Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Unang Kabanata: Ang Hinirang


May engkantong kumakaway sa labas ng aking nakabukas na bintana.

Pinigil ko ang sarili ko na kumaway pabalik. Ayokong malaman niyang nakikita ko siya. Ang isang ito ay matagal nang nagpapapansin sa akin. Tuwing magdadapit-hapon ay nagsisilabasan na sila at ang isang ito ay napagdiskitahan na yatang magpapansin sa bawat pagkakataon na mayroon siya.

Isa siyang nuno – maliit ang pangangatawan bagamat may kalakihan ang ulo. Mamula-mula ang kaniyang balat at tila mamasa-masa. Hindi siya kapansin-pansin at mapagkakamalang parte lamang ng lupa o ng puno kung hindi siya gagalaw. Ang kaniyang mga mata'y tila balon na siyang lulunod sa iyo sa kadiliman kung magkakamali kang sila'y titigan.

Tatlong taon na ang nakalilipas nang una silang nagparamdam sa akin. Hindi malinaw sa aking alaala ang lahat. Kabilugan ng buwan noon at magkasama kami ni Lola sa lumang bahay ng aming pamilya sa probinsya sapagkat si Tatay ay abala sa seminar niya sa unibersidad kung saan siya nagtuturo. May mga binatilyong malimit tumatambay sa may balon sa ilalim ng malaking puno ng mangga sa aming bakuran at minsan ay nag-iinuman sila at nagtatakutan kapag palapit na ang takipsilim. Dahil dito, napagpasyahan na samahan ko si Lola.

Kakaiba ang gabing iyon. Naalala kong namangha ako sa libu-libong alitaptap na nakapalumpon sa mga sanga at dahon ng gahiganteng punong mangga. Matanda na ang puno at maraming sabi-sabi na mayroong mga kakaibang nilalang na naninirahan doon. Hindi naman ako naniniwala 'pagkat ako'y namulat sa buhay-siyudad.

Nanatili akong hindi naniniwala hanggang sa gabing masaksihan ko ang tila nagniningas na puno. Naalala ko pang bumaba ako mula sa aking kuwarto sa ikalawang palapag ng aming tahanan para hanapin ang aking alagang pusa.

Iyon ang huli kong alaala.

Pagmulat ko kinabukasan ay iba na ang daigdig na tumambad sa aking mga mata. May ginintuang alabok na pumapalibot sa damuhan kung saan ako nahimbing. Nagtaka ako at ikwinento ito sa aking lola, at matagal niya akong tinitigan bago pinayuhan na magdasal. Hindi ko alam kung alam niya ang nangyari sa akin, pero parati niya akong sinasaway tuwing magsisimula akong magtanong tungkol sa mga bagay na kababalaghan. Hindi ko alam kung natatakot siya o sadyang hindi siya naniniwala sa aking sinasabi.

Mula noon ay nakakakita na ako ng mga kakaibang nilalang.

Sinubukan kong sumangguni sa aking ama, ngunit tumawa siya at sinabihan akong mainam yata akong maging manunulat dahil sa aking husay sa pagiging kwentista.

"Amari! Ano ba, ang tagal mo!" Tawag ni Chloe, ang matalik kong kaibigan. Linggo ngayon at nakasanayan na namin na sabay magsimba sa kapilya. Ipininid ko ang bintana. Nahagip ko ang tila lungkot na bumakas sa mukha ng nuno dahil hindi ko na naman siya pinansin. Kinuha ko ang aking bag na nasa ibabaw ng kama bago lumabas ng kwarto at bumaba sa hagdan. Agad na tumayo si Chloe mula sa pagkakaupo sa aming sofa.

"Ay grabe sa tagal... 'kala ko naman nag-pro-prom dress ka pa," puna niya sa aking suot na guhitang t-shirt at maong na pantalon. "Siguro nagbabasa ka na naman, 'no? Hay nakooo..." Alam ni Chloe ang hilig ko sa pagbabasa at pagsusulat at parati niyang binabanggit ito tuwing nahuhuli niyang nabla-blangko ako.

"Tara, sabi mo mahuhuli na tayo?" Hindi ko pinansin ang sinabi niya at hinila na siya sa braso. " 'La yayao na po kami!" Pagpapaalam ko sa aking Lola. Siya'y nasa kusina at nagluluto ng hapunan.

"Ano ba 'Mari, nakakakilabot ka!"sabi ni Chloe na namimilog ang mata.

"Ang yayao ay..." sinimulan kong magpaliwanag pero hinila na niya ang aking kamay.

"Oo na, oo na Ms. Balagtas. Kaya ka sinasabihang weirdo e." Pinili kong hindi makipagtalo. Hindi ko naman sinasadya ang magsalita nang ganito. Isang propesor ng Kasaysayan ang aking ama at nakuha ko ang pagiging matatas sa wikang Tagalog mula sa kaniya. Noong bata ako ay tampulan ako ng tukso ng ibang bata tuwing nagsasalita ako. Kung anong tuwa ng mga nakatatanda sa aking husay sa malalim na pananagalog, siya namang pang-iinis ng ibang kaedaran ko.

Ako'y nag-iisang anak ng aking mga magulang. Wala akong mga pinsan at karaniwang si Lola at Tatay ang aking nakakasalamuha sa paglaki. Si Lola ay isa ring propesor emeritus ng Araling Pangwika at siya na ang nag-aalaga sa akin mula pagkabata. Sanggol pa lamang ako nang pumanaw ang aking nanay.

Mabuti na lamang at medyo nabago na ang aking pananalita nang ako'y mag-aral, ngunit hindi pa rin maiiwasan na minsan malalim na pananagalog ang ginagamit ko sa pagsasalita.

"Mag-ingat kayo," paalala ni Lola na hindi na lumabas ng kusina upang ihatid kami.

Takip-silim na paglabas namin sa tarangkahan at nagmamadali akong maglakad.

"Amari, sandali lang naman," habol-hiningang sambit ni Chloe, "para naman tayong hinahabol ng sampung leon."

Hindi. Hindi leon ang humahabol sa atin. Mas malala sa mga leon.

Nagsimula akong umusal ng dasal.

Ama namin, sumasalangit ka...

Tuwing ganitong takip-silim at kabilugan ng buwan mas marami akong nararamdaman na kakaiba. Madalas na hindi ako naglalalabas ng bahay sa gabi.

Gusto ko na talagang tumakbo ngunit ayokong matakot si Chloe. Noong makabalik ako mula sa probinsiya ay sinubukan kong ikwento sa kanya ang naranasan ko at sinabihan niya akong baka nababaliw na daw ako. Bawasan ko daw ang pagbabasa ng fantasy at horror. Masyado na nga naman akong matanda upang maniwala sa mga kakaibang nilalang. Mula noon ay ayoko nang magkwento sa iba ng mga nakikita ko. Nasanay na rin akong hindi sila bigyang pansin. Naisip kong hangga't wala silang ginagawang masama sa akin ay hindi ko na lang sila papansinin.

Ngunit kahit hindi ko sila pinapansin ay hindi ito balakid na magsaliksik ako tungkol sa kanila. Puno ng mga kwento at research notes ang hard drive ng aking kompyuter sa bahay. Nanghihiram din ako ng libro sa aklatan sa unibersidad. Naisip kong kung may mangyari sa akin, gusto kong maging handa.

Naririnig ko ang mahinang pagaspas ng mga pakpak at matinis na huni ng kuliglig sa paligid. Malamlam ang ilaw na nagmumula sa mga poste sa daan. Ang aming pook ay parte ng malawak na lupain ng unibersidad at kami'y nakatira sa libreng pabahay na ibinibigay sa mga empleyado. Malamig sa mata ang mga puno at iba't ibang halaman sa bawat kabahayan at bakanteng lote tuwing umaga, ngunit sa gabi ay nag-aanyong pang-horror movie ang mga ito sa nagdaraan.

Ayokong sabihin kay Chloe ang tungkol sa mga aninong nagsasayaw sa sulok ng aking paningin, o ang mga kumikinang na nilalang na nagkukumpol sa ilalim ng mga puno. Maging ang mga matang nakamasid mula sa pagitan ng mga sanga ng puno, sa likod ng mga poste, o nakasabit sa baging ng mga punong kahoy.

Lalo na ang higanteng nilalang na sumusunod. Hindi maririnig ang yabag ng kaniyang mga paa, ngunit kitang-kita ko ang anino ng usok na nagmumula sa kaniyang bibig at ilong. Hindi ko alam kung bakit niya ako sinusundan. Masyado akong natatakot na tanungin siya dahil baka bigla na lamang niya akong kunin kapag nalaman niyang nakikita at nararamdaman ko siya.

" 'Mari!"

Binagalan ko ang aking paglakad. Pagkatapos ng ilang saglit ay naabutan na ako ni Chloe. Malapit na kami sa kapilya at naaaninag ko na ang liwanag ng nakabukas nitong pinto at naririnig ang mga taong nagtitipon para sa misa.

Nakahinga ako nang maluwag nang marating namin ni Chloe ang simbahan. Saglit na nawala ang bigat ng aking pakiramdam pero alam kong nagtatago lamang sila sa mga anino at nag-aabang sa aming paglabas.

Kalma lang... hindi ka nila kinanti sa loob ng halos tatlong taon, ngayon ka pa ba matatakot?

***

" 'Mari... kanina pa tayo naglalakad, hindi pa rin tayo nakakarating..." Naiiyak na sabi ni Chloe habang mahigpit na nakahawak sa aking braso. Tama siya, kanina pa nga kami naglalakad at hindi pa rin namin nararating ang bahay. Araw-araw kaming dumadaan sa kalsadang ito pero higit sa isang oras na kaming naglalakad ay hindi pa kami nakakaalis sa aming kinalalagyan.

"Dumaan na tayo dito kanina!"

"Hindi, tiwala ka lang." Sinubukan ko siyang pakalmahin. Iniligid niya ang kanyang paningin pero hindi ko alam kung may nakikita siya. Hindi pangkaraniwan ang kilabot na nararamdaman ko. Alam kong pinaglalaruan kami. Isa lamang nilalang ang kayang gawin ito.

"Tikbalang..." usal ko. Tumigil ako sa gitna ng kalsada. Walang patutunguhan ang ginagawa naming paglalakad. Hindi kami makararating hangga't nasa ilalim kami ng mahika.

"Baliktarin natin ang ating mga damit."

"Ha?" Bakas ang pagkalito sa mukha ni Chloe.

"Sabi sa nabasa ko, kailangan baliktarin natin ang ating damit para makabalik sa tamang daan." Hinawakan ko ang dulo ng aking t-shirt upang hubarin.

"Sandali!" Hinablot ni Chloe ang aking mga kamay. "Loka-loka! Dito ka maghuhubad sa gitna ng kalsada? Baliw ka ba?"

"Wala namang makakakita kung hindi tayong dalawa." Naiirita na ako. 'Yung takot ko parang sobra-sobra na, na hindi ko alam kung maiiyak ako o matatawa. "Kung ayaw mong maniwala, bahala ka." Hinila ko pabalik ang kamay ko.

"O sige na nga, ito na nga!" Bahagya akong nakonsensiya dahil histerikal na ang tinig ni Chloe. Umaagos ang luha niya sa takot. Nanginginig rin ang aking mga kamay habang iniaangat ko ang aking damit.

"NANANG KUPO!" Bago ko pa man tuluyang mahubad ang aking pang-itaas ay tumili na nang ubod lakas si Chloe. Rinig ko ang malalakas na yabag na papalapit sa amin.

"Hintayin mo 'ko!" Nauna nang tumakbo si Chloe at pilit akong humabol. Dumadagundong ang puso ko. Pakiramdam ko ay hindi ko na halos maramdaman ang lupa sa sobrang takot.

"HNNNG!" Nakapangingilabot ang malakas na tunog ng hayop.

Papalapit nang papalapit. Halos ramdam ko na ang init ng kaniyang hininga at nakikita ang misteryosong usok na bigla na lamang pumalumpon sa paligid.

"Chloe!" Hindi ko na siya maaninag. Ako'y nag-iisa na...

Napapahagulgol na ako. Hindi ko alam kung nasaan na ako. Sa sobrang takot ay nakapasok ako sa kakahuyan. Diyos ko...

Kawayan.

Napatigil ako sa naglalakihang puno ng mga kawayan na bigla na lamang sumulpot sa aking harapan. Paano akong nakarating dito? Tila ako'y nasukol na hayop sa madawag na gubat.

"Amari Ellis..."

Tinig na galing sa malayong lugar... o sa ilalim ng lupa...

"Lumayo ka sa kaniya, tikbalang." Boses ng isang bagong dating na estranghero. Lumingon ako upang makita kung sino ang aking tagapagligtas.

Matalas ang mga matang sumalubong sa akin. Tila may nagbabadyang apoy sa kanilang kailaliman. Nakasuot siya ng purong itim at hindi ko gaanong maaninag sa usok na bumabalot sa paligid. Nakasisiguro akong hindi rin siya tao.

"Ako ang tagapagtanggol ng Hiyas... ikaw ang dapat umalis." Matigas na sabi ng tikbalang na binabalot ng makapal na usok. Ang tanging nakikita ko ay ang pares ng nanlilisik na pulang mata.

Nagsukatan ang dalawang nilalang. Nagsimulang umihip ang malakas na hangin at naglangitngitan ang mga kawayan sa paligid. Gumuhit ang nakasisilaw na liwanag sa kalangitan at napunit ang katahimikan ng gabi sa dagundong ng kulog at kidlat. Napalis ang usok na bumabalot at tumambad sa akin ang katauhan ng tikbalang...

Lingid sa kaalaman ng marami, ang tikbalang ay hindi lamang anyong kabayo. Isa itong shifter o nilalang na kayang magpalit-anyo ayon sa aking napag-aralan. Namasdan ko ang tikbalang na nakatalikod sa akin. Wala siyang saplot na pang-itaas kaya kitang-kita ang namumutok na masel sa kaniyang mga braso at likod. Ang kanyang makapal na buhok ay nililipad ng hangin.

"Ako si Adriel Angelus at ako ang hinirang na tagapagtanggol ng Hiyas," sambit ng lalaking nakatuon ang mga mata sa tikbalang na nakaharang sa akin. Hindi ko gustong sumama sa kahit sino sa kanila.

Isang makapanindig-balahibong ungol ang pinawalan ng tikbalang. Isang nagniningas na kris[1] ang hinugot ni Adriel mula sa kaniyang tagiliran. Nagngalit lalo ang langit at gumuhit ang sunod-sunod na kidlat sabay ang pagbuhos ng malakas na ulan. Napansin kong may baluti na bumabalot sa kamao at braso ng tikbalang at mayroon itong matutulis na itim na pangil sa bawat dulo.

Sana nananaginip na lamang ako. Gusto ko nang gumising sa masamang panaginip na ito... o kaya sana pelikula lamang na mamaya magtatapos... o kaya anime...

Maingay ang unang sagupa ng metal sa metal. Ito na ang pagkakataon ko. Iniligid ko ang aking mga mata habang sila'y abala sa kanilang labanan.

"Psst... dito, Amari." Isang munting tinig ang umagaw sa aking atensyon. Nanlaki ang aking mga mata...

Ang nuno sa aking bintana!

Anak ng talaba, sasama ba ako?

Isa rin siyang elemental kagaya ng mga tinatakbuhan ko.

"Halika..." Nakita kong nagkaroon ng siwang sa pagitan ng mga kawayan. Nakatayo sa pagitan nila ang nuno. Patuloy ang pagpatak ng malakas na ulan at pag-ihip ng malakas na hangin.

"Huwag kang sasama sa kanya!" Sabay na sigaw ng dalawang nilalang na siyang tinatakasan ko. Bigla nila akong sinunggaban sa magkabilang kamay.

Unang humawak si Adriel.

"BITAWAN NIYO 'KO!"

Hindi ko alam kung saan nanggaling ang kapangyarihang dumaloy mula sa aking mga kamay palabas sa aking mga palad, pero ramdam ko ang pagsabog nito kay Adriel at nadamay pati ang tikbalang. Nakasisilaw na liwanag ang bumalot sa buong kagubatan at batid kong may kumakawalang ipu-ipo mula sa aking kaibuturan.

Unti-unting nanlalabo ang aking paningin at nawawalan ng lakas ang aking mga tuhod.

Ang huling alaala ko ay ang dalawang nilalang sa magkabila kong tabi na hawak pa rin ang aking mga kamay.

Tala ng May-akda:

[1] Isang uri ng katutubong espada na tila alon ang disenyo.'



Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro