Chapter 38
"WHY THE hell aren't you wearing your uniform?"
Parang binayo ang dibdib ni Flor sa matinding kaba. Maaga siyang bumiyahe paluwas sa Maynila at agad siyang nagtungo sa hotel. Ang plano niya ay kausapin uli si Zeph. Kapag nagpaliwanag siya nang maayos dito, natitiyak niyang maaayos niya ang lahat... At umaasa siyang kahit paano ay may nalalabi pa itong pagtingin sa kanya.
Natitiyak niyang mayroon pa. Hindi maaaring mawala na lamang kaagad iyon. Hindi iyon basta-basta na lamang nawawala. Naisip niya, kaya nga marahil galit pa rin ito ay sapagkat may nadarama pa rin ito sa kanya.
"Gusto s-sana kitang makausap."
"I'm listening."
Napalunok siya. Ni hindi siya pinapapasok nito sa unit nito. Naroon din si Greg at nahihiya siya rito. Pero wala siyang magawa. "M-maayos na ang buhay ko. Tahimik ka na rin naman. Hindi ba natin ito puwedeng pag-usapan na lang? Naiintindihan kong galit ka sa akin at—"
"You already told me all that last night. Quit wasting my time. I'm a very important man and I don't have time to listen to your nonsense. Now, go the hell downstairs and come back wearing your uniform."
"Z-Zeph—"
"It's 'Sir' to you." Binalingan nito si Greg. "Give this woman her uniform."
Nang sumara ang pinto ay napaluha na siya. Sinabi sa kanya ni Greg na sumunod na lamang daw siya sa utos ni Zeph. Wala na siyang nagawa kundi gawin iyon. Bumaba na siya sa housekeeping department at binati ang bagong manager doon. Mukhang naabisuhan na ito sa kanyang pagdating, pero ang sabi nito ay hindi raw siya magtatagal doon. Nagtanong siya kung ano pa ang impormasyong alam nito subalit mukhang wala nang iba pa maliban doon. Ibinigay na nito sa kanya ang kanyang magiging uniporme.
Tulak-tulak ang trolley niya ay nagbalik na siya sa itaas. Kung ang ibig ni Zeph ay ipahiya siya ay hindi ito nagtagumpay. Sapagkat hindi marahil nito nauunawaang doon siya nanggaling, hindi pa siya ganap na nakakaalis doon, at hindi siya nagsisising ibinalik niya ito sa dapat nitong paglagyan.
Kung ang intensiyon nito ay pasakitan siya, wala pa ring papantay sa sakit na nadama niya nang mawala na ito. Alam niyang gumaganti ito. Hindi lang niya alam kung hanggang kailan nito balak gawin ang bagay na iyon. Wala siyang magawa. Nagdesisyon na siya noon na huwag humadlang dito. Iyon pa rin ang desisyon niya, hindi na magbabago pa.
Sinabihan siya ni Greg na tumuloy na sa unit ni Zeph na siya namang ginawa niya. Para bang namanhid siya at ginawa na lamang ang kailangan niyang gawin doon. Mamaya na niya iisipin kung ano ang mainam na gawin niya. Mamaya na rin siya hahanap ng matutuluyan niya. Sana lang ay makakita kaagad siya. Wala siyang balak sabihin kina Dina ang nangyayari. Lalong hindi niya mapapayagang malaman iyon ng kanyang ina dahil labis itong mag-aalala. Maaayos din niya iyon.
"Here are the keys to where you will be staying."
Napalingon siya sa kanyang likuran. Iniaabot sa kanya ni Zeph ang ilang susi. Hindi niya kinuha iyon.
"Magtatagal ba ako rito?"
"Yes."
"Hahanap ako ng matutuluyan ko—"
"Cut the horse crap. We both know you love freebies. Here are the keys. My driver is going to take you there later."
"Zeph—"
"I don't wanna hear you talk unless I told you to." Tinalikuran na siya nito at mayamaya ay umalis na rin doon.
Halos wala sa sariling naglinis na siya roon. Nang matapos siya ay bumaba na siya. Walang nakatala sa clipboard niya na may iba pa siyang silid na lilinisan kaya nakitulong na lamang siya sa pag-aayos ng gamit ng ibang housekeepers.
Nang mag-break ay tumawag siya sa kanila. Sinabi niyang hindi muna siya makakaalis. Alam ng kanyang ina na nagtungo sa kanila si Zeph nang nagdaang araw at alam din nitong ang lalaki ang sinadya niya ngayon sa Maynila. Ang paliwanag niya rito ay may inaasikaso sila ng lalaki subalit babalik din siya. Huwag itong mag-alala at maayos naman ang lahat.
Si Dina ay tinawagan din niya. Takang-taka ito nang magsabi siyang hindi muna siya makakatao sa grocery. Ang sabi niya ay may inaasikaso sila ni Zeph. Tanong ito nang tanong kung ano raw iyon, kung problema raw ba. Pinilit niyang pasayahin ang tinig niya at sinabi ritong, "Malay mo, pagbalik ko, parati na akong nakatawa?"
Mukhang naging malikot na ang imahinasyon nito at sinabi na dapat daw ay abay ito sa kasal nila ng lalaki. Tinawanan lang niya iyon. Saka na siya iisip ng paliwanag kapag nakabalik na siya. Pansamantala ay matatahimik ang kalooban nito sa sinabi niya at iyon ang nais niya.
Nang humapon ay inihatid siya ng driver sa tutuluyan niya. Hindi iyon ang tinuluyan nila noon ni Dina. Mas malaki iyon kompara sa dati. May dalawang guwardiya pa sa ubod-taas na gate. Kompleto sa gamit ang loob, elegante ang disenyo.
Apat ang malalaking silid sa itaas, isa ang sa ibaba na nahuhulaan niyang silid para sa kawaksi. Nakita niyang sa silid na iyon ay mayroong mga uniporme ng kawaksi. Isinara na niya ang silid.
Naisip niyang wala pa siyang mga damit. Isang bihisan lamang ang dala niya dahil hindi niya inaasahang hindi sila magkakaayos ng usapan ni Zeph. Noon siya nakaulinig ng ingay mula sa labas. Nang sumilip siya sa malaking bintana ay nakita niyang pumasok na sa gate ang kotse ni Zeph.
"It's a big house, don't you think so?"
Tumango siya. "W-wala pa akong nadalang damit—"
"Oh, didn't you see the clothes I bought you?" Tumaas ang isang sulok ng labi nito, saka nagtungo sa silid sa ibaba. Pumasok ito roon at itinuro ang uniporme ng kawaksi. "These are the clothes you're going to wear. And everything else you're gonna need is right inside that closet. I need a housekeeper for this place. Hindi ka na sa hotel madedestino. What you did in the hotel earlier was just a warmup of sorts." Muling tumaas ang sulok ng labi nito.
Nauunawaan niyang kanina pa lamang umaga ay ibig na nitong bigyang-diin sa kanya ang agwat nila. Hindi nito alam na malinaw sa kanya ang bagay na iyon noon pa man. "Ito ba ang plano mo? Gawin akong katulong? Gaano katagal mong pinag-isipan ito?"
"I don't like the tone of your—"
"Sa tingin mo makakaganti ka na kapag ginawa mo akong katulong? Magiging masaya ka ba rito?"
"'Happiness' is a relative term. I don't know if this would make me happy but I'm as sure as hell this would make you miserable. And that's what I'm aiming for."
Tama ito. Magiging miserable siya roon. Nagkamali lamang ito sa dahilan. Kahit maghapon at magdamag siyang maglampaso ng sahig, magwalis, magkuskos ng tiles, walang kaso sa kanya. Pero mahirap pa rin palang makita itong ganoon katindi ang inaalagaang galit para sa kanya.
Magiging mahirap sa kanyang naroon na uli ito, malapit sa kanya, subalit napakalayo pa rin. Sana ay makontento na ito sa lalong madaling panahon para matahimik na rin ito. Mas magiging maalwan ang buhay niya kung sa pag-alis niya roon ay alam niyang payapa na ang kalooban nito.
"The fridge is full. Cook dinner for me."
Tumango lamang siya at nagtuloy muna sa kanyang silid. Hindi na niya hinintay na utusan pa siya nitong magpalit ng uniporme ng kawaksi. Tahimik siyang nagluto, ni saglit ay hindi naisip na magreklamo.
Nang matapos siya ay naghain na siya, saka tinawag ito. Nakatayo lamang siya sa tabi nito habang kumakain ito, wala pa ring reklamo.
"What have you got cooking?" baling nito sa kanya mayamaya. "Why are you putting up a show? What's all this about?"
"Hindi kita maintindihan."
Nagbuga ito ng hangin. "You are a work of art, aren't you?"
Hindi pa rin siya umimik dahil hindi niya malaman ang sasabihin dito. Nakatingin lamang ito sa kanya, tila tinatantiya siya, tila binabasa ang itinatakbo ng isip niya. Sinalubong niya ang tingin nito.
May pamilyar na pag-alon ng emosyon sa kanyang dibdib nang saglit na dumaan sa mga matang iyon ang emosyong parating nakikita niya noong mga panahong idinedeklara nito kung gaano siya kamahal nito. Saglit na saglit lamang iyon, subalit higit pa sa sapat. Zeph...
Tinapos na nito ang pagkain, saka tumayo na. "Clean up." Iniwan na siya nito roon.
Tahimik pa rin siyang nagligpit, desididong hayaan na ito sa anumang nais nitong ipagawa sa kanya. Umaasa siyang sa pamamagitan niyon—kung maipapakita niya ritong panalo ito sa larong iyon na hindi siya handang pasukin—ay matatahimik na ito, sige na. Walang maririnig itong ano man mula sa kanya.
Kung sa ganoong paraan nito ibig wakasan ang tapos na, tatanggapin niya. Pipilitin niyang huwag sumama ang kanyang loob sapagkat alam niyang hindi naging madali ritong lunukin ang lahat ng iniwan niyang salita rito noon. Ang lahat ng gagawin niya ay para sa kanya. At higit para dito. Ipinakita nito kung gaano ito naging handang ipaglaban siya, at sa pagkakataong iyon naman ay siya ang magpapamalas dito kung paano siya magmahal. Kahit hindi na nito malalaman pa ang bagay na iyon.
Nang matapos siyang magligpit ay nagtungo siya sa sala. Nakaupo lamang ito roon, tila hinihintay siya.
"May ipapagawa ka pa ba?"
Pinagmasdan lamang nito ang kanyang mukha, pagkatapos ay ipinatong sa sandalan ng sofa ang dalawang kamay.
"Yes. I want you to strip for me."
Hindi niya nagawang makapagsalita.
Like my page: www.facebook.com/vanessachubby or www.facebook.com/theromancetribe (writers collab page)
BUY THIS BOOK: https://preciouspagesebookstore.com.ph/Product/Info/4963/Ang-Lalaking-Nagmahal-sa-Akin-1---2
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro