KABANATA 3 - Salita
SINABI ko sa sarili ko na kailagan nang itigil ang lahat: ang buhay ko para wala nang mabigatan pa dahil sa akin, at ang pag-iibigan namin ni Jandrei para hindi na siya mahirapan sa akin sa huli. Subalit, lahat ng mga iyon ay hindi natuloy.
Nadugtungan pa ang buhay ko, at dahil doon ay naranasan ko ang pag-ibig. Bukod pa roon, naituloy pa ang pagmamahalang tinangka kong putulin. Pero, ano nga ba'ng kahahantungan namin dahil sa desisyon kong magpatuloy?
Dahan-dahan kong hinila papalayo ang kamay ko, subalit kusa na lang pumatak ang luha ko.
Hindi ko pala talaga kayang bitiwan ang kamay niya at ang kaniyang pag-ibig...
Mabilis ko siyang kinapa. Nang mahawakan ko ang balikat niya ay agad ko siyang niyakap nang mahigpit.
"H-Hindi ko pala kaya..." sambit ko at mas hinigpitan ang pagkakayakap sa kaniya. Niyakap niya rin ako pabalik.
Hindi ko pala kayang mawala siya sa tabi ko. Gusto ko pang masilayan ang kulay ng pag-ibig kasama siya. Gustong makita ng bulag na katulad ko kung gaano kakulay ang pag-ibig...
Napakagat na lang ako sa aking labi matapos kong maalala ang eksena kahapon nang umaga. Hindi ko talaga malilimutan ang May 20!
Dinama ko na lang pagdampi ng malamig na hangin sa mukha ko habang nakadungaw ako sa bintana. Dahil hindi ko na nakikita ang kalikasan, dadamhin ko na lamang ang kagandahan nito.
Muling umihip ang hangin at sa pagkakataong ito ay mas malakas na. Mula sa pagkakaupo sa aking kamang katabi lamang ng bintana ay napangiti ako.
"Ay isda!" Halos mapatalon ako sa gulat nang may mainit na palad na humaplos sa pisngi ko.
Mayamaya'y nakarinig ako ng isang paghalakhak. "Jandrei!!!"
Mas lalong lumakas ang tawa niya kaya lumayo ako sa bintana. Hindi ko na narinig pa ang kaniyang pagtawa, subalit wala pang isang minuto ay may kamay na tumakip sa mga mata ko mula sa likuran ko.
"Good morning, my beautiful Eray!" bulong niya sa tainga ko. Tila may kung ano namang kumiliti sa batok ko.
"H-Huwag mo nang takpan ang mga mata ko. Bulag ako, 'di ba?"
Narinig ko ang pagbungisngis niya. "Ay, hehe! Oo nga pala!"
Inalalayan niya na lang ako sa paglalakad palabas, at ilang minuto lamang ay huminto na kami.
"Kulaan ta (nasaan tayo)?"
Mas malakas na kasi ang hangin dito sa kinaroroonan namin, kaya't dinig na dinig ko ang pagaspas ng mga ihinahanging dahoon.
"Sa silong ng puno ng mangga."
Hinawakan niya pa ang aking braso at inalalayan akong umupo sa isang ugat nitong puno. Sigurado akong ugat iyon dahil magaspang at matigas ito. Umupo rin siya sa tabi ko. Mayamaya'y may nag-strum ng gitara. Tatanungin ko sana siya kung siya ang tumutugtog nang bigla siyang umawit.
"Nawawalan ako ng pag-asa,
Nilulunod ako ng aking mga luha,
Ngunit alam kong sa Iyo
Hindi ito ang katapusan ko."
Ipinikit ko na lang ang mga mata ko habang pinakikinggan ang napakalamig niyang boses; habang dinadama ang kahulugan no'ng mellow song.
"Panginoon ko, alam kong kasama Kita;
Ni minsan ay hindi Ka nawala.
Papahirin mo ang mga luha ko;
Paghihilumin mo ang karamdaman ko."
Sa pagkakataong ito ay tumulo na ang luha ko kasama ng pagsisitaasan ng balahibo ko. Pakiramdam ko ay may kung ano ring humahaplos sa puso ko—hindi ko maipaliwanag na presensya.
Pagkatapos niyang kumanta, he cleared his throat.
"W-What was that for?" I asked.
"For you. I've been longing to sing 'Hindi Mo Ako Iniwan' for you," he replied.
Hindi ako nakaimik. Tumutulo pa rin ang luha ko hindi dahil sa lungkot o paghihinagpis dahil sa sitwasyon ko, kundi dahil doon pa rin sa kinanta niya.
He, then, started praying for me; for our guidance; for giving us wisdom; for his presence; and for my healing.
"Eray, to tell you, kailanman ay hindi ka Niya iniwan, kahit na ganito ang sitwasyon mo," panimula niya.
Alam ko iyon, subalit ngayon na lang ulit ako na-remind. Simula kasi noong namatay si inay, hindi na ako nagbabasa ng salita Niya. To be honest, dahil sa pagtigil ko sa pagbabasa ng Bible, tuluyan akong nabuwal.
I wanted to start over again, pero hindi ko alam kung paano. Nahihiya na rin akong bumalik, tapos ganito pa ang nangyari sa akin.
"Hindi ka Niya iniwan, at kahit kailan ay hindi Niya iyon gagawin dahil He loves you so much." Malumanay ang pagkakasabi niya n'on. "Pero nagkasala ka..."
Hindi ako nag-react, bagkus ay nagpatuloy lang ako sa pakikinig sa kaniya. Subalit, ngayon, nagkakaroon na ako ng idea kung ano itong hindi maipaliwanag na nararamdaman ko. I think, this is His love; His presence...
"Pero kahit na nagkasala ka, He still loves you. To the point that He gave His beloved son in order to save you from the consequences of sin, which is death," pagpapatuloy pa niya.
Mas lalong kumawala ang mga luha ko. Napakagat na lang ako sa aking labi habang agad na pinupunasan ang aking mga luha.
"Patunay iyan na mahal na mahal ka Niya't hindi Niya hinayaan na ikaw ang ipako sa krus. Eray, He loves you so much more than I love you." Binigyang diin ni Jandrei 'yong huling sentence na sinabi niya kaya tumango ako.
"Kaya, don't think of ending your life again. Comeback to His presence dahil hinihintay ka Niya, matagal na," wika pa niya.
I really want to comeback to Him, pero nahihiya ako. Ang dami kong pagkukulang, at ang dami kong nagawang mali. Wala na akong maihaharap pang mukha. Kaya hindi ko alam kung paano babalik pa.
He continued sharing the word. Pakatapos n'on ay tinapos niya ang pagshe-share sa pamamagitan ng prayer.
"Ditan ka labat, ah (diyan ka lang, ah)," wika niya. Narinig kung lumakad siya nang kaunti papalayo.
"Antoy gawen mo (ano'ng gagawin mo)?"
"Basta... huwag ka na lang malikot diyan," sagot niya.
Napangiti na lamang ako at hinayaan siya. Dinama ko na lang ulit ang simoy ng hangin. Naramdaman ko pa ngang may nalaglag nang mga dahon sa akin.
Pagkalipas siguro ng kalahating oras ay bumalik na siya sa tabi ko.
"Ano ba kasing ginawa mo?"
"Secret!"
Nairnig ko pa ang pagbungisngis niya, lumumbaba ako at inirapan siya. Kahit naman temporary blind ako, kaya ko pa rin namang umirap.
"Nagte-take advantage ka na dahil bulag ako, ah!"
"Hala! Hindi ako ganiyan, Eray!"
"Weh?" Kinapa ko ang tungkod ko sa aking tabi at hinawakan iyon.
"Ano'ng gagawin mo riyan sa magic wand mo? Matatamaan mo ako!" usal niya nang iwasiwas ko 'yong tungkod.
Napahalakhak na lang ako nang malakas at inilapag iyon sa tabi ko. Napatahimik na lang kaming pareho nang humangin nang malakas. Narinig ko ang pagkalaglag ng mga dahon, pati na rin ang tunog habang nagsasayawan ang mga sanga.
"Jandrei..." Hindi siya tumugon nang banggitin ko ang pangalan niya.
Ilang segundo lang ay narinig ko na ang paghilik niya. Gusto ko tuloy makita kung gaano kaamo ang mukha niya habang natutulog siya; nais ko siyang pagmasdan, pero hindi ko magawa.
Bahagya kong itinaas ang aking kamay at dahan-dahang iwinasiwas para maabot sana ang kaniyang buhok o pisngi.
Kung hindi ko siya kayang pagmasdan, hahaplusin ko na lang siya. Subalit, hindi makapa ng palad ko ang pisngi niya. Napakagat na lang ako sa aking labi dahil sa inis.
Bakit ba pati iyon ay hindi ko magawa?
Dahil sa inis ay ilalayo ko na sana ang kamay ko, pero naramdaman kong may humawak doon.
"Okay lang iyan, huwag kang mainis sa sarili mo." Marahan niyang pinisil ang kamay ko at idinikit niya iyon sa pisngi niya.
"Sorry kung hindi tayo normal gaya ng iba. Sorry kung pati ito ay halos hindi ko magawa." Napalunok pa ako pagkasambit ko n'on dahil pinipigilan ang pagpatak ng aking mga luha.
"Shhh... wala kang dapat ihingi ng sorry. Isa pa, nakikita mo man ako o hindi, normal pa rin ang pagmamahalan natin, dahil hindi ang mata o paningin ang sukatan ng tunay na pag-ibig..."
Hindi na ako nakaimik pa dahil kapag ibinuka ko pa ang aking bibig ay tutulo na ang aking luha. Pinakiramdaman na lamang ng aking palad ang malambot niyang pisngi, at nagbabakasakali akong bigla ko na lang siyang masilayan.
BAGO sumapit ang tanghali, nakauwi na kaming dalawa ni Jandrei sa bahay. Eksakto rin namang dumating na rin si itay galing sa fish market. Pagkatapos kasi nilang pumalaot, si itay at 'yong mga kasama niyang nangingisda, dinadala nila ang mga nahuhuli nila sa fish port.
Nag-uwi si itay ng kalahating kilong pusit. Sinamahan siya ni Jandrei ng paglilinis ng mga iyon, at si itay naman ang nagluto—adobong pusit. Iyon ang pinagsasaluhan namin ngayong tanghalian.
"Tito, ipapaalam ko po sana si Eray dahil pupunta po sana kami sa bayan," pagpapaalam ni Jandrei. Teka, wala siyang nabanggit sa akin kanina na balak niya akong ipasyal.
Hindi na lang ako umimik dahil busy ako sa pagnguya sa malambot na pusit. Paborito ko kasi ito!
"Gusto ko sana, pero hindi kayo puwedeng pumunta dahil naka-ECQ pa rin. 'Yong mga may quarantine pass lang ako makalalabas, tapos dapat ay importante 'yong bibilhin o pupuntahan," tugon naman ni itay.
"Ay, oo nga pala! Nakalimutan ko po, pasensya na." Pareho kami ni itay na natawa kay Jandrei.
Limitado nga lang pala ang galaw ng mga tao ngayon. Mabuti na lang nasa isang isla kami at halos kami lang ang narito dahil nasa liblib na lugar kami. Malaya kaming nakapupunta sa gilid ng dagat dahil halos sa labas lang naman ng bahay namin iyon.
Dito sa area namin na malapit sa dagat, pipito lang ang mga bahay tapos magkakalayo pa masyado. Sa likod naman ng mga kabahayang magkakalayo ay puro mga púno. Subalit, sa likod ng kakahuyan ay naroon na ang rough road papunta sa bayan. May pampang din sa bayan, kung saan naroon ang pampasaherong mga bangka papunta sa kabilang isla o sa Barangay Lucap (location ng Hundred Islands).
Si itay naman ang nagsalita. "Samahan mo na lang dito sa bahay si Eray. May isa kasing puwesto sa palangke, na nagbebenta ng isda, na nangangailangan ng isa pang taga-benta nila."
"Inalok po kayo na magbenta roon?" tanong ko naman.
"Oo, kaya pupuntahan ko pagkatapos kong kumain. Sayang pa 'yong kikitain ko," tugon niya.
"Sige po, ako na lang po muna ang bahala kay Eray," saad naman ni Rei.
Nalaman ko rin pala kanina, habang pauwi kami ni Rei, na kasama pala siya sa isang life group sa church nila. Kaya pala marunong siyang mag-share ng words of wisdom. Pero, ngayong nandito siya sa isla, ako na lang muna raw ang pagbabahaginan niya ng mga aral.
Pagkatapos naming mananghalian ay pumunta na si itay sa pupuntahan niya. Kami ni Rrei ang nagligpit ng pinagkainan; nagtulungan kaming dalawa. Ako ang nagsabon, at siya naman ang nagbanlaw gamit ang tubig na nasa tapayan. Sinalok pa ni itay kagabi 'yong tubig sa balon kagabi.
Noong natapos na kami sa pagliligpit ay niyaya ko si Jandrei sa kuwarto. Lumuhod ako sa ibaba ng aking kama, at gamit ang aking tungkod ay hinanap ko ang aking kahong medyo mas malaki kumpara sa kahon ng sapatos.
Nang makapa iyon ng tungkod ko ay sinungkit ko iyon papalapit sa akin gamit pa rin ang aking tungkod.
"Halika, buksan mo ito," sabi ko kay Jandrei saka naupo sa gilid ng aking kama.
"Ano naman ito?" tanong niya at umupo sa tabi ko.
"Basta buksan mo."
"Mga na-fold na bond paper," sambit niya. Narinig ko pa ang kaluskos ng papel habang ina-unfold niya 'yong isa (siguro isa lang muna). "May nakasulat na mga tula."
"Ako ang sumulat ng mga iyan!" pagmamalaki ko habang suot ang aking malawak na ngiti.
Laman kasi n'ong kahon 'yong mga papel na pinagsulatan ko ng mga tula. Nagawa ko ang mga iyon noong hindi pa ako bulag.
"Wow! Mabása nga!"
"Dapat lang na basahin mo. Kaya nga ipinakuha ko sa iyo 'yan, eh," biro ko sa kanya.
"Paboritong musika," bása niya roon sa pamagat.
"Ikaw ang natatanging awitin
Na kung pakikinggan ay ayaw ko nang tapusin.
Ang boses mo ay tila melodiya
Na sa aki'y nagdudulot ng saya.
At kung ang awit man ay natapos na,
Pagmamahal sa iyo ay patuloy pa;
Boses mo pa rin ang paboritong melodiya
Na aking pakikinggan hanggang sa pagtanda."
Pagkatapos niyang basahin 'yong isa sa mga piyesa ko ay napapalakpak siya. Ako naman ay mas lalong lumawak ang ngiti.
"Grabe! Kinikilig naman ako rito sa tula mo!" Bungisngis niya.
"Mas kikiligin ka pa sa iba riyan dahil marami pa iyan."
"Ah, mah hart! Eray, nakahawak ako ngayon sa puso ko!"
Mas lalo akong natawa sa sinabi niya.
"Hmmm... siguro may inspiration ka sa pagsusulat nito noon, ano? Aminin mo, hindi ako ang unang boy friend mo, 'di ba?" Ngayon naman ay nagseselos na ang tono ng boses niya.
"Hala! Wala akong jowa noong sinusulat ko iyang mga 'yan!" giit ko naman. "Ikaw kaya ang first boy friend ko."
"Ayieee!"
"Ah, basta! Sinulat ko iyan noon kahit wala akong jowa. Grabe talaga, hindi ako mapakali noon hangga't hindi ako nakapagsusulat sa isang araw. Mahal na mahal ko kasi talaga ang writing," pagsasalaysay ko at napangiti nang malawak.
Naalala ko noon, sumasali pa ako sa poetry writing contest, at madalas ay nananalo ako. Marami akong naipong mga certificates dahil doon.
"Mas lalo kang gumaganda habang nakangiti ka dahil sa pag-alala mo sa pagsusulat. Magsulat ka na kaya ulit?"
Agad akong napailing. "Huwag na. Hindi ko na kayang gawin iyan ngayon."
"I will help," he insisted.
"Ah, basta, huwag na lang." Iling ko pa, subalit napasapo na lang ako sa aking noo.
Pakiramdam ko isa akong slingshot na pinaiikot nang mabilis. Parang pinupukpok din ng martilyo ang ulo ko.
"Aray!" Napasinghap pa ako at tuluyang napahiga sa aking kama.
"Eray! An'ong nangyayari?" Boses iyon ni Jandrei, subalit 'yong boses niya ay tila nanggaling sa malayo at unti-unting nagfe-fade.
Naramdaman ko ang paghawak niya sa aking balikat. Sobrang bilis ng tibok ng puso ko nang may nasilayan akong kaunting liwanag subalit malabo! May naaaninag din akong bulto ng isang tao, sigurado akong si Jandrei iyon, ngunit talagang malabo.
I blinked my eyes three times dahil nagbabakasakali akong luminaw na iyon. Nahihilo pa rin ako, at kumikirot pa rin ang ulo ko subalit hindi ko na iyon pinansin pa.
"J-Jandrei, m-may nakikita... ako!"
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro