Ikaapat na Kabanata: Ang Hiyas ni Bathala (unedited)
''Magaling Amari.'
Ako'y lumulutang sa gitna ng kadiliman. Mainit-init ang lugar na iyon ngunit napakapayapa.
Sino ka?
'Tama... Tama ang napiling sisidlan.'
May liwanag na namumuo sa gitna ng kadiliman.
Sino? Sino po kayo?
'Hindi ka mag-iisa. Magtiwala ka sa iyong mga tagapagtanggol...'
Sandali, sino ka?
***
Hindi ko alam kung ilang oras akong nakatulog ngunit madilim pa rin sa pagmulat ng aking mga mata. May mahinang ulan na mukhang walang balak tumila. Tahimik ang bawat isa sa amin habang nagpapainit sa harap ng maliit na siga. Mga malalaking sanga at dahon ng puno na itinayo at hinabi ng mga baging ang tangi naming panangga sa mahinang ambon ngunit nagagawa pa rin ng ulan na lumagos sa mga maliliit na siwang.
Natalo namin ang Oriol. Buhay pa kami.
Napausal ako ng isang maikling dasal bilang pasasalamat. Masakit ang aking buong katawan at mahapdi ang mga sugat na galing sa matutulis na tinik ng balakbak ng kapok. Pero buhay kaming lahat.
Umuusok ang hininga ng bawat isa. Walang salitang tumayo si Adriel at hinubad ang kaniyang balabal upang ipatong sa aking nanginginig na mga balikat. Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa makabalik siya sa kaniyang upuan sa makitid naming pananggalang.
"Salamat," ani ko. Sinuklian niya ang aking pasasalamat ng isang maliit na ngiti. "Matagal ba akong nakatulog? Gabi na ulit."
"Umaga pa lang, Amari," baling sa akin ni Sic. "Malapit nang magtanghali."
"Magtatanghali na? Pero bakit ang dilim?" tanong ko. Sumulyap ako sa makulimlim na langit na puno ng makapal na ulap. "Umuulan pa rin."
"Tatlong dekada nang umuulan."
T-tatlong... dekada?
"Huwag mo akong tingnan ng ganyan." Gamit ang daliri ay isinarado ni Sic ang aking nakaawang na bibig. Ni hindi ko namalayan ito. "Mula nang mawala ang Hiyas sa Tore ng mga Pantas ay hindi pa tumitila ang ulan."
"Tatlong dekada? Pero tatlong taon pa lang nang magsimula akong makakita ng mga engkanto!"
"Iba ang daloy ng panahon dito sa mundo ng mga engkanto," paliwanag ni Adriel. "Ang tatlong taon ay mahigit tatlong dekada na dito. Musmos pa ako nang mawala ang hiyas sa tore." Sinulyapan ko si Adriel. Ngayon ko lang naisip na mahirap malaman ang kanilang mga edad kung totoong mas mabilis ang daloy ng panahon sa mundong ito.
"Ibig sabihin kahit matagal ako dito ay hindi agad mapapansin ng aking pamilya?" Sa pagbanggit ko sa kanila ay muling sumagi sa aking puso ang matinding pangungulila. Malapit ako kay Tatay at Lola at hindi pa ako nawawalay sa kanila ng matagal.
"Ganoon nga," pagsang-ayon niya. Tahimik akong nag-isip. Ang totoo gusto kong malaman ang tungkol sa sinasabi nilang hiyas. Dahil sa mga nangyari kanina ay napagtanto ko kung gaano kalaking panganib ang aking kinakaharap.
Hindi ka mag-iisa. Magtiwala ka sa iyong mga tagapagtanggol...
Hindi ko alam kung sino ang nasa aking panaginip, o kung panaginip ngang maituturing ang nangyari kanina. Isa lang ang alam ko, kailangang maibigay ko na ang hiyas upang makauwi na ako at maibalik sa dati ang mundo ng mga engkanto.
"P-pero tatlong dekada..." Hindi ko mawari kung paano sila namumuhay sa ganitong kondisyon; sa mundo ng walang katapusang ulan.
"Ano ba talaga ang Hiyas?" Ito ang tanong na siyang kanina pa bumabagabag sa akin. Gusto kong malaman kung bakit nila pinag-aagawan ang sinasabi nilang hiyas. Humugot ng malalim na hininga si Sic bago siya nagsalitang muli.
"Ang hiyas ang liwanag ng aming mundo," paliwanag ni Sic. "Ang mga daluyan ng enerhiya mula sa mundong ibabaw ay naiipon sa Tore ng mga Pantas at sinasala ng hiyas upang magamit ng mga nilalang dito sa aming mundo bilang salamangka."
"Bakit kailangan ninyo ng enerhiya galing sa mundo ng tao? Wala bang natural na enerhiya ang mundo ng mga engkanto?"
"Nilalang kaming walang kaluluwa Amari. Tanging mga nilalang sa mundong ibabaw ang mayroon nito kaya nakapaglalabas sila ng enerhiya, ngunit biniyayaan naman kami ng kakaniyahan na manipulahin ito. Sa ganitong paraan ay nagkakaroon ng interaksyon ang ating dalawang mundo. Nagbabalanse ang mga enerhiya," paliwanag niya.
"Ang bawat pagkilos at paggawa ay naglalabas ng enerhiya. Ang negatibong enerhiya ay iniipon ng mga tagapagbantay patungo sa mga daluyan. Ang positibong enerhiya naman ay nagsisilbing proteksyon sa mga lagusan patungo sa inyong mundo. Mayroong tinatawag na mga engkantong tagapagbantay sa mundong ibabaw na naatasan upang bantayan ang mga daluyan at itaboy ang sinuman na mapadpad sa mga lugar na pinag-iipunan nito."
"Minsan may mga nakakawalang ligaw na engkanto at aswang. Sila iyong naghahangad ng mas maraming kapangyarihan at nananahan sa mundo ng mga tao upang higupin ang kanilang enerhiya gamit ang pagkitil at pagkain ng laman. Ito ay labag sa mga kautusan ni Bathala."
"Ngunit nang mawala ang hiyas sa Tore ng Pantas ay nawala ang pinagkukunan ng mahika ay mas dumami ang mga engkanto at maligno na umakyat sa mundong ibabaw upang magnakaw ng enerhiya. Marami sa kanila ang naroon at naghahasik ng lagim. Sila'y nakapag-a-anyong tao."
"Kapansin-pansin nga ang pagdami ng krimen sa mga nakaraang mga taon, ito ba'y konektado sa hiyas?" Kinilabutan ako. Maaaring araw-araw ay nakakasalamuha pala ng mga tao ang mga maligno, demonyo at aswang ng hindi nila alam?
"Oo. Parami nang parami ang mga kampon ni Sitan na naghahasik ng lagim sa mundong ibabaw," napailing siya. "Hindi dapat ganito. Nawala ang balanse ng dalawang mundo. Kapag tuluyang nasakop ni Sitan ang mundo ng mga tao ay hihigupin niya at ng kaniyang mga kampon ang lahat ng enerhiya. Mamamatay ang inyong mundo kagaya ng unti-unting pagkamatay ng mundo ng mga engkanto."
"Ngunit bakit ako? Napakarami naman sigurong ibang mas may higit na kakayahan, pero bakit sa akin ipinagkaloob ang hiyas?" Ito'y isang biyaya at sumpa.
"Hindi ko alam ang sagot sa tanong na iyan. Maging ako ay nahihiwagaan," pag-amin ni Sic.
Saglit akong natahimik upang pag-isipan ang aking mga nalaman. Napakarami ko pa ring tanong ngunit kahit papaano ay mayroon nang nasagot sa mga ito. Siguro naman ay hindi ako niloloko ni Sic. Dahil sa kaniyang ginawang pagtatanggol sa akin kanina ay nagkaroon na ako ng kaunting tiwala sa kanila.
"Nasaan nga pala si May-I?" Kanina ko pa napapansin na wala ang laman-lupa.
"Nariyan sa tabi mo," sagot ni Adriel.
"Ha?" Nagpalinga-linga ako pero wala namang nuno sa aking tabi.
"Ayan, nakasandal ka pa nga sa bahay niya."
Napatingin ako sa umbok ng lupa kung saan nakahilig ako. "May-I?"
"Hindi, hindi 'yan si May-I," natatawang sagot ni Sic, "iyan ang kanyang punso."
Isang guwang ang namuo sa gilid ng punso at nagkorte itong mukha ng nuno.
"Ay palaka!" Napatalon ako sa gulat.
"Hinahanap mo ba ako, binibini?" Nakangiti niyang tanong sa akin. Tuluyan nang iniluwa ng punso ang kanyang buong katawan.
"A, e... n-nagtatanong lang ako." Napakagalang ng nuno sa punso. Iba siya sa mga nababasa ko sa libro na masungit at nagbibigay ng parusa sa mga tao. "Iyan bang punso ay ginawa mo dito?"
"Hindi binibini," nakangiti niyang sagot. Umupo siya sa ibabaw ng kaniyang punso at naglabas ng tabako. "Ang mga nuno ay mayroon lamang iisang punso. Ang paggawa ng sariling punso ay isang ritwal na nagpapatunay na ganap na ang pagiging bihasa ng isang nuno sa paggamit ng salamangka." Sinindihan niya ang kaniyang tabako at hinithit ito. Hindi mabaho kagaya ng sa sigarilyo ang amoy ng mga dahon na kumalat sa paligid.
"Ibig mong sabihin ay palagi mong dala ang iyong punso?"
"Oo, binibini. Hindi mailalayo ang isang nuno sa kanyang punso." Upang patunayan ang kanyang sinabi ay bumaba siya sa kanyang punso at bumigkas ng isang salita kasabay ng pagkumpas ng kaniyang tungkod. Bahagyang lumaki ang punso at umuga bago ito unti-unting lumiit hanggang sa kasinglaki na lamang ito ng bato. Pinulot ito ni May-I at ibinulsa.
Nakakamangha! Sino ang mag-aakala na portable pala ang mga punso?
Unti-unti ay nakikilala ko ang mga nilalang na noo'y nababasa ko lamang sa libro. Isang tikbalang, isang nuno, at isang...
Teka, hindi ko nga pala alam kung anong klaseng nilalang si Adriel.
"Kung wala ang Hiyas sa Tore kagaya ng sinasabi ninyo, bakit nakakagamit pa rin kayo ng salamangka? Gumamit kayo ng salamangka laban sa Oriol," tanong ko.
"Mayroon pa ring naiipong enerhiya sa mga daluyan. Hindi pa lahat ito ay napasakamay ni Sitan. Ang aming mga kasama ay nananatiling tagapagbantay ng mga natitirang daluyan," sagot ng tikbalang. "Ngunit araw-araw kaming sinasalakay kaya't naisipan ng konseho na ipadala ang apat na tagapagtanggol upang hanapin ang hiyas."
Saglit akong nanahimik upang namnamin ang kaniyang mga salita. Kung kahapon ay gusto ko lamang umuwi, ngayon ay napupuno ako ng alinlangan sa aking mga nalalaman.
Isang digmaan ang nangyayari sa mundo ng mga Engkanto na maaaring sumakop rin sa mundo ng mga Tao. Isang digmaan na maaaring tumapos sa aming lahi ngunit wala kaming kaalam-alam.
"Hanggang kailan tayo maghihintay sa ibang tagapagtanggol?" Basag ni Adriel sa katahimikan. Pinagmasdan ko siya. Hindi naman siya mukhang aswang o maligno. Hindi siya mukhang kapre o halimaw.
"Bibigyan natin sila hanggang ngayong gabi. Kung hindi sila dumating ay kailangan na nating maglakbay papunta sa Talim. Kapag nagtagal tayo rito ay hindi natin alam kung sinong susunod na kampon ni Sitan ang darating." May bahid ng pag-aalala ang boses ni May-I.
Ikiniskis ko ang aking mga kamay sa isa't isa upang makapagpainit. Iginala ko ang aking mga mata sa paligid. Ano kaya ang hitsura ng kanilang mundo noong ang hiyas ay narito? Kasing-ganda kaya ito ng mundo ng mga tao?
"Kailangan nating maging handa. Nararamdaman kong mayroon pang mas malalakas na halimaw ang ipapadala upang mapigilan tayo," sabi ni Sic.
Mas malakas pa sa Oriol? Ngunit ang dami na naming natamong sugat dahil sa kanya. Paano kung mas higit pa ang aming kakaharapin?
Parang lalong lumamig ang paligid sa kanyang sinabi. Lalo kong iniakap sa aking sarili ang balabal ni Adriel.
"Gusto mo ba akong samahan na kumuha ng tubig?" Tinapik ni Adriel ang aking balikat. Tumango ako at tinulungan niya akong tumayo.
"Alagaan mo si Amari," paalala ni Sic. Nakasimangot siya. Hindi ko alam kung bakit siya naiinis sa tuwing lalapit si Adriel sa akin.
"Hindi mo na ako kailangang sabihan, tikbalang." Kahit si Adriel ay mukhang hindi siya gusto.
"Nililinaw ko lang."
Mabuti na lamang at hindi na sumagot si Adriel. Nauuna siya at sinisigurado ang aming daraanan. Maputik ang sahig ng kagubatan at napupuno ng mga basang dahon at nabubulok na mga sanga. May mga sapot ng gagambang kumikinang sa mga puno. Mga huni ng ibon at tawag ng mga hayop ang maririnig sa paligid. Hindi ko alam kung paano nila natatagalan ang nakababagot na panahon. Bigla akong nangulila kay Haring Araw.
"Mag-ingat ka, dadaan tayo sa ibabaw nitong troso." Inalalayan ako ni Adriel. Napakamaginoo niya. Napakatahimik din. 'Di kagaya ni Sic na madaldal, pero parang mas gusto ko yata ang ingay ng tikbalang.
"Adriel, anong klaseng nilalang ka?" basag ko sa mahabang katahimikan.
"Ako? Isa akong elemental, Amari." Ngumiti na naman siya at nag-init ang aking pisngi. Tila may hatid na kiliti na hindi ko maintindihan tuwing siya ay ngingiti.
Ano ba Amari, gitna ito ng kawalan sa mundo ng mga engkanto ay nagkakagusto ka pa sa isang elemental? Pero talagang makisig si Adriel at misteryoso.
"Anong klaseng elemento?"
Inilahad ni Adriel ang kaniyang kamay sa harap ko. "Isa akong elemental ng apoy." Naramdaman ko ang puwersang namuo sa gitna ng kaniyang palad bago may kumislap na parang dagitab at nabuo ang maliit na bolang apoy, "at isa akong pantas kagaya ng aking ama." Namatay ang apoy sa pagtikom ng kaniyang kamao.
"Iyan ba talaga ang iyong tunay na anyo?"
Natawa siya ng bahagya. "Isa akong santelmo, Amari. Kailangan ng salamangka upang ako ay makapagpalit ng anyo."
Hindi ko inakala na isa siyang santelmo. Ang pagkaintindi ko sa kanilang elemento ay mapusok at marubrob ang damdamin pero si Adriel ay tila napakalamig. Mas nababagay sa kanya ang elemento ng hangin o tubig.
Sabagay, ito ang disenyo ng kaniyang kris, pati na rin ng kaniyang damit. Hay, iba lang siguro ang mga nasa libro. Baka mali ang nabasa ko.
Tahimik lamang ang aming pagkuha ng tubig. Mukhang malalim din ang iniisip ni Adriel at mas pinili ko rin ang magnilay-nilay sa mga nangyayari sa akin.
Pagbalik namin ay mayroon ng bagong dating sa aming munting kampo.
Minasdan ko ang kaniyang anyo. Napakaliit niya at tila kasya siya sa aking palad. Ang kaniyang katawan ay nababalot ng kumikinang na liwanag.
Isang lambana.
"Ikinagagalak kitang makilala, Mahal na Hiyas," ani ng maliit na tinig na mula sa napakarikit na mukha. Ang kaniyang buhok ay ginto at umaalon sa kanyang likod. Nakasuot din siya ng gintong damit at may palamuting mga bulaklak sa buhok. "Ako si Haraya, diwata ng Hangin."
"Sigurado na ba kayo sa isang ito?" May alinlangan kong tanong. Baka mamaya kagaya na naman ito ng Oriol.
"Naipakita na niya ang patunay, binibini." Sagot ni May-I. Hindi pa rin nawawala ang pagdududa ko. Mahirap nang masalisihan.
"Huwag kang mag-alala, Mahal na Hiyas, handa akong ialay ang buhay ko para sa iyong kaligtasan." Siya ay lumuhod at nagbigay-galang. "Magtiwala ka sa iyong tagapagtanggol."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro