03
"Ano'ng nire-review mo?"
Sumilip ako sa binabasa ni Yori nang makita ko siya sa library. Hell week na namin ngayon kaya madalas na akong nasa library tuwing break.
He immediately moved his book away from me.
Grabe, ang kapal ng mukha ng lalaking 'to! Ni hindi man lang ako sinagot at tumalikod lang sa gawi ko para hindi ko makita kung ano ang binabasa niya.
"Whatever... Damot nito!"
Umupo na lang ako sa table sa likuran niya at nilabas ang gamit ko. Nakita kong nakasuot siya ng red and white na jacket. Hinanap ko rin ang jacket ko sa bag dahil ang lamig dito sa library, kaya nga parati akong narito at tumatambay. Kaso... narito rin palagi 'tong si Yori.
Hindi ko alam kung bakit palagi kaming nasa library nang sabay. Minsan, nauuna ako nang ilang minuto, tapos kasunod ko lang siya. Minsan naman ay siya ang nauuna, katulad ngayon. Hindi ko naman siya ginugulo masyado dahil busy rin ako.
Hello? Marami akong kailangang aralin. Kailangan kong ma-perfect ang exams para tumaas ang grades ko.
"Putek..." Napasapo ako sa noo ko nang ma-realize na kinuha nga pala ni Kye ang jacket ko kaninang umaga. Actually... jacket niya kasi 'yon. Kinuha ko lang noon sa kaniya. Binawi niya kanina noong nakita niyang dala-dala ko. 'Kainis!
Nagsimula na lang akong mag-review. Hindi ko naman ikamamatay ang aircon ng library... kaso kapag masyado akong nilalamig ay inaantok ako!
Kinuha ko ang phone ko at nag-set ng alarm para alam ko kung anong oras ako dapat matapos mag-review dahil may susunod pang exam. Ayaw kong ma-miss 'yon 'no. Naglagay ako ng thirty minutes na pagitan para ma-refresh ko ang utak ko bago ang exam.
"Pst." Tinusok ko ang likuran ni Yori gamit iyong dulo ng ballpen ko na may takip.
Hindi niya ako pinansin.
"Huy," tawag ko ulit.
Tinapik-tapik ko na ang balikat niya gamit ang ballpen. Nakita kong nabwisit na siya at lumingon sa akin, nakakunot ang noo.
"Minemorize mo ba 'to?" tanong ko at pinakita sa kaniya iyong nasa libro.
"Yes." Umayos ulit siya ng upo pero tinapik ko na naman ang balikat niya. Lumingon na naman siya, magkasalubong na ang kilay.
"Lahat 'to?"
"Oo nga." Parang gusto na niyang umalis.
"Okay, ime-memorize ko rin."
Na-pressure tuloy ako sa kaniya. Nakakainis naman. Tiningnan ko nang matagal iyong listahan at binasa nang isang beses. Pagkatapos, sinara ko ang libro at in-enumerate sa sarili ko lahat ng 'yon. Sinulat ko pa ulit sa papel para ma-check kung tama lahat.
"Yes..." bulong ko nang makitang wala akong nakaligtaan.
Tapos ko nang reviewin ang lahat kaya sinunod ko na lang iyong exam para bukas. Wala na kasi akong magawa... pero habang binabasa ko 'yon, pumipikit na ang mga mata ko.
Nagising ako bigla nang marinig ang alarm ko. Hala!
Napaayos ako ng upo at agad pinatay iyon dahil pinagalitan ako ng librarian. Nakahinga ako nang maluwag nang makitang may thirty minutes pa bago ang exam. Napansin kong wala na rin si Yori na nakaupo sa table sa tapat ko.
Nag-inat ako ako ng braso dahil nakatulog akong nakapatong doon ang ulo ko. Natigilan ako nang makitang may nahulog na jacket mula sa balikat ko.
Yumuko kaagad ako at pinulot iyon. Red and white jacket... kay Yori 'to, ah.
Hala? Binigay niya sa akin bago siya umalis? Bakit? Naawa ba siya sa akin? Nanginginig ba ako sa lamig habang natutulog?!
Alam kong sa kaniya 'yon dahil bukod sa suot niya 'yon kanina, amoy ko pa ang pabango niya. Mayroon talaga siyang unique na pabango na never ko pang napansin sa iba. Iyong tipong maamoy mo pa lang 'yong pabango, alam mo nang sa kaniya 'yon. Gusto ko ngang tanungin kung ano'ng brand dahil parang kahit malayo pa lang siya ay naaamoy mo na tapos buong araw, ang bango pa rin. Hindi nawawala.
Bakit ba pinoproblema ko pati ang pabango niya? May exam na ako in thirty minutes.
Hinanap ko tuloy si Yori pagkalabas ko ng library para iabot sa kaniya ang jacket. Nakita ko siyang naglalakad sa hallway kasama si Jap. Pareho silang umiinom ng strawberry milk na galing sa cafeteria. Nakapamulsa ang isang kamay ni Yori habang ang isa ay nakahawak sa strawberry milk niya. May sinasabi si Jap habang nakikinig siya.
Pumasok sila ng room kaya sumunod ako. Pagkaupo ni Yori sa pwesto niya ay lumapit ako at inabot ang jacket niya.
"Oh, jacket mo," sabi ko. "Thanks."
Pero parang siraulo 'yong mga classmates namin at natahimik bigla noong nagsalita ako. Narinig tuloy nilang lahat at sabay-sabay silang nagsigawan at nang-asar.
Hindi nagsalita si Yori at kinuha lang mula sa akin ang jacket. Akala ko naman ay may sasabihin pa siyang nakakainis. Buti na lang at wala!
"Huwag nga kayong ma-issue!" Palagi ko na lang sinasabi sa kanila 'yon dahil bawat interaction 'ata namin ni Yori sa room, nang-aasar sila.
Nagsimula na rin ang exam noong dumating ang teacher. Mabilis lang akong natapos dahil madali lang naman pala, pero natagalan ako sa pagche-check ulit kung tama ba ang mga nilagay ko. Nakita kong tumayo na si Yori para magpasa kaya nagmamadali na rin akong tumayo para makipag-unahan sa kaniya. Nakita niya ako kaya binilisan niya ang paglalakad niya at halos sabay naming nilapag ang test paper sa teacher's table.
"Nagmamadali ba kayong dalawa?" natatawang sabi ng teacher namin.
"Yieee, may date kasi sila, Ma'am," pang-aasar ng kaklase ko na nasundan na rin ng pang-aasar ng iba.
Nalukot kaagad ang mukha ko pero hindi na ako nagsalita at kinuha na lang ang gamit ko. Pwede na kasing lumabas kapag tapos na mag-exam. Ito na rin ang last exam namin ngayong araw kaya balak kong dumeretso na pauwi.
Umupo ako sa may waiting shed ng school para hintayin ang sundo ko. Na-message ko naman na ang driver.
"May hinihintay ka rin?" tanong ko kay Yori na nakatayo sa tabi ko. Nauna siya rito.
Tumango lang siya at hindi nagsalita. Abala siya sa pagbabasa sa maliit na libro. Comics yata iyong binabasa niya.
From: Kuya Adrian
Nat, male-late ako. May pinapagawa pa ang Daddy mo.
Nag-reply kaagad ako.
To: Kuya Adrian
okei lng kuya kakain n lng muna ak :D
Lumingon ako kay Yori. "Gutom ka ba?"
Natigilan siya sa pagbabasa at tumingin sa akin. "Bakit?"
"Wala... Kain tayo. May itatanong ako tungkol sa exam."
"Tapos na ang exam. You can't change anything about it."
"Sa exam bukas, hindi 'yong kanina! Sabihin mo na lang kung ayaw mo akong kasama kumain." Ngumuso pa ako at nagpaawa sa kaniya.
"Libre mo?" Tumaas ang kilay niya.
"Libre mo!" pakikipagtalo ko dahil... Wala, gusto ko lang makipagtalo sa kaniya.
"Why don't you eat with your friends instead?"
Grabe, ayaw niya talagang kumain kasama ako! Kinasusuklaman siguro ng lalaking 'to ang presensya ko! Hindi ko naman siya masyadong kinukulit, ha. Minsan lang.
"Nat!" Lumingon ako nang marinig ang boses ni Lai. Kasama niya rin si Seven. Tapos na rin siguro sila mag-exam.
Finally, may kasama na akong kumain! Tumayo ako at iniwan si Yori doon para pumunta sa dalawa.
"Kain tayo!" aya ko sa kanila. "Dali na, sumakit ulo ko sa exams namin! Gusto ko bigla ng pizza."
"Pizza na naman." Lai stuck out his tongue na para bang nasusuka siya. "Kaka-pizza lang namin kanina."
"Yeah, pasta na lang," Seven said.
"Bakit kayo kumain nang wala ako?! Mga epal talaga!" Hinampas ko silang dalawa sa braso kaya umilag sila at lumayo sa akin.
"You were at the library, remember?" Tumaas ang kilay ni Lai.
Oo nga pala, tinanong nila ako sa GC kung nasaan ako at sabi ko nasa library ako, nag-aaral, kaya huwag silang magulo. Okay, fine!
Noong maglalakad na kami paalis, lumingon ako saglit at napansing wala na si Yori doon. Umalis na rin pala siya kaagad.
Kumain lang kami nina Seven, tapos doon na lang din ako nagpasundo sa driver. Hinintay pa ako noong dalawang makauwi bago sila nagpasundo.
Pagkauwi ko, nag-shower kaagad ako, tapos bago mag-aral ay kinulit ko muna si Kye at binwisit. Kasama talaga iyon sa routine ko!
Kapag nilakasan na niya ang volume sa headphones niya, iyon na ang cue kong umalis dahil hindi na talaga siya makikinig sa mga sinasabi ko.
Hinanda ko na iyong mga gamit ko sa study table ko para mag-aral sa exam bukas. Sisimulan ko na sana nang kumatok si Kye at sumilip sa kwarto.
"Do you have scissors?" deretsong tanong niya.
"Oo naman! Teka..." Nilagay ko ang kamay ko sa bulsa ko. "Ito, oh." Pinakita ko sa kaniya ang daliri kong naka-peace sign.
Hindi siya natuwa sa akin.
"Joke lang, ito naman! Ang KJ!" Inabot ko ang gunting sa may shelf at inabot sa kaniya.
"Thanks," maikling sabi niya at sinara na ulit ang pinto.
Sinimulan ko na ulit mag-aral for two hours. Naaral ko na 'yong mga 'to last week kaya review na lang para sa akin 'yon. Hindi naman ako masyadong nahihirapang mag-aral. Natatagalan lang ako dahil nagse-search pa ako ng additional materials sa internet tungkol sa topic para maintindihan ko lalo. Ayaw ko namang mag-take lang ng exam para makapasa. Gusto ko 'yong alam kong may natutunan talaga ako.
Ewan ko rin, eh. Fascinating din kasi kapag may natututunan akong bago. Gusto ko palaging may nadadagdag sa knowledge ko. 'Dami kong alam... Talaga!
Natigilan lang ako sa pagre-review nang tinawag na ako ni Mommy para kumain. Pagkatapos noon ay nagbasa na lang ulit ako. Noong tumunog na ang alarm ko ay tinigil ko na.
Nahiga ako sa kama ko at tumingin sa kisame. Okay so... Ano na ang gagawin ko ngayon? Tiningnan ko ang orasan at eight thirty pa lang nang gabi. Naisip ko tuloy na nag-aaral pa rin si Yori ngayon dahil hanggang ten siya nag-aaral. Iyon ang sabi niya. Napanguso ako... Ano pa ang aaralin ko?
Wala na talaga, eh! Ang hirap pala kapag nakahanap ka ng katapat mo. Nakaka-pressure!
Kinuha ko ang phone ko at tiningnan ang messages naming dalawa ni Yori. Hindi naman na nasundan 'yon. Nag-type ako ng message pero napahinto rin ako at binura.
Napatitig ulit ako sa kisame at napailing na lang sa sarili ko. Whatever.
Estella: nag-aaral ka pa?
Mga limang minuto pa bago siya nag-reply. Mukhang busy nga siya.
Yori: Oo
Estella: may tanong ako sa math
Yori: What
Estella: may sinearch ako sa internet na sample problems alam mo ba 'to
Sinendan ko siya ng picture ng notebook ko. Parang advanced problem na 'yon pero baka kasi lumabas sa exam! Malay ko ba kung ilalagay 'yon! Minsan, out of nowhere na lang ang lumalabas sa mga exam.
Natagalan pa bago siya nag-reply. Nag-send siya ng photo ng solution. Napanguso ako nang mapagtantong may alam siyang hindi ko alam.
Estella: saan galing yang equation na yan
Inaayos ko na nga ang typings ko dahil hindi niya raw ako maintindihan.
Yori: Call
Napahampas ako sa bibig ko gamit ang kamay sa sobrang gulat. Ano ba 'yan, bakit call pa?! Sabihin na lang niya kung saan niya nakuha 'yon!
Pero tumayo pa rin ako at nagmamadaling ni-lock ang pinto ng kwarto ko. Baka biglang may pumasok tapos sabihing nakikipag-call na ako sa ibang tao ngayon! Ayaw ko nang ma-issue rin sa bahay!
"Palaka!" sigaw ko nang mag-ring na ang phone ko. Tumatawag na siya!
Napaubo ako saglit bago sinagot.
"Get the book," sabi ni Yori.
Sinunod ko lang ang sinabi niya at nag-usap lang din kami noong gabing 'yon tungkol sa exams. Hindi ko alam kung anong oras na kami natapos sa pag-uusap pero nagpaalam na rin siya kasi kakain pa raw siya. Natulog na lang din ako at naghanda na para bukas.
"Ang hirap ng exam! Nahirapan ka ba, Estella?"
Nagkibit-balikat lang ako kay Ollie. Last day na ng hell week at iyong Oral Comm na rin ang huling exam namin sa Grade 11! Ibig sabihin, wala na akong aaralin! Hihintayin ko na lang ang training namin sa summer! Excited na naman ako kahit nakakainis dahil may kasama na ako sa debate. Bakit kasi lumipat pa rito 'yang si Yori?! Inaagawan niya lang ako palagi ng pwesto, eh!
"Pst. Ano'ng sagot mo sa number nine?" Lumapit kaagad ako kay Yori na nag-aayos ng gamit.
"I don't remember," sabi niya na lang.
"Tinatamad ka lang sabihin, eh."
Nilagpasan niya ako kaya sinundan ko naman siya. Ganoon din ako kapag tinatamad akong sumagot! Sinasabi ko na lang na hindi ko alam o kaya hindi ko matandaan.
"See you sa summer!" sigaw ko sa kaniya bago siya makaalis.
Tinaas niya ang kamay niya habang nakatalikod at bahagyang kumaway. Napangiti ako at kinuha na rin ang gamit ko.
Siguro ay dalawang linggo lang nagpahinga ang utak ko, tapos nagsimula na rin ang training namin para sa debate competition. Sineseryoso talaga ng school ang debate competition dahil marami na silang awards dito noon. Nagi-invest talaga sila sa mga achievements ng school kaya halos lahat ay may summer training.
Hindi na kami naka-uniform sa summer training kaya pumasok akong nakasuot lang ng pink na shirt, tapos black na shorts. Doon kami sa library magte-training para accessible ang mga libro, at malakas din ang internet doon for research.
Pagkarating ko ay naroon na si Yori na nagbabasa ng libro. Nakasuot siya ng white shirt, tapos may nakapatong na sky blue na short-sleeved polo, tapos pants. Mahilig siya sa ganoong outfit dahil iyon din ang mga klase ng suot niya dati noong naka-civilian pa kami sa school.
"Hello!" nakangiting bati ko kay Yori.
"Hi," sabi niya rin nang hindi tumitingin sa akin.
Umupo ako sa tapat niya at inayos ang mga gamit ko. Mayamaya, dumating na rin ang instructor namin na nanalo na rin ng maraming awards sa debate noong panahon niya. Ang ganda rin ng credentials ni Sir kaya na-inspire ako lalo.
Tatlong araw lang kami sa isang linggo papasok, tapos free kami sa weekend, unless may pupuntahan kami or a-attendan na event. Dadalhin niya raw kami sa mga learning forums kapag may nakita siyang maganda.
"May jacket ka?" tanong ko kay Yori habang nanonood kami ng debate sa YouTube. Pinapanood sa amin, eh. Umiling lang siya sa akin.
Nakakatulog na naman tuloy ako habang nanonood. Nagulat ako nang saluhin bigla ni Yori ang ulo ko gamit ang palad niya nang muntikan na akong bumagsak sa table. Nasa noo ko pa iyong palad niya. Nagising tuloy ako.
"Wake up." Inalis niya ang hawak niya sa akin at nanood na lang ulit sa laptop.
"Pagkatapos nito, nood muna tayo ng movie habang wala pa si Sir." Mamaya pa raw siya babalik, eh.
"An educational one?"
"Gusto ko romance!" Ano ba! Hindi ba siya nabo-bore sa pinapanood? Alam kong mahilig din akong matuto ng mga bagay-bagay pero buong summer namin gagawin 'yon! Dapat magpahinga ng brain ko for a moment.
Hindi siya sumagot at nag-focus na lang sa panonood. Interesting din panoorin noong nagkakainitan na sila sa debate, pero wala namang substance iyong sagot ng iba. Pagkatapos noon ay mas lalo akong ginanahan dahil manonood na kami ng movie.
"Kung ayaw mong manood, ako na lang." Inagaw ko ang laptop at nag-click ng movie.
Nagbabasa lang siya sa tabi ko habang nanonood ako. Teen romance iyon. Kilig na kilig ako sa pinapanood ko. Hindi ko 'yon pangarap para sa akin pero marunong naman akong kiligin sa iba 'no!
Noong nasa kalagitnaan na ng movie, nakita kong nanonood si Yori. Hindi ko na lang pinansin dahil baka mahiya siya.
Pero parang naging awkward bigla habang pinapanood ko iyong magkaklaseng bida na naghaharutan sa classroom. Mga simpleng gestures lang din. Pagshe-share ng food, holding hands, pag-aaral nang magkasama, ganoon.
"Ayaw ko na nga niyan. Pangit pala 'to." Ititigil ko na sana 'yong movie pero natigilan ako nang hawakan niya ang kamay ko para pigilan.
Nanlaki ang mga mata ko at napatingin sa kamay naming dalawa.
"I'm watching," mahinang sabi niya at binitawan ang kamay ko.
I cleared my throat and looked away. Hindi ko na lang tinigil ang movie at tahimik na lang na nanood. Pero hindi rin namin natapos dahil dumating na si Sir.
Buong linggo, ganoon lang kami. Wala namang bago. Nag-aaral lang kami ng iba't ibang debate topics na posibleng lalabas, hanggang sa dumating na ang sumunod na linggo.
"Ano'ng lasa niyan?" tanong ko kay Yori habang lunch break. Palagi siyang may baon na lunch.
"This?" Tinaas niya iyong maki 'ata 'yon.
Tumango ako. Nakapangalumbaba ako at nakatingin sa kaniya habang magkatabi kami sa library. Kami lang ang nandito.
Napakurap ako nang itapat niya iyon sa bibig ko. Nakatingin lang siya sa akin at hinihintay akong kainin 'yon.
Wala na akong nagawa kung hindi kuhanin 'yon mula sa chopsticks niya gamit ang bibig ko. Mabagal akong ngumuya dahil napuno ang bibig ko habang siya ay naghihintay lang ng reaksyon ko.
"How is it? My sister made it."
Tumango-tango ako at binigyan siya ng thumbs up. Siguro 'yong Ate niya 'yong palaging nagluluto ng mga baon niya. Ang cute naman.
"Masarap!" May shrimp na kasama 'yon kaya mas nakadagdag lang sa flavor. "Ano'ng pangalan ng Ate mo?"
"Akemi."
Tumango ako at nilipat ang kamay ko sa may gilid ng ulo ko. Nakasandal lang iyon habang nakatingin ako sa kaniya.
"Hmm... Gwapo mo, 'no?"
Nabulunan siya bigla.
Napaayos ako ng upo at inabot sa kaniya iyong water container niya. Ubo siya nang ubo, at kahit nakainom na ay medyo nauubo pa siya.
"Sorry." Tumawa ako habang pinapanood siya. Nagulat 'ata siya sa sinabi ko. Ako rin naman!
Totoo namang nakakainis siya dahil rival ko siya sa acads, pero hindi ko na siya rival sa debate ngayon. Kailangan naming magtulungan para mapanalo 'to! Iyon ang goal ko! Kaya... hindi na siya nakakainis ngayon.
"Hindi ka ba kakain?" tanong niya sa akin.
"Wala akong pagkain." Tinatamad akong bumili sa labas. Nakalimutan ko ring magbaon.
"Let's buy you food."
Tumayo siya at niligpit iyong lunchbox niya kahit hindi pa siya tapos kumain. Hinawakan ko ang palapulsuhan niya at hinatak siya paupo ulit.
"Huwag, dito ka lang sa tabi ko," pang-aasar ko ulit.
"Stop it."
"Bakit? Baka kinikilig ka na sa akin, ha..."
Napailing na lang siya at kumain ulit. Kumuha ulit siya noong maki gamit ang chopsticks niya, tapos tinapat ulit sa bibig ko. Natigilan ako saglit.
"Bakit?" nagtatakang tanong ko.
"You should eat."
"Concerned ka?"
"Kumain ka na lang."
"Sabihin mo muna concerned ka sa akin."
"Bahala ka."
Babawiin na niya sana nang kainin ko iyong maki. Napabuntong-hininga siya at sinubuan na naman ako ng isa pa kahit ngumunguya pa ako!
"Pinapaubos mo lang sa akin 'yong pagkain mo, eh!" Napansin ko na 'yon!
Tumawa siya at hindi man lang dineny! Ano ako?! Taga-ubos ng pagkain niya kapag ayaw na niya?! Bwisit talaga 'to minsan.
Pagkatapos ng training ay hinatak ko siya para samahan akong bumili ng ice cream sa katapat na convenience store. Wala siyang choice dahil hawak-hawak ko ang braso niya. Pagkarating namin doon ay inagaw niya kaagad ang braso niya at pinagpagan ang sleeve ng polo niya. Ang arte!
"Pili ka, lilibre kita," sabi ko sa kaniya.
"Ayoko nga."
"Choosy pa?!"
"Kulit mo."
Binilhan ko pa rin siya ng popsicle, kapareho noong sa akin, tapos binayaran ko na. Lumabas pala siya at umupo sa mga upuan sa tapat ng convenience store. Umupo ako sa tabi niya at nilagay ang plastic sa table.
Ang init, putek na 'yan! Mabuti na lang ay may malaking payong sa may table kaya nakasilong kaming dalawa.
Binuksan ko pa ang popsicle at inabot sa kaniya para hindi na niya matanggihan. Kinuha naman niya iyon at kumain kami ng popsicle habang nakatingin sa daan.
"Saang club ka magjo-join next year bukod sa debate club?"
"I'm a member of the e-games team."
"Weh?!" Hindi ko alam 'yon, ha! Well, hindi ko naman siya kayang tapatan doon dahil hindi naman ako gamer. "Ako, gusto kong sumali sa broadcasting team. Gusto ko maging broadcaster sa future!" pagkekwento ko kahit hindi niya tinatanong.
"Why?" Wow, sa wakas ay naging interesado naman siya.
"Hmm, wala, gusto ko mag-report sa TV. Basta, hindi ko maipaliwanag pero 'yon ang gusto ko! Maganda rin 'yong speaking voice ko, 'di ba? Mabilis din akong magbasa o kaya mag-memorize! Ikaw ba?"
"Electronics Engineering."
"Bakit?"
Hindi siya sumagot at tumayo lang para itapon ang stick ng popsicle. Baka wala lang din siyang rason katulad ko. Basta, iyon ang gusto namin, okay na 'yon.
"Uuwi ka na?!" Nagmamadali kong kinuha ang gamit ko. Tumutulo pa ang popsicle ko dahil hindi ko pa ubos.
Nauna na siyang maglakad sa akin papunta sa tawiran. Naka-green na iyong light for pedestrian crossing kaya dapat tumawid na siya pero nakahinto lang siya roon. Hindi ko alam ano ang hinihintay niya. Lumingon siya bigla sa akin habang nakapamulsa.
"Tara na!" Tumakbo ako at hinawakan ang palapulsuhan niya para makatawid kaming dalawa bago pa mag-red ang ilaw.
Hiningal tuloy ako nang makatawid kami sa school. Tumawa na lang ako at humawak sa balikat niya habang hinahabol ko ang hininga ko.
"See you next week!" sabi ko kay Yori nang dumating ang sundo ko.
May hinihintay na naman siya sa waiting shed. Nakatayo lang siya roon at nang umalis ang sasakyan, lumingon ako at nakitang naglalakad na siya paalis.
Noong weekend, aayain ko sana si Seven at Lai lumabas pero may training din pala 'yong dalawa. Pati weekend ay mayroon, o baka ayaw lang talaga nila tumigil. Mahal na mahal nila 'yong sports nila! Si Seven, magmumukha nang volleyball. Si Lai, kulang na lang ay matulog na siya sa tabi ng swimming pool.
Ang boring tuloy!
"Ayaw mong makipaglaro sa akin?" tanong ko kay Kye habang nakahiga sa kama niya at binabato-bato ang maliit na unan sa ere.
"Nope," sagot niya kaagad.
Ano ba 'yan, ang boring talaga! Wala namang school kaya wala akong inaaral!
"Mi, ano'ng pwedeng gawin?" tanong ko kay Mommy nang guluhin ko siya sa kusina.
"Mag-exercise ka."
"Bukod doon, Mommy!"
Exercise?! Ayaw ko nga! Kahit bored na bored na ako, wala pa rin akong ganang mag-exercise! Nakakatamad lalo! Lagi naman akong nae-exercise tuwing P.E namin sa school kaya okay na 'yon!
Wala na, nag-look forward na lang tuloy ako sa sumunod na training day. Excited pa akong pumasok sa library. Ang aga kong umalis kaya wala pang tao... except kay Yori na nakita kong nakatayo sa tabi ng shelf at nagbabasa ng libro. Nakasuot siya ng salamin ngayon.
"Hello!" masayang bati ko, tilting my head a little to his side. Nagulat siya at napasara ng libro, sabay hawak sa dibdib niya. Natawa tuloy ako. "Ano'ng binabasa mo?" nakangiting tanong ko.
"Nothing." Binalik niya iyon sa shelf pero kinuha ko ulit para tingnan ang title.
Eh, about computers. Binalik ko na lang ulit. Hindi naman ako interesado roon, except kung lalabas iyon sa exam.
Tumunog ang phone niya kaya sinagot niya iyon habang naglalakad pabalik sa table. Sumunod naman ako sa kaniya dahil wala akong makulit. Kami lang ang nandito, eh!
"Moshimoshi," he said in a low voice. "Un... Genki da yo... Eh? Doushite? Kangaetoku..."
Umupo ako sa tapat niya at pinakinggan lang siyang makipag-usap sa phone. Hindi ko naman maintindihan ang mga sinasabi niya pero parang gusto ko tuloy mag-aral ng Japanese para lang maka-relate ako. Hmm, mamaya nga, sisimulan ko.
Noong binaba na niya ang phone ay nagsalita na ako. "Sino 'yon? Friend mo sa Japan?"
"Okaasan," sabi niya, tapos na-realize niyang nakalimutan niyang mag-switch ng language. "I mean... My mom."
"Ah... Nasaan siya ngayon?"
"Tokyo."
"Hindi mo pala siya kasama sa house? Sino lang kasama mo?"
"My sister," sagot niya habang nagte-text. Nakita kong ibang keyboard ang ginagamit niya. Baka tine-text niya ang Mommy niya o kaya Ate niya.
"Wait, Ate mo ba 'yong nasa restaurant?" Tumango siya. "Ah, so sa inyo 'yon... Ang galing naman. Kaya pala ang sarap ng mga lunch mo."
Hindi ko na tinanong ang sa Dad niya. Based on his introduction noong first day of classes, his dad already passed away. Wala na ako sa lugar para magtanong tungkol doon. Masyadong personal.
Dumating na 'yong instructor namin kaya hindi na ako nakipagdaldalan sa kaniya. Inabangan ko na lang ulit ang lunch break para kausapin siya ulit. Nakalimutan ko na naman palang magbaon ng pagkain.
Sinandal ko ulit ang ulo ko sa may table habang nakaharap sa gawi niya. Nagulat ako nang maglapag siya ng lunchbox sa harapan ko, bukod pa sa lunchbox na binuksan niya para sa kaniya.
"Sa 'kin 'to?" Umayos ako ng upo. Kuminang pa 'ata ang mga mata ko nang buksan ko 'yon at nakitang ang cute ng pagkaka-design ng food. Japanese food iyon. "Bakit?"
"You always forget."
"Wow! Sabihin mo sa Ate mo, thank you! Ang cute nito!" Kinuha ko ang chopsticks at sinimulan nang kumain.
"It wasn't my sister."
"Huh?" Lumingon ako sa kaniya habang punong-puno ang bibig ko.
"I prepared... Nevermind." Umiling siya at kumain na lang din. He whispered something in his language kaya hindi ko rin naintindihan.
Ngumiti na lang ako at kumain ulit. Ang sarap ng luto ng kapatid niya, grabe! Siya 'yong may ari noong Japanese restaurant malapit sa school.
Pagkatapos kumain ay niligpit na niya ang lunchbox. Hindi pa ako okay! Kailangan ko ng dessert!
Tumayo ako at inaya siyang lumabas para bumili ulit ng ice cream sa convenience store.
"Tara na, may oras pa naman!" pagpupumilit ko sa kaniya.
"Ang init," reklamo niya pa.
"May payong ako!" Kinuha ko ang payong sa bag ko at pinakita sa kaniya. "Tara na, dali!"
Napabuntong-hininga siya bago tumayo at sumunod sa akin. Pasensya siya dahil siya lang ang nakukulit ko rito!
Binuksan ko ang payong at tinaas ang kamay ko nang kaunti dahil mas matangkad siya sa akin. Natigilan ako sa paglalakad nang agawin niya sa kamay ko ang payong at siya na ang naghawak. Nilagay niya pa sa direksyon ko para hindi ako tamaan ng araw.
"Come on," sabi niya nang humakbang siya tapos hindi ako nakasunod kaagad.
I cleared my throat and followed him until we reached the convenience store. Ibang ice cream naman ang binili ko para sa aming dalawa. Bayad ko na 'yon dahil pinagbaunan niya ako ng lunch box!
"Oh, sa 'yo 'to!" Binigay ko sa kaniya ang isang stick ng chocolate ice cream. Tinanggap niya naman.
Kukuhanin ko na sana ang payong sa may basket nang mapansing wala na 'yon doon!
"Hala, may kumuha ng payong ko!" reklamo ko.
"What?" Naguluhan si Yori at tiningnan din ang basket. Pumunta kaagad siya sa counter para itanong doon kung nakita nila kung sino ang kumuha. Pinapa-check pa niya ang CCTV!
"Huwag na, tara na. Male-late na tayo," sabi ko sa kaniya.
Sabay na kaming lumabas at nagkatinginan pa nang makitang sobrang tirik ng araw sa dadaanan namin. Woo, kaya ko 'to! Nag-sunblock naman ako! Malamig naman ang aircon sa library!
"Tara," aya ko sa kaniya.
Sabay kaming naglakad papunta sa may kabilang dulo ng pedestrian lane. Kulay red pa ang ilaw kaya maghihintay pa kami.
"Ang init, putek," sabi ko.
Pinagkrus ko ang braso sa dibdib ko habang naniningkit ang mga mata sa init. Napaangat ang tingin ko nang itaas ni Yori ang kamay niya at ginamit iyon bilang silong para hindi matamaan ng sinag ng araw ang mukha ko.
Napakurap ako habang nakatitig sa kaniya. Nakatingin lang siya sa harapan. Nang mapansin niyang nakatingin ako, lumingon ulit siya sa akin, nakataas pa rin ang kamay.
"What?" he asked.
"Wala..." Umiwas ako ng tingin. "Tara na!" Nauna na ako maglakad nang mag-green ang ilaw sa pedestrian lane.
________________________________________________________________________________
:)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro