KABANATA 13 - Liham
NAPAKAALIWALAS ng paligid. Hindi ko mabura ang ngiti sa aking labi habang iginagala ko ang aking paningin. Habang nakaupo ako sa malambot na shivel chair, nakapatong naman ang aking kamay sa ibabaw ng libro na nakaibabaw sa puting study table.
Sa aking tapat, ilang metro mula sa aking kinauupuan, ay ang napakalaking puting bookshelf. Puno ito ng mga educational and fictional books. Napakarami talagang mga libro dahil nagmistulang pader na 'yong bookshelf. Sa bagay, pagbebenta ng libro ang negosyo nila.
Sa left side ko, ilang metro rin ang layo sa akin, ay ang pinto. Sa right side ko naman ay ang glass wall—katabing-katabi ko lamang ito. Kaya naman, mula rito ay kitang-kita ko ang kakahuyan sa 'di kalayuan, pati na rin ang pagbuhos ng ulan.
Para talaga akong nasa isang paraiso dahil nakikita ko na ulit ang maraming libro; ang kalikasan at ang pagbuhos ng ulan.
"Uy, Eray! Mambasa ka la (magbasa ka na)!" sita sa akin ni Tito Rafael habang inaayos niya sa pagkakalagay 'yong ibang mga libro.
Bahagya naman akong napahalakhak. "Sabi ko nga po magbabasa na po ako."
"Tulala ka na naman kasi. Miss mo na ba talaga ang anak ko?"
"Given naman na po 'yong miss ko na si Jandrei. Ngayon po kasi, tito, sobra talaga akong na-a-amaze rito sa library ng rest house ng pamilya ni Jandrei," pagpapaliwanag ko. Napatango-tango na lang siya.
Ngayon ang unang Martes na narito ako sa library nina Jandrei. Simula kasi noong nalaman niyang nakakakita na ako, ayun, sinabi niya kay Tito Rafael na magpalitan na lang kami ng liham. Sabi niya, ang pagpapalitan daw ng liham ay classic yet romantic.
Iyon din lang naman kasi ang paraan para makapag-communicate kami. Walang signal dito, pero naaabot din naman ng mailman. Doon sa bahay naman namin, hindi lang sure kung mararating doon.
Kaya naman, every Tuesday, nandito ako dahil ganitong araw ang pagpunta ng mailman dito. Dagdag pa riyan, nagpadala ng mga educational books si Jandrei tungkol sa teaching profession at mga reference books na may kinalaman sa kukunin kong kurso—BSED Major in Filipino.
Nabanggit ko kasi kina itay at tito na iyon ang kursong kukunin ko soon. Hindi muna ngayon dahil hindi ko pa naman ma-afford ang online classes. Isa pa, as much as possible, ayaw ko munang ma-expose sa mga gadgets. Baka mabulag ulit ako.
Magpupunta rin ako rito every Friday afternoon para mag-aral. Ang ganda kasi ng ambiance rito at ang gandang mag-aral.
"Labas na ako, Airyza. Baka kasi dumating na 'yong magde-deliver ng sulat," pagpapaalam ni tito.
"Sure po!"
Ipinagpatuloy ko na ang pagbabasa ko rito sa textbook na ipinadala ni Rei. Philippine Literature ang title ng book.
Ilang minto pa lang akong nagbabasa ay nariyan na ulit si Tito Rafael habang ang lawak ng kaniyang ngiti. Hawak naman ng kamay niya ang isang puting envelope.
Awtomatiko akong napatayo. "Iyan na po ba 'yong sulat ni Rei?"
Tumango naman siya at ibinigay sa akin 'yong sobre. Hindi ko tuloy maiwasan ang mahinang pagtili. Habang binubuksan ko 'yong sobre ay halos mapunit din ang pisngi ko dahil sa lawak ng aking ngiti.
"Baba na ulit ako para kiligin ka na in private!" Ngisi ni tito.
Bumalik na ako sa shivel chair at inumpisahang basahin ang liham ni Jandrei sa akin. Habang binabasa koi to ay tila naririnig ko rin sa aking isip 'yong boses niyang napakaamo.
My Beautiful Eray,
Ang dami kong gustong isulat, pero hindi ko mapagtagpi-tagpi. Ang dami ko rin kasing gustong ikuwento sa iyo.
Kumusta ka na nga pala? Alam mo ba, sobrang saya ko noong nalaman kong nakakakita ka na? Hanggang sa pag-o-online class ko ay nakangiti ako. Hindi ko kasi maitago 'yong kasiyahan ko para sa iyo. Ang bait talaga ng Diyos, ano?
Oo nga pala, speaking of online class, buti na lang hindi ka pa nag-enroll. Sobra kasing nakakapagod dahil ang daming ipinapagawa ng mga instructors. Buti na lang binibigyan ako ng strength ni Lord. Syempre, namo-motivate rin ako sa tuwing iniisip kita.
Kahit na malayo ka sa akin ngayon, ikaw pa rin ang itinitibok ng puso ko. Honestly, may mga cute akong classmates, pero hindi naman sila ikaw, eh. Kaya, hindi ako na-i-in love sa kanila. Faithful pa rin ako sa iyo kahit malayo ka dahil mahal kita nang may pag-ibig Niya.
Oh, ingat ka riyan, ha? Ingatan moa ng sarili mo dahil magkikita pa ulit tayo. Huwag mong sosobrahan ang pagbabasa, at huwag ka ring magpupuyat. Also, don't forget to pray.
I miss you so much! I badly want to hug you right now pero soon na lang. I love you!
Love,
Rei
Napabungisngis na lang ako matapos kong basahin ang sulat ni Rei. Bagamat hindi kagandahan ang penmanship niya, nakakaantig naman 'yong laman ng sulat niya. Mas lalo pa akong mahuhulog sa kaniya nito.
Hinila ko ang drawer nitong study table dahil may bond paper at envelope daw rito sabi ni Tito Rafael. Pagkakuha ko n'ong bond paper ay saglit muna akong napatitig dito? Teka, ba't parang nauubusan ako ng sasabihin?
Sumulat na rin ako ng reply ko sa kaniya. Isinulat ko kung gaano ko siya ka-miss, at kahit na malayo siya ay siya pa rin ang iniibig ko. Hindi ko mapigilang mapangiti habang nagsusulat. Maka-ilang beses pa nga akong napabungisngis.
Binasa ko naman ang huling paragraph ng letter ko. "Mahal na mahal din kita, kahit pa ilang dagat o ilang kilometrong lupa pa ang pagitan natin. Hihintayin ko ang pagdadating mo sa tabi ng dagat kung saan unang nagtagpo ang mga landas natin. Mag-iingat ka rin diyan, sinta ko."
Marahan ko nang itinupi ang papel, at bago koi to isinilid sa envelope ay hinalikan ko muna ito. Si Tito Rafael na raw ang bahalang magpapadala nito bukas kapag pupunta siya sa bayan.
Tumila na ang ulan. Bago pa ako abutan ng sunset dito ay nagpaalam na ako kay tito. Pag-uwi ko sa bahay ay wala pa si itay. Ako na ang nagluto ng hapunan habang suot ang malawak na ngiti sa aking labi.
***
LUMIPAS pa ang maraming mga araw at gan'on pa rin ang mode of communication namin ni Jandrei. Masaya naman ako dahil kahit papaano ay may ugnayan pa rin kami sa isa't isa.
Sumapit na ang unang araw ng November. Hindi naman namin madalaw si inay dahil nasa Dagupan ang puntod niya, kaya ipinagtirik na lang namin siya ng kandila rito. Sabay rin kami ni itay na nagdasal nang taimtim.
Kinagabihan, napagtanto ko na lang na sa susunod na araw ay kaarawan ko na. Ngunit, nakakapanghinayang dahil hindi ko man lang makakasama sa araw na iyon sina inay at Jandrei...
HANGGANG sumapit na nga ang birthday ko. Maaga akong gumising dahil sasamahan ko si itay sa pagpe-prepare ng mga rekado ng pancit. Bago ako bumangon ay nagdasal muna ako sa Diyos para magpasalamat sa panibagong araw at taon na ibinigay Niya sa akin. I also asked for His guidance and blessings.
"Happy birthday, anak ko!" bati sa akin ni itay pagkalabas ko sa aking kuwarto.
Nilapitan ko naman siya at niyakap. "Salamat po, itay!!!"
Humiwalay sa pagkakayakap sa akin si itay, tapos ay may kinuha siya sa kaniyang kuwarto. Pagkabalik niya sa sala ay may dala na siyang kulay asul na floral dress.
"Oh, ito na ang isuot mo ngayon. Sana magustuhan mo itong regalo ko sa iyo," wika ni itay.
Kinuha ko 'yong dress sa kaniya at muli siyang niyakap. "Super thank you po talaga."
Mangiyak-ngiyak pa ako n'on. Hindi naman na kasi ako nag-e-xpect ng regalo. Sapat na kasi sa akin 'yong pag-e-effort ni itay para buhayin ako.
Pagkatapos ng pagdadrama namin ni itay ay sinimulan na naming maghiwa ng mga rekado. Sinamahan ko si itay na magluto ng pancit. Ako na rin ang nagsaing ng kanin para mamayang tanghali, tapos mag-isa na ni itay na nagluto sa adobong manok.
"Ang dami niyo po 'yatang perang panghanda sa birthday ko, ah!" panunukso ko kay itay habang nagluluto siya.
"Pinag-ipunan ko talaga ito para sa iyo. Isa pa, kaunti nga lang itong handa mo, eh," tugon niya naman.
Mas lalo akong na-touch kay itay. Kahit na hirap na hirap siya sa paghahanapbuhay, at kahit na maliit lamang ang kinikita niya, nakuha niya pa ring magtabi ng pera para sa birthday ko.
"Oh, antoy aakisan mo (anong iniiyakan mo?"
"Itay naman kasi, eh." Akma ko siyang yayakapin pero ihinarang niya 'yong kamay niya.
"Hep hep! Duga lay drama (tama na ang drama). Baka pati ako maiyak. Maligo ka na dahil mayamaya lang ay nandito na 'yong mga bisita."
Tumango na lang ako at nagpunta na sa cr para maligo. Minadali ko na ang pagligo dahil baka nga ano mang oras ay dumating na ang mga bisita ko. Pagkatapos kong maligo ay isinuot na 'yong floral dress na regalo ni itay.
Sleeveless ito at hindi naman mababa ang neckline. May magkabilaang tali rin sa bandang beywang kaya ini-ribbon ko na ang mga iyon sa aking likuran. Komportable naman ako rito sa damit kahit na sleeveless dahil hanggang tuhod ang haba nito.
"Ate Eray, nandito na po kami!"
Napalabas ako sa aking kuwarto nang marinig ko na ang boses ng dalawang batang kambal na kapitbahay namin.
"Yan! Yen!" Niyakap ko silang dalawa tapos ay niyakap din nila ako pabalik.
"Happy birthday po, Ate Eray!" Sabay pa nila akong hinalikan sa magkibilaang pisngi ko.
Kahit papaano talaga ay gumagaan ang pakiramdam ko sa dalawang bulinggit na ito. Sa tuwing nabo-boring ako, nariyan sila para kulitin at pasayahin ako.
"Oh, nasaan sina mama at papa ninyo?" tanong ko.
Umiling naman si Yen. "Wala po, eh. Hindi raw po sila maka-absent sa palengke dahil pagagalitan daw po sila n'ong amo nila."
"Pero nag-iwan po sila ng softdrinks para sa iyo," sabi naman ni Yan sabay turo sa dalawang bote ng softdrinks na tig 1.5 liters.
"Ate, may gift din po pala kami sa iyo," saad ulit ni Yen tapos kinuha niya ang kanang kamay ko. May isinuot siya sa aking isang bracelet na gawa sa maliliit na seashells. "Ako po ang gumawa niyan!"
"Ang cute naman kagaya mo!" puri ko sa gawa niya dahil totoo naman talagang ang cute.
"Ako rin po, may ginawang bracelet para sa iyo," wika naman ni Yan. Kinuha niya ang kaliwang kamay ko, at gaya ni Yen ay may isinuot din siya bracelet sa akin. Kapareho rin lang n'ong ginawa ni Yan. Kambal nga talaga sila.
"Hintayin lang natin si Tito Rafael ninyo bago tayo kumain, ha?" sabi ni itay kaya tumango 'yong kambal.
Umupo na lang kami sa mahabang upuang gawa sa kawayan. Habang hinihintay namin si tito ay walang humpay sina Yen at Yan sa pagkanta ng "happy birthday".
"Ate, darating din po ba rito 'yong kinukuwento mong boyfriend mo?" tanong ni Yen.
"Ah, si Kuya Jandrei! Gusto ko rin po siyang makita. Hindi mo po siya nami-miss?" tanong naman ni Yan.
Saglit akong hindi nakasagot sa tanong nila. Napangiti muna ako nang mapait. Itong kambal na ito talaga, mas lalo ko tuloy na-miss si Jandrei. Sayang talaga dahil wala siya rito ngayon. Sa pagkakaalam ko ay midterm exam nila sa susunod na araw.
Sasagutin ko sana sila, pero bigla nang dumating si Tito Rafael. "Nandito na ako!"
Tumayo ako para salubungin siya. May dala siyang naka-plastic na inihaw na bangus Sa isa pa niyang kamay ay isang maliit na paper bag. Nang mailapag niya sa mesa 'yong naka-plastic na ihinaw na bangus ay nagmano na ako sa kaniya.
"Happy 21st birthday, Airyza!" bati niya sabay abot sa akin n'on hawak niyang maliit na paper bag.
"Thank you po, tito!" Bigla tuloy akong na-excite kung ano ang laman nito.
Dahil nandito na si tito, nagdasal na kami bago kumain. Kahit na wala pala si Jandrei at inay, masaya pa rin ako dahil sa presensya ng mga taong nandito pa rin sa tabi ko. Bagamat may kulang, sila ang pumupuno n'on.
Pagkatapos naming kumain ay nagkuwentuhan muna kami. Nakipagkulitan pa kami kina Yan at Yen na kanta nang kanta ng mga children's song.
Noong humahapon na, nagsiuwian na sila. Kami naman ni itay ay nagligpit na rito sa bahay. Nang makapaglinis na kami ay nagtungo na ako sa kuwarto para makita kung ano 'yong lamang ng paper bag na ibinigay ni Tito Rafael.
Pagkabukas ko n'on ay bumungad sa akin ang isang maliit na pahabang box na kulay itim, at isang mini-journal na asul. Una kong kinuha 'yong naka-box dahil may nakadikit doon na sticky note, tapos nakasulat doon ang "From Rei".
Hmmm... necklace kaya ito?
"Mabuksan nga." Dahan-dahan kung binuksan 'yong box. Sumilay ang malawak na ngiti sa aking labi nang bumungad sa akin kung ano ang laman nito.
"Fountain pen!" mangiyak-ngiyak na wika ko.
Makintab na gradient red and gold ang kulay nito tapos may naka-engrave na Airyza sa fountain pen. Mayroong ding dalawang maliit na bote na may lamang pang-refill na ink. May kasama pang note sa loob ng box.
Happiest birthday, my beautiful Eray! I know, you love writing. Kaya ngayong nakakakita ka na, magsulat ka na ulit gamit itong fountain pen. Pagbalik ko, babasahin ko ang mga sinulat mo. I love you!
"Pinapakilig mo naman ako, eh!" Hinampas-hampas ko pa 'yong katabi kong unan habang pinipigilan ang sarili ko na mapatili.
Napatingin ako sa labas ng bintana. Kahel na ang kulay ng kalangitan dahil papalubog na ang araw. Nilagyan ko na ng ink 'yong fountain pen. Hindi naman ako nahirapan sa paglalagay dahil sinundan ko 'yong instructions na nakasulat sa maliit na manual.
Humanap din ako ng isang pirasong blankong papel upang pagsulatan ng draft ng gagawin kong tula. Ita-transfer ko na lang sa journal na ibinigay ni Tito Rafael kapag final na 'yong tula.
Dala ang journal, fountain pen, at 'yong isang pirasong papel, ay nagtungo na ako sa gilid ng dagat. Nilanghap ko muna ang sariwang simoy ng hangin at pinagmasdan ang kahel na kalangitan. Pati 'yong ulap ay kulay kahel at unti-unting nagda-dark.
Umupo na ako sa buhanginan at ipinaibabaw ko sa aking lap 'yong journal. Gusto kong sumulat ng tula para kay Jandrei tungkol sa kung gaano ko siya iniibig kahit pa malayo kami sa isa't isa.
Ipinatong ko sa ibabaw n'ong journal 'yong papel at susulat na sana ako, subalit bigla na lang itong tinangay ng hangin; lumapag ito malapit sa buhanginang inaabot ng maliliit na alon. Tatayo na sana ako para kunin ito, subalit bigla na lang itong hinampas ng alon at tuluyang nilamon ng dagat.
Kasabay n'on ay ang pagguhit ng kakaibang pakiramdam sa aking puso. Para bang may mangyayaring masama...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro