Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

KABANATA 7 - Nakaraan

MAINGAY ang kapaligiran dahil sa malakas na buhos ng ulan. Nangangatog din nang kaunti ang buo kong katawan kahit nakasuot ako ng sweater at pajama. Ihinawak ko ang magkabilang palad ko sa tasa kong may lamang mainit na kape.


Dumaloy ang init mula sa aking mga palad patungo sa aking mga braso. Kahit papaano ay naiibsan ang pagkaginaw ko.


Malamig na nga, malungkot pa...


"A-Ano po bang ipinunta ninyo rito?" tanong ko kay Ate Nechole sabay higop ng aking kape.


Pagkatapos kasi namin kaninang mag-lunch ni itay, biglang dumating si Ate Nechole. Naghugas lang ako saglit ng mga pinagkainan tapos ay hinarap ko na siya. Oo kaya ko nang gumawa ng gawaing bahay dahil nakapag-adjust na ako. Si itay naman ay nagpunta na ulit sa palengke kahit na umuulan.


Medyo disappointed nga ako dahil akala ko ay si Rei ang dumating, pero si Ate Nechole lang pala. Ilang araw nang hindi ako pinupuntahan ni Rei, at ilang araw na rin akong hindi makalabas dahil malakas ang ulan.


Inisip ko na lang na hindi rin makalabas si Jandrei gaya ko. Pero, ang nakapagtataka ay kung bakit narito si Ate Nechole samantalang ang lakas ng ulan. Hindi lang iyon, pagkarating niya dito 30 minutes ago ay tahimik lang siya.


Siya na nga ang nagtimpla ng kape namin; ako lang ang nagsabi kung saan banda nakalagay 'yong mga gagamitin. Pagkatapos n'on, tahimik na ulit siya. Tila nagpapaligsahan pa nga kami kung sino ang mas tahimik sa amin.


"Si Jandrei," panimula niya.


Pagkabigkas niya sa pangalan ni Jandrei ay gumuhit ang kaba sa aking dibdib. Para kasing problemado 'yong pagkakasabi ni Ate Nechole. Ang dami tuloy tumatakbong katanungan sa isip ko.


May problema kaya kay Jandrei? May nangyari ba sa kanya?


"Hindi ko talaga alam kung paano ko sasabihin at kung paano ko sisimulan," dugtong niya.


Mas lalo naman akong kinabahan sa sinabi niya. Muling gumapang ang lamig, kasama ang kaba, sa buong katawan ko, kaya humigop na lang ulit ako ng kape.


"M-May nangyari po ba sa kanya? Tatlong araw na kasi siyang hindi nagpupunta rito." Ako naman ang nagsalita.


"Wala naman masyado," tugon niya sabay bumuntong-hininga. "Ayaw kasi siyang paalisin nina King at Karen, tapos ay malakas din ang ulan."


Napatango na lang ako, pero ang totoo ay may kung anong kumurot sa puso ko. Naaawa ako sa kanya dahil napakabait niya para kina King at Karen. Bakit ba kasi hindi niya na lang sila hawaan ng kabaitan?


"Iniisip mo siguro na ang sama nila, lalo na si King, ano?" tanong din sa akin ni Ate Nechole. Bahagya pa siyang natawa.


"Iyan po talaga ang naiisip ko. Bakit kasi gan'on na lang sila kung makaakto kay Rei? Isa pa iyang si Karen! Kung talaga mabuting kaibigan siya, susuporta na lang siya. Tapos, si King naman, ang sama ng pakikitungo niya sa akin!" walang tigil na bulalas ko. Hindi ko na rin kasi kayang pigilan ang sarili ko.


Para akong nananahimik na bulkan na bigla na lang nagbuga ng lava nang walang pasabi. Sabagay, okay na rin itong malaman ni Ate Karen, kesa nagtatanim ako ng sama ng loob.


Natawa naman si Ate Nechole sa sinabi ko. "Napaka-straightforward mo pala."


"Pasensya na po dahil hindi ko lang talaga napigilan ang sarili ko," sagot nang may malumanay na boses.


"Naiintindihan ko naman. Si Karen, naging gan'on lang naman siya noong nalaman niyang may iba palang gusto 'yong taong gusto niya, pero mabuti naman ang pakikitungo niya sa amin pati sa mga parents namin," pagpapaliwanag niya.


Mahirap tanggapin ang sinasabi ni Ate Nechole tungkol kay Karen. Ngunit, kung totoo ngang mabait naman talaga si Karen, then who am I to judge her?


"Eh si King? Bakit ayaw na ayaw niya sa akin?"


"It's not that he doesn't like you for Drei. Sa amin kasing magpipinsan, si King at Jandrei ang pinakamagkasundo. Close na close talaga sila sa isa't isa. Para na nga silang magkapatid sa closeness nila.


"Ayaw ni King na masaktan o mahirapan si Jandrei, kaya gan'on siya kung makitungo sa iyo. Kung maaari ay gusto niya kayong paghiwalayin dahil feeling niya ay masasaktan si Jandrei dahil sa pagmamahal niya sa iyo. Sigurado akong walang kinalaman 'yong pagiging bulag mo sa pag-ayaw niya sa iyo."


Halos hindi ako makapagsalita sa mahabang paliwanag ni Ate Nechole. Gaya n'ong kay Karen, parang mahirap paniwalaan ang tungkol kay King. Unang impression ko kasi sa kaniya, base sa kung paano siya makitungo sa akin, ay pangit talaga ang ugali niya.


Sino ba naman ang mag-aakalang close nagagawa niyang maging suplado dahil sa concern niya kay Rei? Pero, kahit na, hindi niya dapat ako basta-basta hinusgahan. Hindi ko naman sinasaktan si Jandrei, at wala akong balak saktan siya.


Ngunit, hindi ba't totoo namang nahihirapan si Rei dahil sa akin?


"Eray, nakikinig ka ba?"


Napaahon ako mula sa malalim na pag-iisip nang marinig ko ang boses ni Ate Nechole. "Sorry. Ano nga po ba ulit 'yong sinasabi ninyo?"


"I was asking you if you are ready to listen carefully dahil sasabihin ko na ang dapat kong sabihin, but you're not answering," sagot niya. Wala namang bahid ng inis o galit 'yong boses niya kaya nakahinga ako nang maluwag.


Tanong ko naman, "Is this still about Rei?"


"Yes," matipid niyang sagot.


"Okay lang kaya na ikaw ang magsabi?"


"Siguro. Nabanggit niya kasi sa akin n'ong isang gabi na kung hindi niya magawang sabihin sa iyo, dahil nga pinipigilan siya nina Karen at King, nakiusap siyang ako na lang ang magsabi."


Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko kay Ate Nechole. Bakit kailangang si Ate Nechole ang magsabi imbes na si Jandrei? Bakit sa iba ko maririnig kung ano ang problema niya? Gusto kong sa kaniya mismo marinig, pero bakit ang ilap niya sa akin.


Kahit na gaano ko kagustong marinig sa kaniya ang totoo, wala akong magagawa. Isa pa, hindi rin niya naman kasalanang sa iba ko maririnig ang dapat niyang sabihin.


"Sige, ready na ako para makinig." Pagkasabi ko n'on ay inumpisahan niya nang magsalaysay.


"Simula pa noon, masayahin na talaga si Jandrei. Kahit may sakit siya, nakukuha niya pa ring ngumiti. Kapag kami naman ang may problema, siya ang nagmo-motivate sa amin. Napakalambing niya rin sa amin, lalo na kay King, dahil siguro iyon ang nakagisnan niya. Mahal na mahal kasi siya ng parents niya.


"Tapos mas lalo pa siyang naging maginoo at motivator noong uma-attend na siya sa church services sa city namin. However, recently, nalaman niyang adopted son lang pala siya. Noong baby pa lang siya ay ipinaampon na siya. As expected, kahit na lalaki siya, he cried a lot."


Napatakip ako sa aking bibig sa sinabi ni Ate Nechole dahil sa pagkabigla. Ni minsan ay hindi nabanggit sa akin ni Jandrei na ampon pala siya. Parang may kung anong bumara sa lalamunan ko, kaya't hindi ako makapag-react.


"Kahit na nalaman niyang ampon siya, hindi siya nagalit sa adoptive parents niya. Kahit na hindi niya kami totoong pinsan, hindi nagbago ang pakikitungo niya sa amin. Mas naging close pa nga sila ni King. Minsan ay nakikita ko siyang umiiyak. Kapag tinatanong ko siya kung ano ang iniiyakan niya, ang isinasagot niya ay hindi niya maisip kung bakit siya piniling ipamigay ng totoo niyang mga magulang."


Kusang pumapatak ang mga luha ko habang nakikinig ako sa kuwento ni Ate Nechole. Parang naninikip din ang dibdib ko. Hindi ko alam na may gan'on palang kinikimkim si Jandrei. May hinaharap pala siyang problema tapos dumagdag pa ako.


Narinig ko ang pagsinghot ni Ate Nechole. "I-I'm sorry, pero hanggang dito na lang ang kaya kong ikuwento. Hindi ko kaya 'yong mga susunod pa."


Agad ko ring pinunasan ang mga luha ko, at pinipigilan ko ang aking sarili na huwag umiyak. Ang sakit sa dibdib at sa lalamunan.


"E-Eh si Karen. Paano po sila nagkakilala ni Rei?" pag-iiba ko sa usapan. Umiiyak na nga ang mga ulap tapos iiyak pa kami.


Bahagyang natawa si Ate Nechole, pagkatapos ay sinabi niya, "Ah, oo nga, I almost forgot. Magkaibigan sila since 15 years old pa lang si Drei. Magkaibigan kasi 'yong mga magulang ni Karen at mga adoptive parents ni Drei."


Napangiti ako nang mapait sa narinig ko. Matagal na pala silang magkaibigan, at sabi sa akin ni Karen ay napagkakamalan pa sila noong magkasintahan. Ngunit, hanggang kaibigan lang naman ang tingin sa kaniya ni Rei.


Hindi ko maiwasang maawa kay Karen. Kung ako ang nasa sitwasyon niya, masasaktan din ako. Sino ba naman ang hindi masasaktan na ang taong pangarap mong makasama sa hinaharap ay may ibang tao palang pinapangarap?


"Sorry talaga, Airyza, pero hindi ko na kayang ikuwento pa 'yong mga susunod. Madali kasi akong maiyak, kaya baka iyak na lang ang gagawin ko imbes na magkuwento," saad pa niya.


Dahil sa mga katagang iyon, mas lalo akong napaisip. Ano nga ba talaga ang salimuot na itinatago ni Jandrei sa akin?



HINDI na umiiyak ang kalangitan kinahapunan, subalit medyo mahangin. Hindi ko nararamdaman ang nakapapasong init ng araw, kaya hula ko ay makulimlim pa rin.


Dinig na dinig ko ang marahang pagpagaspas ng mga sanga ng puno ng mangga kung saan kami nakasilong ni Jandrei. Pati ang pagbagsak sa lupa ng ilang mga dahon ay napakikinggan ko.


Ilang minuto na ang lumilipas noong nakarating kami ni Jandrei rito pero hanggang ngayon ay hindi siya nagsasalita. Naninibago talaga ako sa ganiyang inaakto niya, ngunit naiintindihan ko naman dahil gaya ko ay may pinagdadaanan din pala siya.


Nag-iinit tuloy ang sulok ng mga mata ko, at nag-uumpisa na ring mangilid ang aking mga luha nang maalala ko ang sinabi ni Ate Nechole.


"Kapag tinatanong ko siya kung ano ang iniiyakan niya, ang isinasagot niya ay hindi niya maisip kung bakit siya piniling ipamigay ng totoo niyang mga magulang."


Nadudurog ang puso ko para sa kanya...


Naramdaman ko ang pagdampi ng malamig na palad ni Jandrei sa sa aking kanang pisngi. Naudlot tuloy ang pagtulo ng aking mga luha. Siguro ay napansin niyang malapit nang tumulo ang mga luha ko kaya ginawa niya iyon.


"Nakuwento na siguro sa 'yo ni Ate Nechole," pabulong niyang saad. Damang-dama ko ang kalungkutan sa kaniyang boses dahil halatang pinipigilan niyang maiyak.


"Hindi ka naman kasi nagkukuwento, eh!" Tuluyang naglandas ang luha ko sa aking pisngi.


Nang makapa ko siya ay agad kong ipinulupot ang aking mga braso sa kaniyang katawan. Habang yakap ko siya nang mahigpit ay nakadapo ang aking pisngi sa kaniyang dibdib. Nararamdaman ko tuloy ang mabilis na pagkabog ng kaniyang pusngo; mabibigat din ang kaniyang paghinga.


"Ayaw ko na kasing madagdagan ang iniisip mo," tugon niya sabay haplos sa aking buhok gamit ang kaniyang nanlalamig na palad.


Napapikit naman ako. "Sana sinabi mo sa akin gaya kung paano ko sabihin sa iyo ang mga dinaramdam ko."


Hindi siya umimik kaya ako ulit ang nagsalita. "Sinabi ko kung ano 'yong dinadala ko, tapos malalaman kong may dinaramdam ka rin pala. Dumagdag pa tuloy ako sa iniisip mo."


"Promise me na hindi mo iisipin nang iisipin kung ibubunyag ko na sa iyo ang mga dinaramdamn ko," usal niya.


"Promise!" mabilis na tugon ko. "Ano ba kasing akala mo sa akin kaya ayaw mong magkuwento?"


"You're pessimistic, kaya nag-aalala ako na baka madagdagan ang pinapasan mo kapag sinabi ko sa iyo," walang paliguy-ligoy niyang sagot.


"I admit, I was pessimistic. Pero, noong nakilala na kita at nasasabihan mo ako, unti-unting nawawala 'yong pagiging super negative ko," paliwanag ko naman.


Kumalas ako sa pagkakayakap sa kaniya para makapag-usap kami nang maayos. Gaya ng dati, inalalayan niya ako sa pag-upo sa ugat ng puno ng mangga. Isinalaysay niya na nga ang hindi pa naikukuwento ni Ate Nechole.


Nang matapos siyang magkuwento ay may tila kung anong bumigat sa dibdib ko. Tila may kumukurot din, at kulang na lang ay umiyak ako. Naiiyak ako hindi lang dahil doon sa kuwento niya kundi pati kung paano siya magkuwento.


Garalgal ang boses niya. Paminsan-minsan ay npapahikbi siya. May mga pagkakataon ding sumisinghot siya—umiiyak siya habang nagkukuwento. Wala akong ibang magawa kundi marahang kapain ang kaniyang pisngi at punasan ang kaniyang mga luha.


Nabigla ako sa mga isiniwalat niya, pero nangingibabaw ang sakit na nararamdaman ko para sa kaniya.


Nalaman niya kasi, before pandemic, na ang totoo niyang mga magulang ay ang mag-asawang caretaker ng rest house nila. Noong nakausap niya raw sila through video call, tinanong niya ang dahilan kung bakit siya ipinamigay.


Napilitan ang mga magulang ni Jandrei na ipaampon siya noong five months old pa lang siya dahil sa kahirapan. Kung tutuusin, kaya naman sana siyang buhayin ng kaniyang mga magulang, subalit dumating ang unos sa buhay nila.


Five months old si Jandrei noong nagkaroon daw siya ng severe bronchopneumonia, tapos habang isinusugod daw siya sa ospital ay nasunog ang maliit nilang bahay. Walang naisalbang ni isang gamit, kahit 'yong wallet man lang sana nila.


Dahil lumobo ang bills nila sa ospital, nakiusap si Mang Rafael sa kaniyang mag-asawang amo na tulungan ang sanggol na si Jandrei. Namamasukan kasi raw siya dati bilang isang hardinero sa bahay ng mag-asawang amo niya—sina Mrs. Carolina at Mr. Harold Evangelista.


Subalit, ang hiniling na kondisyon nina Mr. and Mrs. Evangelista ay ampunin si Jandrei kapalit ng pagpapagamot sa kaniya. Mahirap ang kondisyon ng mga amo niya, kaya ikinunsulta niya muna iyon sa kaniyang asawang si Aling Tanya.


Ayaw nilang ipaampon ang kaisa-isa nilang anak, pero hindi rin naman nila kayang makitang nahihirapan ang kanilang pinakamamahal na anak. Kung hindi nila tatanggapin ang alok sa kanila, mamamatay si Jandrei.


Ipinaampon nga nila si Jandrei para maisalba pa siya. Pinili namang umalis nina Mang Rafael at Aling Tanya sa Urdaneta City dahil nagi-guilty raw sila sa ginawa nila. Wala raw kasi silang nagawa para kay Jandrei. Tinanggap din nila ang alok sa kanilang maging caretaker ng rest house nina Mr. and Mrs. Evangelista dito sa Isla ng Hiraya.


Sabi niya, pinili na lang daw nina Mang Rafael na mahalin siya sa malayo. Paminsan-minsan din daw ay nagbabakasyon sa rest house sina Jandrei kaya kahit papaano ay nakikita nila siya nang personal. Bawat buwan daw kasi ay nagpapadala si Mrs. Carolina ng mga larawan ni Jandrei king Mang Rafael.


Noong nalaman ni Rei, noong 21 years old siya, na ampon lang pala siya, hindi kaagad sinabi sa kanya kung sino ang kaniyang totoong magulang. Hiniling daw kasi ni Mang Rafael na kapag dumating ang pagkakataong malaman niya na ampon siya, huwag sasabihin sa kaniya na sina Mang Rafael at Aling Tanya ang totoo niyang mga magulang.


Kaya lang, sadiyang mapilit daw si Rei, kaya bago pumutok ang pandemya ay napilitan ang adoptive parents niya na sabihin sa kaniya ang totoo. Pinayagan siyang puntahan dito ang biological parents niya.


Ngunit, bago pa man siya nakarating dito ay namatay si Aling Tanya dahil sa heart attack. Lubos daw ang pagluluksa ni Jandrei, dahil pagkarating niya rito ay nailibing na pala ang kaniyang ina. Kaya naman, pinayagan siyang magbakasyon muna rito kasama si Mang Rafael. Hanggang sa hindi na siya nakabalik sa Urdaneta dahil sa pandemya.


"Ang gaan pala sa pakiramdam n'ong nasabi ko na ang lahat sa iyo." Hindi gaya kanina, bakas na ang kasiyahan sa boses ni Jandrei.


Ako naman ngayon ang mabigat ang pakiramdam. Naaawa ako para sa kaniya. Mas grabe pa pala ang pinagdaanan niya kesa sa akin.


"Akin akasimangot ka lamet (bakit nakasimangot ka na naman), Eray? Sabi ko naman sa iyo, huwag mong papasanin ang problema ko," sita niya sa akin. "Magtiwala ka sa akin, magaan na talaga ang pakiramdam ko."


Sa sinabi niyang iyon ay tila unti-unting gumuguho ang nakapatong sa aking dibdib. Halata rin kasi sa boses niyang okay na siya. May tiwala rin akong nagsasabi siya ng totoo.


Magsasalita pa sana ako, ngunit bumuhos na naman ang malakas na ulan. Subalit, hindi gaya dati, habang dumadaloy ang tubig sa aking katawan ay hindi ko nararamdaman ang pagdaloy na kalungkutan.


Tila inaagos na ng tubig lahat ng bigat na nararamdaman ko.


Mayamaya'y naramdaman ko ang pagyakap sa akin ni Jandrei, at bulong niya sa akin, "Masayang-masaya ako na nakilala kita, pinakamamahal kong Eray..."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro