Ang Alamat ng Salamin
Noong unang panahon, sa isang kaharian, ipinanganak ang kambal na prinsesang nagngangalang Prinsesa Silla at Prinsesa Salmin. Anak sila ng mabuti, mabait, at mapagmahal na hari at reyna ng kaharian na iyon.
Pinalaki sila ng kanilang mga magulang nang puno ng pagmamahal at pagaaruga. Lumipas ang panahon at unti-unting lumaki ang kambal. Napaka-ganda nila at magkamukhang-magkamukha ang dalawang prinsesa.
Noong una, sobrang lapit nila sa isa't isa at palaging magkasama. Sabay silang nagigising, nagaaral, kumakain, at naglalaro. Hindi sila mapaghiwalay kahit sandali lamang.
Ngunit habang sila'y tumatanda, mas lumalayo sila sa isa't isa. Dahil si Prinsesa Silla ang unang pinanganak, siya ang tagapagmana sa trono ng kaharian. Kaya naman, simula noong sila'y nagdalaga, laging kasama ni Prinsesa Silla ang kanilang ama upang matuto kung paano maging mabuting pinuno mula rito. Habang si Prinsesa Salmin naman ay laging kasama ang kanilang ina.
Kahit magkamukhang-magkamukha ang dalawang prinsesa, magkaibang-magkaiba sila. Si Prinsesa Silla ay masiyahin at madaling makipagkaibigan habang si Prinsesa Salmin naman ay tahimik at mahiyain. Kung ikukumpara, parang araw si Prinsesa Silla habang si Salmin ay maihahalintulad sa buwan.
Habang lumilipas ang panahon, mas gumaganda pa ang dalawa at dumarami ang manliligaw ni Prinsesa Silla. Halos lahat ng lalaki sa buong kaharian at maging sa mga ibang kaharian ay napaibig sa kaniyang taglay na kagandahan, katalinuhan, at kabaitan.
Unti-unting napuno ng inggit si Prinsesa Salmin sa kaniyang kapatid dahil laging siya nalang ang pinaguusapan ng lahat. Palaging nakakatanggap ng papuri si Prinsesa Silla habang si Prinsesa Salmin naman ay hindi nila binibigyang pansin. Tila nakalimutan na nila si Prinsesa Salmin.
Ngunit dahil mahal ni Prinsesa Salmin ang kaniyang kapatid, sinubukan niyang pigilan ang inggit na nararamdaman at pilinit na maging masaya para sa kaniya.
Isang araw, habang nakaupo sa gilid ng bintana si Prinsesa Salmin, nakita niyang patungo sa kanilang palasyo ang isang napakagwapong prinsipe na nakasakay sa puting kabayo.
Agad nahulog ang puso ni Prinsesa Salmin sa prinsipe.
"Sino ang prinsipeng iyan?" Tanong ni Prinsesa Salmin sa kaniyang tagapagsilbi.
"Ah, siya po si Prinsipe Altalune ng kaharian ng Altas, mahal na prinsesa." Sagot ng tagapagsilbi.
Tumango lamang si Prinsesa Salmin at pinanood ang prinsipe mula sa bintana. Nagulat siya nang mapatingin din sa kaniya ang prinsipe. Nagtama ang tingin nila at tila tumigil ang mundo ni Prinsesa Salmin. Ngumiti ang prinsipe at kumaway. Tila nagwawala ang puso ni Prinsesa Salmin sa sobrang bilis ng pagtibok nito. Matapos ang ilang segundo, umiwas na ng tingin ang prinsesa at nagkunwaring nagbabasa ng libro.
Noong oras na ng hapunan, dumeretso si Prinsesa Salmin sa hapagkainan kung saan naroroon na ang kaniyang mga magulang at kapatid. Napatigil siya nang makitang naroroon din si Prinsipe Altalune.
"Magandang gabi, Ina, Ama, Silla at Prinsipe Altalune," Pagbati ni Prinsesa Salmin.
"Mabuti naman at narito ka na, Salmin, maaari ka nang maupo." Ani ng hari na sinunod naman ng prinsesa at umupo sa tabi ng kaniyang ina. "Siya si Prinsipe Altalune, ang magiging asawa ng iyong kapatid. Prinsipe Altalune, siya ang aking pangalawang anak na si Salmin," pagpapakilala ng hari.
Tila binuhusan ng malamig na tubig si Prinsesa Salmin sa kaniyang narinig. "Paumanhin, ama, ngunit tama ba ang aking narinig? Ikakasal si Silla at si Prinsipe Altalune?" hindi mapigilang tanong ni Prinsesa Salmin.
Habang hinihintay ang sagot ng ama, napatingin si Prinsesa Salmin sa kaniyang kapatid. Nahihiya itong nakayuko at pilit na pinipigilan ang kaniyang sarili na ngumiti. Dumako naman ang kaniyang tingin kay Prinsipe Altalune na katabi ng kaniyang kapatid. Namumula ang mga tenga nito at pasimpleng sumusulyap kay Prinsesa Silla.
"Oo, napagkasunduan namin ng mga magulang ni Prinsipe Altalune na ipakasal ang dalawa," sagot ng ama.
Tila nadurog ang puso ni Prinsesa Salmin at gusto niyang umiyak. Pinigilan niya ang kaniyang mga luha at tumahimik nalang. Habang masaya silang kumakain at nagkuwekuwentuhan, tahimik lang at walang imik na kumakain si Prinsesa Salmin. Pagkatapos kumain, umalis na si Prinsesa Salmin at bumalik sa kaniyang kuwarto. Hindi man lang napansin ng kaniyang pamilya na umalis na siya. Humiga siya sa kaniyang kama at tahimik na umiyak.
"Bakit palagi nalang si Silla ang nakikita nila? Ano bang mayroon sa akin at hindi nila ako napapansin?" Pagiyak ng prinsesa.
Simula noon, unti-unting ginaya ni Prinsesa Salmin si Prinsesa Silla. Mula sa pananamit, hanggang sa kilos at pananalita ay ginaya niya. Kung kaya't madalas ay pinagkakamalan siyang si Prinsesa Silla.
Alam ni Prinsesa Silla ang ginagawa ng kaniyang kapatid subalit dahil mahal na mahal ng mabait na prinsesa ang kaniyang kapatid, hinahayaan at pinapatawad na lamang niya ito kahit nasasaktan na siya.
Hindi natuwa ang isang diwatang nanood at inoobserbahan ang ginagawa ni Prinsesa Salmin. Kaya isang gabi, nagpakita ito at binalaan si Prinsesa Salmin.
"Huwag mong hayaan na lamunin ka ng iyong inggit sa iyong kapatid. Sa ginagawa mong panggagaya sa kaniya ay sinasaktan mo ang kaniyang damdamin. Hindi hahantong sa mabuti ang iyong ginagawa," Babala ng diwata.
Nagalit si Prinsesa Salmin. "Sino ka at paano ka nakapasok sa aking kuwarto?! At sino ka para sabihan ako kung ano ang dapat kong gawin?! Mga kawal!!" Sigaw ng prinsesa ngunit bago pa man nakarating ang mga kawal, biglang naglaho ang diwata.
Hindi pinansin ni Prinsesa Salmin ang nangyari at tinuloy pa rin ang ginagawa. Hanggang sa hindi nakuntento si Prinsesa Salmin sa simpleng panggagaya lamang. Nais niyang maging si Prinsesa Silla. Dahil magkamukhang-magkamukha sila, naging madali para kay Prinsesa Salmin ang magkunwari na siya si Prinsesa Silla. Unti-unti niyang naagaw ang mga kaibigan ng kaniyang kapatid at nakuha ang loob ng mga taong humahanga kay Prinsesa Silla.
Isang tao lamang ang hindi maagaw ni Prinsesa Salmin mula sa kaniyang kapatid at siya si Prinsipe Altalune. Dahil sa labis na pagmamahal ni Prinsipe Altalune kay Prinsesa Silla, hindi siya nauuto ni Prinsesa Salmin na mas lalo nitong ikinagalit. Nagplano si Prinsesa Salmin kung paano niya maaagaw si Prinsipe Altalune mula sa kaniyang kapatid.
Nagalit ang diwata sa plano ni Prinsesa Salmin dahil sumobra na siya ngayon. Nagpakita muli ito sa kaniya ngunit ngayon ay paparusahan na niya ang Prinsesa.
"Napakasakim mo! Wala kang pakialam kahit nasasaktan mo na ang iyong kapatid! Ang iniisip mo lamang ay ang iyong sarili!" Galit na sigaw ng diwata.
"Ikaw na naman?! Ano ba ang gusto mo?! Pabayaan mo nga ako!" Sigaw pabalik ni Prinsesa Salmin.
"Parurusahan kita!" Sigaw ng diwata. "Nais mong gayahin ang iyong kapatid, hindi ba?! Ayan! Maging kang isang salamin!" Sigaw nito at pagkasabi niya ng mga salitang iyon, biglang naging salamin si Prinsesa Salmin.
Dumaan ang mga araw at nagtaka si Prinsesa Silla kung bakit biglang naglaho ang kaniyang kapatid. Pinahanap na siya ng amang hari sa mga kawal ngunit hindi nila ito mahanap. Tila naglaho nalang bigla na parang bula si Prinsesa Salmin. Nagalala si Prinsesa Silla at pumunta siya sa kuwarto ng kaniyang kapatid upang maghanap ng mga bakas o impormasyon na naiwan ni Prinsesa Salmin na makatutulong sa kanila upang mahanap ito. Natigilan si Prinsesa Silla nang makita niya ang isang kakaibang bagay sa sahig. Pinulot niya ito at pinagmasdan. Natigilan siya nang makita niya ang itsura ni Prinsesa Salmin. Bawat galaw na gawin ni Prinsesa Silla ay ginagaya nito. Naitapon niya ang bagay na iyon sa takot. "Salmin... bakit ka nariyan?" Takot na bulong niya.
END
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro