Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 8

NAPAG-ALAMAN ni Flor ang mga pangyayari mula na rin kay Helen. Noon palang mga oras na tumatakbo siya patungo sa security office ay pinapaulanan ito ng pangaral ng night shift head ng housekeeping department sapagkat hindi nito itinala sa clipboard na may gumagamit ng suite na ginagamit ni Zeph.

Ang katwiran nito ay nawala sa isip nito iyon dahil sa sakit ng tiyan nito. Itinawag lang kasi iyon dito ng front desk. Tanong ito nang tanong sa kanya kung ano raw ba ang nangyari. Maging ito kasi ay nanganib na masibak sa puwesto. Ganoon katindi ang pagpapahalaga ng mga empleyado kay Zeph.

Hindi sa minamaliit niya ang lalaki—sapagkat ito ang may-ari ng hotel—subalit parang sobra naman yata. Dalawang inosenteng empleyado ang nanganib na mawalan ng trabaho para lamang sa kalaswaan nito.

Kinausap din siya ng head ng housekeeping. Nalaman niya mula rito na nakita nga raw siya ng security personnel na tumatakbo palabas ng silid kaya nagtungo kaagad doon ang head kaya naroon na ito nang magbalik siya roon. Panay rin ang tanong sa kanya nito kung ano raw ang nangyari, siyempre ay hindi niya sinabi. Kahit walang habilin sa kanya si Zeph, hindi siya tanga upang hindi maunawaang talagang mawawalan na siya ng trabaho kapag ibinida pa niya ang nakita niya.

Sa ngayon ay inaayos na niya ang kanyang trolley. Nagpalit sila ng housekeeper na tagalinis sa tinutuluyan ng amo nila. Masama ang hinala niya pero wala siyang magawa sa ngayon. Mahirap magreklamo kung hindi kargado ng bala ang kanyang baril.

Nagtanong na lang siya sa kasamahan niya at inalam kung ano ang mga dapat niyang gawin doon. Baka maraming partikular na bilin si Zeph. Baka may hindi siya magawa at makahanap pa ito ng butas sa kanya.

Sinabi naman nito sa kanya ang lahat at ikinalukot iyon ng mukha niya. Marami palang arte ang lalaking iyon.

Sumakay na siya sa elevator na para sa kanila at nagtungo sa palapag nito. Nakita niya roon si Greg. Alam na niya ngayon na ito pala ang personal assistant ni Zeph. Ang laking tao nito, mukhang sanggano pero malinis tingnan. Tulad noong unang nakita niya ito ay naka-polo-barong ito.

"Good morning, Sir," pormal na bati niya rito.

Tumango ito at binuksan ang isang pinto roon. Kamukha iyon ng mga ordinaryong suites sa ibaba. Ang kaibahan lamang ay walang kama roon, bagkus ay napakaraming upuan na iba-iba ang hitsura. Mayroong bar, TV, banyo, kompleto sa amenities.

"Unahin mo na ito," wika sa kanya ng lalaki.

Tumango siya at tumalima na. Nang matapos iyon ay lumabas uli siya. Sinabihan siya ni Greg na maghintay muna. Mayamaya ay bumukas na ang pinto. Nakita niya si Zeph. Mukhang bagong gising ito. Nakaroba lamang ito.

"G-good morning," bati niya rito.

"Good morning. Come in."

Tumalima kaagad siya. Gaya ng habilin sa kanya ng pinalitan niya ay inuna niyang palitan ng sariwang prutas ang mga naroong prutas na sariwa pa rin naman. Pagkatapos ay inayos na niya ang vacuum cleaner.

"Have you had breakfast, Flor?"

Napasinghap siya, sabay pihit paharap dito. Nasa likuran na pala niya ito. Hindi niya alam kung kanina pa ito roon. Ang akala niya ay nagtungo na ito sa kung saan. Nailang siya sapagkat bukas ang roba nito. Walang suot ito sa loob maliban sa itim na pajamas. Hindi niya malaman kung bakit naiilang siya dahil lamang doon.

Ang mga tambay nga sa kanila, maghapon at magdamag na nakahubad-baro pero hindi siya naiilang na tingnan, ngunit sa lalaking ito, parang kinakabahan siya. Para bang ano mang sandali ay may gagawin itong makakasorpresa sa kanya.

"Mamaya n-na ako." Pinagtuunan uli niya ng pansin ang vacuum cleaner. Isinaksak na niya iyon.

"Nice ass."

Napanganga siya, sabay unat. Ang sama ng tingin niya rito. Tama ba ang pagkakarinig niya? Ngumiti ito sa kanya, saka tumalikod na rin. Hindi siya mapakali hanggang sa maisip niyang mali lang siguro ang pagkarinig niya.

"Here."

Kung may sakit siguro siya sa puso ay tumimbuwang na siya roon. Nang lumingon siya ay nakita niyang may tangan itong mug at iyon ang iniaabot nito sa kanya. Napipilitang inabot niya iyon.

"S-salamat."

"Come with me."

Tumalima siya. Nagtungo sila sa komedor. Punung-puno ang mesa roon. Parang limang katao ang kakain sa dami ng putahe. Naupo ito sa kabisera at nagmuwestrang maupo rin siya.

"Hindi na."

"Sit down," mariing sabi nito.

"Pero may trabaho pa ako—"

"'Wag mong painitin ang ulo ko. Maupo ka."

Nagpanting ang mga tainga niya pero tumalima pa rin siya.

Boss mo 'yan. Amo 'yan. Pinauupo ka lang naman, 'wag ka nang umangal. Kapag napagsabihan ka sa ibaba na masyado kang matagal, mangatwiran kang maraming ipinagawa sa 'yo ang kamoteng 'to. Alangan namang sitahin nila ang giant kamote?

Sa isiping iyon ay natahimik na siya. May oras kasi ang paglilinis sa bawat silid. Kinse minutos bawat isa. Pero sa destino niya ngayon, binigyan siya ng isang oras at kalahati. Sa tingin niya at sapat na iyon para sa dalawang silid kung hindi siya makikipag-chika-han sa lalaking ito, subalit mukhang iba na naman ang trip nito. Pagbibigyan na lang niya ito.

"Eat up."

Nagkibit-balikat na lang siya at nagdesisyong sakyan na lamang iyon. Hindi libre ang pakain sa kanila sa hotel kaya tipid na rin siya, masarap pa ang almusal.

"Kapag sinita ako sa ibaba, sasabihin kong may ipinagawa ka sa akin," imporma niya rito. Mabuti na iyong sigurado. Kumunot ang noo nito subalit tumango rin. Sumubo na siya. "Alam mo, ngayon lang ako makakatikim nitong luto ng hotel."

"You talk while your mouth is full." Hindi iyon sinabi sa tonong namumuna, bagkus ay tila nagpapahayag lang ng isang kakatwang bagay na nakita nito.

"Pasensiya na." Ngumiti siya. Naisip niyang siguro ay ganoon din ang ginagawa nito sa isa pang tagalinis doon. Baka in fairness ay mabait pala ito, nagkataon lang na ganoon magsalita dahil mayaman.

Siyempre nga naman, hindi ito basta-basta. At siguro, bukas naman ito sa mga opinyon ng mga tulad niyang ordinaryong empleyado. Naisip din niyang baka iyong sinabi nito sa kanya noong nakaraan ay hindi naman nito intensiyong sabihin upang bastusin siya. Baka nagkataon lang na ang nakakasalamuha nitong mga babae ay iyong pumapayag sa ganoon. Baka mahirap ding maging mayaman minsan sapagkat wala nang nagsasabi kung ano ba ang tama o mali. Maraming "baka" na biglang naglaro sa isip niya dahil hindi naman niya alam kung paano maging mayaman.

At ngayon niya nauunawaan na siyempre nga naman, tao lamang ito na marahil buong buhay nito ay ito ang nasusunod. Na walang naglalakas-loob na itama ito kaya marahil ganoon ito.

Pero mukhang okay-okay na rin. Heto at pinapakain siya nito. Baka naawa itong maglilinis siya roon gayong hindi pa siya nag-aalmusal. Makatao rin pala. Ayos na rin.

"Alam mo, kung ako sa 'yo, ipapauwi ko na lang sa mga empleyado 'yong mga tirang pagkain kapag buffet kasi sayang, eh." Matagal nang naglalaro ang ideyang iyon sa isip niya. Naengganyo siyang magpahayag ng saloobin.

"Really?" Mukhang napukaw ang kuryosidad nito.

"Really!" Ginandahan niya ang pagkakangiti. "Kasi alam mo, nakita ko noong isang beses iyong kitchen helper. Itinatapon lang niya iyong mga galing sa buffet lunch. Alam mo, hinayang na hinayang ako." Pumalatak siya. "Pagkain na iyon, eh. Hindi naman marumi iyon. Wala namang langaw sa restaurant. Alam mo kung ano ang katwiran kung bakit itatapon na lang?"

"What?" Nakangiti na ito sa puntong iyon na lalong nakaengganyo sa kanya. Aba'y malaking bagay kung ibabahagi sa tauhan ang pagkain.

"SOP raw ng chef. SOP ng chef! SOP? SOP bang magsayang ng puwede pa namang pakinabangan? Isipin mo, ah..." Nilunok niya ang pagkain, saka uminom ng ubod-lapot na tsokolate. "Gaano kalaki ang matitipid ng mga tulad ko kung imbes na itapon 'yon, eh, ibigay na lang sa amin? Magkano ang isang order ng ulam ngayon doon sa labas? Beinte-singko. Limang piso ang kanin. Eh, ako, malakas akong kumain kaya may extra rice pa ako. Eh, di magkano 'yon? Treinta y singko, 'di ba?"

Tumusok siya ng sausage, saka kumagat doon. Natutuwa siya dahil mukhang nakikinig ito sa kanya nang mataman. Nagpatuloy siya. "O, thirty-five times three, eh, di one hundred five pesos a day. Isara na natin sa isandaan. Mantakin mong makatipid ka ng siyento pesos isang araw? Malaking bagay na 'yon! Tama naman ako, 'di ba?"

"Uh-huh. Go on."

"In fairness, masarap itong sausage."

Ang lakas ng tawa nito. "How old are you, Flor?"

"Twenty-six. Ikaw?"

Natawa uli ito, pero sinagot naman ang tanong niya. "Thirty-six."

"In fairness, hindi ka mukhang thirty-six." Nang matawa ito ay naisip niyang baka iniisip nitong binobola niya ito. Sa puntong iyon ay natutuwa na rin talaga siya rito. Mukhang tama ang hinala niyang nagkamali siya ng akala rito. Mukhang mabait ito. "Totoo. Hindi ako nagbibiro."

"Bakit, mukhang ilang taon ba ako?"

"Mga forty-five, in fairness," biro niya.

Ang lakas-lakas ng halakhak nito. "You're funny."

"Hindi, sa totoo lang, mukha ka pang bata. Mga thirty, ganoon. Mantakin mo, thirty-six ka pa lang, ang dami-dami mo nang nagawa, ano? May hotel ka na. Kahit siguro abutin ako ng singkuwenta, hindi ako magkaka-hotel."

Ipinagpatuloy niya ang pagkain. Nang tanungin niya ito kung papayag na ba itong ipamigay na lang sa mga empleyado ang natirang pagkain sa buffet ay sinabi lang nitong titingnan nito. Masaya na siya roon. At least, pag-iisipan nito. Talaga namang may punto siya roon.

Nang matapos siyang kumain ay parang nais niyang magsisi. Sa dami ng nakain niya ay parang nauumay na siya. Parang umabot na sa lalamunan niya ang nakain niya. Bigla ay ibig niyang mahiya nang makitang ang daming nabawas sa pagkaing nakahain samantalang nagkakape lang si Zeph.

Nahihiyang tumingin siya rito. Nakatingin lamang ito sa kanya pero hindi mukhang galit, bagkus ay may ngiti sa mga labi.

"What?" anito.

"Pasensiya na, ha? Naparami yata ang kain ko. Ang totoo kasi, maaga talaga akong nagising kanina. Ako kasi ang nakatoka na mag-init ng tubig-pampaligo ng kasama ko. Ipinagluto ko rin siya ng noodles. Ewan ko ba naman kasi roon. Kalalaking tao, nagda-diet at ayaw na lang ng biling goto doon sa may amin. Mamantika raw. Kapag nalamigan, eh, nagsesebo—"

"You're living-in with someone?" Kunot na kunot ang noo nito.

"Ay, hindi, ah! Pinsan ko 'yon. Bakla. Si Dina."

Natawa na naman ito. Kanina pa niya napapansin na kapag tumatawa ito ay lalong nagmumukhang bata. Nawawala ang bagsik sa anyo nito. Ang guwapu-guwapo talaga nito. Kapag nakita ito ni Dina ay tiyak na kikiligin ang hitad.

"Kapag nakita ka n'on, matutuwa 'yon sa 'yo."

Ngumiti lamang ito, habang pailing-iling na inabot ang isang pahayagan at sinimulang basahin. Tumayo na siya.

"Sige, magsisimula na akong maglinis."

"Stay right there. You just ate."

"Hay, salamat. Alam mo, busog na busog talaga ako, eh. Pero 'wag kang mag-alala, hindi naman ako abusado. Sa susunod, hindi na ako kakain nang marami."

Ngumiti ito at napangiti na rin siya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro