Chapter 269
My turn
Jay-Jay's POV
Hindi pumasok si Yuri. Tinext ko na rin siya pero wala naman akong nakuhang sagot.
"Gala tayo mamaya," aya ni Ci-N habang naglalaro sa cellphone niya.
Gusto ko ring gumala kayalang mahigpit ang bilin ni Kuya na umuwi ako agad. Nag-aalala kasi sila na baka maulit ang nangyari kahapon.
Hindi nga rin dapat ako papasok ngayon kayalang sobrang dami ko ng absent at hindi 'yon maganda lalo na't malapit na ang exam.
Sayang...
"Hindi pa pwedeng mamasyal si Jay-Jay," sabi ni David habang may sinusulat sa notebook ko.
"Bakit naman?" nakangusong tanong ni Ci-N.
"May kalaban pa, si Ram 'di ba?" paalala niya.
Sa totoo lang, hindi ko na ramdam si Ram. Wala na nga ako balita sa kaniya tapos hindi rin naman siya nagpapadala ng banta kagaya ng iba.
Sinara ni David ang notes niya at ang notebook ko bago ibalik sa 'kin.
"Okay na. Pag-aralan mo 'yan," dagdag pa niya.
Taray!
"Salamat!" buong galak kong sagot at tumango lang siya.
Balak ko sanang manghiram ng notes kay Yuri kayalang hindi siya pumasok. Si Ci-N sana ang sunod kong hihiraman kaso hindi nga pala nagsusulat ang Batang Kumag, nasa matabang utak na raw niya ang lahat ng dapat niyang matandaan.
Puro kalokohan lang naman laman ng utak niya.
Kaya ang ending kay David ako lumapit at dahil mabuting tao itong kalaban ni Gulayat siya na daw ang magsusulat para sa akin. Tunay na busilak ang kaniyang puso kahit lagi siyang pikit.
Sinilip ko sandali ang notebook ko na sinulatan niya. Masaya pa kong buklatin 'yon at salubungin ng nakangiti pero nauwi 'yon sa ngiwi. Nagpapasalamat naman ako sa effort niyang kopyahin ang notes niya sa notebook ko. Kayalang sana naman ginandahan niya ang sulat.
May sariling alphabet si Dabid.
Aminado naman akong parang may kalaban ang tinta ng ballpen ko kapag nagsusulat ako pero hindi naman ganito na parang Arabic na ang mga nakasulat. Kahit yata Arabo hindi mababasa ang mga letra na 'to.
"Ay ang panget ng sulat," komento ni Ci-N na nakasilip din pala sa notebook ko.
Agad kong sinara at nilayo sa kaniya ang notebook. Pinanlakihan ko siya ng mga mata para bantaan at patigilin na rin dahil ayokong ma-offend si David. Kaso absent na naman yata ang I.Q niya ngayon at hindi man lang na-gets ang gusto ko sabihin.
"Bakit ang nanlalaki mga mata mo?" tanong pa niya.
Gusto kong isampal sa kaniya ang hawak ko para patahimikin siya ng tuluyan. Hindi ko alam kung panong senyas ang gagawin ko para lang patahimikin siya.
"Panget ba sulat ko?" biglang tanong ni David kaya napalingon ako sa kaniya.
Sasagot na sana ako ng 'hindi' dahil ayoko talagang sumama ang loob niya. Meron din naman akong hiya syempre. Kayalang bigla niyang inagaw ang notebook ko sa 'kin.
"H-Hindi naman. Magulo lang pero basabol pa rin," sabi ko habang pinagmamasdan ang reaksyon.
Seryoso niyang binasa ang sariling sulat. Akala ko napikon siya sa panlalait ni Ci-N dahil wala siyang kibo. Pero bigla na lang siyang napayuko at napakamot sa kilay.
"Sorry, notebook ko pala 'to," sabi niya at kinuha ang notebook KO na nailagay niya sa bag niya.
Inabot niya sa 'kin 'yon at tinanggap ko naman. Binuklat ko naman agad ang notebook ko at bumungad sa 'kin ang magulo niyang sulat pero readable naman. Hindi kagaya kanina, kahit yata Alien hindi babasahin ang sulat niya.
"Salamat," sabi ko at tinago na sa bag ko ang notebook.
Paano kaya niya binabasa ang notes niya?
Sabagay, siya rin naman ang makakabasa ng sariling sulat niya. Kapag hindi naintindihan ang sariling sulat, aba ewan ko na lang. Baka multo talaga nagsulat no'n, ginamit lang kamay no'ng tao.
Buti na lang naiintindihan ko sulat ko.
Sa bahay ko babasahin ang mga notes ko. Kailangan ko na ring maghanda para sa parating na exam. Kawawa naman ako kapag wala akong naisagot. Babagsak ako at kapag bumagsak ako hindi ako ga-graduate. Kapag hindi naka-graduate katapusan ko na, tatapusin ni Kuya Angelo ang buhay ko. Literal.
Napatingin ako kay Ci-N na ngayon ay nakatingala na at naka-nganga. Napangiwi ako sa itsura niya. Wag sanang pasukin ng langaw ang bunganga niya.
Buti pa siya, kahit ganyang mukang abnormal ang Batang Kumag meron pa rin siyang ibubuga. Kahit nga yata nakapikit makaka-100 pa rin siya o higit pa.
Napanguso ako. Gusto ko rin ng 100 kahit naka-pikit. 100pesos.
"Ci-N," tawag ko sa kaniya.
Lumingon siya sa 'kin ng hindi sinasara ang bibig niya kaya tuloy-tuloy na tumulo ang laway niya.
Sala-ola den.
"Eket?" tanong niya ng hindi masyadong sinasara ang bibig.
"Anong sekreto mo? Bakit ang talino mo?" tanong ko ng hindi pinapansin ang itsura niya.
Umayos siya ng upo at pinunasan ang bibig gamit ang likod ng kamay. Taka niya kong tinignan habang nakanguso.
"Seryoso ako sa tanong ko," pagkumpirma ko sa kaniya.
Napakamot siya ng batok. "Nakakagulat 'yang tanong mo." Ngumiti siya. "pero sagutin ko pa rin."
Umayos naman ako ng upo para makalapit ako ng bahagya sa kaniya. Kahit hindi ako sigurado kung seryoso nga ba siya sa isasagot niya o kalokohan na naman, makikinig pa rin ako.
"Ganito. Mahilig ka sa music?" Tumango naman ako bilang sagot. "Pumili ka ng kanta na sobrang pamilyar ng tono para sa 'yo tapos palitan mo 'yong lyrics ng lesson natin." Paliwanag niya.
Kalokohan.
"Sisipain kita. Walang kasaysayang bagay 'yang sinasabi mo," banta ko pero marahas niyang kinamot ang ulo.
"Seryoso ako Jay." Umayos pa siya ng upo. "O kaya ganito, kapag binabasa mo ang lesson o notes mo, lagyan ng tono ng kanta. Sa gano'ng paraan kapag narinig mo ulit ang same na music sa halip na ang original na lyrics—."
"Ang mga lessons ang maaalala mo," tapos ni David—na nakikinig pala sa 'min—sa sinasabi ni Ci-N. "Ginawa ko rin 'yan noon. Quite effective for me but I'm not sure if it'll work for you."
Napatango-tango naman ako. 'Yon pala ang sekreto ng Batang Kumag at ni David na may sosyaling instinct. Gusto ko tuloy subukan, tapos pipili ako ng bonggang kanta 'yong mapapasayaw ako kapag maalala ko.
Ayy Macarena.
"Subukan ko. Kesa naman umuwi akong luhaan." At umuwi para salubungin si kamatayan at Angelo ang kaniyang pangalan.
"Gusto mo tulong?" tanong ni Ci pero hindi pa ko sumasagot tumayo na siya na parang may hinahanap. "Ayun! Blaster!"
Lumingon naman si Blaster sa 'min at naglakad palapit. Sumunod naman sa kaniya ang ibang Ulupong na nakarinig sa pagtawag ng Batang Kumag.
Lahat sila si Blaster.
"Kailangan mo pandak?" tanong naman niya sabay gulo sa buhok ni Ci.
Mabilis na sumibangot 'tong isa at muntik pang manuntok kundi lang nakalayo si Blaster. Bahagya naman kaming nagtawanan dahil sa pag-aasaran nila.
"Init naman ng ulo," gatong pa ni Denzel.
"Tse!" singhal ni Ci sa kanila. "Kailangan ni Jay-Jay ng tulong sa pagmemorya ng mga lecture. Composer ka 'di ba?"
Napangiwi ako. Kailan pa naging composer si Blaster? Wala namang ibang ginawa 'yan kundi lumamon, dumaldal at makipag-away. Bonus na ang pagre-reklamo.
"Maniwala," komento ko dahilan para sumibangot siya sa 'kin.
"Masyado mo kong minamaliit. Hindi ako basta-basta. Composer 'to ng mga kanta," pagyayabang niya.
Umubo-ubo pa siya habang hinahagod ang lalamunan. Pati ibang Ulupong lumapit na rin sa pwesto namin para panoorin ang gagawin niya.
"Plema 'yan Pre, ilabas mo na," sabi ni Eren na ikinatawa namin.
"Eksena ka. Papasikatan ko si Jay-Jay, wala kasing bilib sa 'kin 'to," sabi niya at minasahe ang panga. Tinignan pa niya ko at tinuro. "Isa 'to sa mga compose kong kanta. Abangan mo ang pagsikat ko."
Napangiwi naman ako sa kaniya. Sisikat talaga siya, sa mga kalokohan siguro. Aminado naman akong gwapo rin si Blaster, kung wala nga lang nagma-may-ari ng puso niya malamang na mala-Eren din ang lyf style niya.
Mapagmahal.
"Give me a beat," sabi niya at gumawa naman ng sounds si Ci gamit ang bibig pero nauwi 'yon sa malakas na pagtawa. "Ayusin mo!"
Sa halip na pakinggan, mas lalo pang lumalakas ang pagtawa niya kaya halos mapikon na 'tong isa.
"Nasaan na? Wala naman yata talaga eh," pang-aasar ko at ginatungan naman ng mga Ulupong.
"Ito na!" inis na sagot niya at tumahimik na naman kami para umayos. Umubos ulit siya at sinimulan ang pinagmamayabang na kanta.
"🎶A..B..C..D..Elementary...🎶"
Tangina! Sabi ko na.
Agad namang nagtawanan ang mga ugok na Ulupong kasunod ng malulutong na mura para sa kaniya.
"🎶Highschool...College...Hindi ka pa tuli...🎶"
Patuloy niya at parang ang sarap hambalusin ng lamesa ang muka niya.
"🎶Pangarap kong maging doktor para makabunot ng puting—.🎶"
"Bwisit ka! Puro ka kalokohan!" putol ni Felix sa kinakanta niya.
"Hindi 'yan kalokohan. Tagal kong pinag-isipan 'yan!" dipensa niya at parang handa ng makipagsapakan.
Nagsuntukan dahil sa kanta.
Minsan hindi ko talaga alam kung nasa tama bang ikot ang mga utak nitong mga 'to. Hindi na ko magugulat kung bigla na lang lumabas ang mga sira nila sa kokote.
Mabilis naman siyang binatukan ni Edrix. "Gago! Narinig ko na 'yan, kinakanta 'yan ng mga bata sa 'min."
"Malamang narinig sa 'kin," pagpipilit niya habang hinihimas ang batok.
Napatingin naman kami kay Ci-N na wala pa ring tigil sa pagtawa. Para bang napakalaking joke ni Blaster sa kaniya. Nilapitan siya ni David at walang pagpipigil na pinitik siya sa noo. Para switch na nag-turn off ang kabaliwan niya.
"Aray naman..." reklamo niya sabay kamot sa noo.
"Kulang na naman sa langis ang utak mo. Ang bagal ng ikot. Tapos na tawa ka pa ng tawa," sabi ni David at inambaan pa siya ng panibagong pitik.
Mabilis namang umiwas ang Batang Kumag. "Eh benta sa 'kin, bakit ba?" Ngumuso pa siya.
"May bilib kasi sa 'kin si Ci, hindi kagaya niyo," sabi ni Blaster habang tinuturo kami isa-isa.
"Pareho kasi kayong luto sa kalokohan ang utak," sabi ni Denzel.
"Marami akong talent," pagyayabang ni Blaster. "Marunong nga akong mag-español."
"Baka espasol," sabi ko at nagtawanan naman sila.
"Pagkain na naman!" pang-aasar ni Rory kaya binantaan ko siya ng pangbabato ng sapatos.
Kayalang magka-iba ulit medyas ko.
"Español? Kalokohan mo Blaster," sabi ni Mayo.
Mayabang na tumawa si Blaster. "Papakitaan kita," sabi niya at naghanap ng mabibiktima.
Saktong kakapasok ng pinto ni Drew na umiinom ng coke. Nilapitan siya ni Blaster kaya napatigil siya.
"Oh ba—."
"Komo estas....mandurugas," sabi ni Blaster at agad na nagsalubong ang mga kilay ni Drew. "Bayad mo sa utang mo sa 'kin."
Utang?
Mabilis na naglapitan ang mga kapwa niya Ulupong para maningil din ng pautang. Ngayon lang naging malinaw sa 'kin na marami pala talaga siyang pinagkakautangan. Hindi ko tuloy alam kung dapat na rin ba kong lumapit at makisingil-singil ng pautang.
"Wala pa kong pera!" reklamo ni Drew.
"Pambili ng coke meron ka?"
"Buti pa utang mo, may forever."
"Ngina ka! Nabibingi ka kapag sinisingil."
"Magaling na ba amnesia mo? Bayaran mo na ko."
Kaniya-kaniyang reklamo ang mga loko. Parang nahiya na tuloy akong maningil dahil ang dami pala niyang pinagkakautangan. Paano niya ko babayaran, mukang mas matagal pa ang utang nila kesa sa 'kin. Hindi naman pwedeng mag-demand akong unahin.
Kawawa naman ako.
Bakit kasi ang bait ko? Bakit ko ba basta pinautang 'tong tukmol na 'to? Hindi naman ako mayaman, tapos hindi rin galing sa sariling bulsa ko 'yon dahil bigay pa sa 'kin ni Kuya 'yon bilang allowance.
Dapat kapag utang binabayaran. Kaya nga utang eh. Kaso ang problema dito sa mga nangungutang na 'to parang kasalanan pang singilan sila. Sila na nga tinulungan no'ng pinahiram sila tapos parang mali pa kapag siningil.
Hindi ka nakakaabala sa part na 'yan.
"Hoy," sita ni Felix sa 'kin sabay tulak. "Sama ng tingin mo kay Drew. May utang din ba sayo 'yan?"
Ayoko sanang magsalita dahil ayokong mapahiya si Drew kayalang ang dami pala talaga niyang pinagkakautangan tapos mukang hindi rin niya binabayaran.
"Oo, 5k pa nga," sabi ko at bigla na lang siyang napanganga.
"Seryoso?"
Tumango naman ako bilang pagkumpirma. Mabilis na nagdilim ang muka niya. Para siyang susugod sa away hanggang sa ituro niya ng daliri si Drew na malapit ng kuyugen ng mga kapwa niya Ulupong.
"Tarantado ka Drew!" galit na sigaw ni Felix sa kaniya.
Mabilis na lumayo ang mga maniningil niya na dinaig pa ang bumbay. Nagtinginan pa sila bago tignan si Felix at abangan ang kaguluhan.
"Problema mo?" inis na tanong ni Drew.
"Gago ka! Pati si Jay-Jay inutangan mo! Limang libo pa talaga!" galit na sabi ni Felix.
Agad na nag-react ang mga Ulupong na para bang malaking pagkakasala ang nangyari. Daig pa ang nagkahulihan ng kabit ng may asawa ng may asawa.
"Gago ka talaga!"
"Hindi ka na nahiya!"
Malapit-lapit na nilang banatan si Drew kaya agad na kong tumayo at lumapit. Pumagitna ako at nagtago naman ang manduru—este, si Drew sa likod ko.
"Ano ba? Pwede namang mag-usap ng maayos 'di ba?" sabi ko.
"Nako! Hindi niyan alam ang salitang maayos!" galit na sabi ni Denzel.
"Jay, bakit mo naman pinautang ng gano'n kalaki 'yan?" tanong ni Edrix. "Hindi marunong magbayad ang lintik na 'yan!"
"Grabe ka naman! Babayaran ko pa rin naman si Jay-Jay!" dipensa ni Drew.
"Paano mga utang mo sa 'min?" malumanay na tanong ni Josh. "2years na 'yong sa 'kin."
Nagkamot ng batok ang Drew. "U-Unahin mo muna 'yong kay Jay-Jay. Mas malaki 'yon eh."
"Tangina! 20pesos na lang utang mo sa 'kin hindi mo pa mabayaran?" inis na tanong ni Rory.
20pesos? Nahiya ang 5k ko.
"'Yong 50pesos ko!" inis na sabi ni Eman.
"150pesos sa 'kin. Pang-date rin namin ni Mica 'yon," paalala ni Calix.
"Tangina, 'yong 80pesos ko!" si Eren na akala mo naman kawalan sa kaniya ang hinahanap niya.
Maghingi ka tig-10 sa mga jowa mo!
"Paano 'yong sa 'kin?" nakangusong tanong ni Ci.
"Magkano ba sa 'yo?" tanong ko.
"8pesos. Kapag kulang ng 8 pera ko naaalala ko utang niya. Hirap na hirap ako."
Hiyang-hiya talaga ko sa presyo ng mga utang nila. 8pesos na lang hinabol pa? Hirap na hirap pa nga. Kumustahin naman nila 5k ko na balak ko pa naman itabi pang-kolehiyo ko. Tapos nahirapan na ko mag-ipon ulit.
"300pesos lang pinaka-malaki naming pinapa-utang dyan," sabi ni David.
Parang gusto kong maiyak. Bakit parang kasalanan ko pa? Dapat ba hindi ko na lang siya pinahiram? Dapat ba hinayaan ko na lang siyang mabulok o kaya mabugbog sa KingsGround? Gusto ko lang naman siyang tulungan no'n.
"Anong balak mo ngayon?" tanong ni Felix kay Drew.
Unti-unti ko siyang hinarap. Kulang na ;ang lumumpasay ako sa harap niya para lang bayaran niya ko. Hindi ko itinago ang pagkadismaya ko sa kaniya.
Anak ng... Sarap mong pektusan.
"B-Babayaran kita. Hulugan, kung okay lang?" sabi niya sa 'kin.
"Basta mamabayaran mo ko, okay lang."
Bahagya siyang yumuko at parang nag-isip. Hanggang sa may dukutin siya sa bulsa at kuhanin ang palad ko para iabot ang nakuha niya.
"Sisimulan ko ngayon," sabi niya at binuklat ko ang palad ko para tignan ang inabot ko.
Lumapit naman ang mga Ulupong para tignan din ang nasa palad ko. 5pesos.
"Araw-araw 'yan, hanggang sa maipon ang 5k. Lista mo para hindi tayo malito," nakangiting sabi niya.
Kulang na lang may lumabas na usok sa ilong ko. Hudas ang lintik na Ulupong na 'to. Kailan pa siya matapos makabayad sa 'kin? Baka graduate na kami ng college hindi pa rin siya bayad.
"Tarantado ka talaga!" inis na sabi ko at mabilis naman siyang tumakbo palayo.
Agad ko siyang hinabol at gano'n din ang ginawa ng ibang Ulupong. Tatanggapin ko lang ang lintik na hulog niya kung papayagan niya kong sapakin siya.
Umabot kami ng hagdan pero ayaw pa rin niyang tumigil.
"Babayaran naman kita! Kapag nakaluwag gagawin kong 10pesos a day!" sabi niya at lalo akong nanggalaiti sa galit.
"Bwisit ka!" sigaw ko.
Nakalabas na kami ng building dahil sa habulang ginagawa namin. Pinapanood na kami ng mga istudyanteng nakakasalubong namin.
"Wala nga akong pera!" dagdag pa niya.
"Kasalanan ko ba?! Tukmol ka!"
Hanggang sa labas ng cafeteria nakarating kami. Pero mabilis siyang umikot pabalik ng sandali akong huminto. Babalik sana siya sa building ng masalubong niya ang mga kapwa niya Ulupong.
"Gago ka Drew!" sigaw nila.
Agad naman akong nakihabol-habol. Nakalagpas na kami ng parking at nang nasa gate na kami bigla na lang may bagpaputok ng baril. Sunod-sunod 'yon na hindi ko na nagawang tignan ang pinanggalingan dahil sa pagyuko para makaiwas.
Malakas ang sigawan ng mga istudyante. Naramdaman ko ang pag-cover sa 'kin ng kung sino. Nang tignan ko ang nag-aalalang muka ni David ang bumungad sa 'kin.
"Okay ka lang?" tanong niya.
Bahagya akong tumango bilang sagot. Pero hindi talaga ako okay. Akala ko katapusan ko na. Nanginginig pa rin ang katawan ko dahil gulat at takot.
Tinignan namin ang paligid at ng wala na kaming makita, umayos na kami ng tayo.
"JAY-JAY!" sigaw ng kung sino at ng tignan ko, humahangos na palapit si Aries.
Agad niya kong niyakap. "What the hell is that? What happened? Tinamaan ka ba?"
Lumayo siya sa 'kin para tignan ang katawan ko kung may tama ba ko.
Umiling ako. "W-Wala. Okay lang ako."
Tinignan ko ang paligid at napatakip ako ng bibig ng makita ko ang security guard na nakahandusay sa sahig. Duguan at walang malay.
"Dito ka lang," sabi ni Aries at nilapitan ang guard. "Buhay pa siya. Call an ambulance," utos niya sa 'min.
Pero hindi ako makagalaw. Nagkalat ang dugo niya na hindi ko magawang tignan. Nang iiwas ko ang paningin ko, bumungad naman sa 'kin si Mayo na yakap-yakap si Kit.
Hindi. Wag naman.
"T-Tulong... Tulungan niyo si Kit," umiiyak na sabi ni Mayo.
Hindi man lang ako makagalaw. Hindi ko man lang magawang lumapit. Nagkalat ang dugo ni Kit sa lupa at sa katawan ni Mayo.
Bakit ba ko ganito? Bakit ba hindi ko magawang tumulong?
Bakit napaka-walang kwenta ko?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro