Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 21

"WHAT is this?"

"Ewan ko. Buksan mo."

Ngiting-ngiti si Flor habang inuudyukan si Zeph na buksan ang regalo niya rito. Walang okasyon. Nais lang niyang pasalamatan ito para sa pagtingin nito sa kanya. Kung alam lamang nito kung paano nag-iinit ang kanyang dibdib tuwing maiisip niyang handa itong ipagtanggol siya sa ina nito.

Ang hirap palang umisip ng magandang iregalo sa isang taong mayroon na ng lahat. Nagpasama siya kay Dina na humanap ng magandang maibibigay rito subalit nag-inarte na ang bakla sa labis na pagod sa kakaikot sa mall ay wala pa rin silang makita. Hanggang sa magpasya siyang bigyan na lamang ito ng personal niyang gawang sketch.

Mahusay siyang mag-sketch. Bata pa lamang siya ay mahilig na siyang mag-drawing. Sa tuwing may talent portion ay iyon ang ginagawa niyang talent. Ilang ulit na rin siyang nanalong Miss Talent sa mga patimpalak na sinalihan niya sa probinsiya.

Simpleng sketch lamang iyon. Lapis lamang ang ginamit niya sa bond paper. Ilang gabi ring pinaglaanan niya iyon ng oras at nang matapos ay inilagay niya sa isang magandang frame. Sana lang ay magustuhan nito iyon.

"Whoa!" sambit nito nang makita na iyon. "You drew this?"

Panay ang naging pagtango niya. "Maganda ba?"

"Hell, yeah! I didn't know you could draw this good."

"Thank you po." Kumandong siya rito at hinagkan ito sa mga labi. Hindi na siya nahihiyang gawin iyon dito.

Kung tutuusin ay nakakatawa ang sitwasyon nila ngayon. Nagkaroon na sila ng masinsinang pag-uusap. Nabanggit na niya rito na nais sana niyang lumipat na sila ng bahay ni Dina. Ang sabi nito ay sayang naman daw ang binili nitong bahay. Nobya raw siya nito at nakakahiya raw na ang nobya nito ay hindi man lamang tinutulungan nito.

Nagsabi rin itong wala na raw silang magiging problema sa ina nito. Nagkausap na raw ang dalawa at nangako raw ang ina nitong hindi na makikialam sa kung ano ang mayroon sila. Pinagre-resign na nga siya nito sa trabaho niya sa hotel. Ang sabi nito ay maganda raw na mag-aral na lamang siya.

Hindi naman siya makapayag sapagkat kailangan sa probinsiya ang perang kinikita niya sa hotel. Ang sabi nito ay ito na lang daw ang bahala roon subalit nagpakatanggi-tanggi siya. Kung malalaman iyon ng ina nito, hindi man makialam sa kanila ang matanda ay natitiyak niyang maiisip nitong tama ang hinala nito.

Tuloy ngayon, para silang naglalaro lamang. Ayaw na nitong pumayag na maglinis pa siya sa ibang mga silid sa hotel. Ayaw naman niyang pumayag na wala siyang gagawin doon sapagkat may suweldo siya. Sa huli, naglaan ito ng posisyon para sa kanya. Ginawa siya nitong personal secretary nito.

Pero wala siyang ginagawa bilang personal secretary nito. Noong minsan ay nagpaturo pa siya ritong gumamit ng computer, subalit ang bagal-bagal naman niyang mag-type. Maghapon na ang lumipas ay tatlong pages pa lamang ang natatapos niya. Wala naman ito ni anumang reklamo sa kanya.

Sa ngayon ay nag-aaral siyang pabilisin ang kanyang pagtipa sa keyboard. Bumili rin siya ng libro tungkol sa computer. Unti-unti ay natututo siya. Kahit paano ay nais niyang makatulong talaga rito.

Mas mapapabilis sana ang pagkatuto niya kung hindi lamang kadalasan ay ubod ito ng kulit at sa tuwing nakaharap siya sa computer nito ay nilalambing siya. Tuloy, sa huli ay bahagi ng katawan nito ang natitipa niya at hindi ang keyboard!

Kapag nagtutungo ito sa opisina ay kasama siya nito. Wala naman itong lakad sa ibang bansa subalit mayroon na siyang passport. Ikinuha na siya nito niyon.

Damang-dama niya kung gaano siya kamahal nito na minsan kapag naiisip niya ay hindi pa rin siya makapaniwala. Humalik ang langit sa lupa. Nabiyayaan siya. Alam niya, nagkamali ang ina nito sa pagsasabing hanggang doon lang sila sapagkat mahirap para sa kanyang makinita itong hindi siya bahagi ng buhay nito. At lalong mahirap sa kanyang isipin na mawawala ito sa buhay niya.

"Mahal kita," aniya.

"Alam ko."

"Talaga?"

"Oo. Alam ko nga. Ikaw? Alam mo bang mahal din kita?"

"Parang nagiging corny ka na yata? Hindi ka na kasing-macho noong dati na para bang ang yabang mo at ikaw ang hari sa Earth. Parang ganito ka noon, eh." Tumayo siya at naglakad palayo rito. Nagkunwa siyang nagbukas ng di-nakikitang pinto, saka nakasuksok ang mga hinlalaki sa bulsang naglakad nang nakataas-noo, saka itinuro nito. "You. You're fired!" singhal niya.

Ang lakas ng halakhak nito, saka kinabig siya sa baywang. Napakandong uli siya rito. "Ginaganyan mo na ako ngayon. Noon, takot na takot ka sa akin. 'Sana maging makatao ka.'" Ito naman ang nanggaya sa kanya.

Tawanan sila nang tawanan. Sa tuwing magkakaroon ng pagkakataong babalikan nila ang nangyari ilang buwan pa lamang ang nakararaan ay hindi maaaring hindi sila magkakatawanan.

"Hindi mo ba nami-miss 'yong mga babae mo?" bigla ay naitanong niya rito. Minsan ay dumadaan sa isip niya ang bagay na iyon. Noon lamang siya nagkalakas ng loob na itanong iyon. Kaya niya naiisip iyon ay dahil kahit alam niyang may hitsura siya, alam niyang kompara sa ibang mga babaeng nakita niya noon na naghihintay rito ay walang-wala siya. Sa pananalita pa lang, taob na siya sa mga iyon. Kaya nga isinumpa niyang darating ang panahon na maihaharap siya nito sa harap ng lahat ng tao at makakapag-Ingles siya nang tuluy-tuloy, walang mintis, walang maling bigkas. Darating ang panahong iyon, ipinangako na niya iyon sa sarili.

"Drama queen," nakatawang sabi nito.

"Hindi nga?"

"Do I strike you as a man who would not sleep around if I wanted to? Honey, I could if I wanted to, that's the truth. But the thing is, I don't want to. You are more than enough."

Mariing siniil siya nito ng halik sa mga labi. Alam na alam na niya na masyadong matindi ang gana nito pagdating sa bagay na iyon, isang bagay na wala siyang reklamo sapagkat parang normal na bagay na lamang iyon ngayon sa kanila.

At sa bawat pagkakataong may mangyayari sa kanila ay batid niyang may bahagi siyang kinukuha nito, mga bahaging hindi na niya mababawing muli subalit buong-pusong ipinagkakaloob niya rito. Hindi na sila nakaalis ng sala. Ilang ulit nang naging saksi ang lugar na iyon, maging ang lahat ng bahagi ng unit na iyon, sa kanilang pagniniig. At gustung-gusto niya na sa tuwing hupa na ang init ay tila ayaw nitong pakawalan siya sa mga bisig nito.

"Flor?"

"Hmm?"

"We're meant to be together, do you realize that?" Inilapat nito ang nakabukang palad sa mga palad niya. Isiniksik niya ang katawan dito bilang tugon. Hinagod nito ang kanyang buhok. "You know it's funny. I'm Zephyrus, the west wind. In Greek mythology, I am in love with Chloris, the goddess of spring. Do you know what Chloris is in Latin?"

"Dinalihan mo na naman ako ng Greek-Greek na 'yan. Nakakalungkot naman ang kuwento nila, eh."

Umalug-alog ang mga balikat nito. "It's just fascinating, my love. In Latin, Chloris is Flora. And you are Flora."

Napatingin siya rito. "Mantakin mo 'yon!"

Umalug-alog na naman ang mga balikat nito at inihilamos ang kamay sa mukha niya. "We're meant to be together. And we are going to be together. I want to help you out. And I want to do it in a way where you wouldn't be able to find any reason to refuse it. Parati mo kasi akong tinatanggihan. Ikaw ang mayabang sa ating dalawa."

Napaingos siya. "Ayoko lang isipin ng mommy mo na sinasamantala kita."

"Ilang ulit mo naman na akong pinagsamantalahan. Tulad ngayon—"

"Ang corny talaga, syet."

Ang lakas ng tawa nito. "Makikinig ka ba o ano?"

Tumahimik na siya. Ang totoo ay kinakabahan na siya sa itinatakbo ng sinasabi nito.

"So, as my fiancée, you wouldn't be able to refuse what I want for you, right?"

"D-depende." Hindi pa man ay nangingilid na ang mga luha niya.

"What I'm trying to say is I want to marry you one day, and I will. So, honey, will you be my wife?" Tuluyan nang nalaglag ang mga luha niya. Ni wala siyang ideya kung saan nanggaling ang singsing na nang magmulat siya ay hawak na nito. Panay lamang ang naging pagtango niya habang isinusuot nito iyon sa kanya.

"Salamat, Zeph. Maraming s-salamat."

Ngumiti ito at banayad na hinagkan ang kanyang mga labi. "No, Flor, thank you. Thank you for making me so damned happy."

___

If you're enjoying this story, please like my page. I'd appreciate it!

www.facebook.com/vanessachubby

www.facebook.com/theromancetribe

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro