Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Ikalimang Kabanata: Liwanag at Dilim (unedited)

Minsan may mga pagkakataon sa buhay ng isang tao na hindi na siya nakapag-iisip at gumagawa na lamang ng desisyon base sa desperasyon. Ito 'yong mga saglit na ipinagkakatiwala mo na lamang sa Maykapal ang lahat at nagsasabing, "Bahala na."

Narito ako ngayon sa ganoong sitwasyon.

Hindi pa rin dumating ang huling tagapagtanggol pagsapit ng gabi kaya't nagpasya na ang lahat na tumuloy kinabukasan patungo sa Talim ni Bathala. Maaga akong nakatulog 'pagkat napagod ako sa paggamit ng kapangyarihan. Ang mga kasama ko nama'y nagsalitan sa pagbabantay para masiguro ang aming kaligtasan.

Ginamit ko ang kapangyarihan ng Hiyas upang matalo ang Oriol. Hindi ko alam kung paano pero pangalawang beses na itong nangyari. Ang una ay noong nasa mundo pa ako ng mga tao, noong natakot ako kila Sic at Adriel.

Maaga kaming gumising at naghanda sa pag-alis. Wala akong gamit na dala at ang tanging pananggalang ko sa mahinang ambon ay ang malaking dahon na tinabas ni Adriel at upang magamit kong payong. Kasing-dilim ng panahon ang timpla ng bawat isa. Walang gustong magsalita at malalalim ang iniisip. Nakakatuliro ang pakiramdam na parating may nakatingin at may nagbabadyang sakuna. May mga nadaanan kaming pamayanan ngunit wala ng nakatira doon. Hindi na nila ako hinayaan na makita ang bakas na iniwan ni Sitan ngunit halata ko sa kanilang mga mukha na kahindik-hindik ito. Kahit walang nagsasalita, alam kong iniisip nila kung bakit hanggang ngayon ay wala pa ang huling tagapagtanggol.

Nahuli kaya siya ng mga kampon ni Sitan? Siya ba ay buhay pa, o patay na?

Nakakapraning!

Tanging walang-tigil na tunog ng tikatik na ulan ang maririnig sa paligid at ang panaka-nakang huni ng mga ibon. Imposibleng manatiling tuyo pagkat lumulubog ang aming mga talampakan sa malambot na putik. Hindi ilang beses na nasugat ang aking mga paa sa matatalas na bato at madulas sa mga nabubulok na dahon at ugat ng puno. Umaalingasaw ang amoy ng basa at nabubulok na bagay. Pinipilit kong makisabay sa kanilang mga hakbang, ngunit sadyang hindi ako sanay sa paglalakbay sa kagubatan at wala pang ilang oras ay nahahapo na ako.

Gabi-gabi ay natitipon kami sa paligid ng maliit na siga upang magpainit at kumain ng prutas. Hinahanap-hanap ko na ang mga nakasanayan ko na at nagkakasya na lamang akong tulugan ang aking mga problema.

Hindi ko na napigil ang aking sarili sa ikatlong araw.

"Ayoko na!" Bulalas ko. Napatigil ang lahat at lumingon sa akin.

"Anong problema, Amari?" Tanong ni Adriel.

"Hindi ba kayo nababagot? Paano niyo natatagalan ang tatlong dekadang umuulan?" Hindi ko napigilan ang magtaas ng boses. Hindi ako sanay sa ganitong katahimikan. Sanay ako sa ingay ng mga sasakyan, sa matinis na halakhakan ng aking mga kaibigan, sa tunog ng telebisyon at radyo sa paligid. Hindi ko na maalala ang pakiramdam ng magsuot ng tuyong damit.

Higit sa lahat nangungulila ako sa aking tatay at lola.

"Napapagod ka na ba? Halika't papasanin kita sa aking likod," mungkahi ni Sic. Gusto kong sabihing oo, pero alam kong hindi talaga ito ang aking problema. Hindi lang simpleng pagod ang aking nararamdaman.

Umiling ako. Hindi ko napigilan ang pag-iinit ng sulok ng aking mga mata.

"May masakit ba sa iyo?" Lumipad si Haraya sa aking harapan at sinipat ako. Pumikit siya at hinawakan ang aking noo, "wala naman akong masyadong makita..."

"Wala! Walang masakit!" Pinalis ko ang kaniyang kamay at ako'y tumakbo palayo.

Ayoko, ayoko na! Tatay! Lola!

Hindi ko alintana ang matatalas na dahon at mga sangang tumatama at sumusugat sa aking balat. Gusto kong tumakbo nang tumakbo hanggang ako'y makalayo... malayo at malaya sa lahat ng aking problema at responsibilidad na dinadala. Ilang beses akong nadapa at nadulas. Ang mga luha ko at humahalo sa putik at ulan.

"Amari!" Naririnig ko ang kanilang mga tinig na tumatawag sa akin. Ayoko na po. Bakit ako?

"Amari! Amari!"

Nakarating ako sa harap ng higanteng puno. Ang mga ugat nito ay mas matangkad sa akin at may guwang sa gitna nito. Ako'y pumasok sa guwang at gumapang sa loob. Mga tuyong dahon at malambot na lupa ang aking nakapa. Niyakap ko ang aking sarili at pinakawalan ang mga hikbing aking pinipigil sa loob ng ilang araw.

Naririnig ko ang kanilang mga yabag, ang paulit-ulit na pagtawag sa aking pangalan... gusto kong magtago sa mundo kahit panandalian lamang. Pagod na ako at hinahanap ko ang gabay ng aking pamilya.

"Amari?" May pagaalala sa tinig ni Adriel. Naramdaman ko ang pag-upo niya sa aking harapan. "Amari?" Muli niyang bulong.

"Iwan mo muna ako."

Hindi siya nakinig sa aking pakiusap. Hinayaan niya lamang ang aking tahimik na paghikbi.

"Hindi ko kayang mabuhay sa kadiliman." Hindi ko alam kung bakit sinasabi ko sa kanya ito.

"Hindi naman parating madilim ang aming mundo." Isang maliit na bolang apoy ang nagdingas sa aming pagitan. Malamlam ang tanglaw ng ilaw at naglalaro ang mga anino sa paligid.

"Hindi ako kagaya ninyo. Kailangan ko ng araw, init, liwanag... para akong nalalanta sa malungkot na mundong ito."

"Marahil ay hindi nga kita maiintindihan, ikaw na anak ni Haring Araw, sapagkat hindi ko batid ang kaniyang halik sa aking balat at tamis ng init ng kaniyang kanlungan, ngunit may sariling kariktan ang aming mundo... kariktang hindi makikita ng karaniwang tao." Malumanay ang bawat salitang namumutawi sa kaniyang mga labi.

"Hindi mo malalaman ang ganda ng liwanag kung hindi mo ito maihahambing sa dilim. Makikita ba ang hiwaga ng mga tala at buwan kung lalamunin sila ng liwanag?" Pinahid niya ang mga luha sa aking pisngi. "Halika."

"Adriel..."

Inilapat niya ang kaniyang daliri sa aking mga labi upang pigilan ang aking sasabihin. Maingat ang bawat hakbang niya papalabas sa guwang.

"Saan tayo pupunta?" Ako'y kaniyang inakay paakyat sa mga higanteng ugat ng puno.

"Ipapakita sa iyo ang aking mundo," misteryoso niyang sagot. Inalalayan niya ako sa pag-akyat.

"Amariiii!" Naririnig ko pa rin ang boses nila Sic, May-I at Haraya.

"Sila Sic—"

"Sandali lang tayo."

Pataas kami nang pataas. Naaninag ko na ang tuktok ng puno. Ang kamay ni Adriel ay mainit, at matatag ang kaniyang kapit sa aking kamay. Kami'y tumigil nang aming marating ang pinakatuktok na sanga.

"Anong ginagawa natin dito?"

"Maghintay ka lang." Ilang minuto ang nakalipas at tanging makakapal na ulap lamang ang aking namamasdan sa kalangitan. May mangilan-ngilang alitaptap ang bumabasag sa pusikit na kadiliman.

"Tumingin ka sa paligid." Mula sa kalangitan ay namamangha kong iginala ang aking mga mata.

"Adriel... ang mga puno..." isa-isang nagliliwanag ang mga puno sa pamumukadkad ng mga bulaklak. Bawat sanga ng puno ay may palumpon ng mga bulaklak na unti-unting nagsasaboy ng bulông[5] kumikinang. Ang buong kagubatan ay napuno ng liwanag.

"Ang mga bulô ay iniipon ng mga engkanto at ginagamit sa mga ritwal at bilang tanglaw sa aming mga lampara." Nakita kong naglabas siya ng boteng sisidlan at inabot ang isang palumpon ng bulaklak. Itinaktak niya ito sa bunganga ng bote upang maipon ang mga bulo.

"Pixie dust..." hindi ako makapaniwala sa aking nasasaksihan. Ang maliliit na bulô ay napakagaan at kaunting ihip ng hangin lamang ay dinadala sila sa alapaap.

"Masuwerte tayo dahil minsan sa isang taon lamang namumukadkad ang mga bulaklak na ito." Isinarado niya ng mahigpit ang takip at inilagay sa aking kamay ang maningning na bote. "Maari mo itong magamit tuwing nangangailangan ka ng liwanag. Kailangan mo lamang alugin ang bote upang ito'y magliwanag."

"Salamat." Tila isang kalawakan ang nakakulong sa loob ng bote. Napakagandang regalo. Nag-uumapaw ang puso ko at hindi ko mapigilang maluha.

"Umiiyak ka pa rin?"

"Hindi, hindi... natutuwa lang ako." Pinahid ko ang aking mga luha. Unti-unti nang bumabalik ang kadiliman at nagsasara na muli ang mga bulaklak. Ang mga bulo ay dahan-dahang naglalaho sa kalangitan.

"Kung mabuti na ang iyong pakiramdam, bumalik na tayo sa ating mga kasama." Hindi ko mapigilan ang ngiti sa aking labi. Napatunayan ko ngayon na tahimik, ngunit napakabait ni Adriel.

***

Pagkababa namin sa puno ay humudyat si Adriel sa aming mga kasama. Isang huni na kagaya ng ibon ang kaniyang ginawa. Ilang saglit bago may sumagot sa kaniyang tawag at tinahak namin ang direksiyon na pinagmulan nito.

"Amari!" Nagulat ako sa pagyakap ni Haraya sa akin nang makarating kami kung nasaan sila. "Bakit ka umalis? Masama ba ang iyong tiyan? Sabi ko kasi kay Sic maghanap ng ibang makakain, walang kuwenta 'tong tikbalang na 'to. Pasensiya ka na kung madilim, baka kasi makita ng tumutugis sa atin ang apoy ng ating siga..."

"Haraya, manahimik ka!" Saway ni Sic. "Anong sinasabi mong walang-kwenta ako? Ang daldal mo..."

Nakaramdam ako ng panliliit sa kanila. Heto ako na puro reklamo, samantalang kaligtasan ng lahat ng iniisip nila.

"P-pasensiya na..." Hindi ko sila matingnan sa mata.

"Halika at tayo ay mamahinga. May inihanda kami para sa iyo." Nakaupo ang nuno sa ibabaw ng kaniyang punso at may hinahalong sabaw sa isang maliit na palayok. Napakabango ng amoy na nanggagaling dito at agad akong nagutom. Naupo ako sa ilalim ng itinayo nilang panangga sa ulan.

"Kumain ka na." Iniabot ni Sic ang isang maliit na mangkok. Malapot at nakakatakam ang mainit na sabaw na naroon. Ninamnam ko ang init na siyang gumapang mula sa aking tiyan papunta sa bawat nananakit na kasu-kasuan. Wala pang ilang minuto ay naubos ko ito at walang-salitang nilagyan muli ni Sic ang aking mangkok. Ngayon ko lamang ulit naramdaman ang mabusog sa mainit na pagkain.

Matapos kumain ay naglinis na ako kagaya ng aking nakaugalian at naghanda upang matulog. Nang ako'y nakahiga na ay naramdaman kong may umupo sa aking tabi. Naaninag ko si Sic.

"Para sa iyo," mahina niyang sabi. Naramdaman kong inilagay niya sa aking kamay ang isang makinis at mainit na bagay. Bago pa man ako makapagsalita ay umalis na siya. Binuksan ko ang aking palad at naroon ang isang makinis na batong kulay itim. Sa sobrang itim ay tila hinihigop nito ang liwanag sa kaloob-looban nito. Naglalabas ito ng kakaibang init at idinikit ko ito sa aking pisngi. Napangiti ako. Magaspang man ay napakamaalalahanin ng tikbalang.

Sa gitna ng dilim, hawak ko ang liwanag ng mga engkanto at init ng puso ng kakaibang mundo.

***

Nagising ako sa tunog ng sigawan at gulo sa aming kampo.

"Sic!"

Nakita ko kung paano inilipad ng aswang si Sic sa himpapawid. Isa... dalawa... tatlong manananggal ang siyang panaka-nakang lumilipad pababa upang dagitin ang isa sa amin.

"Itakas ninyo si Amari!" Hiyaw ng tikbalang. Pilit niyang inaabot ang mga pakpak ng manananggal. Sinuntok niya ito sa tiyan hanggang sa tumama sila sa isang puno.

"Halika na!" Hinablot ni Adriel ang aking kamay.

"Pero sila Sic..." Matitinis na iyak ng mga manananggal ang pumunit sa tahimik na gabi. Nagising na lamang ako sa pagkahimbing nang may kung anong dumagit sa bubong ng aming kublihan na nagpabagsak dito.

"Ilona! Sa likod mo!" Mabilis na dumapa ang diwatang dumating kasama ng mga aswang. Isang purong bola ng dagitab ang lumamon sa manananggal na tumutugis sa amin. Ang kaniyang katawan ay nangisay at dumaloy ang itim na dugo mula sa kaniyang ilong at tainga bago siya bumagsak sa lupa.

"Salamat Ar—" hindi natapos ni Ilona ang kaniyang sasabihin sapagkat hinila na siya patayo ni Sic.

"Bakit mo sila dinala dito!" Asik ng tikbalang. Nagtatagis ang kaniyang bagang at mayroong malalaking kalmot ang kaniyang balikat kung saan umaagos ang sariwang dugo.

"Hindi ko sinasadya! Tatlong araw na nila akong tinutugis at akala ko ay nailigaw ko na sila."

"Si May-I!" Sa kaguluhan ay hindi ko na napansin ang aming kasamang nuno. "Nasaan si May-I?"

"Nakita ko siya kaninang dinagit ng manananggal," ani ni Haraya.

"Kailangan natin siya—" Hindi ko natapos ang aking sasabihin dahil isang malakas na pagsabog ang dumagundong at nagpayanig sa lupa. Patakbo naming tinungo ang lugar kung saan nagkaroon ng pagsabog at nagitla kami sa aming nakita.

"May-I!" Ginagap ko ang kamay ng walang-malay na nuno. Duguan ang kaniyang ulo samantalang ang mananggal na siyang dumagit sa kaniya ay nagkapira-piraso. Isang guwang sa lupa ang namuo kung saan nakamarka ang pagsabog.

"Akin na siya, kailangan na nating umalis." Binuhat ni Sic si May-I na parang isang bata sa kaniyang mga bisig. Nalaglag mula sa kaniyang kamay ang maliit na bato at ito ay aking sinalo at ibinulsa.

"Halikayo at tumakas na tayo. Parating na ang hukbo ni Sitan." Si Haraya ay lumipad sa tuktok ng mga puno upang tiyakin ang posisyon ng mga tumutugis. "Kailangan nating dumaan sa ilog. Wala ng isang kilometro ang layo nila."

"Malapit na tayo sa Talim. Maaari natin silang iligaw doon," sagot ni Adriel. "Haraya sa itaas. Ilona ikaw ang mauna. Ako ang bahala sa hulihan. Sic, Amari..." Tumango si Sic at inakay ako. Mabilis ang mga hakbang namin, ngunit maingat upang hindi makalikha ng ingay. Ilang talampakan pa at narating namin ang ilog.

"Amari..." Tumango ako kay Sic. Si Ilona ay tumigil sa pampang at nagsaboy ng asul na alabok. Umusal siya ng isang orasyon at nahati ang tubig na siyang aming daraanan.

"Bilisan ninyo, hindi magtatagal ang mahika."

Isa-isa naming binagtas ang gitna ng ilog. Tila higanteng salamin ng aquarium ang magkabilang gilid nito. Maririnig ang pagaspas ng pakpak ng mga tumutugis na aswang at ang makapanindig-balahibong ungol ng kung anong nilalang.

Amari, tama na ang pag-iisip! Bilisan mo na!

Hindi ko halos nararamdaman ang lupa sa bilis ng aming pagtakbo. Hindi ko na maaninag si Adriel ngunit may panaka-nakang liwanag ang nanggagaling sa aming pinanggalingan. Hindi ko alam kung ilang oras ang aming nilakbay hanggang sa marating namin ang paanan ng isang bundok na ubod nang tarik. Ang tuktok nito ay lampas sa ulap at ang mukha ay itim na marmol.

"Ang Talim ni Bathala..." sa wakas ay narating na namin ang aming destinasyon.

"Pasok!" Hinablot ni Sic ang aking braso at kami'y lumusot sa isang butas na nasa lupa. Hindi ko napigilang tumili dahil sa napakabilis na pagdausdos namin sa lagusang makipot pababa.

"AAAAAAAAAAAAAAAH!"

Pumikit na lamang ako dahil sa nakakahilong pagsikot-sikot ng lagusan na tila walang katapusan. Walang sinabi ang mga rollercoaster sa perya sa sobrang bilis ng aming pagbaba.

"Umph..." napaigik ako sa biglang pagbangga ko sa katawan ni Sic. Ipinulupot niya ang kaniyang braso sa aking baywang at isiniksik ang aming katawan sa kapirasong espasyo sa gilid ng lagusan. Isang batong kulay kahel ang inilabas niya at idinikit ito sa isang parte ng dingding. Nagulat ako nang ito ay gumalaw at tumambad ang isang lagusan.

Inilabas ko ang boteng bigay ni Adriel at inalog ito. Sa maliit na liwanag ay nasilayan ko ang isang hagdan sa aming harapan.

"Akyat." Pinauna niya ako. Narinig ko ang pagsarado ng lagusan.

"Si Adriel at Haraya..."

"May iba pang lagusan na maaari nilang gamitin. Kailangan na nating madala si May-I kay Apolaki[6]."

Kinabahan ako nang mamasdan ko si May-I. Mukhang wala na siyang dugo at lupaypay ang kaniyang maliit na katawan. Wala rin ang kaniyang tungkod.

"Halika na Amari. Bawat minuto ay mahalaga para sa kaligtasan ni May-I."

"Ano pa ang hinihintay natin? Tara." Nagpauna si Ilona sa pagtahak sa madilim na daan. Sa loob ng aking bulsa ay hawak ko ang mainit na bato na tila isang agimat sa lamig na lumalamon sa aking lakas.

Bahala na[7].


***

Mga tala ng may-akda:

[5] Pollen

[6]sinasabing si Apolaki ay ang Diyos ng mga mandirigma at araw. Siya ay galing sa angkan ni Bathala.

[7]Ito ay paboritong kasabihan ng mga Filipino na nagmula sa salitang "Bathala na." Kasabihan na siyang naglalarawan ng fatalism na maituturing na isa sa mga tatak ng pagiging Pilipino. Ang fatalism ay isang paradox pagkat pareho itong isang negatibo at positibong katangian.




Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro