas maganda ako," dagdag niya sabay hawi ng kuwaring mahabang buhok.

Napangiwi ako at agad siyang sinuntok sa tyan. Napahinto siya at napayuko kasabay ng pag-inda sa suntok ko.

"Sisters pala kayo ni Kit," sabi ko at nagawa pa rin niyang tumawa sa kabila ng iniinda. "Kelan pa 'yan?"

Umayos siya ng tayo habang hawak pa rin ang tiyan. Nag-inat-inat pa siya habang nakangiwi.

"Ano? Sagot."

"No'ng binasted mo ko. Nagpaka-sister na ako," sabi niya habang sumisilay ang nakakalokong ngiti.

Nanlalaki ang mga mata ko habang hindi makapaniwala sa sinabi niya.

Nalintikan na.

"May paraan pa naman para maging Yuring gwapo ulit ako," sabi niya at ngumuso.

"Ay ano ka? Sira ulo ka ba?" halong inis at tawa ang naging reaksyon ko sa kaniya.

"Isa lang. Mabilis lang," natatawang sabi niya at mas pinahaba pa ang pagnguso.

Balak ko sana siyang hampasin pero dahil sa itsura niya napatawa na lang ako ng malakas. Kahit siya natawa na rin.

Ang simpleng asaran namin na ganito ang nagpapalimot sa 'kin ng totoong sitwasyon. Na may panibagong banta sa buhay namin. Na may isa pang kalaban na nag-aabang sa 'min. Na kahit ayoko unti-unting may sumisilip sa mga ala-ala ko. Na kahit na anong ngiti at tawa ni Yuri, alam kong may problema siya.

Sa simpleng tawanan at asaran na 'to namin na-e-enjoy ang buhay dito sa school, kaso may mga tao talagang kadugo ng dimunyu at masayang manira ng simpleng kasiyahan ng ibang tao.

"Akala ko ba sila no'ng Watson?"

"Ay girl, malandi talaga 'yan."

"Haba ng buhok. Mabubuntis 'yan agad."

"Baka bet niya mayayaman."

Naputol ang tawanan namin dahil sa mga usap-usapan na para bang sinasadyang iparinig sa 'min. Napabuntong hininga lang ako.

Sabi ko na, inggit sila sa ganda ko.

"Wag mo na lang pansinin," sabi ni Yuri.

"Sino wag ko papansinin?! 'Yong mga Chimpanzee'ng pinag-uusapan tayo ngayon?! 'Yong mga unggoy na nanlalaki ang butas ng ilong sa pakikipag-tsismisan?! 'Yong mga Orangutan na uhaw na uhaw sa pansin?! Sila ba? Sila ba?!" Sinadya kong lakasan para iparinig sa mga lintik na unggoy na may liptint na 'yan na lalo nilang ikapa-panget ang panghuhusga ng walang basehan.

Napakamot si Yuri sa batok. "Umalis na sila."

Ngumiti naman ako ng matamis. "Good," sabi ko at naglakad na papunta sa cafeteria.

Sumunod naman sa 'kin ang Yuri. Napapailing ako sa mga nasasalubong namin na kakaiba ang tingin sa 'min. Buti pa sila maraming oras na pwedeng sayangin sa pag-iisip ng kung ano-ano sa 'min.

Kainggit!

Gustohin ko man silang singhalan lahat masasayang ang pagod ko sa kanila. Sila ang tipo ng tao na maraming kayang sabihin sa kahit na anong gagawin ng kapwa nila. Kahit nga yata paghinga ng oxygen mamasamain nila.

Pagpasok namin sa cafeteria, ang maiingay at magugulong istudyante ang bumungad sa 'min, pero wala sa kanila ang atensyon ko.

Ano ang nasa menu, Kumare?

Muntik na kong sumingit sa pila sa pagmamadali kong masilip ang nasa menu. Buti na lang at hinatak ako ni Yuri at dinala sa tamang pila.

"Wag kang magulo," utos niya habang nakahawak sa dalawang braso ko.

"Sandali. Hindi ko makita ang menu," sabi ko habang pilit tinatanaw ang menu sa harap. "Dapat merong menu dito. Ang hirap kaya tumingala," reklamo ko pa.

Idagdag pang nakaharang ang mahabang kulot na buhok ng babaeng 'to sa harap ko. Nalalanghap ko ang conditioner niyang mukang mamahalin.

"Maliit ka lang kaya hindi mo kita."

Napasibangot ako sa sinabi niya. Hinarap ko siya at hinampas pero nakaiwas siya. Uulitin ko pa sana pero hinawakan niya ang dalawang kamay ko. Pinilit kong pumalag at dahil sa landiang ginagawa namin, aksidente kong nabunggo ang babae sa harap ko.

"What the hell?!" maarteng sabi ng babae na pareho naming ikinatigil.

Bakit naman dito pa kami nagkita?

Humarap sa 'min ang babaeng mukang coloring book na naman dahil sa kapal ng make up. Napingiwi ako ng magsalubong ang mga mata namin. Tinanggal niya ang wireless earphones at nag-cross arm.

"Seriously? Walang pinipiling lugar ang kalandian niyo?" inis na sabi ni Freya sa 'min.

Mabilis kong iniwas ang tingin ko sa kaniya. Hindi rin ako kumibo at bahagyang lumayo. Kinalabit ko si Yuri at bumulong.

"Maya na lang tayo bumili."

Tinignan niya ang pila. "Alanganin, mahaba na ang pila."

Ipinitik ni Freya ang daliri sa harap namin. "Am I a ghost? How dare you ignore me?"

Kamot batok akong humarap sa kaniya ng hindi pa rin siya tinitignan sa muka. Hindi ko maiwasan at baka lalo lang akong mairita sa kaniya. Hindi pa rin nawawala sa isip ko ang mga usapan nila ni Aries sa Chat. Ang panghihingi niya ng pera kay Kei—kwanan. Ang mga pinag-gaga-gawa niya at pinagsasasabi niya.

Nasasaktan ako tuwing naiisip ko na involve ang Hari ng mga Ulupong sa mga nangyayari sa kaniya. Hindi pa ba sapat na mag-ex sila? Kulang pa ba na naging sila? Dapat ba kasali pa rin si Kei—kwanan? Mapapalagpas ko pa ang pagkakaroon nila ng nakaraan pero ang pakikisali sa kasalukuyan ng isa't-isa, aba! Ibang usapan na 'yan.

"Hindi namin sadya. Hindi na mauulit," walang buhay kong sagot.

Hindi na siya nagsalita kaya akala ko okay na pero ng iangat ko ang tingin ko matalim siyang nakatitig kay Yuri. Tinignan ko naman ang katabi ko at naramdaman ko ang paghawak niya sa kamay ko.

Bumaba ang tingin ni Freya sa kamay namin at mapait siyang tumawa.

"You already have Keifer, yet you still have Yuri. Wow. Just wow," sarcastic na sabi niya at umalis.

Wow, magic sing.

Sabay kaming nagtinginan ni Yuri. Parehong walang clue sa kung anong problema niya. Bumalik na lang kami sa pila dahil mukang marami ng nagagalit sa eksena namin. Naging tahimik kami pareho hanggang sa makabili na ng pagkain.

Nawalan ako ng gana dahil sa nangyari kaya tatlong burger at coke in can lang ang binili ko.

"Yuri..." tawag ko sa kaniya habang naglalakad.

Hindi ko alam kung tama ba na sa kaniya ko itanong 'to pero siya lang ang kilala kong mas matagal nakasama ang Hari ng mga Ulupong—syempre bestie sila. May tiwala naman ako sa kaniya kaya komportable akong magtanong at magsabi ng problema sa kaniya.

"Alam mo bang binibigyan ni Keifer si Freya ng pera?" tanong ko at base sa naging reaksyon niya, alam na alam niya.

"Jay... Kasi—."

"Hindi mo kailangang magpaliwanag. Sagot lang kailangan ko," sabi ko at nagpatuloy sa paglalakad.

Pero may isang bagay pang bumabagabag sa 'kin. Huminto ulit ako sa paglalakad bago kagatan ang hawak kong burger. Humarap ako kay Yuri na kasalukuyang umiinom ng coke.

"B-Bakit?" takang tanong niya.

Nginuya kong mabuti ang laman ng bibig ko bago lunukin 'yon at magsalita.

"Kilala mo ba ang lalaking kinababaliwan ni Freya?" tanong ko.

Kita ko ang bahagyang paglambot ng reaksyon niya na napalitan ng pagtataka.

"Kinababaliwan?" tanong pa niya.

"Alam mo na naman ang salitang yan eh! Merong lalaki sa buhay niya na may tama pa rin siya!" inis na sabi ko bago kumagat ulit ng burger.

Umiling siya na para bang wala talaga siyang alam sa mga sinasabi ko. Muntik ko nang mabato sa inis ang burger buti na lang at agad kong naalala na mas mahalaga ang pagkain kesa sa inis.

Akala ko may alam siya dahil bukod sa naging sila ni Freya, siya rin ang first love niya—. Napatigil na naman ako ng meron akong maisip.

Sabi nila ibang tao ang Freya noon sa ngayon. Malayong-malayo. Naging ganiyan siya dahil sa naging parte ng buhay niya ang magka-kaibigan na 'to. Paano kung ang Freya noon ay may pagpapahalaga pa sa sarili? Hindi niya basta pababayaan ang sarili sa lalaking hindi niya . . .

"Sobrang mahal." Hindi ko namalayang nasabi ko habang nakatitig kay Yuri.

Posible bang si Yuri ang kinababaliwan niya?

Bumalik sa 'kin ang mga nasa messenger ni Aries. Kung paano niya naisip na baka may gusto pa sa kanya ang Hari ng mga Ulupong, 'yong date ng panahon na 'yon at ang pangyayari sa buhay namin ng mga panahon na 'yon. Engage pa ko kay Yuri pero may Keifer na ume-eksena—peke naman kasi nga merong 'I used you'.

Hindi ko gusto ang naglalaro sa isip ko.

"Sobrang mahal? Mo na ko?" pabiro niyang sabi at tumawa.

Nakitawa-tawa ako kahit halata namang pilit. "Sobrang mahal ng bigas, ang hirap magsaing."

Ginulo niya ang buhok ko bago ako akbayan. Sabay kaming naglakad pabalik ng room. Gusto kong linawin ang naiisip ko pero baka ma-offend ko naman siya.

Pinili kong tumahimik kahit sobra ako nababagabag... at bumabalakubak. Halos paubos ko na ang binili namin pagdating namin sa room. Mabuti na rin 'yon dahil malamang na may dadagit ng mga pagkain ko.

Naabutan kong kinukulit pa rin ni Ci-N si David pero hindi pa rin siya pinapansin. Halos naubos ang lunch break namin ng gano'n ang ginagawa nila.

Naging maayos naman ang klase sa buong hapon pero iba ang tumatakbo sa isip ko. Ang posibilidad na si Yuri nga talaga ang lalaking kinababaliwan ni Freyangot—Freya maangot.

Halos hindi ko namalayan na tapos na ang huling klase namin kung hindi pa ko nilapitan ni Yuri at kinalabit. Ngumiti siya ng matamis sa 'kin.

Ngumiti din ako para suklian 'yon pero hindi sing-tamis ng kaya niyang ibigay. Inayos ko na ang gamit ko at sinabayan siyang maglakad.

"Ingat kayo!" paalam ni Edrix bago lumabas ng pinto.

"Ingat din—." Hindi ko na nagawang tapusin ang sasabihin ko dahil sa biglaang pagkapit ni Ci-N sa hita ko.

"SASAMA AKO!" malakas na sigaw niya.

Mabilis na lumapit si David at Yuri para ihiwalay siya sa 'kin.

"Ano ba?! Bumitaw ka!" sigaw ko habang pilit siyang pinapakalas. Dahil sa higpit ng kapit niya muntik na kong matumba. Napakapit na lang ako sa hamba ng pinto para kumuha ng balanse.

"Oy! May tarsier!" natatawang turo ni Josh kay Ci-N habang dumadaan sa harap namin.

Baka gusto mo pong tumulong?

Hinampas-hampas ni David ang braso at kamay ng Batang Kumag para lang bumitaw. Mukang nasaktan siya kaya pilit nanlaban sa pang-hahampas din.

"Masakit! Masakit!" sigaw niya habang gumaganti ng hampas.

Nakakuha ng pagkakataon si Yuri para hablutin ang braso niya. Gano'n din ang ginawa ni David sa mga binti niya.

"Waaaagggg! SASAMA AKO KAY JAY-JAY!" sigaw niya habang unti-unting humihiwalay sa binti ko.

Halos mapamura ako ng malakas ng makita ang mga galos sa binti at hita ko dahil sa pagkapit niya.

"Sama ako! Jay-Jay! Sasama ako!" paulit-ulit na pakiusap ni Ci at nagsisimula ng umiyak.

Hinawakan siya ni David mula sa likod para hindi na makahabol.

"Sorry, hindi talaga pwede," sabi ko at nagpilit ng ngiti bago mabilis na tumakbo paalis.

Nakasunod naman sa 'kin si Yuri na mas mabilis pang tumakbo—salamat sa mahaba niyang binti. Huminto lang kami pagdating sa parking.

Hingal kabayo kami pareho dahil sa pagod at idagdag pang mainit ang panahon. Wala pa kong 18 pero ang katawan ko pang-70 na. Napahawak din ako sa balakang ko habang naghahabol ng hangin.

"Napagod ako do'n," sabi niya bago kuhanin ang susi ng kotse niya. "Nagpaalam ka na ba kay Angelo?"

"Oo. Mag-ingat lang daw ako," sagot ko.

Binuksan niya ang pinto kotse para sa akin. Pagsakay ko agad niyang sinara ang pinto at umikot sa kabilang bahagi para makasakay sa driver's seat.

"Kay Aries nagpaalam ka?" tanong ulit niya bago isara ang pinto at paandarin ang kotse.

Tumango naman ako pero hindi ko naitago na may problema sa pagpapaalam ko kay Aries. Dahil sa nangyari sa 'kin kahapon at sa ospital no'n, hindi na nawala sa isip niya na baka maulit 'yon.

Baka daw mag-hyperventilador ako ulit.

Buti sana kung gano'n lang ang mararanasan ko kaso baka hindi gano'n. Malinaw pa sa sinag ng araw ang narinig kong pinag-usapan nila Kuya Angelo, Doktora Claudia Peralta at isang doctor na tumingin ng vitals ko.

Si Doktora ang nagpaliwanag sa isa pang doktor nang nangyari sakin sa clinic niya. Hindi malinaw sa 'kin ang naging sagot ng kausap niyang doktor pero narinig ko ng maayos ang mga sinabi niya.

'Her body might be having some sort of transition. Kung tama ang sinabi mong may PTSD ang patient pwedeng damay ang katawan niya. I would suggest not to force her brain to remember baka hindi kayanin ng katawan niya.'

Natatakot akong kapag nagpatuloy ang pagbalik ng ala-ala ko may mangyaring masama sa 'kin o sa katawan ko. At paano kung kapag bumalik na lahat ng ala-ala ko maulit ang ginagawa ko kapag nakakakita ako ng dugo? Hindi ko maiwasan na hindi mangamba.

"Okay ka lang?" tanong ni Yuri na nagpabalik sa 'kin sa ulirat.

"O-Oo. Meron lang akong iniisip."

"Gusto mo next time na lang?"

Mabilis akong umiling. "Wala lang 'to. Hindi naman mahalaga ang iniisip ko."

Hindi na siya nagsalita pa pero alam kong nag-aalala siya. Naging tahimik kami sa byahe pero paminsan-minsan siyang nagtatanong na sinasagot ko naman.

Inabot din ng kulang isang oras bago namin narating ang destinasyon—salamat sa traffic. Sabay kaming bumaba ni Yuri sa kotse. Pinagmasdan ko ang bagong gawang bahay. Hindi kagaya ng huling bisita namin maayos at malinis na ang paligid.

"Dito nakatira ang Mama mo?" tanong ni Yuri.

"Oo, sila ng bago niyang magiging asawa." Walang buhay kong sagot bago pindutin ang doorbell.

Nakadalawang pindot ako bago bumukas ang pinto at bumungad si Mama na may suot pang apron.

"Jay?" tanong niya habang palapit.

Agad niyang binuksan ang maliit na gate at niyakap ako. Halata ang excitement niya na makita ako. Matagal bago ko sinuklian ang yakap niya.

"Bakit napadalaw ka?" tinignan niya ko at si Yuri habang nakangiti. "Ay tara pasok. Sa loob tayo mag-usap," aya niya sa 'min.

Nakasunod kami sa kaniya papasok. Si Yuri na ang nagsara ng maliit na gate. Pagpasok sa loob ng bahay, napansin ko agad ang mga bagong gamit. Hindi kagaya ng una naming punta na halos sofa at lamesa pa lang ang laman.

"Upo kayo. Sakto ang dating niyo nagluluto ako," sabi niya at dumiretso sa kusina.

Binaba ko ang bag ko samantalang naupo naman si Yuri sa sofa. Nagtinginan kami sandali at ngumiti siya na para bang sinasabi niyang kausapin ko na si Mama.

Kahit nag-aalangan ginawa ko pa rin. Mabigat ang mga paa kong naglakad palapit sa kaniya.

Totoong ayoko ng may maalala mula sa nakaraan ko. Kaya kahit ginagambala ako ng imahe ni Mama na nakita ko kahapon wala akong balak itanong 'yon sa kaniya.

Iba ang dahilan kung bakit ako nandito.

"Ma," tawag ko sa kaniya habang nakatayo sa likod niya.

Sandali siyang lumingon sa 'kin bago balikan ang niluluto niya. "Sandali lang tatapusin ko lang 'to."

"Meron akong gustong itanong."

"Sige, ano 'yon?" sagot niya ng hindi tumitingin sa 'kin.

"Totoo bang hindi mo alam na may asawa si Papa ng magkakilala kayo?"

Natigilan siya at mabilis na binaba ang sandok at potholder na hawak. Dahan-dahan siyang humarap sa 'kin at bakas ang gulat at galit sa muka niya.

"Kanino mo nalaman 'yan? Sa anak ba ni Reycee?"

Si Percy ang tinutukoy niya.

"Wala siyang sinabi sa 'kin. Sagotin mo na lang, please."

Nagbuntong hininga siya. "May magbabago ba kahit hindi ko alam na may asawa siya? Naging kabit pa rin ako."

Tumalikod siya at binalikan ang niluluto niya.

"Meron," sagot ko pero hindi niya pinansin. "'Yong mga sinabi ko sa 'yo." Halos pabulong kong sagot.

Halos hindi ko namalayan na kusang pumatak ang mga luha ko. Napahiya ako sa sarili ko at sa kaniya ng malaman kong hindi niya alam na may asawa na si Papa. Totoo na hindi magbabago na naging kabit siya pero hindi naman niya ginusto 'yon.

Galit ako kay Mama. Masamang-masama ang loob ko sa kaniya hindi lang dahil sa mga pagkukulang niya. Pero mas galit ako sa sarili ko dahil kahit anong galit ko sa kaniya, hinahanap ko pa rin siya sa isip at puso ko. Na kahit na anong sakit ng mga sampal niya 'yon, tahimik kong hinihiling na yakapin niya ko pagkatapos.

Ngayon ko naisip na meron pa kong mga hindi alam tungkol sa kaniya. May mga bagay na hindi pa rin talaga malinaw dahil sa kawalan ng paliwanag. At kahit dapat ng ibaon sa limot hindi ko pa rin magawa dahil kailangan ko pa rin ng sagot.

At dahil sa mga ala-alang bumabalik sa 'kin. Nagsisimula na kong matakot na kapag bumalik na ang lahat, hindi ko kayanin at wala siya dahil pinagtabuyan ko siya.

Nakatingin pa rin ako sa likod ni Mama. Alam kong narinig niya ang sinabi ko at nasasaktan ako ngayong hindi niya ko hinaharap.

"S-Sorry," mahinahon kong sabi pero hindi nagpaawat ang mga luha ko.

Ang mahinang hikbi ay unti-unting lumakas. Ang mahinang daing ko ay lumakas hanggang sa maging atungal. At ang mahinang panghingi ng tawad ay naging pagsusumamo.

"Sorry, Ma. Sorry," sabi ko sa pagitan ng pagiyak ko. "Hindi dapat kita tinawag na ka—."

Naramdaman ko ang marahas niyang pagpunas sa muka ko. "Wag kang umiyak. Wag ka mag-sorry. May karapatan kang magalit." Basag ang boses niya at kahit hindi ko siya tignan alam kong nagsisimula na rin bumagsak ang mga luha niya. "Tumigil ka sa pag-iyak."

"Mama..."

Hindi ko na narinig ang sagot niya. Tanging ang pagyakap niya ng mahigpit sa 'kin ang ginamit niya para malaman kong nasasaktan din siya.

Handa naman akong bigyan siya ng pagkakataon. Kung handa rin siyang sagutin ang mga tanong ko.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro