Ikalawang Kabanata: Ibang Mundo (unedited)
Maputik...
Ito ang una kong napansin pagmulat ng aking nanlalabong mga mata. Ang pangalawa ay ang mga kristal ng tubig na namumuo sa dulo ng bawat hibla ng aking buhok... Pangatlo ang mahinang huni ng mga ibon at kulisap... at ng tubig na lumalagaslas kung saan...
Saglit akong napapikit sa nakahihilong pag-imbay ng mundo. Nanunuyo ang aking mga labi... Dinama ko ang bawat parte ng aking katawan. Mukhang wala namang nabali sa aking mga buto, bagama't namamanhid ang aking mga kamay at paa.
Muli kong iminulat ang aking mga mata at bahagyang nawala ang panlalabo nito. Patuloy ang bahagyang pag-imbay ng mundo-hindi, hindi ng mundo. Iniangat ko ang aking ulo at minasdan ang paligid. Naumid ang aking dila sa aking napagtanto.
Nakasampa ako sa likod ng tikbalang.
Tikbalang sa kaniyang anyong-kabayo. Umaangat ang usok mula sa pagdampi ng mahinang ulan sa kaniyang mainit na balat. Kakaiba ang laki niya kung ikukumpara sa karaniwang kabayo at tiyak kong kayang-kaya niya akong habulin kung susubukan kong tumakas. Ang mga binti at hita niyang mahahaba ay magagamit niya upang lumundag ng malayo.
Diyos ko, nahuli na nila ako...
Pero hindi naman ako nakatali at mukhang hindi rin naman niya napapansin na bumalik na ang aking ulirat. Kailangan kong mag-isip ng paraan para maka-
"Magpahinga ka muna, Mahal na Hiyas." Nanlaki ang aking mga mata at tumindig ang aking balahibo. Ipinihit ko ang aking tingin sa kabilang dako at...
"AAAAAAH!" Napaurong ako sa napakalapit na mukhang nakatunghay sa akin. Napatalon ang nunong nakaupo sa likod ng walang malay na katawan ni Adriel sa aking tili. Nagulat din ang tikbalang at biglang pumihit.
Diyos ko! Diyos ko! Diyos ko!
Napakapit ako nang mahigpit sa kaniyang mahabang buhok at lalo siyang nagwala.
"Diyos ko! Tatay! Lola!"
Nakita kong dumausdos ang katawan ni Adriel at nahulog sa putikan kasama ng nunong nakakapit pa rin sa kanya.
"BITIWAN MO AKO!" Parang kulog ang dagundong ng boses ng tikbalang. Lalo akong napakapit sa kaniyang buhok sa takot na mailaglag ako.
"Tama na... tama na..." Mahigpit kong niyakap ang leeg ng nagwawalang tikbalang.
"Sic, baka mapaano ang Hiyas!" Sigaw ng nuno. Unti-unting kumalma ang tikbalang hanggang sa ang malalakas na paghugot na lamang nito ng hininga ang maririnig sa kakahuyan.
"Tingnan mo, natakot tuloy siya." Tumayo ang nuno at lumapit. Bumitaw ako sa pagkakahawak sa buhok ng tikbalang. Ilang hibla ng kaniyang buhok ang natanggal sa sobrang higpit ng aking pagkapit.
"Ikaw kaya ang may kasalanan!" Nanginig ang aking kalamnan sa sigaw ng tikbalang. Itinuon niya ang nagdiringas na mata sa akin.
Diyos ko, 'wag po sana niya maisipang ihulog ako at sipain.
Inilapit niya ang kaniyang mukha at naramdaman ko ang init ng kaniyang hininga. Biglang nawala ang kulay sa kaniyang mukha nang bumaba ang kaniyang tingin sa tangan kong ilang hibla ng kaniyang ginintuang buhok.
"Hindi maaari..." anas niya. Kumibot-kibot ang kaniyang labi bago siya nagpakawala ng mahinang ungol.
" 'Kita mo na, ngayon mas lalong hindi mo siya maaaring saktan." Sumampa ang nuno sa likod ng tikbalang. "Ipagpatawad mo ang magaspang na ugali nitong si Sic. Naninibago pa siya sa pagiging isang alagad." Kinakausap ako ng nuno! "Ako si May-I."
"Pa-patawad..." Nagulat ako sa malumanay na boses ng tikbalang. Wala na ang apoy sa mga mata nito at napalitan ng malalim na asul. Humihingi siya ng tawad sa akin?
"Huwag kang matakot kay Sic, hindi ka niya sasaktan. Hawak mo ang mahiwagang buhok ng tikbalang kaya't siya'y magiging tapat sa iyo."
Nakapagpaamo ako ng tikbalang?
"Ibig mong sabihin ang mga buhok na ito...?" Hindi pa rin ako makapaniwala. Tumango si May-I.
"Ang tikbalang ay susunod sa lahat ng iyong iuutos."
Napatingin ako sa tikbalang. Tahimik lamang siyang nakikiramdam. Ayon sa nabasa ko ang mga tikbalang ay maaring maging tagasunod ng isang tao habang buhay kung makukuha niya ang maski isa sa tatlong gintong buhok nito. Mukhang nabunot ko yata ang lahat...
Anak ng tinapa, may alipin akong tikbalang!
"A...p-pasensiya na. Hindi ko sinasadyang kunin ang iyong buhok." Gusto kong isauli ang kaniyang buhok. Ano naman ang gagawin ko sa aliping tikbalang? Hindi ako naniniwala sa konsepto ng pang-aalipin, at isa pa saan ko naman siya ilalagay? Baka himatayin pa ang aking Lola kapag nag-uwi ako ng engkanto.
"Sigurado ka ba binibini? Maraming nagpapakamatay makuha lamang ang anting-anting ng isang tikbalang," babala sa akin ni May-I.
"Pero hindi ko kailangan ng alipin. Isa pa, hindi ko alam kung anong kinakain ng tikbalang."
"Pag-isipan mo muna. Sayang ang pagkakataon," pakiusap ng nuno habang matiim na nakatingin sa tikbalang. Sinundan ko ang kanyang tingin. Nakayukod ang ulo ng tikbalang na parang naghihintay sa aking desisyon.
Napabuntong-hininga ako. "Gusto ko nang umuwi." Tama ang nuno, kailangan ko itong pag-isipan.
Ngunit ayoko ng alipin, iyan ang malinaw.
Tumango ang tikbalang, "maghahanap tayo ng lugar kung saan maaaring magpalipas ng gabi. Kumapit ka nang mabuti."
"Lugar na pagpapali-? Ano? Saka t-teka, paano na siya?" Turo ko sa walang-malay na si Adriel na nakalugmok sa putik. Hindi pa rin siya nagigising hanggang ngayon. Maputla ang kanyang mga labi at may dugo sa kanyang ulo; malamang ay nasugatan siya sa pagkahulog.
"Hnng... sinabi ko na kasing iwan na lang 'yan," may halong inis niyang sagot.
"Hindi nga maaari, isa rin siyang tagapagtanggol ng Hiyas!" protesta ni May-I.
"Isa siyang pantas!"
Naguguluhan na ako. Halatang may kung anong di pagkakasundo sina Adriel at Sic.
"Kailangan natin ang kaniyang kapangyarihan upang maihiwalay ang Hiyas," pamimilit ni May-I. "Kailangan siyang sumama." Hala, paano ko siya ipapaliwanag kay Tatay at Lola?
"T-teka... nasaan ba tayo? Uuwi na 'ko sa 'min." Iginala ko ang aking paningin habang naghihintay ng sagot. Kinakabahan ako nang husto dahil hindi pamilyar ang lugar na ito. Iba rin ang nararamdaman ko sa gubat na ito... Parang maraming nakasulyap sa amin. Ayokong maipit sa gulo at sigurado akong gulo ang hatid ng mga engkanto sa buhay ko.
"Ibabalik ka namin sa inyo sa oras na maibalik na ang Hiyas."
Natigilan ako sa aking narinig. Hindi...
Isang libong tanong ang nagrambulan sa aking isip...
Paano? Saan? Nasaan ako? Lola... Tatay... Chloe...
Napabitaw ako sa tikbalang.
"N-nasaan tayo?" pabulong kong anas.
"Narito ka sa aming mundo, Mahal na Hiyas. Sa mundo ng mga engkanto."
***
Hindi mapawi ng init na nagmumula sa mga alab ng apoy ang nararamdaman kong lamig ng gabi. Namumuo pa rin ang galit at pangungulila sa aking kalooban. Tuyo na ang aking damit bagaman ako'y nanlilimahid pa rin sa putik at tubig-ulan na naghalo at nanikit sa aking balat. Mahapdi ang aking sikmura na nagpapaalalang hindi pa ako naghahapunan. Pero wala ang hapdi nito kumpara sa hapdi ng aking puso.
Ilang oras man akong nakipag-away at nagprotesta na ibalik ako sa amin ay hindi nila ako pinagbigyan.
"Hindi ko alam ang sinasabi niyo! Wala akong alam na hiyas! Gusto ko nang umuwi!"
"Pero nakasisiguro kaming nasa iyo ang hiyas. Hindi mo ba naramdaman kanina ang kapangyarihan nito?"
Napagod na lamang ako at minabuti kong manahimik upang makapag-isip. Hindi ko maikakailang may kung anong malakas na puwersa ang kumawala kanina nang hawakan ni Adriel ang aking kamay. Pinagmasdan ko ang mga ito. Bukod sa madumi at puno ng natuyong putik ang aking mga kuko, wala akong makitang bago dito. Pumikit ako at pinakiramdaman ang aking sarili. Wala. Walang kakaiba maliban sa hapding gumuguhit sa aking sikmura.
Pilit kong iniisip kung bakit nila ipinipilit na nasa akin ang hiyas. Wala akong alam... wala akong matandaan...
Maliban na lamang...
Maliban na lamang kung konektado ito sa mga nangyari sa akin tatlong taon na ang nakararaan. Kung kailan una akong nakakita ng mga nilalang mula sa kanilang mundo.
Aaah! Ang gulo!
Sa 'di-kalayuan ay tahimik na nag-uusap sina Sic at May-I. Hindi ko marinig kung ano ang pinag-uusapan nila pero malamang ay tungkol na naman ito sa Hiyas.
Hiyas! Hiyas! Puro na lang Hiyas! Hindi ba nila naisip kung gusto kong sumama dito sa mundo ng mga engkanto? Pinahid ko ang luhang namuo sa aking mata. Gusto ko nang umuwi. Gusto ko nang maligo at magpalit ng damit at kumain ng hapunan.
"Ugh..." isang mahinang ungol ang nanggaling kay Adriel. Nakahiga siya sa lupa na nalalatagan ng malalaking dahon na tinipon namin ni May-I. Nilinis at nilagyan ni May-I ng halamang gamot at benda ang kaniyang sugat sa ulo. Gusto kong maawa pero mas nananaig ang aking inis.
"T-tubig..." mahinang bulong ni Adriel. Sinulyapan ko siya. Nakapikit pa rin siya ngunit nakakunot ang kaniyang noo. Tila nahihirapan siyang idilat ang kaniyang mga mata.
Kahit naiinis ako ay hindi naman ako pusong bato. Inabot ko ang sisidlan ng tubig na pinuno ni Sic galing sa isang bukal.
Iniangat ko ang ulo ni Adriel at pinalis ang ilang hibla ng kaniyang itim na buhok palayo sa kaniyang mukha. Inilapit ko ang tubig sa kaniyang mga labi. "Dahan-dahan lang," paalala ko.
Isang ngiti ang sumilay sa kaniyang labi matapos niyang uminom. "Salamat," aniya at iminulat ang kaniyang mga mata...
Napalunok ako sa pagtama ng aming tingin.
"Gising ka na pala," basag ni May-I sa tila mahika na bumalot sa amin. Agad kong binawi ang aking tingin ngunit patuloy pa rin ang mabilis na tibok ng aking puso. Kalma Amari, isa siyang engkanto. Na-e-engkanto ka lang.
Pesteng engkanto.
Huminga ako nang malalim upang kumalma ang tibok ng aking puso.
Tibok ng puso? Maryosep, ang corny.
'Na-engkanto ka lang! Na-engkanto!' Pilit kong inulit-ulit para matatak sa aking isip. Ganyan sila, kaya nilang makabighani ng kahit sino. Mas una ko dapat iniisip kung paano ako makakauwi! Tama, dapat na akong umuwi. Tiyak nag-aalala na ang aking Tatay at Lola.
"Nasaan tayo?" tanong ni Adriel. Hindi ko pa rin siya tinitingnan pero alam kong siya ay umupo na. Inilapit niya ang kaniyang mga kamay sa apoy upang mainitan ang mga ito. Napakakinis ng kaniyang balat na tila sa isang maharlika.
"Nasa ilaya ng bundok Sinukuang Tala," sagot ni May-I, "hinihintay natin ang mga natitirang tagapagtanggol." Ginamit niya ang kaniyang tungkod upang itulak ang ilang baga palapit sa gitna ng apoy.
"Gaano katagal ba akong mananatili dito? Kapag dumating ba sila ay pwede niyo nang kunin ang Hiyas? Gusto ko nang umuwi." Hindi ko hinahayaang makita nila akong umiiyak. Baka isipin ng mga engkanto na basta na lang ako susunod sa gusto nila. Aba, isinama na nga ako nang sapilitan, hindi ako papayag na sila ang magdikta ng lahat.
"Kailangan nating maglakbay patungo sa Talim ni Bathala. Doon nagtatago ang mga kasapi ng rebelyon," sagot ni Sic. "Doon natin gagawin ang ritwal ng Paghihiwalay." Ibinaba niya ang dala niyang balutan. Mayroong itong lamang mga prutas na hindi ko kilala. Kumulo ang aking sikmura. Talagang gutom na gutom na ako.
Mukhang masarap. Mabango ang halimuyak ng prutas at lalo akong naglaway. Nagugutom na ako pero natatakot ako. May mga nabasa akong kapag kumain ka o uminom ng kahit na anong galing sa mundo ng mga engkanto ay hindi ka na makababalik. Maaring nililinlang nila ako para hindi na ako makabalik sa amin.
"Kumain ka, Mahal na Hiyas," alok ni Sic, sabay abot ng isang pulang-pulang bilog na prutas. Nakatatakam. Lalo na nang marinig ko kung gaano kalutong ito habang nginunguya niya ang isa pa. Napalunok ako.
"Huwag mo akong tawaging 'Hiyas'. Tao ako, tao. Wala akong alam sa hiyas na sinasabi ninyo." Naaasar ako dahil parang ginagawa nila akong isang bagay tuwing tinatawag nila akong hiyas. Parang nawawalan ako ng halaga o ang halaga ko lamang ay dahil sa iniisip nila na nasa loob ng aking katawan na hindi ko naman ginusto.
Isiniksik niya ang prutas sa aking kamay. "Kumain ka na," sabi lamang niya. Aaminin kong ibang-iba siya matapos kong makuha ang kaniyang mahiwagang buhok. Napakaamo niya.
"W-wala ba itong...?" Hindi ko maituloy ang aking tanong. Malaki pa rin ang aking agam-agam.
"Hindi kita lalasunin." Kinuha niya ang prutas sa aking kamay at kinagatan ito upang patunayan ang kaniyang sinabi.
"Amari. Amari ang pangalan ko." Napangiti si Sic at tumango sa aking sinabi. Muli niyang inilagay ang prutas sa aking kamay. "Magagalit ako kung tatawagin mo ulit akong hiyas."
"Kumain ka, Amari." Sinsero ang kaniyang mga asul na mata. Mapayapa at malayo sa nagbabaga nilang anyo kaninang galit siya.
"Um, ano kasi..." Nahihiya akong tanggihan siya pero hindi naman ako tanga. Mas minabuti kong maglakas-loob. "Makababalik ba ako sa amin kahit kainin ko ito?" Napatigil sa pagkain ang lahat. Minabuti kong magpaliwanag. "M-may nabasa kasi ako na kapag kumain ka ng pagkain ng engkanto ay hindi ka na makakaalis sa inyong mundo."
Nakita ko ang pagsilay ng nakakalokong ngiti sa labi ni Sic. Maging si Adriel at May-I ay napakamot ng ulo.
"Ang sinasabi mo ay ang bunga ng punong Mamakhayon," paliwanag ni Adriel. "Iyon ay namumunga sa lagusan patungo sa mundo ng mga tao. Isinumpa ang prutas ng punong iyon. Ginawa ito upang hindi maghangad na kumuha ng kahit anong bagay ang sinumang maligaw dito sa mundo ng engkanto."
"Hindi ito Mamakhayon," nakangiting sabi ni Sic, "ayokong magkasakit ka dahil sa gutom kaya mangangako ako bilang iyong alipin: sinisiguro kong ibabalik kita sa iyong mundo, Amari."
"Ako man bilang iyong tagapagtanggol, ipinangangako kong ibabalik ka sa iyong mundo," wika ni Adriel.
Nagpapaligsahan na naman silang dalawa... Tiningnan ko ang prutas sa aking mga kamay bago inilapit ito sa aking mga labi.
"Siguraduhin ninyong tutupad kayo sa inyong pangako," babala ko sa kanila bago ako kumagat sa prutas.
At doon ko unang nalasahan ang pinakamasarap na prutas na natikman ko sa aking buong buhay. Napatitig ako sa bunga.
"Masarap di ba? Iyan ang prutas ni Lumawig. Miminsan lamang iyan mamunga kaya't agad kong pinitas nang aking makita," hindi ko halos napansin ang sinasabi ni Sic dahil patuloy ako sa pagnguya. Napupuno ng matamis na katas ang aking bibig. "Hindi ka magugutom sa loob ng tatlong araw. Mainam para sa mahabang paglalakbay."
Makatapos kumain ay naging abala sila sa pagpaplano kung saan ang pinakamainam na daan patungo sa tinatawag nilang Talim ni Bathala. Nakinig lamang ako at nalaman kong ito pala ang pinakamatarik na bundok sa mundo ng mga engkanto. Mahirap daw maabot ang tuktok nito kung diretsong aakyatin ngunit may lihim na mga lagusan na ginagamit ng mga rebelde.
Nangangati ang aking balat. Hindi ako sanay na matulog nang madumi. Mula pagkabata ay itinatak na ni Lola ang kahalagahan ng pagiging malinis sa katawan. Tumayo ako mula sa mga malaking dahon na inilatag ni Sic upang aking tulugan. Alam kong malapit lamang ang bukal na pinagkunan niya ng tubig na nadaanan namin kanina.
Nakakailang hakbang pa lamang ako sa kakahuyan ay naramdaman ko na ang sumusunod sa akin.
"Huwag mo akong sundan." Sana makinig kung sino man ang sumusunod sa aking utos.
"Saan ka pupunta?" Napabuntong-hininga ako sa boses ni Sic.
"Maglilinis," maikli kong sagot. Sinabayan niya ako sa paglalakad. "Akala mo tatakas ako? Hindi ko alam ang daan at alam kong kaya ninyo akong abutan. Utang na loob, wag kang sumama!" Nakakaasar, hindi ba sa kanila uso ang pagiging maginoo? O baka naman hindi ito parte ng kultura ng mga tikbalang? "Sic, maliligo ako!" Protesta ko.
"Shhh... masyadong malakas ang iyong boses. Baka mayroong nagmamanman sa atin." Agad akong napatingin sa paligid sa sinabi niya. "Mas makakampante ako kung sasamahan kita."
"P-pero... wag kang titingin!" Nag-iinit ang aking pisngi at nararamdaman ko ang bahagyang pagtaas-baba ng kaniyang mga balikat. "Huwag mo kong tawanan!"
"Patawad. Nakatutuwa pala ang mga tao... ngayon ko lang nalaman."
Narating namin ang bukal at itinulak ko siya sa likod ng isang malaking puno. "Huwag ka sabing titingin!" babala ko bago ako lumapit sa tubig. Nakatingin ako sa kaniyang likod para masigurong hindi siya haharap nang bigla habang tinatanggal ko ang aking damit. Naramdaman ko ang mainit-init na tubig ng bukal sa aking talampakan.
"Paano kung may aswang? O kaya nama'y itim na maligno?" tanong niya. Hindi ko alam kung tinatakot niya lamang ako o inaasar. O pareho.
"Sic, salbahe ka! Ayoko na sa'yo!" Nakakabwisit! Hindi dapat Sic ang pangalan niya kundi 'Bwisic'.
"Ito na. Hindi ako titingin. Pangako, bilang isang tikbalang." Hinubad ko ang aking damit at ibinabad sa tubig upang mabawasan ang putik na dumikit dito. Kumuha ako ng bato sa pampang na panghilod. Walang sabon pero mainit ang tubig at nakakaengganyo ang magbabad.
"Ang tagal mo. Bilis at malamig ang gabi, baka ikaw ay magkasakit." Nagmamaktol ang tinig ng tikbalang na nakatalikod. Alam kong nagmamasid siya sa paligid. Tama nga yata ang mungkahi ni May-I na pag-isipan ko ang pag-aari sa anting-anting ng tikbalang.
Isa-isa kong piniga ang aking damit at isinuot muli. Nanginig ako sa mahinang ihip ng hangin. Hindi yata mainam ang naisip kong labhan ang aking damit. Baka magkasipon ako...
Napatitig ako sa aking repleksyon sa tubig. P-parang kumurap ito nang kusa...
Hindi ako nagkakamali. Gumalaw itong muli.
"S-Sic!" Napatili ako nang ngumiti ang aking repleksyon. Humangos sa aking tabi ang tikbalang.
"Anong nangyayari?" tanong niya. Malikot ang kaniyang mga mata at nagbabaga. Tanda na siya'y handang makipaglaban.
"A-ang tubig!" Sabay turo ko. May bumubukal mula sa gitna ng tubig. Unti-unting umaangat ito hanggang sa magbago ng anyo... "May maligno sa tubig!"
Sa gitna nito ay dahan-dahang humuhulma ang likidong 'tila pilak na salamin.
"Huwag kang matakot, binibini. Ako si Ilona, ang Lambana ng Tubig." Isang matamis na ngiti ang sumilay sa maliit at napakarikit na mukha ng babaeng umangat mula sa tubig ng bukal.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro