Ika-Siyam na Kabanata: Ang Apoy ni Bathala (unedited)
"Sigurado ka bang ligtas tayo?" bulong ko kay Sic. Mahigpit ang kapit ko sa kaniyang braso habang pinagmamasdan ang mahabang prusisyon ng mga engkantong sumusunod sa aming munting grupo. Madaling-araw kami nagsimulang maglakbay paakyat. Sa una ay paisa-isa lang silang nakikita sa mga siwang ng dahon at anino ng puno. Naisip kong baka nakikisabay lang sila o nagtataka sa aming munting grupo, ngunit padami sila nang padami habang patuloy ang aming paglalakbay sa kakahuyan. Paliit ng paliit ang dinaraanan namin at mahirap makita ang daan dahil sa makapal na kulap na nakalatag sa lupa.
"Nararamdaman nila ang puwersa ng hiyas kaya sila naaakit na sumunod. Huwag kang masyadong malikot upang hindi matanggal ang mahikang tagabulag." Inayos niya ang aking mga binti na nakakapit sa kaniyang baywang.
"O, kainin mo." Iniabot sa akin ni Sic ang prutas ng Lumawig. Nakakahiya, marahil ay kanina pa niya naririnig ang pagkalam ng aking sikmura. Naalala kong biskuwit lamang na kinuha ko sa aming kusina kahapon ang aking umagahan.
"Salamat." Mabilis kong naubos ang pagkain. "Malayo pa ba tayo?"
"Mga ilang kilometro pa," sagot niya. Walang bahid ng hingal ang tikbalang kahit na halos apat na oras na niya akong pasan. "Magpahinga ka lang diyan."
Napakabait ni Sic. Hindi ko alam kung dahil ba sa hawak ko ang kanyang gintong buhok, o dahil sa hiyas, o sadyang mabait lang siya. Ano man ang dahilan, nagpapasalamat ako dahil nararamdaman kong tapat siya sa kaniyang hangarin na ako'y pangalagaan. Siguro kung may matalik akong kaibigan na lalaki, siya na 'yon.
Lumundag si Ilona malapit sa amin at sinabayan si Sic. "Mas mabilis ang kanilang paggalaw," ani niya. "Mahirap itago ang presensya ng hiyas. Pinapalibutan nila tayo."
"Basta tuloy-tuloy lang. Huwag ka nang lilingon," sagot ng tikbalang. Ilang sandali pa at nakarinig kami ng isang panaghoy kasunod ang tunog ng pagbagsak ng troso.
"Bilisan natin!" Hiyaw ni Haraya.
"Anong nangyayari?" tanong ko. Naramdaman kong humigpit ang kapit ni Sic sa aking mga binti. Sa sobrang bilis ay hindi ko na halos makita ang aming dinaraanan.
"Ang mga engkanto. Nag-aaway sila. Lahat ay gustong makuha ang hiyas."
Diyos ko, para akong may tanim na bomba sa aking katawan. Lahat na lang gustong makuha ang hiyas!
"Masyado na silang malapit Ilona. Masusukol nila tayo," babala ni Sic. Tumango si Ilona at inilabas ang mahiwagang lambat na ibinigay ni Apolaki.
"Ako na ang bahala. Mauna na kayo."
Nilingon ko siya sa abot ng aking makakaya ngunit napakakapal ng kulap na bumabalot sa paligid kaya't nilamon siya kaagad nito.
"Sandali na lamang at mararating na natin ang tuktok."
"Sic, nakarating na ako dati sa tuktok nitong bundok, paano natin tatawagin si Bathala?" Mayroon kayang sikretong paraan ang mga engkanto?
"Hindi siya ang una nating makakaharap."
Malawak na dagat ng ulap ang tumambad sa akin sa lahat ng direksyon nang makarating kami. Bahagyang makikita ang sumisilip na liwanag ni Haring Araw sa tuktok ng mga bundok. Huminga ako ng malalim. Napakalamig ng simoy ng preskong hangin. Ang mga damo ay mabigat sa hamog nang nakaraang gabi. May mga iba't ibang kulay na rosas at iba pang bulaklak ang namumukadkad at binabati ang bagong umaga.
"Haraya!" Lumipad pababa ang Diwata ng Hangin sa pagtawag ni Sic. Inilapag ako ng tikbalang sa lupa. "Kailangan natin ang apat na elemento!" Tumango ang tinawag bago lumipad. Si Sic ay nagsimulang mamulot ng mga bato. Pati ako ay nakipulot na rin.
Bawat bato ay inilapag ni Sic upang makabuo ng simbolo sa lupa. Si Haraya ay nagbalik na may dalang hamog na inipon niya sa malaking dahon.
"Dali, saluhin mo ang kabilang dulo!" Tumakbo ako upang tulungan siya. Mala-kristal ang linaw ng malamig na tubig. Dinala namin ito sa gitna ng mga simbolong bato at ibinalanse doon.
Inilahad ni Sic ang kaniyang kamay. "Amari, pahiram ng batong ibinigay ko sa iyo." Kinuha ko ito mula sa aking bulsa. "Si Ilona... kailangan natin siya."
"Nandito na 'ko!" Humihingal na sigaw ni Ilona. "Bilisan natin, hindi magtatagal ang ginawa kong patibong." Dinig na dinig ang sigawan sa di-kalayuan. Ang tahimik na umaga ay mabilis na nabahiran ng karahasan.
"Amari, tumayo ka sa gitna at hawakan mo ang dahon na may hamog," utos ni Haraya. Pumuwesto sa posisyong patatsulok ang aking mga tagapagtanggol. Sabay-sabay silang umusal ng orasyon. Napakagandang pakinggan ang himig ng kanilang magkakahalong tinig na pumapailanlang sa kalangitan. Ramdam ko ang paghahabi ng mahika. Unang nagsimulang gumalaw ang mga bato. Umuga ang lupa at nagsimulang magningas ang itim na batong nasa aking paanan. Sunod na umihip ang hangin at ang init ay kumalat sa lahat ng batong bumubuo sa mga simbolo sa lupa. Palakas ng palakas ang tinig ng bawat tagapagtanggol. Sila ay nabalot ng napakalakas na puwersa. Nararamdaman kong naaapektuhan ang hiyas sa aking katawan. Ang tubig na nasa dahon ay kumukulo bagamat walang init na dumadapo dito. Unti-unting namumuo ang usok na siyang umaangat sa langit.
'Amari, gamitin mo ang kapangyarihan ng hiyas...'
Ang tinig na iyon!
'Ano ang hiling ng iyong puso?'
Ang hagdan kay Bathala... gusto kong makuha ang Apoy ni Bathala.
Ang usok ay unti-unting nagkakaroon ng korte... umaangat... tila nilililok sa ulap ang bawat isang tungtungan.
"Ngayon na!" Sigaw ni Haraya.
Maririnig ang kalampag ng mga paa sa lupa, mga sangang nababali sa pagdaan ng daan-daang engkantong naghahangad sa hiyas. Nakabibingi ang paghahalo ng kanilang mga sigaw at ang malakas na ugong ng hangin. Napakalapit na nila.
Napasinghap ako sa hagdang gawa sa usok na nabuo sa aking harapan. Hinablot ng mga tagapagtanggol ang aking mga braso at sabay-sabay naming binagtas ang mahiwagang hagdan, patungo sa kaharian ni Bathala.
***
Ang bawat isa sa pitong suson ng Kaharian ng Langit ay binabantayan ng mga nilalang ni Bathala. Hindi ko na nakuha pang matakot sa hagdang binabagtas namin dahil mas nananaig ang takot at kaba sa aking dibdib na maabutan kami ng mga nababaliw na engkantong sabik sa kapangyarihan ng hiyas.
Pakiramdam ko ay lumilipad ako. Hindi, lumilipad talaga ako. Wala akong nararamdaman sa tinatapakan namin dahil sa halos buhat na ako ng aking mga tagapagtanggol. Lumingon ako pabalik at nagimbal sa aking nakita.
Ang hagdan!
Bawat baitang na aming tinapakan ay nawawalang parang usok. Nakita kong tumatalon pa ang mga naiwang engkanto upang maabot ang mga natitirang baitang ngunit nalalaglag sila sa lupa. Nagwawala sila at naghihilahan. Ang mga mayroong pakpak ay sinusubukan kaming abutin ngunit tila may humaharang sa kanilang lambat.
Sa paligid ay mayroong walang hanggang na asul na langit. Naaninag ko na sa aming harapan ang isang arko. May liwanag na nanggagaling sa loob n'on.
Ito na ba ang tinatawag nilang langit?
'Lahat ng henerasyon ay may bayani, Amari – mga kagila-gilalas na nilalang na siyang handang mag-alay ng sarili para sa iba.'
Rinig ko ang tinig na parating kumakausap sa akin.
'Iba't-iba ang kanilang pinanggalingan, ngunit isa lamang ang kanilang tatak...sila'y di pangkaraniwan.'
Sino ka?
'Kilala mo kung sino ako.'
Napangiti ako. Totoo ang kaniyang sinabi. Mayroon na akong ideya kung sino siya. Marami akong gustong itanong sa kaniya.
'Susubukan kong sagutin.'
Bakit sa akin mo ibinigay ang hiyas?
Natigilan ang tinig na kumakausap sa akin. Tama ang aking hinala.
'Dahil ikaw ang karapat-dapat. Ikaw lamang ang tanging nilalang na maaaring mabuhay sa pagitan ng dalawang mundo.'
Ako?
'Wala nang katulad mo Amari, sa loob ng daan-libong taon... Ikaw na anak ng dalawang mundo.'
Hindi ako makakilos sa pagkagimbal. Nakalampas kami sa arko. May kung anong bara ang nasa aking lalamunan. Ang nanay...
'Malapit mo na siyang makita.'
***
Tuluyan na kaming nakalayo sa mga engkantong humahabol. Pansamantala kaming ligtas pero nahihiwagaan pa rin ako sa tinuran ng tinig. Naging tahimik na siya mula nang mailahad niya sa akin ang kaniyang rebelasyon.
Si Nanay... ay isang engkanto?
Iniisip ko nang maigi kung mayroon bang nabanggit sa akin ang Tatay at Lola tungkol dito, pero wala akong maalala. Tanging ang ipinintang larawan ni Tatay sa aming mantel ang siyang alaala ng aking yumaong ina.
Patay na nga ba siya?
Sumasakit ang ulo ko sa kakaisip.
"May dinaramdam ka ba?" untag sa akin ni Haraya. Hindi na katulad kanina na tumatakbo kami paakyat ng hagdan, ngayon ay mas banayad kahit na mabilis pa rin ang aming pag-akyat.
"May iniisip lang ako." Tumangu-tango siya.
"Nasa ikaapat na suson ang Apoy," pahayag ni Sic. Palinga-linga siya sa paligid bagamat nakasisiguro akong wala kaming kalaban na nagmamasid.
May nababanaag akong mainit na maliwanag sa di kalayuan. Papalapit na kami sa isa pang arko.
Sa aming paglampas ay lalong lumakas ang init at liwanag. Tiningnan ko ang pinanggagalingan nito ngunit ako'y nasilaw.
Ang araw!
Sa gitna ng kawalan ay umiikot at naglalabas ng apoy na animo isang higanteng santelmo ang bituing pinagpala. Nanunuot ang init na kaniyang dala ngunit imbes na mapaso ay nakahahalina ito.
"Amari!" Hiyaw ni Sic at hinablot ang kuwelyo ng aking damit. Napatigil ako. Hindi ko namalayan na muntik na akong humakbang lampas sa hagdan.
"Ito ang Apoy ni Bathala?" Hindi makapaniwala ang tinig ni Ilona. "P-paano... paano natin ito dadalhin?" Sabay turo niya sa higanteng bituin.
"Patunayan ninyo muna na kayo'y karapat-dapat," ani ng tinig na nagmumula sa lahat ng direksiyon. Inikot ko ang aking paningin at mula sa di-kalayuan ay nakita ko ang isang gintong bagay na pabulusok sa aming kinalalagyan.
"Sic..." Hinila ko ang kaniyang braso upang makuha ang kaniyang atensyon. Mabilis na lumalaki ang bagay na papalapit sa amin. Isang iyak ng ibong mandaragit ang aming narinig.
"Ang bantay..." Naging mahigpit ang hawak ng aking mga tagapagtanggol sa aking mga kamay. Tila nagbabadyang bagyo ang papalapit na bagay. Napasinghap ako sa biglaang pagtigil ng nilalang sa aming harap. Marahas na nilipad ang aming mga damit sa malakas na pagaspas ng kaniyang mga higanteng pakpak. Tinakpan ko ang aking tainga sa nakatutulig niyang iyak.
"Minokawa..."
"Mahabaging Bathala!" Halos hindi kami lahat humihinga.
Gusto kong manliit sa aking kinalalagyan. Ang Minokawa ay nagpakawala muli ng iyak na nakakapunit ng tainga. Ang mga gintong balahibo nitong kasingtalas ng mga espada ay tila nilusaw na metal na kumikinang sa tama ng araw.
"Gapiin niyo ang tagapagbantay upang patunayan na kayo'y karapat-dapat sa Apoy." Muling nagsalita ang tinig na nagmumula sa lahat ng direksiyon.
Gapiin ang Minokawa?
Isang tingin lamang ng nagbabaga nitong mata ay sapat na upang manlambot ang aking mga tuhod sa takot. Higit itong malaki kaysa sa Oriol na aming nakasagupa. Naramdaman kong binitiwan ng aking mga tagapagtanggol ang aking mga braso at nagsipagpuwesto upang ako'y depensahan.
"Amari, kapag siya'y sumugod umakyat ka sa hagdan. Lumayo ka dito," bulong ni Sic. Napatango ako. Nagkatinginan ang aking mga tagapagtanggol. Ang Minokawa ay muling pumagaspas. Handa na itong makipaglaban. Animo'y panabong na umangat ang mga balahibo sa paligid ng leeg nito.
"Takbo!" Ang pagsigaw ni Sic ay ang aming hudyat. Lumipad si Haraya paitaas habang tumalon sa magkabilang direksiyon si Sic at Ilona. Nagsimula akong tumakbo paakyat sa hagdan. Lumingon ako sa narinig kong unang pagsabog. Nakita kong nagpakawala si Ilona ng asul na alikabok na bumalot sa Minokawa. Nabuo ang rumaragasang tubig galing sa kaniyang nakabukas na palad at tumama sa mukha nito. Nagalit ang Minokawa at nagwala ito. Ipinagaspas nito ang matatalas na pakpak at marahas ang mga ipo-ipong namuo mula dito. Hinigop nila ang tubig at asul na alikabok bago tumama sa lugar kung saan nakatayo si Ilona. Mabuti na lamang at nadampot siya ni Sic bago siya tamaan ng mga matatalas nitong balahibo. Nag-iiwan ng apoy ang bawat daanan ng pakpak ng Minokawa.
Si Haraya naman ang umatake. Kambal na ipu-ipo ang kaniyang pinakawalan upang makuha ang atensiyon ng higanteng ibon.
"GRAAAAH!" Nagpakawala ng matatalas na balahibo ang Minokawa papunta kay Haraya.
Mula sa kung saan ay may tumamang bola ng dagitab sa likod ng Minokawa. Imbes na mawala ay nanatili ito doon at naging animo tanikala. Hindi ako maaaring magkamali, andito siya.
Tinupad niya ang kaniyang pangako.
"Aran!" Napagtanto ko bigla kung gaano ko na-miss ang seryoso niyang mukha.
"Anong ginagawa mo dito?" Bakas ang matinding pagkasuklam sa mukha ni Sic.
"Mamaya ka na magtanong, hindi magtatagal ang aking mahika!" Sagot ni Aran. Hindi nga siya nagkamali dahil sa sumunod na segundo ay nabasag ang tanikalang gawa sa dagitab. Lalong nagwala ang Minokawa. Sa laki nito ay hindi mo aakalain kung gaano ito kabilis kumilos. Pumailanlang ito bago bumulusok pababa. Pinupuntirya nito si Aran at Sic!
"Amari, lumayo ka na!" Sigaw ni Haraya sa akin. Hindi, hindi ako maaaring tumakas. Kailangan naming magtulungan.
"Sinasabi sa alamat na naitataboy ng malakas na tunog ang Minokawa."
"Malakas na tunog..." Nakakunot ang noo ni Haraya habang nag-iisip. Kung sana narito ang Tatay, maaari akong magtanong. Pilit kong iniisip kung paano nga ba matatalo ang Minokawa.
Saan gawa ang tunog?
"Haraya, kaya mo bang paigtingin ang tunog sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan?" bigla kong naitanong.
"Susubukan ko," ani niya.
Ayon sa alamat, hinahabol ng Minokawa ang buwan. Ang buwan ay nagtatago sa walong lagusan ng kalangitan upang matakasan ito.
Ang buwan!
Salitang sinusugod ng Minokawa sina Sic at Aran. Hindi ako halos makahinga sa bawat pag-atake nito sa aking mga tagapagtanggol. Tila kami mga langgam sa kuko ng agila.
'May walong lagusan ang langit...'
Napatiim-bagang ako. Tama ang mahiwagang tinig. Iniligid ko ang aking mga mata, naghahanap ng kahit anong kakaiba sa alapaap. Kahit isang anino lamang...
"Ilag!" Naramdaman ko ang mga bisig na dumampot sa akin. Si Ilona. Muntik na akong tamaan ng matatalas na balahibo ng Minokawa.
"Dito! Narito ako halimaw!" Narinig kong tinawag muli nila Sic at Aran ang Minokawa.
Kung wala ay dapat gawan ng paraan.
"Ilona, kaya mong gumawa ng mahikang tagabulag hindi ba?" tumango ang aking tinanong.
"Oo, bakit Amari?"
"Ang buwan. Hinahabol ng Minokawa ang buwan. Kung malalansi natin siya ay maari natin siyang matalo." Tumango si Ilona. "Kailangan natin ang imahe ng buwan. Itapat mo sa araw upang matakpan ito." Mabilis na tumugon ang aking tagapagtanggol.
"Haraya, itaboy ninyo ni Aran ang Minokawa. Kailangang niyang lumipad papunta sa buwan!" Lumipad si Haraya papunta kay Aran at nakita kong tumango siya. Sana ay magtagumpay kami.
"Hindi magtatagal ang aking mahika, masyadong malaki ang Minokawa!" Babala ni Ilona. Nakita kong nagliwanag ang paligid kung saan naroon siya. Mula sa kaniyang mga kamay ay kumalat pabilog ang imahe ng bilog na buwan, palaki ng palaki, palapad ng palapad, hanggang sa halos matabunan na nito ang araw.
"Aran!" Sapat na ang sigaw upang makuha ko ang kaniyang atensiyon. Nagliwanag ang kaniyang mga kamao bago niya ito pinagtagpo at kumawala ang malakas na kulog at kidlat. Nakita kong napatigil sa pagsugod ang Minokawa.
"Haraya, ngayon na!"
Muling pinagtagpo ni Aran ang kaniyang mga kamao at kumawala ang dagitab. Tinakpan ko ang aking tainga sa nakabibinging pagdagundong nito dahil sa kapangyarihan ni Haraya.
Ang Minokawa!
Kagyat na tumalima ang higanteng ibon sa malakas na kulog. Sa pag-ikot nito ay napaharap ito sa ilusyong ginawa ni Ilona.
"Ilona, parating na siya!"
Halos wala ng panahon upang tumalon ang lambana ng tubig palayo.
Nahagip ng aking mata ang pakpak ng Minokawang papalapit.
Diyos ko!
"Amari!"
Naramdaman ko ang malakas na puwersang humatak sa akin. Sinubukan kong kumapit sa hagdan ngunit dumulas ang aking mga daliri at tila ipu-ipong dinala ako...
Patungo sa pusod ng Araw.
***
Mga Tala ng May-akda:
Ang Minokawa ay galing sa alamat ng mga Bagobo na nagpapaliwanag tungkol sa eklipse. Sinasabing ang Minokawa ay kasinglaki ng isla ng Negros at pilit nitong hinahabol ang buwan upang kainin. Ang tanging paraan upang ito ay itaboy ay ang paggawa ng ingay gamit ang mga gong.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro