Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 11

Sa pagkakataong iyon ay hindi nagpaka-garapal si Flor. Isa pa ay hindi rin siya gutom na gutom. Sa tuwing mapapatingin siya rito ay napapangiti siya kapag nakita niyang nakatingin ito sa kanya. Suwerte nga talaga siya na nailipat siya roon. Naisip niyang baka natuwa rin ito sa kanya kahit paano.

Dumaan na sa isip niya ang posibilidad na noong minsang nasagot niya ito ay natuwa pa ito sa kanya sa halip na mainis. Malamang na nainis din ito noong una—hindi naman maikakaila ang ekspresyon nito noon—subalit sa huli ay natuwa na rin sa kanya. Hindi naman sa pagmamalaki subalit sadyang may karisma siya. Sa katunayan, nag-text ang kanyang ina at ang sabi ay nagtutungo raw sa kanila maging ang mga customers ng Choleng's at itinatanong kung kailan siya babalik. Iyon ang biyaya sa kanya ng Maykapal—ang abilidad na makipagkapwa-tao.

Natutuwa siyang nakita iyon sa kanya ni Zeph sa kabila ng lahat. Tunay na matalinong tao ito. Hindi na nakapagtataka kung bakit napakayaman nito. Tuluyan na niyang binawi ang unang paghusga niya ritong isang masamang kamote ito.

"Tell me stories, Flor," sabi nito.

"Ano naman ang ikukuwento ko sa 'yo?"

"Anything. You're from San Dionisio, right? Saan ka nagtrabaho bago rito?"

Bahagya siyang kinabahan. Ang totoo ay may kaunting daya ang application form niya sa hotel. Inilagay niya roon na may work experience siya nang ilang buwan sa isang salon. Pinaganda rin ni Prospie ang tawag sa "kusinera-serbidora" sa karinderya. Ginawa nitong "head cook" sa isang "restaurant." Sa halip na "Choleng's Karinderya" ang inilagay nito roon ay ginawa nitong "Lola Choleng's Lutong Bahay." Nilagyan din nito iyon ng sandamakmak na duties and responsibilities na uso raw sa mga resumé ngayon. Kabilang sa mga duties niya na inilagay nito ay "organizes menus," "helps in formulating new business strategies," at kung anu-ano pang tulad niyon.

Tumikhim siya. "S-saglit lang ako sa salon diyan sa Makati. P-pero bago 'yon, naging cook ako sa amin. Sa San Dionisio, doon talaga ako nagtagal."

"You should be in the kitchen then."

"Okay lang kahit saan." Hindi siya makatingin dito. Bigla siyang nahiya.Ang bait na nga nito ay nagsinungaling pa siya. Pero ginawa niya iyon kaysa naman masilip pa nitong iba ang sinasabi niya sa nakalagay sa application form niya.

"You love to cook then?"

"Oo. Hindi naman sa pagmamayabang, masarap akong magluto. Natuto rin ako sa dati kong amo, si Nanay Choleng."

"Yeah, I read your resumé."

"Ah..." tanging nasambit niya. Mukhang tine-testing siya nito. Nabasa na pala nito ang resumé niya ngunit tinanong pa siya. Kinabahan na naman siya.

"What's the restaurant's specialty?"

"Ah... W-wala namang masasabing specialty. Mga ordinaryong putahe lang naman pero lahat masarap. Ako kasi ang nagluluto, eh."

"But you left your job there. Can I ask why?"

Nagkibit-balikat siya. "Mahabang paliwanag, eh. Sabihin na lang natin na mas masaya ako sa trabaho ko rito sa hotel mo. Mas maganda nang di-hamak ang benepisyo."

Ngumiti lamang ito, hanggang sa mauwi iyon sa pagtawa. Kumunot ang kanyang noo. Wala naman siyang sinabing joke, pero hayun at mukhang tawang-tawa ito. Matay man niyang isipin ay wala siyang sinabing maaaring makapagpatawa rito. Nang tumingin ito sa kanya ay nakangiti pa rin.

"It's not really a restaurant, I know. I'm sorry I had to ask. Gusto ko lang malaman kung paano ka magpapaliwanag."

Namutla siya. "P-paano mo nalaman? H-hindi mo naman siguro ako sesesantehin dahil doon, 'di ba?"

"Of course not! Shut up." Tumaas ang kamay nito sa kanyang mukha at bahagyang hinaplos ang kanyang pisngi. Bahagyang nahigit niya ang hininga. Mistulang may kuryente ang daliri nito na lumapat sa kanyang balat. "I have my sources. I needed to know more about you."

Ang kaba niya sa puntong iyon ay hindi lamang dahil sa nalaman na nitong kusinera lang siya sa karinderya kundi dahil na rin sa patuloy na dumaraan sa kanyang pisngi ang hintuturo nito. Parang ibig tumayo ng kanyang mga balahibo na hindi niya mawari. Napalunok na lang siya at nakayukong marahang ibinaba ang kamay nito. Hindi naman nito pinakawalan ang kamay niya, hanggang sa mapatingin siya sa mukha nito. Titig na titig ito sa kanya.

"A-ano, k-kuwan, Zeph... ah... S-siguro tama lang naman na a-alamin mo nga kung sino talaga ang mga empleyado mo. Sigurado akong ganoon talaga ang p-patakaran n-ninyo rito..." Pakiramdam niya ay pumipintig-pintig din ang eardrums niya kasabay ng mabilis at malakas na tibok ng kanyang puso.

Diyos ko, ano ba ito?

"Do you have any idea why you're blushing?"

"H-ha?"

Humalakhak ito. "You are so cute."

"T-thank you."

"Tell me about what you do there. Go on."

Mukhang gustung-gusto talaga nitong maglahad siya. Naiilang siya sa paghawak nito sa kanyang kamay pero hindi niya magawang bawiin iyon nang tuluyan. Sa tuwing magtatangka siya ay parang tinutudyo siya nitong lalong pipisilin iyon, hanggang sa mapangiti na lamang siya at hinayaan na ito. Tutal ay masarap sa pakiramdan niyang hawak nito ang kamay niya.

Wala naman sigurong masama. Sadyang natutuwa lang siguro ito sa kanya.

Nagkuwento na nga siya rito. At ganoon na lamang ang gaan ng pakiramdam niya sa tuwing hahalakhak ito. Parang hindi na ito nauubusan ng tawa kapag nagsasalita siya. Alam niyang komedyante siya at ang tipo nito ang gusto niyang manonood—iyong natatawa talaga sa kanya.

Inilahad niya rito ang kanyang pagsali sa mga contests, ang kanyang pagdayo ng bilyar, ang pagluluto niya sa Choleng's, maging ang kalunus-lunos na nangyari sa kanya sa gabi ng pinakahihintay niyang patimpalak. Pati paraan ng pagtatanong sa kanya ng judge ay ni-reenact niya para dito. Maging si Atty. Purificacion ay nabanggit niya rito. Sa puntong iyon ay natagpuan niyang ang tagal-tagal na pala nilang nagkukuwentuhan. Napatayo na siya.

"Naku! Anong oras na!"

"Relax, you're with me."

"Pero nakakahiya naman sa mga kasamahan ko sa trabaho. Isa pa, nakakahiya sa 'yo. Hindi mo naman ako pinapasuweldo para makipagtsismisan ka lang sa akin." Tinapik niya ito sa balikat. "Hindi bale, marami pa akong kuwento. Maglilinis muna ako ngayon."

Tila aliw na aliw na tumingin lang ito sa kanya, saka tumango. Nagsimula na nga siyang maglinis. May kung anong katuwaan siyang nakakapa sa kanyang dibdib. Hindi na mabura-bura ang kanyang ngiti. Parang cellphone na bagong karga ang baterya ang pakiramdam niya—masiglang-masigla sa paglilinis.

"Flor?"

Nilingon niya si Zeph. Nasa likuran niya ito, may tangang maliit na kahon. "Ano 'yon?"

"I got you a gift."

"Ha?" Napalabi siya. "Bakit?"

"Nothing. I just got you a gift."

"'Di ko naman birthday."

"Masama bang magregalo kapag hindi birthday?"

"Hindi naman." Lumapad na ang pagkakangiti niya. "Saan ka ba galing?"

Natawa ito. Parang sanay na siyang kahit kaunting sabihin niya ay tila nakakapagpatawa rito. Nakakapag-palaki ng puso para sa kanyang napapatawa niya ang isang tulad nito. Inabot niya ang regalo. Magaan lang iyon. Inalug-alog niya iyon habang nakatapat sa bandang tainga niya. Natatawa lang ito sa kanya. Ang hula niya ay key chain iyon o kahit na anong maliit na gamit.

"I came from the States and I got that for you."

"Uy, imported pa, in fairness. Salamat, ha? Nakakahiya naman sa 'yo, nag-abala ka pa. Mamaya ko na bubuksan, ha? Maalala ko nga pala, kung okay lang sa 'yo, puwede ba akong magpa-picture na kasama ka? Hindi ko dala iyong camera ng pinsan ko pero bukas dadalhin ko. Kung okay lang sa 'yo."

"Bakit kasama ako?" nakakunot-noo pero nakangiti namang tanong nito.

"Siyempre, sus!" Natampal niya ito sa braso. Nakasanayan na niya ang ganoong aktuwasyon kahit sino ang kausap niya. Kapag naaalala niyang nagagawa niya iyon dito ay parating huli na, nagawa na niya. Mabuti at mukha namang hindi nito iniinda iyon. "Ipapadala ko sa nanay ko, kasama ng picture mong nakita ko sa magazine. Matutuwa na 'yon. Iisipin n'on na sikat na ang anak niya."

Natawa uli ito at iniwan siya roon. Nang magbalik ito ay may dala nang camera. Ang liit-liit lang niyon. Mas malaki pa ang palad niya. Napasinghap na lang siya nang akbayan siya nito, saka inilayo sa kanila ang camera.

"Say 'cheese,' honey."

Hindi niya nagawa iyon sapagkat nailang siya sa pag-akbay nito. Hindi yata masasabing akbay iyon kundi mas parang yakap. Bahagya siyang nakatagilid kaya ang dibdib niya ay nakalapat sa hubad na dibdib nito. Ang bangu-bango nito. Amoy-bagong paligo kahit alam niyang hindi naman.

Nang mag-flash ang camera ay nanatiling nakayakap ito sa kanya habang tinitingnan nila ang kuha sa screen ng camera. Noon lamang siya nakakita ng ganoong camera pero hindi niya mabigyang-pansin ang kanyang pagkabilib dahil naiilang pa rin siya.

"K-kuwan, Zeph—"

"It's a nice shot, don't you think so?"

Wala siyang masabi. Hindi niya kasi masiguro kung dapat ba siyang magalit o sadyang ganoon lang itong maglambing. Ang isang kamay nito ay nasa likod niya, marahang humahagod doon.

"Ahm... M-masyadong malapit yata ang kuha?" Pasimpleng lumayo siya rito at ngumiti nang tipid.

"I will call Greg." Ganoon nga ang ginawa nito. Nang pumasok ang lalaki ay nagpakuha uli sila ng larawan. Sa pagkakataong iyon ay sa sala. Pinaupo siya nito roon at ito ay pumuwesto sa likod niyon. Nanigas ang likod niya nang pumaikot sa kanya ang magkabilang braso nito.

"Z-Zeph, ayoko yata ng ganitong kuha." Dama niya ang pag-iinit ng mukha niya habang tinitingnan ang larawan. Baka maisip ng kanyang ina na nobyo niya ang binata sa halip na amo. Bakit naman kasi ganoon ito? Alangan namang may gusto ito sa kanya? Ayaw niyang mangarap nang gising. Nagdudumilat ang katotohanang kompara dito ay walang-wala siya.

Ayaw naman niyang magduda sa intensiyon nito. Ayaw niya kahit sumagi na iyon sa kanyang isipan. Malambing lang talaga siya. Siguro komportable na talaga siya sa akin kaya ganito siya kalambing. Pero dapat, pagsabihan ko siya. Mamaya, kapag kami na lang dito.

Hindi siya makatingin kay Greg. Para siyang nahihiya. "Isa pa. Tatayo na lang ako." Ganoon nga ang ginawa niya at tumabi kay Zeph. Isinuot niya ang cap ng housekeeper. Inakbayan na naman siya nito. Nang makita ang larawan ay natuwa siya. Kahit nakaakbay ito sa kanya ay mukha talagang isang mabait na amo lang ito. "Ito ang ipapadala ko sa nanay ko."

Umalis na si Greg. Nang wala na ito ay hindi niya malaman kung paano magsisimulang sabihin kay Zeph ang kanyang isipin.

"I'm gonna print this. Wait here." Pagkatapos sabihin iyon ay umalis na ito. Inabala na niya ang sarili sa paglilinis. Pinagbuti niya ang kanyang ginagawa. Nang magbalik ito ay tangan na ang mga larawan.

"Puwede palang ikaw na mismo ang mag-develop, ano?" Nakangiting tumango ito. "Ah, Zeph?"

"Hmm?"

Bigla siyang napahiya sa naiisip na sabihin. Baka magtampo pa ito o ano kapag sinabi niyang masyadong malambing ito. Wala naman itong ginawang masama.

"W-wala. Salamat dito, ha?"

"You're very much welcome, honey."

"'F-Flor,'" pagtatama niya.

Tinawanan lang siya nito at iniwan na roon. Napabuntong-hininga na lang siya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro