Epilogue
ILANG ulit kong nasaksihan ang pagsikat at paglubog ng araw. Tulad ng inaasahan ko ay hindi na ako makaalis pa kung nasaan man ako ngayon.
Gayunpaman, sa makailang ulit na pagsikat at paglubog ng araw ay hindi ko nakakaligtaang makita ang misteryosong estranghero sa puntod ko. Walang araw na hindi siya dumadalaw sa puntod ko at wala ring araw na hindi siya tumatangis habang nananatili rito.
Tulad ng inaasahan ay unti-unti na nga akong nakalimutan ng maraming taong naghatid sa akin sa huling hantungan ko. Subalit ang estrangherong ito ay nanatiling naririto.
Kahit na bumuhos ang ulan o tirik na tirik man ang araw ay nananatili siyang nasa tabi ng puntod ko. May ilang pagkakataon pang kahit patuloy sa pagbuhos ang luha niya ay nagkukwento siya sa akin, iyong iba ay mga biro o kung minsan ay mga sumbong.
Sa dami ng mga kinukwento niya sa pananatili niya rito ay sinisiguro kong maalala ko lahat ng iyon, dahil lahat ng ikinuwkwento niya sa akin ay nararamdaman kong parte ng pagkatao ko.
Hindi ko na maalala pa kung sino ako kung kaya't ang binibitawan na lamang niyang mga salita at kwento ang pinanghahawakan ko.
Nagsisimula na akong matuwa at magalak sa tuwing bibisita na siya na laging may dalang sariwang bugkos ng pulang rosas, kung minsan ay sariwang lansones ang mga bitbit niya, ayon sa kwento niya ay paboritong prutas ko raw iyon.
Sa kabila ng pagkagalak ko sa araw-araw niyang pagbisita sa akin ay may parte ko na nakakaramdam na ng pagbahala, dahil ngayon ay nagkakaroon na ako ng dahilan upang matakot sa tuluyan kong paglalaho na anumang oras ay maaaring mangyari.
Kakatapos lamang na tumila ng ulan, pinapanood ko pa ang mga palaka na nagtatalunan sa gilid nang makita kong paparating na ang bisita ko. May dala ulit siyang isang bugkos ng bulaklak kaya sumalubong na ako sa kanya kahit na alam kong hindi pa rin niya ako makikita.
Sa palagay ko ay unti-unti ng gumagaan ang pakiramdam niya sa araw-araw niyang pananatili sa puntod ko. Nagsisimula ng umaliwalas ang mukha niya kumpara noong unang beses ko siyang makita.
Bibisitahin pa rin kaya niya ako oras na tuluyan na siyang makausad?
Isinantabi ko ang mga agam-agam ko at naupo sa tabi niya. May dala siyang tela paglatag dahil basa pa ang damuhan. Maliban sa isang bugkos ng pulang rosas ay may baon na naman siyang kwento para sa akin.
Tahimik at nakangiti lamang akong nakikinig sa mga kwento niya ng maramdaman kong mayroong pwersa na unti-unting humahatak sa akin. Binalot ako ng pagkabalisa dahil nararamdaman kong tila ba magmimistulan na naman akong naliligaw na saranggola sa hangin.
Anong nangyayari?!
Simula nang imulat ko ang mga mata ko mula sa kamatayan ay ngayon lamang ulit ako nakaramdam ng matinding takot. Dulot ng takot na nararamdaman ko dahil sa mas lumalakas na pwersang humahatak sa akin paangat sa ere ay napakapit ako sa estrangherong nakangiting nagkukwento sa puntod ko.
Hindi, hindi maari ito! Ilang araw na ba ang lumipas? Bakit ngayon pa? Hindi ko pa kayang lumisan ngayon.
Gusto ko pang makinig sa mga kwento niya. Gusto ko pang masaksihan kung ilang bugkos pa ng lansones at mga rosas ang dadalhin niya bilang pasalubong sa akin. Gusto ko pang makita ang mga ngiti niya. Gusto ko pang malaman ang pangalan niya!
Mas tumindi ang pwersang humihila sa akin paangat kung kaya't mahigpit akong yumakapbsa misteryosong estranghero. Natatakot pa akong tuluyan siyang iwanan. Gusto ko pang manatili sa tabi niya.
Nakikiusap ako...
Sa kabila ng pag-angat ko sa ere ay siya namang pagbaha pabalik ng mga alaala kong hindi ko inaasahang babalik pa sa akin. Napapikit na lamang ako habang nagpapatianod sa halo-halong alaala na nanumbalik sa akin.
Mayroong mga alaala na nakakapagpakabagabag, nakakawindang, nakakagalit, nakakatakot at masasayang alaala. Gayunpaman, sapat na ang lahat ng iyon upang mapangiti ako at lumuwag ang pagkakayakap kay Lucien.
Mas lalo ko lamang siyang masasaktan kung mananatili pa ako rito. Higit na makakabuti nga naman kung tuluyan na akong bumitaw. Hindi man para sa akin, subalit para sa kanya.
Unti-unti na akong bumitaw mula sa kanya. "Hihintayin kita," napangiti na lamang ako at iminulat ang mga mata ko upang makita siya sa huling pagkakataon. "Lucien..."
"Eloise?"
─────⊱◈◈◈⊰─────
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro