01
"I do not agree."
Nalukot kaagad ang mukha ko nang marinig iyon mula sa kaniya. Siya na naman! Simula noong kinuha niya ang spot ko sa debate competition between high schools, tumatak na siya sa isip ko!
Nakuha niya na rin ang number one spot sa listahan ng mga pinakaayaw kong tao!
"If all students will be required to volunteer in their community, could that be called volunteerism? You argued that it develops important social skills, but when a kid feels forced, they will just see it as a burden, and it will lose its purpose of..."
Bla bla bla.
Naiinis ako sa mga sinasabi niya, pero debate 'to. Normally, hindi naman ako naiinis kapag kinokontra ako ng ibang kalaban ko dahil nga, siyempre, debate nga, eh! Bakit ka maiinis na may nangongontra sa 'yo?!
Pero siya kasi 'to eh!
Kapag itong lalaking 'to ang kalaban ko, lahat ng cells ko sa katawan ay nabibwisit!
Nakakainis talaga! Naririnig ko pa lang ang boses niya, gusto ko nang sumabog!
Habang nagsasalita siya, nagtingin na lang din ako sa mga papel na nasa harapan ko para maghanap ng ibabato ulit sa kaniya. May mga nalista na akong points to raise. Maghahanap na lang ako ng pangkontra sa mga sinasabi niya.
Pagkatapos niyang magsalita, finally, nabigyan ulit ako ng oras para mag-refute.
"Sometimes, students need to be pushed outside and immerse themselves in communities so they can gain a wider perspective of what is outside their schools and homes. There is a research study conducted by Mayers about the effects of requiring students to participate in community services, and the results suggest that..."
Parang gusto kong mamato ng microphone nang makita ko siyang napangisi. Mukhang may nahanap na naman siyang ibabato niya sa akin. Nabasa ko pa sa bibig niya ang binulong niya! Inulit niya ang sinabi kong 'sometimes' at mukhang natawa nang sarkastiko. Alam ko na ang sasabihin niya! Doon na siya magfo-focus!
Simula elementary ako ay panalo ako palagi sa mga solo debate competitions na palaging ginaganap sa lugar namin. Naglalaban-laban 'yong mga katabing schools namin para sa trophy.
I was always the number one! Ako! Ako lang 'yon! Dapat isa lang ang nasa number one, kasi kung dalawa kayo, eh di hindi ka number one! That was why I also didn't like participating in teams. Gusto ko ako lang!
Ako lang dapat ang panalo!
"Congratulations, Estella!"
Nakangisi ako habang nasa stage at hawak ang trophy. Ako ang nanalo this year. Hah, in your face, boy!
Grade 7 nang dumating ang epal na lalaking 'yon sa buhay ko! Natalo niya ako noon, tapos nanalo ulit ako noong Grade 8, tapos nanalo siya last year noong Grade 9. Ngayong Grade 10, ako na ulit ang panalo! Nasa akin ang huling halakhak!
Akala niya, ha! Hindi ko papatapusin ang junior high school nang siya ang may hawak ng trophy! Ako lang dapat!
Estella 'to, eh! Dapat palaging winner! Winner dapat in all aspects!
Studies, competitions, life! Dapat panalo ako sa lahat!
Love life ba?
No, hindi ko 'yon iniisip. Ano ang gagawin ko sa lovelife? Mabibigyan ba ako niyan ng certificate? Ng trophy? Wala namang madudulot sa akin 'yan!
Kahit crush nga ay wala dahil tingin ko palagi ay walang pumapantay sa akin. No one can be on the same level as Estella Nataleigh V. Martinez!
The one and only!
"Congrats."
Natigilan ako at nawala ang ngiti sa labi nang paglingon ko sa gilid ko ay dumaan siya. Iyong kalaban ko palagi. He had a small smile plastered on his face. He didn't mean to be annoying pero nabwisit ako!
"Thanks," maikling sabi ko rin.
Okay na sana. Aalis na sana siya nang wala akong masasabi pero nagsalita na naman siya!
"I'll beat you again next time."
Ano?! Kailangan ba talagang sabihin 'yon?! Napakunot kaagad ang noo ko at sinamaan siya ng tingin.
"I don't think so," mataray na sabi ko sa kaniya. "Luluhod ka muna sa harapan ko at magmamakaawa bago mo ako matalo."
"Alam ko na ang lamang ko sa 'yo."
Nakangiti pa rin siya at halatang badtrip din sa akin dahil hindi man lang umabot sa mata ang ngiti.
"Ano?"
"Ugali. Ang pangit ng ugali mo."
What the?!
Bago pa ako maka-rebutt ay bigla na lang siyang naglakad paalis, kasama iyong trainer niya! Gusto ko pang sumagot sa sinabi niya pero ang layo na niya! Hindi ko siya hahabulin 'no!
Mabuti na lang at nabawi naman ang inis ko nang pagkauwi ko ay nakita ko sa email kong natanggap ako sa Heinrich Senior High School. Iba pa siya sa International School curriculum for Senior High School students who plan to go to college abroad. More on local curriculum dito kaya hiniwalay nila. I took HUMSS. May mga iba pa akong school na pinag-examan at napasa ko naman lahat.
Dapat lang.
"Nakapasa ba kayo, mga pasakit sa aking buhay?" tanong ko kaagad kina Seven at Lyonelle sa video call.
Naka-off ang camera ni Seven as usual, tapos si Lai naman ay nakasandal ang braso sa may gilid ng pool. Mukhang nasa training!
"Where?" nakakunot ang noo ni Lai at pinunasan ang mukha gamit ang kamay para maalis ang tubig.
"Heinrich! Nilabas na ang results! I-check n'yo na, dali! Nakapasok ako kaya dapat kayo rin para magkakasama tayo!"
"We can't be together. I'm in STEM, and Lai is in the Sports track," sabi ni Seven.
"Mag-on ka nga ng camera, Seven! Para akong nakikipag-usap sa anime character! Ganiyan pa ang DP mo!"
Isang anime character kasi ang DP niya sa Facebook tapos naka-off pa siya ng camera kaya iyong picture na 'yon ang nasa screen.
Si Lyonelle naman ay picture niya sa isang competition. Nakasuot siya ng swimming cap at goggles. Mukhang seven years old pa siya roon. Iyon na ang DP niya kahit ilang taon na ang lumipas!
"Nasa training ako," seryosong sabi ni Seven pero binuksan pa rin ang camera. Nakita namin siyang umiinom ng tubig. Nakasuot pa siya ng jersey nila sa volleyball team. Captain siya roon. Palaging panalo ang Valeria High dahil sa kaniya.
"Ano ba 'yan! Ako na nga lang ang magche-check kung nakapasa kayo o hindi! Ang ko-corny n'yo talaga! Ako lang ba ang walang ginagawa?! Nakaka-pressure tuloy!"
Tapos na ang competition kaya wala na naman akong ginagawa. Sila, mayroon pang nationals kaya naman abala pa rin. Nainggit tuloy ako! Gusto ko rin ng may ginagawa!
Mag-aaral na nga lang ako mamaya. Hindi pa naman tapos ang school. May exams pa pero natapos na ako mag-aral last week pa. Mag-aaral na lang ulit ako.
"Uy, nakapasa kayong dalawa!" masayang sabi ko.
"Yay," bored na sabi ni Lyon kaya narinig ko ang tawa ni Seven. Tumawa rin siya nang makitang masama ang tingin ko. "I'm so thrilled! Wow!" Binago na niya ang tono niya.
"Hmp, whatever, mga losers!" Bumelat ako at binaba ang tawag.
They probably already knew that they passed even before the results came out. Sila pa ba?
Seven, Lyonelle, and I had been best friends since forever! Ako ang pinakamatanda pero months lang ang pagitan namin sa isa't isa. Lahat kami, may field kung saan kami nage-excel. Ako, sa debate at acads. Si Seven, sa volleyball mostly, pero magaling talaga siya sa Math, lalo na sa Physics. Si Lyon, sa swimming. Multilingual din siya.
Dahil nga na-pressure ako sa kanilang dalawa na palaging may pinagkakaabalahan, pumunta na ako sa kwarto ko at hinanda ang mga kailangan ko sa pag-aaral. Malaki at malapad ang study table ko dahil naiinis ako kapag masikip ang paligid ko. Hindi ako nakakapag-aral nang maayos.
May timer din ako para alam ko kung kailan dapat ako matapos mag-aral. Kapag nag-aaral kasi ako ay nawawala ako sa mundo at hindi ko na namamalayan ang oras. I placed my phone upside down inside the desk and put it on silent mode. Nag-inat na rin ako at binuksan ang study lamp ko bago ko nilapag ang mga libro.
I loved studying.
Kung may iba pang word para i-describe ang pakiramdam na mas malala sa love, iyon na siguro ang gagamitin ko.
I always studied as if my life depended on it. Hmm, in a way, tama naman. My life depended on it. I grew up being competitive. I had a taste of achievement... of being number one. Gusto ko na palaging number one ako.
Since kindergarten, I was always the top one. Always the highest in the batch. Walang kahit sino ang nakakataas sa grades ko. I was almost perfect in everything. I never had a grade lower than ninety-six. In debates, palagi rin akong nananalo.
Hindi ako sanay matalo... kaya nainis talaga ako nang dumating iyong lalaking 'yon!
It was my first time having a competition. I never had a worthy opponent. Palaging malaki ang lamang ko sa mga kaklase ko, at sa kahit sino sa batch ko. Hindi ko lang alam sa ibang school... dahil taga-ibang school iyong palagi kong kalaban! Buti na lang!
Hindi naman ako naiinis dahil nakakainis ang mukha niya at pagkatao niya. Naiinis ako dahil... natalo niya ako.
Tapos sinabihan pa niya akong masama ang ugali ko! Hindi ko tanggap dahil alam kong ang bait-bait ko! Wala pang kahit sino ang nagsabi sa aking masama ang ugali ko!
Kahit gusto ko palagi akong nananalo, hindi ko ginagawa 'yon nang binababa ang iba! Kung ganoon lang ako, bakit ko pa tinuturuan ang mga kaklase ko pagkatapos ng klase? Bakit ko pinapamigay ang reviewers na ginagawa ko para sa sarili ko? Bakit araw-araw kong pinapaalalahanan ang lahat sa mga kailangan nilang ipasa?
Palagi kong tinutulungan lahat ng kaklase ko para lahat kami ay umangat! I never dragged anyone down, because I would not consider that winning. That would be sabotage.
And I was never that kind of person. Kapag magaling ako sa ibang bagay, pinapamahagi ko sa iba. It would be nice if everyone would pass the class, but I never resorted to giving my answers out. Hindi ako nagpapakopya at mas lalong hindi ako nangongopya. Hindi iyon ang meaning ko sa pamamahagi.
Hindi dapat sila umaasa sa akin, kaya tinuturuan ko na lang sila. Mas mabuti kung naiintindihan nila 'yong sinusulat nila.
Nag-aral lang ako buong magdamag hanggang sa tumunog na ang timer ko kaya umalis na ako sa zone ko. I snapped out of it and closed the book. I already learned a lot today. Nag-inat ulit ako at nagligpit ng gamit bago humiga sa kama.
Okay... So, ano na ang gagawin ko sa buhay ko kung tapos na akong mag-aral?
Tumayo ako at sumilip sa labas kung nariyan na sina Mommy at Daddy pero wala pa. Naroon na si Kye sa kwarto niya. Si Kye ang kapatid ko. Grade 6 pa lang siya. May taga-sundo 'yan sa school at taga-hatid dahil busy sina Mommy. Ganoon din ako, pero hindi na ako nagpasundo ngayon dahil nga maaga akong umuwi galing sa competition.
I didn't even tell my parents that the competition was today.
Kasi... Paano kapag hindi ako nanalo? Nakakahiya.
They were never the type of parents to pressure me in academics, or anything at all... but I felt like I had to keep up with them. Ang successful nilang dalawa at ang daming achievements. My dad topped the BAR. Number one. My mom graduated with flying colors. Summa cum laude. Hindi nila ako pine-pressure. Ako ang nagpe-pressure sa sarili ko.
I just wanted to be like them.
And it was not like I was not enjoying what I was doing. Gustong-gusto ko ang nag-aaral at nagko-compete. Doon umiikot ang buhay ko.
"Hello!" masayang bati ko sa kapatid ko pagkasilip ko sa kwarto niya. "Ano'ng ginagawa mo?"
Curious akong lumapit at nakita siyang gumagawa ng kung ano sa clay. Tiningnan niya lang ako at hindi nagsalita. Hindi naman talaga siya masyadong nagsasalita. Nakasuot pa siya ng headphones habang abala sa ginagawa niya. Pokemon ata iyong sinusubukan niyang buoin.
"Sino 'yan? Si Pikachu?" Nilagay ko pa ang dalawang kamay ko sa pisngi ko pero wala siyang reaksyon.
"This is Charmander," pag-correct niya sa akin.
"Ganoon din 'yon!"
"I don't think so."
"Saan sila galing?"
Hindi siya sumagot. Umakto na lang siyang hindi ako naririnig kaya lumapit ako lalo para marinig niya ako nang maayos.
"Pst, saan sila galing?" ulit ko.
Napabuntong-hininga siya at kinuha ang phone niya. May tinype siya tapos pinakita sa akin. Akala ko ay ipapakilala niya kung kanino sila galing pero pinakita niya lang sa akin ang Google na website.
"It's free," maikling sabi niya sabay balik sa ginagawa niya.
Tumawa ako nang malakas at iniwan na siya roon dahil baka mas lalo lang siyang mainis. Ni hindi nga tinanggal ang headphones. Mukhang nilakasan pa ang music para hindi na ako marinig.
Pagkalabas ko sa kwarto ay narinig ko na ang sasakyan ni Mommy kaya nagmadali akong bumaba at tumakbo sa may main door para salubungin siya. Pagkabukas niya ng pinto ay agad siyang nagulat sa presensya ko. Napaatras pa talaga siya at napahawak sa dibdib niya. Buti na lang hindi nahulog 'yong dalawa niyang take out ng pagkain.
"Jusko naman, Estella! Nakakagulat ka! Bakit ka nandiyan?!" reklamo sa akin ni Mommy.
"Surprise!" Tinaas ko ang trophy ko at pinakita sa kaniya.
"Wow, omg!" Binaba niya kaagad ang paper bag at niyakap ako nang mahigpit. "Good job, anak ko! Congratulations! I'm so so so so so proud of you!"
Hinigpitan pa niya ang yakap niya. "Mommy, hindi ako... hindi na ako makahinga!" Niyakap ko rin siya nang mahigpit at pinisil para gantihan siya.
"Aray ko, Nat!" reklamo niya kaya binitawan ko na siya. "Kumukulit ka na lalo, ha!"
"Where's Daddy?"
Sinundan ko pa siya hanggang sa kusina habang nilalabas niya sa paper bag ang mga pagkaing binili niya. Nakasuot pa siya ng work attire niya at nilapag lang ang bag niya sa gilid.
"Busy pa ang Daddy. Late na 'yon uuwi kaya kumain na tayo. Kye!" tawag niya at pumunta sa hagdan. "Bebe ko, kakain na! Skye!" sigaw niya ulit.
"Naka-headphones 'yon, Mi," pag-inform ko sa kaniya. "Mag-shower ka muna! Galing ka sa labas! Maraming germs!"
"Arte!" Pabiro niyang kinurot ang baywang ko bago siya umakyat.
Pagkatapos kumain ay ginawa ko na ang nightcare routine ko, which included reading again before I slept. Hindi ko na naabutan si Daddy kaya hindi ko napagyabang ang trophy na nakuha ko.
Pagkagising ko kinabukasan ay bumungad sa akin ang trophy na nasa side table ko. May nakaipit na note sa ilalim noon.
Congratulations, Estella.
I'm proud of you. You worked hard for this.
I'm sorry I couldn't congratulate you yesterday. You were already asleep.
I love you.
- Dad.
Napangiti kaagad ako nang mabasa iyon. Ang ganda na naman ng umaga ko! Tumayo ako at maagang naligo dahil may exam ako ngayon sa tatlong subjects!
"Good luck, anak!" sigaw ni Mommy bago ako sumakay ng sasakyan. Sabay kaming ihahatid ni Kye ng driver. Hindi ko na ulit naabutan si Daddy dahil maaga daw umalis.
The exams week went by so fast. Pagkatapos ng last kong exam, nakahinga na ako nang maluwag! Pagkatapak ko pa lang sa labas ng classroom ay para na akong nakalanghap ng fresh air kahit alam kong polluted naman talaga ang hangin dito sa siyudad.
"Estella, anong sinagot mo sa number ten?" Ang dami nang lumapit sa akin para magtanong tungkol sa exam.
Sinubukan kong alalahanin sa utak ko. I had a great memory. I could see a clear image of the exam sheet in my head, pati iyong details, kaya nasagot ko pa rin ang mga tanong nila.
"Nat!" Natigilan ako nang may tumawag sa akin. Kaunti lang naman ang may tawag sa akin ng Nat. Family lang and family friends.
Si Lyonelle pala ang tumawag, kasama si Seven. Nauna kasi silang magpasa kaya kanina pa sila nasa labas. Matagal ako dahil ilang beses ko pang chine-check para masiguradong wala akong nakaligtaan. Iyong dalawa, napakabilis, eh! Hindi na yata nagdo-double check! Iyon ang lamang ko sa kanila!
Matalino sila, pero ako pa rin ang number one, dahil 'yong mga mistakes nila sa exams or quizzes, puro careless mistakes.
"Sabi mo, Lyon, manglilibre ka, 'di ba?! Nanalo ka sa competition mo!"
Two days ago iyong competition niya sa swimming. Nanalo siya.
"You won, so please, change your profile picture to the newest version," sabi naman ni Seven.
"You're so bothered with my profile picture. I'm not saying anything about your anime P-F-P."
"Magpalit na kayong dalawa ng DP! Ang dami n'yong ebas!"
"Says the one who changes her DP every day," sagot sa akin ni Seven.
Ang kapal ng mukha! Tama naman siya! Bakit ba? Kasalanan ko ba kung araw-araw, may maganda akong picture?
"Dapat lang ipakita ko sa lahat ang kagandahan ko araw-araw."
"This is why I muted you on Facebook," sabi naman ni Lai.
"Seryoso?! Naka-mute ako sa 'yo?! Hoy, ibalik mo 'yon! Kaya pala nabawasan ang reactors ko! Sabi na nga ba, eh! Bwisit ka, Lyonelle!"
Hinabol ko siya para sipain kaya tumakbo siya para umilag. Gumilid din si Seven para hindi siya matamaan.
Nagpunta kami sa may famous na tapsilogan malapit sa school para roon kumain. Favorite namin dito! Kilala na tuloy kami ng may-ari!
"Eh, puno..." Napanguso ako nang makitang ang daming estudyante. Katatapos lang kasi ng exam kaya punuan.
"Let's just try the Japanese restaurant in front," sabi ni Seven.
Tumawid kami sa overpass para makapunta sa kabilang side kung saan may mga nakahilera ring mga kainan. Pumasok kami roon sa may Japanese restaurant na hindi pa namin nakakainan before. Hindi ko alam kung bakit ngayon lang namin naisipang kumain dito.
"Irasshaimase!" bati sa amin ng waiter.
Umupo kami sa may tabi ng pinto at um-order na. Ramen lang in-order naming tatlo, tapos salmon roll.
"Kailan competition mo, Seven?" pagchika ko.
"This Saturday."
"Good luck, bro," sabi ni Lai.
Nagkwento pa ako ng kung ano-ano tungkol sa exam hanggang sa dumating na ang order namin. Tinikman ko muna ang sabaw ng ramen bago ko hinalo.
"Ang sarap din, ah," sabi ko.
"For once, I agree with you," sabi ni Seven.
"Me too," sabi naman ni Lai.
Sinamaan ko sila ng tingin at umaktong bubugahan sila ng sabaw. Nandiri silang dalawa kaya tumawa ako habang nakapalobo ang pisngi.
Bumukas ang pinto at medyo nakaharang ako kaya inusog ko ang upuan ko. Nang umangat ang tingin ko sa pumasok ay nabuga ko na nga iyong sabaw na nasa bibig ko.
"What the..."
Lumayo kaagad ang lalaki at hindi makapaniwalang tiningnan ako, sunod ay sa polo niya. Naka-uniform pa siya noong Science High School na magaling dito sa area.
"Yikes..." rinig kong sabi ni Seven at umiwas ng tingin. Napatakip pa siya sa gilid ng mukha niya, kinakahiya ako.
"Are you okay?" Nagmamadaling tumayo si Lai at binigyan ng tissue iyong lalaki.
Bakit nandito siya?!
Wow, akin ba 'tong restaurant?
"What the hell is wrong with you?" Masama na ang tingin niya sa akin habang pinupunasan ang polo niya.
"I'm so sorry!" May lumapit na babae at humarang sa gitna namin. Nakasuot siya ng apron at mukhang siya ang may-ari ng restaurant dahil iba ang uniform niya. "Is everything okay?"
Bumaling siya sa lalaking epal sa buhay ko.
"Yori, dōshita no? Daijōbu?"
"Daijōbu."
They were talking in Japanese kaya hindi ko maintindihan. Tumayo na lang ako, hindi alam ang sasabihin.
"Sorry, nagulat ako!" sabi ko sa kaniya.
Tumingin lang siya sa akin, umiling, at naglakad na papasok sa may isang pintuan papuntang hagdan. Grabe, hindi man lang talaga niya ako pinansin! Okay, fine.
Hindi naman na kami magkikita ulit noon.
"Tsk, tsk." Pina-guilty pa ako lalo nitong si Seven!
Nahiya na tuloy ako at binilisan kumain. Hindi na ako babalik doon kahit kailan!
Lumipas ang summer nang wala akong ginagawa kaya nag-enroll na lang ako sa dancing school. Naiinggit kasi ako! Si Seven at Lai, hindi na natigil sa training. Ako, kung ano-ano na lang pinagkaabalahan ko.
Sobrang saya ko noong finally, pasukan na!
"Welcome to Heinrich!" bati sa amin ng mga staff na nag-aabang sa gate. Pwede silang pagtanungan ng directions para sa mga baguhan sa school.
"Nasaan ba kasi mga 'yon?" bulong ko sa sarili ko.
Wala pa sina Lai at Seven sa school! Ako ang nauna rito! Pero, magkakaiba rin naman kasi kami ng strand kaya wala rin! Hinanap ko na lang iyong room ko. Kanina pa ako palakad-lakad. Hindi man lang ako nagtanong dahil naniwala akong kaya ko 'to!
Ibang-iba ang ambiance dito kaysa sa Valeria High. Mas malaki rin ang school na 'to at iba talaga ang environment. Ang gagara ng mga sasakyang naghahatid!
Wala pang uniform kaya naman naka-civilian clothes ang mga estudyante. Next week pa ang strict implementation ng uniform.
Nakasuot lang ako ng black cropped top na hapit sa katawan ko, tapos black jogging pants. Nakalugay ang mahaba kong buhok na hanggang baba na ng dibdib ko.
Nakahawak ako sa strap ng backpack ko pagkapasok ko sa room. Sa wakas, nahanap ko na rin! Nakatingin ang iba sa akin pagkapasok ko. Hindi ko alam kung bakit.
Pagkaupo ko, binaba ko kaagad ang bag ko at kinausap ang katabi ko.
"Hello!" masayang bati ko at nilahad ang kamay ko. "Estella nga pala! Ikaw? Ano'ng name mo?"
Mabuti na lang at mabait ang mga nakapaligid sa akin! Nagpakilala ako sa kanilang lahat at nilahad ang kamay ko. As in... lahat ng nasa classroom ay pinuntahan ko at nakipagkamay ako na para bang nangangandidato ako.
Sa harapan ako nakaupo, sa may tapat ng teacher para marinig ko ang tinuturo niya at para rin hindi ako ma-distract sa ibang bagay. Dahil nga nasa harapan ako, nakikita ko lahat ng pumapasok. Tumatayo kaagad ako at nagpapakilala.
"Hello, I'm Estella! I like your shirt! Ano nga pala name mo?"
Nakangiti lang ako simula pagdating ko. Mabuti at hindi nangangawit ang labi ko at hindi napapagod ang dila ko sa kasasalita. Sanay na siguro ako!
May pumasok ulit!
"Hello, I'm-"
Natigilan ako at nanlaki ang mga mata ko nang magkatinginan kami.
Nakasuot siya ng oversized white shirt na may design. Naka-tuck in iyon sa maong niyang pantalon na may belt dahil mukhang maluwag. Naksaukbit ang isang strap ng backpack niya sa isang balikat niya.
Siya ba 'to?!
Iba ang hitsura niya! Nakaayos ang buhok niya. Naka-side part iyon at wala siyang suot na salamin. Kitang-kita ko na tuloy ang mga mata niya. His eyes looked sweet. Nanlaki iyon nang kaunti dahil sa pagkagulat nang magtama ang tingin namin.
"Excuse me," mahinang sabi niya sa akin.
Tumabi kaagad ako para makadaan siya. Nagulat ako nang umupo siya roon sa tabi ng upuan ko. Hindi niya naman alam na roon ako nakaupo dahil bag ko lang ang nandoon.
Lumapit ako at kinuha ang bag ko. Lilipat na sana ako kaso wala nang pepwestuhan! Mukhang kumpleto na kami!
Umupo na lang ako at nanahimik sa upuan ko. Nakatingin lang ako sa harapan at ganoon din siya.
Hindi ko makalimutang nabugahan ko siya ng sabaw.
At hindi ko rin makalimutang sinabihan niya akong masama ang ugali!
Tingnan mo siya ngayon, umaaktong walang nangyaring ganoon! Parang nagbago ang aura niya!
Gusto kong magsalita, grabe! Nangangati na ang dila ko! Hindi ko kayang manahimik!
"Pst."
Kinalabit ko siya. Hindi ko na natiis. Tumingin lang siya sa akin, hinihintay ang sasabihin ko.
"Kilala mo ba ako?" tanong ko para lang masiguradong siya 'yon.
"No," maikling sagot niya at tumingin ulit sa harapan.
"Sinungaling," hindi naniniwalang sabi ko.
"Nagtanong ka pa."
Hindi pa rin niya ako tinitingnan. May mali ba sa mukha ko, huh?!
"Kilala mo ako, eh."
"Oo, sa restaurant. Binugahan mo ako."
"Hindi 'yon! 'Di ba magkalaban tayo palagi sa debate? Bakit umaakto kang hindi tayo magkakilala?"
Tumingin na siya sa akin at tinaasan ako ng isang kilay.
"Baka sabihin mong sinundan kita."
"Hindi ba?" pagbibiro ko at ngumisi sa kaniya.
Ngumiti siya nang tipid. Sarkastiko iyon. Tapos hindi na siya nagsalita at tumingin na ulit sa harapan.
Dumating na rin ang teacher. As usual, pagkatapos niyang magpakilala, kami naman ang magpapakilala. Simula sa harapan kaya naman mga apat ang nag-introduce bago ako tumayo. Name, nickname, hobby, and fun fact daw.
"Hello, I'm Estella Nataleigh V. Martinez, but you can call me Estella! I like debates and studying! Fun fact, I can play the violin, and I also dance! I hope we can be friends!" Ngumiti ako at kumaway gamit ang dalawa kong kamay bago bumalik sa upuan ko.
Pinalakpakan naman ako ng mga kaklase ko. Kilala ko na silang lahat. Todo suporta naman sila sa akin.
Sunod na tumayo 'yong katabi ko at pumunta sa harapan.
"I'm Yoritsune K. Alanis. You can call me Yori. I like games. Fun fact, my father was Filipino, and my mother is Japanese."
Tumango ang teacher kaya bumalik na siya sa upuan niya. Nakatingin ako sa kaniya nang maupo siya kaya tiningnan niya ako pabalik.
"Nice to meet you, Yori." Nilahad ko ang kamay ko. "I'm Estella, your competition."
________________________________________________________________________________
:)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro