Ikalabing-Isang Kabanata: Ang Simula ng Katapusan (unedited)
Hindi, hindi, hindi...
Hindi ko sinasadya...
"Kailangan na nating umalis," anas ni Sic. Hindi ko halos maramdaman ang aking buong katawan. Sa gitna ng mga alab ay naaaninag ko pa si Aran. Hindi... hindi ito ang gusto kong mangyari. Gusto ko siyang iligtas.
Mahal na Bathala...
Nahihilam ng mga luha ang aking mga mata. Nang hindi ko na kinaya ay yumakap na lamang ako kay Sic. Nagsimula na siyang gumalaw. Palayo... pabalik sa mundo ng mga tao.
Manhid ang aking buong katawan. Paanong nangyari ito?
Hindi ko maalala ang aming paglalakbay pabalik. Naramdaman ko na lamang ang damuhan sa aking paanan at ang libo-libong naglilisik na mata nang iangat ko ang aking paningin. Malakas na itim na puwersa ang lumulukob sa paligid.
Pero hindi ko magawang kumilos. Masyado pang sariwa ang mga apoy na lumamon sa aking dalawang tagapagtanggol. Naririnig ko pa ang kanilang panaghoy sa hangin, ang kanilang anino sa aking balintataw... pakiramdam ko ay may naglahong kung ano sa aking puso.
"Haraya, kalasag." Nabuo ang tila ipo-ipong nagpaangat sa mga dahon sa lupa. Nagsilbi itong harang sa amin mula sa mga nababaliw na engkanto at aswang. Isa-isa nilang sinusubok na basagin ang kalasag ngunit itinutulak sila nito pabalik.
Ang hiyas.
Tila simpleng batong kulay puti lamang ito. Madiin ang aking pagkahawak... ramdam ko ang kapangyarihang nagsusumigaw mula rito. Mas lalo kong nakita ang pagnanasa sa mga mata ng nakapaligid sa akin.
"Haraya, kailangan nating makarating sa pinakamalapit na lagusan." Lumuhod sa lupa si Sic at umusal ng kapirasong dasal. Hawak niya ang kaniyang kuwintas at ang isa ay inabot ang aking kamay kung saan naroon ang hiyas.
"Mayroong lumang lagusan dito sa bundok ngunit mapanganib. Ang dulo nito ay direktang lalagos sa Tore ng mga Pantas." Napapikit si Sic at mariin na napamura.
"Wala na tayong oras," may pagkahapo sa kaniyang tinig. Hinigit niya ang aking kamay at ako'y napaupo sa kaniyang tabi. "Mapanganib ang Tore, napapalibutan ito ng mga aswang na tagapagbantay ni Sitan. Huwag kang bibitiw ulit." Napatango ako kahit na wala ako sa sarili. Tila wala akong lakas na mag-isip. Paulit-ulit sa utak ko ang nangyari kani-kanina lang. Napakalakas ng kapangyarihan ng hiyas... kaya ko bang kontrolin ang kapangyarihan nito?
Nawawalan ako ng kumpiyansa sa aking kakayahan. Ako ba'y sadyang sisidlan lamang na walang ibang silbi?
"Ngayon na!" Buong lakas na sinuntok ni Sic ng kaniyang kamao ang lupang aming kinatatayuan. Bolta-boltaheng enerhiya ang kumawala. Naramdaman ko ang malakas na pagdaloy ng kapangyarihan ng hiyas sa aming magkahawak na kamay at ang pagsabog nito sa palibot ng kalasag na ginawa ni Haraya. Nagliwanag ang parang na animo may tumamang bulalakaw sa lupa. Nabitak ang lupa at umangat ang malalaking tipak nito. Nilamon ng lupa ang mga engkanto at aswang habang ang iba naman ay tinamaan ng malalaking batong pumailanlang.
Habang nahihilo pa ang mga engkantong tinamaan ng magkahalong puwersa ng hiyas at ng elemento ng lupa ay gumalaw na si Sic. Hinablot niya ako at nagsimulang tahakin ang landas patungo sa lumang lagusan.
"Ang hiyasss...." Unti-unting nagsisimulang gumalaw ang mga natitirang kampon ni Sitan. Ang ilan ay umaahon mula sa pagkakalibing mula sa mga guho at malalaking bato. Ilang beses na tinadyakan ni Sic ang mga kamay na humahablot sa kaniyang mga binti. Nakakapanindig-balahibong alulong ang maririnig sa mga tinatamaan niya. Napakagat ako sa aking labi at kinulong ang aking mga hikbi sa kaniyang matipunong braso. Tikatik ang pawis sa kaniyang mainit na balat at may mga kalmot kung saan umaagos ang dugo at humahalo sa putik. Pagod na kaming lahat sa pagtakas.
"Aaaa!" Napatilapon ako sa pagpulupot ng higanteng buntot na may makapal na itim na balahibo sa mga paa ng tikbalang. Masakit ang pagbagsak ko at paggulong sa lupa. Napasinghap ako pagkakita sa higanteng unggoy na may mabalasik na mukha.
"Magbabayad ka!" Agad na hinarap ni Sic ang nilalang. Nakapulupot pa rin ang buntot nito at pilit kumakawala ang tikbalang. Sinuntok niya nang sinuntok ang buntot ng halimaw na siyang nagalit at iwinasiwas siya at inihampas sa lupa. Nakita ko ang masaganang pagsargo ng dugo mula sa ulo ni Sic.
Napapiksi ako nang maitukod ko ang aking braso sa lupa upang umangat. Parang nabali yata ang aking buto ngunit abot-abot ang aking kaba. Si Sic!
Kambal na ipo-ipo ang tumama sa mukha at buntot ng halimaw.
"Amari!" Lumipad si Haraya kung saan ako nakatayo. Inalalayan ko ang aking braso gamit ang isa ko pang kamay. Nagwawala ang halimaw at pilit na kumakawala sa ipo-ipo. Pinag-igting ni Haraya ang hanging bumabalot dito. Umaangat ang mga sanga at malalaking tipak ng lupa at humahalo sa ipo-ipo.
"GRAAAAAAAAA!" Unti-unting lumuluwag ang pagkakapulupot ng buntot nito. Agad akong tumakbo palapit.
"Amari, mapanganib ang Ikugan!" Nilamon ng malakas na ugong ng hangin ang tinig ni Haraya. Pilit kong hinila si Sic mula sa pagkakaipit.
"Umalis ka na, Amari..." nanghihina niyang bulong. "Umalis ka na... ang hiyas ang mas mahalaga."
"Wala akong pakialam, hindi kita iiwan!" Naghahalo ang aking mga luha at dumi sa mukha. Kumikirot ang aking braso ngunit pilit kong tinatanggal ang kaniyang katawan mula sa pagkakaipit. Isang malakas na ungol mula sa halimaw at bigla na lamang umigkas ang buntot nito.
"Aaaa!" Natangay ako sa paghampas nito sa lupa. Gumulong ako palayo. Tumatama ang iba't-ibang bagay sa Ikugan na dala-dala ng marahas na paghampas ng hangin. Sa pagnanais nitong makalayo ay nabitawan nito si Sic.
"Sic!" Agad akong tumakbo kung saan siya bumagsak. Dugo... napakaraming dugo. Agad na napuno ang aking mga kamay at damit.
"Sic..." Nakapikit ang kaniyang mga mata at ang bawat hininga niya ay sumisigok. Bumubulwak ang dugo mula sa kaniyang ilong at bibig. Malayo sa magiting na tagapagtanggol na una kong nakilala... ngayo'y tila manyikang nilasog siya. Kahit hindi ako doctor, alam kong hindi natural ang pagkahandusay ng kaniyang mga binti. Bawat pagsigok niya'y nagbabadya ng kaniyang huling hininga.
"Sic..." Nababasa ko ng aking mga luha ang dugo sa kaniyang mukha. "Sic..." Kailangan niya ako ngayon...
Dumaan sa aking isip ang mga imahe ni Sic... kung ilang beses niya na akong iniligtas... ngayo'y panahon upang ako naman ang magligtas sa kaniya. Hindi ko alam kung paano ko gagawin.
'Ang agam-agam ay maaaring mapaglabo ng iyong pagtitimbang sa sitwasyon.'
Mga salita ni Nanay. Ipinatong ko ang hiyas sa ibabaw ng dbdib ni Sic. Mahina ang pag-angat-baba nito sa kaniyang hininga.
"AMARIII!" Hiyaw ni Haraya. Pinalis ng Ikugan ang kaniyang ipo-ipo. Nabasag ang mahika at tumilapon ang diwata ng hangin. Nakita ko ang marahang paglingon ng nagbabagang mga mata ng halimaw. Pumikit ako at ipinatong ang aking mga kamay sa dibdib ng aking tagapagtanggol.
***
Mainit... nag-aalab. Nararamdaman ko ang pagdampi nito sa aking balat. Bahagya kong iminulat ang aking mga mata. Ang balat na kanina'y tigmak ng dugo ay unti-unting bumabalik sa dati nitong anyo. Nagiging makinis ang balat na tila walang nangyaring karahasan kani-kanina lamang. Ang hiyas sa aking kamay ay bumabalot sa aming dalawa at nagbibigay ng kakaibang lakas. Ang paraan ng kaniyang paghinga ay naging mas maluwag. Nararamdaman ko rin ang unti-unting pagbubuo ng bawat himaymay ng laman at buto sa aking braso.
Tunay na makapangyarihan ang hiyas.
Dahan-dahang nagmulat ng mata si Sic. Hindi ko napigilan ang aking galak na muling makita ang kaniyang mga mata. Padaluhong ko siyang niyakap.
"Huwag kang umiyak," bulong niya. Parang nahihiya ang kaniyang pagkakasabi nito. "Ang Iku—" natigil siya sa pagsasalita nang umuga ang lupa. Napaangat ako at nakita kong halos mapipi na si Haraya na siyang pinipigil ang halimaw gamit ang kaniyang mahika.
"Haraya!" Hindi siya lumingon. Masyado siyang abala sa paghabi ng mahika upang pigilan ang higanteng umaalpas sa hanging kaniyang hinabi bilang tanikala nito. Dinampot ko ang hiyas at umakmang sasaklolohan ang diwata ngunit binuhat ako ni Sic at lumundag kami upang hablutin sa pangil ng maninila ang munting diwata.
"Buhay ka!" Nanlalaki ang mata na bulalas ng diwata at niyakap at hinalikan ang tikbalang. "Akala ko patay ka na!"
"Hoy tumigil ka nga sa kakaatungal, nasa panganib pa tayo," saway ni Sic. Nakita kong namula ang kaniyang mga pisngi.
Mula sa kung saan ay may apoy na bumalot sa Ikugan. Pumalahaw ang halimaw na siyang dahan-dahang bumagsak sa lupa. Isang linya ng liwanag ang siyang nagsimula mula sa talampakan nito at gumuhit paakyat sa ulo. Kahindik-hindik ang pagtilamsik ng masangsang na dugong sumirit mula rito. Nangisay ang Ikugan bago ito tuluyang bumagsak na walang-buhay sa lupa.
Mula sa mga apoy at usok ay lumabas ang isang nilalang. Puti ang kaniyang kasuotan at sa kaniyang kamay ay naroon ang Tarak ng mga Santelmo. Matamis ang ngiting naglalaro sa kaniyang mga labi.
"A-Aran..." Hindi ako makapaniwala... paanong? Nakita kong nilamon siya ng apoy.
'Mula sa alabok ay didiligin ang bagong anyo, anyo na siyang pinadalisay ng apoy ni Bathala.'
Naramdaman kong kusang kumilos ang aking mga paa, papunta sa kaniyang mga naghihintay na bisig. Inikot niya ako bago ibinaba sa lupa.
"Aran..."
"Hindi ba sinabi kong proprotektahan kita?" Bulong niya bago ko naramdaman ang dampi ng kaniyang labi sa akin. Nag-uumapaw ang aking puso sa pagbabalik ng aking mahal na tagapagtanggol.
***
"Mauuna ako, sumunod kayo." Pumasok si Sic sa guwang ng higanteng puno. Nararamdaman ko ang paghigop ng kapangyarihan sa paligid na naghuhudyat na magbubukas ang portal. Lumiwanag at tila may salamin na namuo sa bukana ng guwang. "Maghanda kayo, maaaring nasakop na ni Sitan ang kabilang mundo." Nakikita ko ang kabang pilit tinatago ng aking tagapagtanggol. Pinisil ni Aran ang aking nanlalamig na kamay upang pakalmahin ako.
"Huwag kang mag-alala," bulong niya. "Matatalo natin ang kadiliman." Napansin ko ang malaking pagbabago sa kaniya. Wala na ang malamig na nilalang na una kong nakaharap sa madawag na kawayanan.
"Aran, hindi ko pa rin maintindihan kung anong nangyari."
"Ang apoy ni Bathala, Amari. Tinupok nito ang kasakiman at kabuktutan. Siyang may maitim na balak ay nilamon ng apoy. Salamat sa iyo."
"Kung gayon, totoo ang sinabi ni Ilona tungkol sa iyo?" Napatango siya.
"Ngunit nagbago na ang aking pananaw dahil kay Inay Adara at Kuya Adriel. Inaamin Kong nagsimula ang lahat sa panlilinlang, ngunit hindi na ako ang paslit na si Aran na siyang sunud-sunuran upang tanggapin ng kaniyang ama. Napagtanto ko kung ano ang tunay na mukha ng pagmamahal sa kanlungan ng tanging pamilyang nagisnan ko."
Nakagagaan ng kaloobang malaman na hindi totoo ang kasabihang kung ano ang puno ay siyang bunga. Nasa pagpapalaki ng tama at pang-unawa ang kahihinatnan ng kinabukasan ng isang nilalang. Nasa kaniya ang pagpapasya kung aling landas ang kaniyang tatahakin.
Nang makalampas sa portal si Sic ay naghanda naman kaming dalawa ni Aran. Pagsayad nang aking mga paa sa bukana ng portal ay naramdaman ko ang pamilyar na pag-anod ng lagusan sa gitna ng dalawang mundo. Lubos akong natatakot lumangoy mula pagkabata, ngunit sa mahigpit na yapos sa akin ni Aran ay di ko alintana ang paglangoy sa pagitan ng dalawang mundo.
Kasimbilis ng kisapmata ang aming pagbulusok sa portal. Nang iniluwa kami'y inalalayan ako ni Aran na makatayo. Pag-angat ko ng aking mga mata'y kinilabutan ako sa nakapalibot na nanlilisik na mga mata at mga pangil na nangingislap sa sariwang dugo. Ang liwanag ng buwan ay tila nababalutan ng dugo na siyang lalong nagpatingkad sa hukbo ng mga kampon ni Sitan. Maririnig ang pagdaing at panaghoy sa di–kalayuan. Ang lambong ng gabi ay pinapawi ng panaka-nakang kislap ng liwanag sa kalangitan mula sa mahikang nagsasalpukan sa pagitan ng mga engkanto sa Talim at ng libu-libong mandirigmang elemental ni Sitan na naglalaban sa kakahuyan.
Sinenyasan ako ni Sic na umatras. Mula sa aming likuran ay narinig ko ang pagbubukas muli ng portal at pagluwa nito kay Haraya. Ang buong liwasan ay puno ng kampon ni Sitan at ang ilan sa kanila ay lumilipad sa kalangitan o kaya ay nakaupo sa mga pader o nakasilip mula sa mga puno. Ang Palasyo ay direktang nakaharap sa Tore ng Pantas. Halatang matinding labanan na ang nagdaan dito pagkat wasak-wasak ang moog nito at nagbagsakan ang ilang pader. May mga nabubulok na patay sa paligid na siyang nagdadala ng masangsang na amoy ng kamatayan.
"Ang hiyasss..."
Walang sabi-sabing sumugod ang mga nag-aabang na kampon ni Sitan. Hinugot ni Aran ang Tarak mula sa kaniyang tagiliran habang hinubad ni Sic ang kaniyang pang-itaas upang walang makahadlang sa paggamit niya ng mga matatalim na pangil sa baluti ng kaniyang mga braso at bisig.
Sa saliw ng mga hiyawan ay nagsimula na ang sayaw ng kamatayan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro