Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

ANG LANGIT AT ANG LAWA



"Joseph, ano na naman bang ginagawa mo diyan sa may lawa?" Narinig ko ang boses ni Clara. Dala ko ang naipon kong kahoy pang-luto. Nasira kasi ang kalan at ayokong galawin baka mas lalong masira pag nagkataon.



Napahinto ako sa paglalakad nang akitin ng lawa ang aking mga mata. Ang malinaw at asul na tubig nito ay pinapalapit ako. Ang luntiang paligid, mga puno, halaman at ang mga bulaklak ay nakapalibot sa lawa, tila isang paraiso sa gitna ng kakahuyan. Kagaya ng pagiging asul ng langit, ngunit sa tuwing tumitingin ako sa lawa ay nakikita ko ang sarili ko. Malinaw at tila salamin na nirereplika ang lahat sa akin. Habang ang puno ay sumasayaw ay sinubukan kong hawakan ang tubig sa lawa, masyadong malamig.



"Hoy." Ang papalapit na yapak ni Clara ang nagpatigil sa akin. Ano na naman bang ginagawa ko? Joseph umayos ka nga. Marami ka pang gagawin. Tumayo ako at pinagpag ang pantalon, pantalon nalang ang natira sa akin dahil nainitan ako. Gustuhin ko mang languyin ang lawa ay hindi pwede. Busy ako, ayokong masermonan.



"Bakit ba, Clara? Kanina ka pa tawag ng tawag," asar na sabi ko.



Kinuha ko ang lipon ng kahoy sa gilid ko at inilagay sa balikat ko. Nakasuot siya ng puting bestida, mukhang galing siya sa simbahan, nakapony tail ang buhok niya. Ang mga mata niyang pabilog ay pinanlalakihan ako ng mata, mukha siyang galit na pandesal. Kulay kayumanggi siya kagaya ko.



Nakita kong nakatingin siya sa abs ko, napangisi ako bago siya lagpasan. "Yung mata mo kung saan-saan lumilipad, Maria Clara."




Sinabayan niya ako sa paglalakad. "Bakit ka ba kasi palaging nandoon?! Aayain pa naman kitang magsimba pero sabi ni Tita nasa kakahuyan ka, pero nandon ka na naman?"



"May tinignan lang ako," sabi ko sa kaniya. Hindi ko ipinagsasabi kung bakit ako palaging pumupunta sa lawa, hindi ko alam para bang tinatawag ako papunta doon sa hindi malamang dahilan. Ayokong ipagsabi, baka isipin nila ang weird ko pero iyon ang nararamdaman ko.




"Sabay na ako pabalik. Wala ka bang napapansin sa akin?" Kumunot ang noo ko at sinulyapan siya saglit. Wala naman akong napansin. Mukha siyang... tao. Mahaba pa rin naman ang buhok niya at mataba ang pisngi. Hindi naman siya tumangkad, anong magbabago sa kaniya?




"Wala naman. Halika na, may aayusin pa ako."



Gising pa rin ako kahit na malalim na ang gabi. Kasing dilim ng gabi ang kabahayan dito sa amin. Nagpapahiwatig na tulog na ang mga tao. Anong meron sa lawa na iyon? Sinasalamin ba no'n ang kulay ng langit? Lumabas ako at sinalubong ako ni Ligaw, ang aso ko. Kulay brown siya at aspin. Naalala ko ang itsura niya nang makita ko siya sa kalsada. May sugat siya sa tainga, hindi ko alam kung saan niya nakuha pero dumudugo ito kaya naawa ako. Ang hinala ko ay nabato siya ng isang bata o ng mga nagwawalis dahil tinahulan niya. Matapang kasi siya at walang sinasanto.



Kinuha ko ang kadena niya. "Ligaw, samahan mo ako sa lawa." Itinali ko sa kaniya iyon. Kumakawag ang buntot niyang sinamahan ako. Hinaplos ko ang ulo niya bago kami lumabas sa kawayang gate namin, na sa tabi ay sandamakmak na bougainvillea ni Nanay ang nahihimlay.



Ang liwanag ng buwan ang nagpakita sa akin ng daan. Sa gitna ng mga bituin ay naghahari siya, hindi man niya natakpan ang dilim ay nagbibigay pa rin siya ng ilaw. Bago kami makarating sa lawa ay nadaanan namin ang balon. Papasok sa kakahuyan ay makikita mo ang malalaking puno ng Acacia, Narra, Gmelina, Talisay at marami pang mga puno. Napalunok ako at napahinto, ang mga sangang naliliwanagan ng buwan ay may mga anino na tila nanakot.




Umihi naman sa gilid si Ligaw pagkatapos niyang amuy-amuyin ito. Napakunot ang noo ko at napalunok. Bumilis ang tibok ng puso ko at namuo ang luha sa mga mata ko. Bakit ganito? Napahawak ako sa dibdib ko, ramdam ko ang bilis ng pintig nito. Ang lakas at parang may nakikilala. Hindi ko alam pero gusto kong tumuloy.



Joseph hindi mo alam ang pinapasok mo. Sabi ng isip ko, napalunok ako at umiling. Natagpuan ko nalang ang sarili kong unti-unting naglakad, ang tanging ingay na maririnig ay ang huni ng mga ibon at ang tunog ng mga natatapakan kong tuyong dahon.



Kumakabog pa rin ng malakas ang puso ko. Sa bawat paghakbang ko papalapit sa kinaroronoonan ng lawa ay namuo ang luha sa mga mata ko sa hindi malamang dahilan. Kumunot ang noo ko nang pilit kumakawala si Ligaw sa pagkakahawak ko sa tali niya. Huminga ako ng malalim. Kumakawag ang buntot niya at nakatingin sa paroroonan namin. Bumaling ang aso sa akin at tinahulan ako na para bang inuutusan akong pakawalan siya.



(Song: Sa Susunod na Habang Buhay by Ben and Ben)



"Kaya namang makayanan
Kahit pa na nahihirapan
Kahit lungkot, dumaraan
Pag natuyo na ang luha."



Isang tinig ang narinig ko habang papalapit. Napahinto ako sa paglalakad at nabitawan ko ang kadena ni Ligaw kaya napatakbo siya. Huminto ang awitin at ang pumalit ang masuyong tunog ng tubig mula sa lawa. Nanginig ang mga buong katawan ko at tuluyan nang tumulo ang mga luha sa mata ko. Hindi ko alam kung bakit, napatingin ako sa mga kamay ko.




"Bakit ako umiiyak?" Tanong ko sa sarili ko sabay hawak sa pisngi ko. Ilang luha pa ang pumatak sa hindi ko malamang dahilan. Kahit kalian ay hindi pa ako umiyak nang walang dahilan, ngayon lang. Napatingin ako sa langit na puno ng bituin, tila maliliit na alitaptap na binibigyan ng munting liwanag ang kadiliman.



Anong nangyayari?



Ang mga tahol ni Ligaw ang nagpagising sa diwa ko. Ilang kurap ang ginawa ko bago ako nakakuha ng lakas upang makalakad. Ang liwanag ng buwan ang naging gabay ko sa pagpunta patungo... sa taong kumakanta. Napapikit ako, parang ayokong makita. Hindi ko gustong puntahan... pero iba ang ginagawa ng katawan ko na para bang may iba itong sinusunod at hindi ang isip ko... kundi ang puso ko.



"At kahit nabago na ng oras
Ang puso ma'y nabutas
Ikaw pa rin
Sa susunod na habang buhaay
Haay
Haaay."



Napaawang ang labi ko nang unang masilayan siya sa tulong ng liwanang ng buwan na para bang sinadya na idirekta sa kaniya ang ang ilaw. Ang una kong nakita ay ang kaniyang mahabang buhok na may maliliit na alon sa dulo nito. Nakasakay siya sa isang balsa, ang haba ng puting damit niya na umabot na sa kaniyang talampakan. Unti-unting kumawala lumalayo ang balsa mula sa lupa. Napalunok ako at nagdesisyon na lumapit.




Ngayon ko lang siya nakita sa aming lugar. Agad akong lumapit sa kaniya ngunit hindi ako tumapak sa kaniyang balsa. Nakatayo lang ako sa harapan niyaat nakatapak sa lupa.



"Sino ka?" Agad siyang napaligon sa akin. Ang mga mata niya ay nasa gitna ng dilim at tsokolate. Ang korte ng mga mata niya ay hindi basta-basta, para bang nagsusumigaw ito ng katapangan. Hindi ko alam kung bakit umagos ang luha sa mga mata niya. Ang mga labi niyang korteng puso ay natakpan ng mga kamay niyang mukhang hindi nakaranas ng hirap. Ang ilong niya ay maliit ngunit walang tangos.




Ang buhok niyang hanggang baywang at masuyong sinasayaw ng hangin. Nakapatong sa ulo niya ang isang korona ng mga bulaklak, kulay asul na mga bulaklak kagaya ng langit sa t'wing naghahari ang araw.



Para siyang diyosa, pilipinong bersyon ng isang diyosa. Maganda at mukhang palaban. Isang bagay na sinisimbolo ng kababaihang Pilipino. Katapangan na minsan ay mas matimbang pa sa katapangan na ang mayroon ang kalalakihan. Naalala ko kung paano ginagamit ni nanay ang boses niya para pasunurin ako, ang tatlo kong maton na kuya at si tatay.




"B-bakit k-ka nandito?" Nanginginig ang boses niya na para bang natatakot siya. Napalunok ako.



Pinunasan niya ang mga luhang patuloy na umaagos sa pisngi niya. Gusto ko siyang hawakan. Gusto kong pawiin ang kung ano mang nagpapaluha sa kaniya. Ang mga mata niya ay dapat pinapakislap sa saya hindi para sa luha.




"Ikaw ang dapat tinatanong ko niyan, malalim na ang gabi. Kahit na mahaba ang suot mo, kapag may lalaking hayok ay pwede kang mapagsamantalahan," sabi ko.



Hindi ko pa rin inaalis ang titig ko sa mga mata niya, hindi ko alam kung tama ba ang nakikita ko. Nababasa ko ang kalungkutan at pagsusumamo sa mga mata niya na hindi rin pinuputol ang aming titigan.



"Salamat pero kaya ko ang sarili ko." Ang boses niya ay malambot ngunit may kasungitan. Napalunok ako, ayokong ialis ang tingin sa mga mata niya. Nangungusap ito at parang may gustong sabihin. Ano kaya ang lihim ng mga matang iyan?



Nagpakawala ako nang malalim na buntong hininga, hindi ko kayang kontrolin ang puso ko sa pagwawala. Namuo na naman ang mga luha sa mga mata ko. Lumunok ako at dinilaan ang pang-ibabang labi ko.



"Anong pangalan mo?"



"Ikaw?" balik niyang tanong sa akin. Pinutol niya na ang titigan naming, si Ligaw ay nakaupo malapit sa may lawa at kumakawag-kawag pa ang buntot niya. Umupo ang babae at hinaplos ang tubig na para bang ito ay ang kaniyang buhok.




"Ako si Joseph Emilio," sabi ko. Isang ngiti ang sumibol sa kaniyang labi na para bang nakakatuwa ang pangalan ko.



Napakunot ang noo ko pero ang ngiti niya ay lalong pinagwawala ang puso ko. Bakit ba nagwawala ang puso ko? Kanina pa ito, ito ang unang pagkakataon na naramdaman ko ito. Hindi kahit sa kahit na sino kundi sa kaniya lang.


"Agawe, iyan ang aking ngalan."



Nagising ako sa ingay ng mga ibon, bakit ang ingay dito? Wala naman kaming alagang ibon, tilaok pa sana ng manok ay maiintindihan ko pa dahil may manok si tatay. Iminulat ko ang mga mata ko, nakita ko ang nakahigang si Ligaw sa paahan ko, natutulog din. Dumilat siya nang maramdaman na gising na ako at kinawag ang buntot.



Inilibot ko ang tingin ko. "Anong ginagawa ko dito?" tanong ko sa aking sarili. Nasa may tabi na naman ako ng lawa. Ang mainit na umaga ay sinasamahan ng hampas ng hangin. Humikab ako at pinagpag ang damit.



"Hoy, Ligaw. Dinala mo ba ako dito?"



Tinahulan ako ni Ligaw at inabot gamit ang ilong ang kadena niya. Padarag ko itong kinuha nang may napansin akong nahulog. Isang hairclip na may bulaklak na na rosas bilang diseniyo na kulay asul.




Napakunot ang noo ko, hindi naman gumagamit ng ganito si nanay. Paano ako magkakaroon ng ganito? Sinamaan ko ng tingin si Ligaw, siya ang may kasalanan nito. Naglakad ba ako ng tulog at pinasiyal si Ligaw?



Nasa may bukana na ako ng kakahuyan pabalik sa kabahayan. Napakunot ang noo ko nanng tumigil si Ligaw sa paglalakad. Humangin at sinabayan iyon ng mga puno, lumingon ako sa mga punong itinuturo ang daan papunta sa lawa. Hindi ko alam kung bakit pero parang may kung ano sa akin na sinasabing huwag muna akong umalis.



"Agawe," mahinang sambit ko sa isang pangalan na kahit mismo ako'y hindi ko alam kung saan ko nakuha.



"Sino ka?" tanong ko sa hangin na para bang sasagutin ako nito.


Sinabi ko nalang kay nanay na ipinasyal ko si Ligaw dahil maaga akong nagising mukha namang naniwala siya. Buti naman dahil hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag na napunta ako sa gilid ng lawa kasama si Ligaw sa hindi malamang dahilan. Naglalakad ako papunta sa bakery na pinagtatrabahuhan ko ngayong bakasyon.




Pagpasok ko ay first year college na ako sa kursong Education, sabi ni nanay ay mag-teacher ako. Wala naman akong gusto at mukhang masaya ang pagtuturo.



Pagkapasok ko sa bakery ay ang mukha agad ni Clara ang sumalubong sa akin pagkapasok ko sa bakery. Kinunutan ako nang noo na para bang may mali sa akin. Itinulak ko palayo ang mukha niya dahil halos magtama na ang mga ilong namin.



"Anong problema mo?" Namula ang mukha niya sa hindi ko malamang dahilan. Iniwasan niya ang tingin ko ngunit pinagtaasan ako ng kilay. Pinagkrus niya pa ang kaniyang mga braso sa kaniyang dibdib.



"Bakit sobrang itim naman niyang eyebags mo? Ang lalim pa ng mga mata mo, natulog ka ba?" Andami niyang napapansin. Tsk. Tumango lang ako para hindi na mapahaba ang usapan namin. Dumiretso ako sa loob kung saan kukunin yung mga ide-deliver na mga loaf bread sa mga tindahan.



Nakita ko si Daniel na seryosong nagmamasa sa may kusina. Napahikab ako. Magkasing-tangkad kami ni Daniel pero maputi siya at makapal ang buhok. Samantalang ako ay hindi ko hinahayaang kumapal ang buhok ko. Palagi ko 'tong pinapagupitan ng army's cut.



"Tep, naalala mo ba iyong kuwento ni Mang Laciano noong mga bata tayo?"



Napakunot ang noo ko at napahinto. Si Mang Laciano ay ang mataandang namumuhay dati malapit sa lawa. Palagi kami doon t'wing bakasyon para magpahinga pagkatapos naming maglaro sa kakahuyan. Kinukwentuhan niya kami ng mga bagay na minsan ay makatotohanan at minsan nama'y purong imahinasyon lamang.




Sa kasamaang palad nasawi na si Mang Laciano dahil na rin sa katandaan. Isang araw ay hindi na lamang siya nagising. Wala ring umangkin sa bahay niya, wala siyang kamag-anak o ano man. Minsan ay pumupunta ako doon ngunit madalas ay sa mismong lawa ako namamahinga.




"Alin doon?" Tumingin siya sa akin. Nang magsalubong aming mata ay nakita ko ang pagtataka rito. Napakunot ang noo ko.



"Yung kwento na tungkol sa isang binata na umibig sa isang diyosa." Napatango ako isa iyon sa mga hindi ko malilimutang kwento ni Mang Laciano. Isang napakasakit na pag-iibigan. Siguro ay sa sobrang buryo ni Mang Laciano ay nakaisip siya ng kuwento tungkol sa lawa.



Una silang nagkita sa lawa, hindi alam ng binata na diyosa pala ang kaniyang nakilala. Isang diyosa na binabantayan ang lawa. Ilang ngiti at salita ang napagpalitan nila. Habang tumatagal ay nahuhulog ang sila sa isa't-isa.




Kaya nakapagdesisyon ang diyosa na humiling sa langit na kung pwede ba siyang maging tao kahit na... sa maikling panahon lamang para makasama sa paglalakbay ng binata. Isang linggo, ang binigay ng langit para maging tao ang diyosa, agad na pumayag ang diyosa kahit na hindi niya pa naririnig ang mga kondisyon. Naging masaya sila, pinaranas sa kaniya ng binata ang hindi niya pa nararanasan bilang isang diyosa. At dahil doon hiniling niya na sana... ay naging tao na lamang siya.



Nagalit ang langit, hindi siya nakuntento. Gusto niya pa nang higit, kahit na pinagbigyan na siya sa kagustuhan niya. Sinubukan niyang umalis kasama ang binata, lumayo. Ngunit nagising siya sa sarili niyang tubig, ang tubig ng lawa. Binalik siya ng langit sa kaniyang nararapat na buhay ang maging isang... diyosa.



Pinuntahan siya ng binata, sumakay sa balsa at sinubukan siyang itaas. Ngunit hindi niya magawa. Inamin niya ang lahat sa binata, walang nagbago at mahal pa rin nila ang isa't-isa. Sinubukan abutin ng binata ang diyosa at ibalik sa bisig niya ngunit hinihila pababa ng tubig ang diyosa. Ang unang halik nila ay ang... halik ng pamamaalam. At dahil dito ay nahatulan siya... ng langit.




Nilunod ng langit ang diyosa sa sarili niyang tubig bilang parusa.



"Pinagtagpo sila ng lawa at pinaglayo ng langit," sabi ko. Iyon ang eksaktong mga salita ni Mang Laciano. Hindi nabanggit ni Mang Laciano kung anong nangyari sa lalaki ngunit sigurado siya na namatay ang diyosa. Akala ko totoo iyon ngunit nang lumaki ako ay nakita ko na ang totoong mundo. Produkto lamang sila ng malikhaing isipan ng mga tao.




"Paano kong totoo iyon?" Umiling ako at medyo natawa sa sinabi niya. Paano magiging totoo ang isang kwento lamang? Mga diyos at diyosa...




"Na baka si Mang Laciano ang binata doon." Ang alam ko ay may pamilya si Mang Laciano napdpad lamang siya sa nayon naming dahil iniwan siya ng pamilya niya.





"Ano na namang nahithit mo? Natulog ka ba kagabi? Mukhang sabog ka pa," sabi ko sakaniya. Lumapit ako sa kaniya matapos ibaba lahat ng loaf bread sa isang tray. Inakbayan ko siya at tinapik-tapik ang balikat niya.




"Nanaginip ako kagabi. Isang babae umiiyak siya sa lawa habang nakasakay siya sa balsa. At may lalaking nakatayo malapit sa lawa nakatanaw sa babae. May sinasabi sila pero hindi ko marinig. Sa ilalim ng liwanag ng buwan sa lawa." Napatigil ako sa sinabi niya. Nasa lawa ako kagabi pero wala akong maalala. Ang alam ko lang doon ako natulog. Napalunok ako sa sinabi niya.





"Iniisip mo bang diyosa yung babae sa panaginip mo? Panaginip lang naman iyon. H'wag kang mag-isip ng kung ano-ano. Kakabasa mo iyan eh."




Siniko niya ako. "Seryoso ako. Ilang taon na akong ginugulo ng panaginip na iyon. Dati ay mag-isa lang babaeng iyon sa lawa, ngayon nagbago na..." mahinang bulong niya. Bago niya ako tinignan gamit ang seryosong mga mata.




"May kasama na siya, may lalaki na, paano kung ako pala iyon?"



"Gago, ang gwapo mo naman kung may diyosang mahuhulog sa iyo."




Ilang araw na ang lumipas bago ko napagdesisyunan na pumunta uli sa lawa. Humikab ako, at umupo sa gilid ng sapa. Nagbato ako ng bato sa lawa umaasang may matamaang isda. Tumingin ako sa langit, naghahalo na ang ang araw at kadiliman. Sumisilip na ang buwan at mga bituin.




Bigla akong nakarinig ng mga yabag ng paa. Papunta dito, tumingin ako sa kakahuyan. Sino na naman bang nandito? Mamaya sinundan na naman ako ni Clara at guguluhin na naman ang tahimik kong hapon.



Isang babaeng naka-asul na bestida na hanggang tuhod ang lumitaw, nakatali ang mahaba niyang itim na buhok. Ang mga mata niya ang nakapukaw ng atensyon ko.



Parang nakita ko na... pamilyar. Pamilyar sa akin ngunit hindi ko maalala kung saan ko nakita. Napalunok ako at napaawang ang bibig ko nang makita ang mga luha sa mga mata niya. Bumilis ang tibok ng puso ko, parang mauubusan ako ng hininga.



Agad niyang pinunasan ang luha niya. Tumalikod siya, at akmang aalis. Napatayo ako, inilang hakbang ko ang distansiya naming dalawa.



"Sandali lang."



Sino siya? Bakit nandito siya sa lawa pumunta? Mukhang may problema siya at magpapalamig dito. Hindi ko ugaling makialam sa buhay ng iba... lalo na kung hindi ko naman kilala. May nagtutulak sa akin na alamin kung ano... ano ang nasa isip niya.




Nilingon niya ako na may masamang tingin. "Sino ka? Hindi ka taga dito."



Tinignan niya ang kamay kong nasa braso niya. Agad kong tinanggal ang hawak ko sa kaniya, wala na ang mga luha sa mga mata niya. Nakita ko na siya, ang mga tingin niya at ang mga luha sa mata niya. Nakita ko na pero hindi ko maalala kung saan. Ang pamilyar na pagkabog ng puso ko at ang kabadong isip ko.



"Agawe nga, no'ng nakaraang linggo ka pa ah. Tinanong mo na rin sa akin iyan." Nanlaki ang mga mata ko. Anong sinasabi niya? Ngayon ko lang siya nakita. At ni-isang beses sa buhay ko ay hindi ko pa siya nakita.



"Nakaraang linggo?" mahinang tanong ko ngunit sapat na para marinig niya. Ano ang sinasabi niya?



Umirap siya at tinaasan ako ng kilay. "Hating gabi iyon, naabutan mo akong nagbabalsa sa lawa. Tinanong mo ang pangalan ko tapos ilang minuto kang nakatulala at biglang nakatulog."



Hindi ko... maalala.



"Wala akong maalala, ako si-" Pinutol niya nag sasabihin ko nang ilagay niya ang kaniyang hintuturo sa aking labi. Napatingin ako doon bago umangat muli ang mata sa kaniyang mukha.


"Joseph Emilio, sinabi mo na iyan. Umiyak ka rin no'n." Halos 'di ko madinig ang huling sinabi niya. Tinignan ko siya nang mariin.



"Umiyak?" Tumango siya at ngumuso. "Halika, umupo muna tayo doon. Nakakangalay ang pagtayo dito," anyaya ko sa kaniya. Hindi siya sumama sa paghila ko. Napalunok ako, huminga ako ng malalim. May kung anong nangyayari sa dibdib ko na nagiging dahilan sa pamumuo ng luha sa mata ko.


"Hindi ako sasama sayo, sino ka ba? Malay ko ba at bigla mo akong pagsamantalahan."



Natawa ako nang kaunti kaya naurong ang mga luhang nagbabadya. "Sa tingin mo ba may gagawin akong masama sayo?"




"Babae ako at lalaki ka. Hindi tayo masyadong magkakilala kaya hindi malabong maisip ko iyon. Bigyan mo ako ng patunay na hindi mo ako gagawan ng kahit na anong masama," mataray na sabi niya. Inilahad niya sa akin ang kaniyang kamay na para bang nanghihingi lang ng limang piso.




Inabot ko ang kwintas ko sa leeg, ibinigay iyon sa akin ni tatay. Proteksyon ko daw, kulay tanso iyon na may pendant na patak ng ulan. Kumunot ang noo niya habang nakamasid sa akin, habang ako naman ay nangingiti. Alam niya kung paano ingatan ang sarili niya, sigurado akong proud sa kaniya ang mga magulang niya.




"Oh, bigay iyan sa akin ng tatay ko. Importante iyan sa akin, ibibigay ko sayo kapag ginawan kita ng masama ihulog mo sa lawa," sabi ko. Ngumuso siya tila nagdadalawang isip siya. Ngumiti ako sa kaniya, bigla niyang iniwasan ang tingin ko.



Umubo siya at tumingin sa akin. "Sigurado ka bang mahalaga yan sayo? Mamaya ay inuuto mo lang ako."



"Oo nga, ang kulit nito. Pinamana raw iyan ng lolo niya sa tuhod. Para maiba naman ay sa bunso niya ipinamana hindi sa panganay," sabi ko. Ewan ko ba kay tatay kung anong trip niya sa buhay.



Nagtatrabaho siya sa isang minahan, kahit na maliit ang sinisuweldo niya ay pinag-aaral niya kaming tatlo nila kuya. Ang kambal na panganay namin ay nasa huling taon niya nasa college, habang ang isa kong kuya ay second year na sa pasukan. At syempre ako first year na.




"Yan ang tanging materyal na kayamanan ang ipinamana niya sa aming magkakapatid. Kaya maniwala ka sakin, importante yan sa angkan namin."




Nakaupo na kami ngayon sa tapat ng sapa. Magkatabi, niyayakap niya ang tuhod niya habang ako naman ay naka-indian sit. Ikinukwento niya sa akin kung paano niya ako nakilala, at kung paano kami nagkita nong gabing iyon. Wala talaga akong maalala, pero alam kong pangalan niya ang sinambit ko bago umalis sa lawa. Amnesia ba yun?




"Hindi ko alam, pero nang makita ko ang mata mo. May naramdaman ako na hindi ko maipaliwanag. Biglang bumuhos ang luha sa mata ko kahit na wala namang nakakaiyak. Ang tanging gusto ko lang ay magkaroon ng matiwasay na isipan."




Nakatingin ako sa kaniya habang siya ay diretso ang tingin sa lawa. Parehas kami. Iyon din ang naramdaman ko nang maramdaman ko ang presensya niya. Napalunok ako, ano ba ang nangyayari?




"Parehas tayo, pero hindi ang mata mo ang nagpaluha sa akin. Kundi ang... ang presensiya mo," mahinang bulong ko. Napabuga ako ng hininga, naninikip din ang dibdib ko. Kumakain naman ako ng san marino, 'di ba it's good for the heart? Bakit ganito?





"Siguro magkakilala tayo sa past life natin. Baka tatay kita o kaya nanay mo ako kaya malakas ang connection natin."




Reincarnation? Siguro totoo iyon baka puno na ang langit kaya ibinabalik nila ang ibang mga hindi pa tapos sa misyon nila sa buhay. Sa ibang katauhan nga lang.





"Bakit gano'n kagad ang naisip mo? Malay mo, minahal kita sa past life ko," sabi ko. Ngumisi ako at tumingin sa kaniya. Inirapan niya ako na may nguso sa labi pinipigilan ang pag-usbong sa isang ngiti.




Tumingin ako sa langit na unti-unti nang sinasakop ng dilim. Hindi ko matanggal ang ngiti sa mga labi ko. Tumingin ako sa kaniya at gaya ko ay nakatingala din siya sa langit. "Sa tingin mo? Nakikita ng langit ang lahat ng nangyari sa mundo?" tanong niya.





Siguro, siguro nakita niya. Sino bang nakakaalam? Ang alam ko lang ay masaya ako ngayon.




"Siguro, siguro kung makakapagsalita lang ang langit, ikukuwento niya kung paano naging moderno ang simpleng pamumuhay ng mga tao. Kung paano dumanak ang dugo sa bawat giyera para sa kasarinlan at kapayapaan. Ang pagkaganid ng tao sa kapangyarihan at ang mga pusong winasak ng panahon," sabi ko habang nakatingin sa kalangitan. Nakikita nga ba talaga ng langit ang lahat?




"Aalis na ako. Salamat sa oras nang pakikipagkwentuhan sa akin. Mabait ka naman pala," sabi niya.




Kumaway siya sa akin at dumiretso sa kabilang daanan ng kakahuyan. Saan kaya siya nakatira? Sana pala hinatid ko nalang siya, masisigurado ko pang ligtas siya. Okay na siguro to, baka mapreskohan pa sa akin iyon.



Nagising ako at napatingin sa bintana, umaga na. "Hoy, lalaki! Aba, aba tumayo ka na diyan. Anong tingn mo sayo, prinsipe? Senorito? Wala kang katulong dito..." At nagsimula na naman ang maagaag sermon ni nanay. Wala na si kuya Jonjon sa higaan siguro'y inagahan ang gising para hindi masermonan. Tsk 'di man lang ako dinamay.



Kahit na nasermonan ako ay good mood pa din ako. "Nay? Anong gusto niyo? Talong? Tuyo? O itlog?"




Kumunot ang noo ni Nanay na para bang may sinabi akong masama. "Ano ba, Tep! Ako ang maglalagay ng pagkain ni Nanay. Nay ito na ang special coffee ala Johnson." Sinamaan ko ng tingin si kuya Jonjon siya ang kuya kong incoming third year sa kursong engineering.




"Hoy kayong dalawa tumabi nga kayo, Nay ito na ang sinangang el tuna!" sabi ni kuya Nior. Hinalikan niya pa ang hinlalaki at hintuturo niya sabay lapag ng bandehado sa lamesa. Siya ay isa sa kambal na pnganay pero mas madalas silanng tawagin na ang kambal na junior.




Parehas kasi ang pangalan nila, magkaiba lang dahil sa Junior na nilagay ni Nanay. Hinati ba naman niya ang Junior, ang isa'y binigay niya kay sa naunang lumabas ang Jun at sa huli ay Nior. Sila sina Juan Jun at Juan Nior.




"Tigilan niyo nga si Nanay, ang aga-aga gusto niyo bang mapalo ng sandok?" Lumabas naman galing sa kwarto nila si Kuya Jun. Nakasalamin siya at mas malinis kaysa kay kuya Nior.




"Tumigil nga kayo, umupo na kayo," sigaw ni nanay.



Umupo kaming lahat habang pinnapakiggan ang mga sermon niya. Kesyo may kailangan daw ba kami, kung meron ay direstuhin na wag na paliko-liko hanggang sa naka-abot na sa kung gaano kami ka-swerte dahil nakakapag-aral kami. Hayst. Wala pa ngang pasok.




Papasok na ako sa trabaho nang makasalubong ko si Daniel. Inaantok pa siya at mukhang kakagising lamang.



"Kamusta yung panaginip mo?" Humihikab siya nang tanungin ko.




"Nagbago na yung senaryo. Umiiyak yung lalaki, mag-isa siya sa lawa pero may sinasabi siya. Parang pangalan, Akane? Agape? Paulit-ulit iyon habang inaabot niya ang lawa, parang may gustong iligtas pero hindi niya magawa," sabi niya kaya napakunot ang noo ko. Tinapik ko ang balikat niya at inakbayan siya.




"Kung reincarnation ka at alaala mo yan. Mukhang masalimuot ang magiging lovelife mo, Dan. Kung kailangan mo ng kainuman nandito lang ako," sabi ko bilang pampalubang loob.





"Hindi ako iyon, napagtanto ko na hindi ako iyon. Hinawakan ko iyong balikat niya at pinapatahan siya, tumingin siya sa akin. At sabi niya, 'Pinarusahan siya, habang ako. Ako ay patuloy na nabubuhay, ito ba ang parusa sa akin dahil minahal ko siya? Nagmahal kami, nagmahal lang kami,' yun yung eksaktong sinabi niya. Hanggang doon lang yung panaginip may sasabihin pa sana siya pero naputol na dahil binuhusan ako ni Mama ng malamig na tubig."




"Nagmahal kami, nagmahal lang kami," ulit ko sa huling sinabi ni Daniel. Ginulo niya ang buhok niya habang ako ay napahinto.



"Gagawa nalang ako ng ensaymada, kapag nagawi ka sa may lawa. Tignan mo kung may magkasintahan na madalas na nandoon. Baka sila iyon."



Hapon na nasa lawa na ako. Kasama ko si Daniel, baka raw kapag nakalangoy sa lawa ay matigil na ang panaginip niya. "Dito muna ako," sabi ko at umupo sa ilalim ng puno ng mangga. Siya naman ay agad na tumalon sa lawa.





Lawa.




Ano ang sikreto mo?




Tumingin ako sa langit nag-aagaw na ang kulay kahel at kulay ng dilim sa langit. Pagabi na, may biglang huminga sa gilid ko kaya nagulat ako. Napatalon ako at napatayo, pagtingin ko ay si Agawe iyon. Nakakunot ang noo niya at hinihingal. "Sino yang kasama mo?





"Bakit bigla ka nalang lumilitaw diyan? Muntik na akong atakihin sa puso dahil sayo." Napatawa siya sa reaksyon ko. Ngumuso ako para pigilan ang ngiti sa labi ko.





Nakasuot siya ng pantalon at isang tshirt na kulay asul. Nagtagal ang tingin ko sa leeg niya. Napatingin din siya doon. Hinawakan niya iyon bago inangat ang tingin sa akin.





"Hindi ko naibalik sayo kahapon kaya pumunta ako dito. Tumakbo pa ako, akala ko ay hindi na kita maabutan." Ang tunog ng marahas na langoy ni Daniel ang naghari sa buong paligid. Lumunok ako habang nakatingin sa mga mata niya, imbes na si Daniel ang malunod, ako ang nalunod sa lalim ng mata mata niya. Ano kayang iniisip niya?




"Hindi ko rin nakuha sayo kahapon, mamaya mo na ibalik. Halika ipapakilala kita sa kaibigan ko." Sinama ko siya palapit sa lawa, napansin naman iyon ni Daniel.




Huminto siya sa paglangoy at natanaw ko ang pagkunot ng noo ko. Lumapit din siya, medyo namula ang pisngi ni Agawe nang makita ang katawang walang pang-itaas ni Daniel. Mas may abs pa ako diyan, psh.



"May tinatago ka palang kasintahan dito. Kawawang Maria Clara, ang pinapangarap na si Crisostomo Ibarra ay naging si Rizal na," sabi niya nang may ngisi sa labi. Naglahad siya ng kamay kay Agawe.




"Ako nga pala si Daniel, kaibigan ni Joseph." Tinanggap iyon ni Agawe at ngumiti ng matamis.





"Ako si Agawe, napadaan lang at biglang nakilala si Joseph." Napatawa ako sa sinabi ni Agawe. Si Daniel naman ay napaawang labi, siguro'y nagandahan kay Agawe. Napatingin naman si Agawe sa kamay niyang hindi pa binibitawan ni Daniel kahit ilang segundo na ang nakalipas.




"Y-yung kamay ko," sabi ni Agawe. Nagpakawala siya ng mahina at medyo awkward na tawa. Napakurap si Daniel at binitawan ang kamay ni Agawe. "Sorry, narinig ko na ang pangalan mo. Hindi ko matandaan kung saan."




"Baka sa bayan, anak kasi ako ni Sergio Henarez." Napakunot ang noo ko, iyon yung corrupt na official sa gobyerno. Kumalat ang balita tungkol sa kaniya dati dahil may nagpakalat na ibinili niya ng isang mamahaling kotse ang pera para sa bagong building ng paaralan kaya na-delay ng tatlong taon bago naipatayo.





Hindi ko alam na may anak pala iyon. "'Di ba malayo dito ang mansion niyo? Paano ka nakakarating dito?" tanong ko. Napaling naman ang mata niya sa akin at nagkamot ng batok.




"May daanan na nagdudugtong sa dalawang baryo diyaan sa kakahuyan," sabi niya. Itinuro niya ang salungat na daan sa daanan na pabalik sa lugar namin.



Napakunot ang noo ko. "Hindi ba delikado? Lalo na kapag gabi na?"





"Hindi, ilang lakad lang at lalabas na ako sa mailaw na kabahayan sa amin."




Umalis din agad si Agawe, ibinalik niya ang kwintas sa akin. Naiwan kami ni Daniel sa may lawa. Nakaupo sa ilalim ng gabi. Hawak ko ang kwintas at marahang hinahaplos to. Si Daniel naman ay binabato ang lawa.




"Agawe, nabasa ko na iyon." Hindi natapos sa sinabi ni Agawe ang pagkakuryoso ni Daniel sa pangalan niya. Tinignan niya ako na para bang ako ay isang batang walang alam sa mundo. Kaya napahawak ako sa noo ko.



"Hindi mo ba naalala?"



"Hindi ko nga alam na anak siya ng isang tao sa gobyerno. Tapos itatanong mo kung may naalala ako sa pangalan niya?"




"Tama naalala ko na," sabi niya tila natuldukan na ang iniiisip niya. "Agawe ang diyosa ng tubig. Iyon ang kahulugan ng pangalan niya, siguro'y mahilig magbasa ng mga Mitolohiya ng Pilipinas ang mga magulang niya."



Diyosa? Kasing-ganda siya ng isang diyosa. Bagay sa kaniya ang pangalan niya. Napailing ako sa sinabi niya. Naniniwala ako sa sinasabi niyang kahulugan ng pangalan ni Agawe, hindi nga common ang pangalan ni Agawe para sa isang babaeng lumaki sa bayan.




Tumingin ako sa mga bituin. Totoo kayang ang mga bituing nagniningning ay patay na? Paano maliliwanagan ng isang patay na bituin ang dilim na kalangitan?




"Gusto mo siya?" Napakunot ang noo ko sa tanong niya. Gusto? Siguro, masaya siyang kasama. At nakakabilib ang mga iniisip niya. Napahawak ako sa puso ko, alam ko ang isinisigaw nito. Unang pagkikita pa lang naming dalawa ay nagwawala na ito. Kilala ko ang sarili ko.




"Baka mahalin ko siya."



Napangiti ako habang hawak ang kamay ni Agawe, kagaya ng unang naming pagkikita. May luha na naman sa mga mata niya. Tama ako, mamahalin ko si Agawe, heto ako at minamahal siya. Tinignan ko siya sa mga mata.




"Mahal na mahal kita," mahinang sambit ko.




"Mahal kita, Joseph. Tatawag ako ng tulong. Hindi ako sasama kay Daddy, sasama ako sayo! H'wag kang bibitaw, Joseph. Hindi ba may pangarap tayo?" Kumikirot na ang likod ko. Pakiramdam ko nanunuyo ang lalamunan ko.





"T-tuparin mo ang pangarap natin kahit... w-wala na ako," nahihirapang sabi ko. Yung mga pangarap na binuo naming dalawa. Siguro kung wala ang tatay niya baka... pwede kami. Baka pinakasalan ko na siya.




"Joseph wag naman ganito. Paano na sila Nanay? Yung mga kuya mo? Tayo-" Nakita ko na papalapit na ang tatay niya. Nanlalabo na ang paningin ko, tinignan ko ang mga mata niya. Hindi ko na marinig ang sinasabi niya.




"Mahal kita." Pinutol ko ang mga salita niya sa pamamagitan ng labi ko.




Saksi ang lawa at ang langit sa pagmamahalan naming dalawa. Nagmahal kami, nagmahal lang kami.




Mahal ko siya, minamahal ko siya sa buhay na ito at mamahalin ko siya sa susunod na habang buhay na meron ako.




Kagaya ng kwento ni Mang Laciano.






Ang diyosa at ang binata.





Pinagtagpo kami ng lawa at pinaglayo ng langit.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro