KABANATA 2 - Liwanag
[Trigger Warning: There are scenes that show death. Read at your own risk!]
TULUY-TULOY ang pagdaloy ng mainit kong luha sa aking pisngi. Gamit ang aking dalawang kamay, tinakpan ko ang aking bibig habang nakahiga akong umiiyak sa aking kama. Nakabibingi rin ang lakas ng buhos ng ulan—kasing lakas ng pagbuhos ng luha ko.
Kahit na kalagitnaan na ng Disyembre ay may mga pagkakataon pa ring umuulan. Tila sinasabayan ng kalangitan ang aking kalungkutan.
Tanging ang ilaw lang ng lampara ang nagsisilbi kong liwanag, kaya nagmistulang kulay malabnaw na kahel ang aking paligid.
Hindi ang lampara ang gusto kong ilaw; si inay mismo ang gusto ko, pero ngayon ay wala na siya. Parang kinukurot pa rin ang puso ko kahit na tatlong buwan na ang nakalipas simula noong namatay si inay dahil sa isang aksidente.
Kitang-kita ng aking mga mata kung paano salpukin ng itim na kotse si inay, na may dalang timbang naglalaman ng mga paninda niyang mga isda. Ni hindi man lang siya binabaan n'ong nagmamaneho ng kotse.
Pagkasalpok sa kaniya ay tumalsik siya sa isang poste. Nawarak ang kaninang dala niyang timba, at nagkalat ang mga tilapia sa kalsada. Noong dumako ang mga mata ko sa kanya ay napasigaw ako. Nakahandusay na siya sa at naliligo sa sarili niyang dugo.
Mula sa kinaroroonan ko, sa kabilang bahagi ng kalsada, ay tumakbo ako sa kaniyang kinaroroonan. Nagkakagulo rin ang mga tao, at may mga tumatawag ng ambulansya.
Hindi ko siya hinawakan. Nanginging ang aking mga tuhod, kaya't napaluhod ako sa kaniyang tabi. Pumasok pa sa aking ilong ang malansang dugo ni inay. Dahil doon ay mas lalong umakyat sa buong katawan ko ang takot.
"N-Nay, imulat mo ang mga mata mo, p-please." Halos hindi ko mabigkas ang mga salitang iyon dahil sa takot at pagkabigla. Nalalasahan ko na rin ang maalat kong luha.
Ilang beses kong binanggit ang pangalan niya, subalit hindi siya sumasagot. Ni hindi na rin nagmumulat ang kaniyang mga mata.
"Condolence, iha, pero malamang ay dead on the spot ang nanay mo," wika n'ong isang aleng nakita kong tumatawag ng ambulansya kanina.
"Hindi! Hindi ito totoo, 'nay! Gumising ka riyan!"
Ayaw mag-sink in sa aking isip na wala na siya. Hindi ko kayang tanggapin na wala na ang taong nakakaintindi't nagmamahal sa sakin.
Nahuli rin kinalaunan ang nang-hit-and-run sa nanay ko. Isang kuwarenta anyos na lalaki't may sarili ring pamilya. Naipakulong man siya, subalit hindi ako naging masaya dahil kahit makulong siya nang habang búhay ay hindi na maibabalik pa ang búhay ni inay.
Dahil nga sa pagkamatay ng aking ina, naibenta namin ang aming maliit na bahay sa siyudad ng Dagupan. Lumipat kami rito sa isang remote island ng Alaminos City, sa Isla ng Hiraya, kung saan lumaki si itay at mga kapatid niya. Mas lalong naging mahirap ang buhay namin dito ni itay, lalo na't wala na si inay na dahilan ng aming pag-ngiti.
Ngayon, tatlong buwan na ang lumipas pagkatapos mangyari ang bangungot na iyon, subalit kahit kaunti ay hindi pa rin naiibsan ang labis na kalungkutan ko. Parati akong nakangiti sa bagong eskuwelahang pinapasukan ko, sa kabilang isla, ngunit sa loob ko ay gusto kong humagulgol.
Unti-unti nang humihina ang ulan, at unti-unti na ring bumibigat ang talukap ng aking mga mata. Naghihina na rin ang liwanag ng lampara sa katagal kong umiyak ngayong gabi. Napapikit na lang ako, hanggang sa tuluyan akong nakatulog...
"ERAY..."
Naramdaman ko ang marahang pagtapik ni itay sa aking balikat kaya dahan-dahang kong iminulat ang mga mata ko.
"Papalaot na kami ng mga kasamahan ko. Ikaw na ulit ang bahala rito sa bahay."
Nakamulat na ang mga mata ko, pero bakit ganito ang nakikita ko?!
Hindi ko na napagtuunan ng pansin ang sinabi ni itay dahil sa bilis ng pagtibok ng puso ko. Bakit wala akong makita? Iminulat ko naman na ang mga mata ko! Ang dilim pa rin ng paningin ko!
"'W-Wala akong m-makita! A-Ang dilim!" Kinusot ko ang talukap ng aking mga mata. Pumikit-pikit pa ako nang mabilis, subalit kadiliman ang nakikita ko.
Dahan-dahan akong bumangon, at pakiramdam ko ay naubusan ako ng lakas!
"A-Ano'ng nangyayari sa iyo?" Bakas na rin ang pag-aalala sa boses ni itay kaya mas lalo akong natakot.
"Bakit wala akong makita? 'Tay! Bulag na yata ako!" Tuluyang rumagasa ang mga luha ko at iniunat ang aking mga brasong nanginginig para makapa siya.
"Ag ak makanengneng (hindi ako makakita), tay!"
Naramdaman ko ang pag-upo niya sa aking tabi at niyakap ako upang pakalmahin. Hanggang sa lumipas na ang ilang oras, pero wala pa rin akong naaaninag na kahit kaunting liwanag.
SUNOD na araw ay dinala ako ni itay sa ophthalmologist, sa bayan, gamit ang perang naipon niya. Nang makarating kami sa ophthalmologist at nasuri ako, doon ko nalamang nagkaroon ako ng temporary blindness dahil sa labis na stress—rare case raw ito. Epekto raw ito nang matinding stress at pagdadalamhati ko dahil sa pagkawala ni inay.
Babalik din lang daw ang paningin ko, subalit walang kasiguraduhan kung kailan. Sinabihan din kami na magkakaroon ako ng buwanang check-up. Mas lalo akong nalugmok dahil 20 years old pa lang ako pero ganito na kaagad ang kinahantungan ko.
Hindi pa man din ako nakare-recover sa pagkawala ni inay, subalit panibagong dagok na naman ang dumating sa buhay namin.
Hanggang sa lumipas na ang tatlong buwan ay Marso 2020 na. Nagsimula na rin ang pandemya dahil sa COVID-19, kaya hindi na rin naituloy ang aking pagpapa-check up. Kahit ilang buwan na ang lumilipas ay hindi pa rin bumabalik ang paningin ko.
Dati akong mahilig magbasa ng mga libro sa maliit na library malapit sa Senior High School na pinapasukan ko, pero ngayon ay hindi ko na magawa pang makapagbasa roon. Hindi ko na nga natapos ang second semester noong Grade 12 ako.
Mahal na mahal ko ang pagsusulat, ngunit ngayon, kahit pangalan ko ay hindi ko na magawang isulat pa. Kinuha na ang lahat sa akin: si inay, ang paningin ko, at ang passion ko. Wala nang natira sa akin bukod sa buhay kong puno ng kapighatian.
Hindi na rin ako makagawa ng gawaing bahay dahil hindi pa ako sanay na walang nakikita. Igina-guide na lang ako ni itay kung ilang hakbang ba ang mula sa kuwarto papuntang kusina. O kaya naman ay kung ilang hakbang ang mula sa bahay papunta sa gilid ng dagat; o sa silong ng puno ng manggang nasa 'di kalayuan. Ginawahan niya rin ako ng kawayang tungkod.
Alam kong nahihirapan na siya dahil sa akin. Minsan nga ay naririnig ko siyang humihikbi mula sa kuwarto niya. Kaya naman, gusto ko nang tapusin ang paghihirap niya dahil sa akin...
***
GAANO nga ba ang kulay ng pag-ibig? Sabik na sabik na akong malaman kung gaano ba kaliwanag ang ngiti ng sinisinta ko habang magkasama kami. Binabagabag ako ng kyuryosidad ko tungkol sa kulay ng pag-ibig. Saka ko kasi naranasan ang pag-ibig noong wala na akong makita pang kahit kaunting liwanag.
Gaya ngayon, gusto ko talagang masaksihan mismo ang eksena, subalit kahit anong pilit kong gawin ay wala akong makita.
Bumuntong-hininga na lang ako matapos kong maaalala ang dahilan ng aking pagdurusa; ang dahilan kung bakit umabot ako sa puntong gusto ko na lang mamahinga habang buhay.
Naramdaman ng aking mga paa ang banayad na paghampas ng malamig na alon. Rinig na rinig ko rin ang himig ng mga alon sa dagat, kaya kusang umukit ang ngiti sa aking labi kahit na hindi ko nakikita ang nasa paligid ko. Dinama naman ng aking mga palad ang mga pinong buhangin habang ihinahaplos ko ang aking mga kamay roon.
Nilanghap ko rin naman ang mabangong halimuyak ng lavender.
"Hindi ka ba nilalamig, Airyza?" tanong sa akin ni Jandrei, at inakbayan ako. Kasabay ng pagdapo ng kaniyang braso sa aking balikat ay ang pagtibok nang mabilis ng aking puso.
Nakasanayan na kasi naming umupo sa tabi ng dagat tuwing madaling araw, kapag pumapalaot na si 'Tay Ariel kasama ang iba pang mga mangingisda. Nananatili naman kami rito hanggang sa sumikat ang araw.
Lumanghap muna ako ng hangin bago ako tumugon. "Malamig pero ang gaan sa pakiramdam ng sariwang simoy ng hangin."
Umukit ang ngiti sa aking labi at dinama ang pagdampi ng malamig na hangin sa aking mukha. Gumapang naman ang lamig sa buong katawan ko.
"Ayan na! Sumisilip na ang araw!" hiyaw ni Jandrei.
Nami-miss ko nang pagmasdan ang pagsikat ni haring araw...
Nabura ang ngiti sa aking labi. Gumuhit ang pagkadismaya sa aking dibdib dahil panibagong pagsikat na naman ng araw ang hindi ko nasilayan.
Nakita siguro ni Rei ang aking pagsimangot kaya hinawakan niya ang aking kanang kamay na nababalutan pa ng buhangin.
"Unti-unti nang nagsasapawan ang liwanag at dilim dahil sa pagsilip ng araw. Nagiging kulay kahel na rin ang kalangitan," paglalarawan niya sa kaniyang nakikita.
Gaya ng sinabi niya noon, siya nga ang naging mata ko. Wala man akong nakikita ngayon, subalit tila nagiging makulay ang bawat sandali at paligid ko dahil sa kanya.
Parati kaming ganito ni Jandrei. Dahil nga wala akong nakikita, siya ang naglalarawan sa kung ano ang nakikita niya. Nasisiyahan naman ako sa paglalarawan niya, pero ibang-iba pa rin kung nasasaksihan mismo ng aking mga mata ang kagandahan ng paligid ko.
"M-Maganda ba, Rei?"
"Oo naman, Eray! Napakaganda ng view, pero mas higit pa ang kagandahan mo!"
"Nakuha mo pang mambola!"
"Totoo naman ang sinasabi ko, ah!" giit niya. "Mas maganda pa iyang maalong buhok mong hanggang balikat kumpara diyan sa alon ng dagat."
"Ag ak manisya (hindi ako naniniwala)," wika ko sabay binelatan siya.
Naramdaman ko ang likod ng kaniyang palad na humahaplos sa aking pisngi. "Tapos iyang three-inched white line na scar sa pisngi mo, bumabagay pa sa pagkamorena mo."
Inilayo ko ang pisngi ko sa palad niya nang maalala ko kung paano ako nagkapeklat. Nagalusan kasi nang medyo malalim 'yong pisngi ko dahil sa nakausling payat na kawayan sa bintana ng kuwarto ko.
Noong dumungaw ako sa bintana para magpahangin, isang linggo simula nang mabulag ako, tumama 'yong pisngi ko roon. I can still remember how I shouted at the top of my lungs because of my excruciating pain and anguish.
Damang-dama ko kasi 'yong matalim na dulo ng kawayan na bumaon at pumilas sa aking pisngi. Sobrang nag-alala roon si itay kaya't kung maaari ay bantayan niya na lang ako magdamag.
Dahil bumalik sa alaala ko iyon, hindi ko maiwasang mangamba para kay Jandrei. Itanggi ko man o hindi, magiging pabigat ako sa kaniya dahil sa kondisyon ko. Siguradong nag-aalala rin siya para sa akin. Imbes din na kapakanan niya ang isipin niya, mas pipiliin niya ang kapakanan ko.
Saglit akong natahimik sa na-realize ko. Habang maliit pa ang apoy, kailangan na agad iyong apulahin. Habang hindi pa komplikado ang sitwasyon, kailangan na naming itigil ito para hindi na siya mahirapan pa.
Ayaw kong idamay siya sa pagdurusa ko.
"Sabi mo noon ikaw ang maglalayo sa akin sa kapahamakan," panimula ko sabay napalunok. "Huwag na, Rei. Ayaw ko nang maging pabigat pa. Pabigat na ako sa tatay ko, at ayaw ko nang dagdagan pa ang nabibigatan sa akin."
Hindi ko man siya nakikita, alam kong nabigla siya sa sudden decision ko.
Dalawang buwan na simula noong nakilala ko ang 21-year old na si Jandrei, at umiibig na rin kami sa isa't isa. One month ago noong nagtapat siya ng pag-ibig niya sa akin. After that, niligawan niya ako sa loob ng tatlong linggo hanggang sa tinanggap ko na ang pagsintang alok niya.
Mabilis na naging kami, at mabilis din ang paghihiwalay namin ng landas. One week ago (May 13) lang noong sinagot ko siya.
"Noong sinabi kong tutulungan kita, aware naman ako sa condition mo. At saka, desisyon kong maging katuwang mo, at hindi ko inisip na pabigat ka."
Nasabi niya sa akin na na-stranded daw siya rito dahil sa ECQ. Dapat ay ilang linggo lang siya rito para bisitahin 'yong rest house nila rito. Kung hindi sana siya na-stranded dito, wala sanang magiging pabigat sa kaniya.
Napabuntong-hininga ako sa sinabi niya. Sa boses pa lang niya ay masasabi kong masayang-masaya siya, pero kailangan na naming itigil ito.
"Jandrei, hindi na talaga natin puwedeng palalimin ang nararamdaman natin sa isa't isa. Mahihirapan ka lang kapag nagtagal pa tayo," pakiusap ko.
Naramdaman ko ang mainit niyang palad na humawak sa kamay ko, at marahan niya itong pinisil.
"I respect your sudden decision, pero sana'y hayaan mong alagaan kita," giit niya kaya agad akong napailing.
"Please, Jandrei..."
Narinig ko ang pagbuntong-hininga niya. "Kung buo na talaga ang desisyon mo, lalayo na ako. Pero, tandaan mong iibigin pa rin kita kahit sa malayo."
Sa sinabi niyang iyon ay parang sinaksak ang puso ko. Lumuwag ang pagkakahawak niya sa kamay ko kaya napalunok ako. Kaya ko ba talagang pakawalan siya?
Kumalas din ako sa pagkakahawak sa kamay niya. Hanggang sa dahan-dahan kong hinila papalayo ang kamay ko, subalit kusa na lang pumatak ang luha ko.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro