Ika-Sampung Kabanata: Ang Puso ng Tagapagtanggol (unedited)
Natutupok ako.
Kakatwang hindi ito masakit, bagaman nakikita kong unti-unting nagiging gintong abo ang aking balat. Ang apoy ay dumidila sa bawat parte ng aking katawan, binabalot ako sa kakaibang init.
Ang apoy ni Bathala.
Sinasabing ang apoy ay may dalawang mukha; mainit, maalab, mapusok... ngunit ang apoy ay isa ring paraan upang linisin, linangin, at padalisayin ang isang bagay.
Mula sa mga gintong alabok na galing sa aking katawan ay may namumuo... maliwanag ang puso nito... walang sinabi ang liwanag na nagmumula sa apoy ng araw na nasa paligid sa umiikot sa aking harapan.
Ito na ba ang hiyas?
'May nawawala at may ipinanganganak. Lahat ng bagay ay nagbabalik sa alabok kung saan sila nilalang. Ang alabok ay babalik sa lupa, didiligin ang panibagong buhay na uusbong.'
Ang tinig sa parating nasa aking isip ay nasa aking harapan na. Naaalala ko ang kaniyang mga malamlam na mata. Hindi tulad noon na puno ito ng sakit at pighati, ngayo'y namumungay ang mga ito sa kagalakan.
Isa na lamang akong nilalang na lumulutang sa gitna ng nag-aalab na puso ng araw. Wala na ang aking katawang-lupa... Wala ng halaga ang oras, araw, panahon, sakit at pagdadalamhati.
"Binabati kita Adano."
Napalingon ako at nakita ko ang isang babaeng pamilyar ang mukha. Agad na may nagbara sa aking lalamunan at napuno ng luha ang aking mga mata. Akala ko sa larawan ko lamang siya makikita...
"Nanay..."
Napakatamis ng ngiti sa kaniyang labi. Lahat ng kalungkutan ko habang lumalaki at nangungulila sa kaniyang presensiya ay tila lumipad sa hangin. Ang aking ina, si Amaya...
"Mula sa alabok ay didiligin ang bagong anyo, anyo na siyang pinadalisay ng apoy ni Bathala."
Naramdaman ko ang unti-unting pagbabago ng aking anyo. May kung anong kapangyarihan ang lumukob sa akin. Iba't-ibang kulay na alabok ang tila hinihigop patungo sa aking kaibuturan. May isang buong kalawakan na siyang nakapaloob sa bawat nilalang... ang aking isip ay nagbukas sa kamalayan na siyang pinagkaloob sa sansinukob mula pa noong magsaboy si Bathala ng kanyang mapagpalang handog sa sanlibutan.
Ang bawat nilalang ay parte ng iisa, at ang isa ay binubuo ng marami.
Naramdaman ko ang mga bisig na siyang inaasam ko mula ng aking pagkamulat. Nilunod ko ang aking sarili sa kaniyang mga matang nakangiti sa akin at tila nangungusap.
"Salamat sa pagdala sa aking anak dito, Adano," narinig kong sabi ng Nanay. Hinigpitan ko ang aking yakap sa kaniya. Tunay ngang napakasarap ng yapos galing sa isang ina.
"Walang anuman mahal na Bathaluman," sagot ni Adano.
"Nanay na-miss ko po kayo." Alam kong katawa-tawang sabihin ko ito pagkat hindi ko naman talaga siya nakapiling kailanman. Pero yung pakiramdam na nahanap mo ang matagal mo nang pinaka-aasam... iyon ang pakiramdam ko ngayon.
"Nagagalak akong mayakap ka mahal ko," sabi ng Nanay. Napapikit ako habang ninanamnam ang kaniyang presensya. Buong buhay iniisip ko kung ano ang pakiramdam nang magkaroon ng isang ina. Kahit ginagampanan naman ni Tatay at Lola ang pagiging magulang sa akin, hinahanap-hanap ko pa rin ang nakikita ko sa aking mga kalarong bata habang sila ay lumalaki.
"Ngunit hindi pa ito ang tamang panahon upang magsama tayo, anak." Iniangat ko ang aking mukha at nakita ang bakas ng lungkot na dumaan sa mukha ni Nanay. "Mayroon ka pang tungkulin na kailangang tuparin. Tanggapin mo ang Hiyas at ang Apoy ni Bathala."
Sa aking harapan ay may bilog na batong pinalilibutan ng apoy. Hinawakan ko ang hiyas. Ang apoy ay bumalot sa aking mga kamay at nag-iwan ng marka ng mga alab.
"Iyan ang marka ng Apoy ni Bathala. Maaari mong tawagin ang Apoy kung kailan kinakailangan. "Hinawi ni Nanay ang aking buhok mula sa aking mukha. "Ngayo'y kailangan mong bumalik. Nasa iyong kamay ang susi sa kaligtasan ng mundo."
"'Nay, bakit po kayo nawala?" Nakita kong gumuhit ang pait sa kaniyang mga mata. Mga matang namana ko.
"Lumabag ako sa aming batas bilang Bathaluman. Ngunit kailanma'y hindi kita pinabayaan anak ko. May iniwan akong tagapagbantay mo."
"May tagapagbantay ako? Sino?"
"Matagal ka nang inaalagaan ni May-I, anak ko. Ipinagkatiwala kita sa bantay ng lagusan." Namangha ako sa sinabi ni Nanay. Kaya pala si May-I ang unang engkantong nagpakita sa akin!
Hala, hindi ko siya pinapansin! Naramdaman kong nag-init ang aking pisngi. Nakakahiya naman kay May-I... pero hindi ko naman kasi alam!
"Naiintindihan ka ni May-I, Amari." Nahulaan agad ni Nanay ang naglalaro sa aking isip. "Hindi madali sa akin na lumisan sa inyong piling. Patawarin mo ako, anak. Ang aking kapusukan ang naging sanhi upang mawala ang mga pinakamamahal ko."
"Nandito na po ako. Mahal na mahal ko po kayo, Nanay," namutawi sa aking mga labi ang mga salitang nais kong pawalan noon pa man. Nag-uumapaw ang aking kaligayahan bagamat batid kong panandalian ko lamang makakapiling si Nanay. Mabuti na ang mayroong kakarampot na sandali, kung ang sandaling ito'y makakasama ko ang taong inasam kong makapiling mula pa pagkabata ko.
"Kailangan mo nang magbalik, Amari." Napatango ako. Ayaw ko pa talagang kumalas sa pagkakayakap kay Nanay. "Maraming panganib ang iyong susuungin, anak, ngunit nariyan ang iyong mga tagapagtanggol."
" 'Nay napahamak po ang aking mga tagapagtanggol..." Naalala ko si May-I na hindi ko man lang napagpaalaman. Kamusta na kaya siya? Ang mga natitirang engkanto sa Talim? Nakaligtas kaya sila?
"Ang agam-agam ay maaaring mapaglabo ng iyong pagtitimbang sa sitwasyon," babala ni Nanay. "Napakarami kong sandaling pinanghihinayangan. Sana ay nakasama kita sa iyong paglaki." Dumausdos ang mga patak ng luha sa mata ni Nanay. Nakakaramdam din ako ng pag-iinit sa sulok ng aking mga mata.
"Mahal na Bathaluman," narinig kong may nagsalita at ako ay napalingon. Isang nakababatang bersiyon ni Adano ang aking nakita.
"Adriel."
Nanlaki ang aking mga mata. Siya si Adriel?
"Dapat na pong magbalik si Amari. Hindi na magtatagal ang depensa nila Apolaki." Napasulyap ako sa tagapagtanggol na ngayon ko lamang nakita. Ngumiti siya sa akin. "Amari, ikinagagalak kitang makilala."
Bakit napakaamo ng kaniyang mukha? Hindi ba siya nakakaramdam ng kahit anong sama ng loob sa akin?
Napalunok ako.
"Ihahatid kita Amari." Inilahad ni Adriel ang kaniyang kamay. Ayaw ko pa talagang bitawan si Nanay pero alam kong tama siya—darating ang panahon na makakapiling ko siya.
Hinalikan ni Nanay ang aking noo. "Mag-iingat ka, anak ko." Tumalikod na ako bago tumulo ang aking luha. Inabot ko ang kamay ni Adriel.
"Paalam po Nanay..."
Hindi na ako lumingon pa. Hindi ko kayang tingnan siya dahil baka hindi ko na gustuhing umalis pa sa kaniyang piling.
***
Nadatnan kong tila nag-aaway ang aking mga tagapagtanggol.
"Huwag kang magmaang-maangan, isa kang traydor!" masama ang tingin ni Aran kay Ilona. Napakunot ako.
"Aran, anong sinasabi mo?" Nakita ko ang pagkagulat sa lahat sa aming pagdating ni Adriel.
"Kuya!" Hindi makapaniwala ang mukha ni Aran.
Tumungo lamang si Adriel. "Tinupad mo ang iyong pangako, kapatid ko. Ako'y mapapayapa na," ani niya bago tuluyang naglaho.
"Anong nangyayari dito?"
"Amari, si Ilona... siya ang nagpakawala sa akin."
"Sinungaling!" Nakita ko ang galit sa mukha ng lambana. "Huwag mo akong idamay sa iyong kabulastugan, Aran!" Naramdaman ko ang pag-angat ng kapangyarihan sa kanilang dalawa. Tumaas ang balahibo ko sa dagitab na kumawala mula sa mga kamay ni Aran.
"Tama na!" Saway ko sa kanila. Naramdaman kong hinila ni Sic ang kabilang kamay ko. Masama ang tingin niya sa dalawa.
"Teka, teka ano bang nangyayari sa inyo? Bakit kayo nag-aaway?" Palipat-lipat ang tingin ni Haraya.
"Huwag kayong maniwala sa kasinungalingan niya! Pinag-aaway niya tayo para makuha ang hiyas!"
"Ikaw... dinala mo ang mga aswang para makuha ang hiyas pero hindi ka nagtagumpay," tiim-bagang na paratang ni Aran.
Hindi ko alam kung sino ang paniniwalaan ko. Pareho ko silang tagapagtanggol. Ilang beses na nilang iniligtas ang aking buhay.
Naramdaman ko ang mahigpit na hawak ni Sic. Inilagay niya ako sa kaniyang likuran. Walang sabi-sabing sumugod sa isa't-isa sila Aran at Ilona.
"Huwaaag!" Tili ni Haraya. "Tama na!" Sumabog ang nagbabanggaan nilang puwersa. Napapikit ako sa liwanag ng dagitab. Mainit na tubig ang sumabog mula sa kanilang pagtatagpo.
"Sigurado ka ba sa ginagawa mo, Aran? Magagalit ang iyong ama."
May kung anong kilabot ang naramdaman ko sa mga salita ni Ilona. Hindi ako makapaniwala sa aking nakikita...
Ang mga gintong kaliskis sa kaniyang balat ay dahan-dahang napapalitan ng berde at itim. Nagdidilim rin ang kulay ng kaniyang aura.
"Delikado... si Ilona..." Tiim-bagang si Sic, "hindi ako makapaniwala!"
Si Ilona... ang traydor?
"Sayang Aran, akala ko pa naman ay magtatagumpay ka nang mabighani ang Hiyas pero mahina ka..." may pang-uuyam sa mukha ni Ilona.
"Totoo ba?" Natatakot ako sa sagot sa aking tanong. Wala akong nakuhang pagsang-ayon o pagtutol kay Aran. May kirot na gumuhit sa aking puso.
Napahalakhak si Ilona. "Napakadaling paglaruan ng mga tao... wala silang kalaban-laban sa ating kapangyarihan."
"Magtigil ka..." nagngangalit ang namumuong mga ulap. Napansin kong dumilim ang paligid at bumigat ang hangin. Tila nagbabadya ang bagyo. Ilang malalakas na kidlat ang gumuhit sa kalangitang kanina ay asul at maliwanag.
"Ngayo'y hinding-hindi ka na talaga niya tatanggapin sa kaniyang kaharian, Prinsipe Aran..."
Prinsipe... Aran?
"Wala na akong pakialam."
"Ano, sinayang mo ang tatlong dekadang pagpapanggap para malaman kung nasaan ang Hiyas? Para sa kanya? Tsk, tsk, tsk..."
"Tumahimik ka!" Nagliwanag ang mga mata ni Aran bago niya binunot ang Tarak. Lumagablab ang apoy mula sa espada. Nakita kong may namumuong tubig na tila ipo-ipo sa mga kamay ni Ilona.
"Halika na!" Hinaklit ni Sic ang aking braso. "Sakay!"
"P-pero..." Sumampa ako sa kaniyang likod at dali-dali kaming bumaba sa hagdan kasunod ni Haraya. Naramdaman ko ang pagsambulat ng mainit na puwersa kasabay ng dagitab na dumaan sa buo kong katawan. Pilit kong inaaninag ang dalawang tagapagtanggol sa gitna ng naglalabang puwersa ng tubig, dagitab at apoy...
"Mapanganib. Hindi ako tiwala sa dalawang 'yan." Galit na galit na bumubulong-bulong si Sic. Kumapit ako ng mahigpit. Ilang beses kong naramdaman ang tama ng kumakawalang apoy at kumukulong tubig na tumitilamsik sa nagsasalpukang sina Aran at Ilona.
"Ang lagusan!" Tama, nakikita ko na ang bukana ng lagusan pabalik sa mundo ng mga tao. Lumingon ako kila Aran at Ilona. Parehong hinihingal ang dalawa at may mga sugat na sa katawan ngunit nagbabaga ang galit sa kanilang mga mata.
"Haraya, kalasag!" Sigaw ni Sic at agad na may haligi ng hangin na bumalot sa amin. Konti na lamang at makakarating na kami sa lagusan.
"Hindi mo ako mapipigilan Aran!"
Paglingon ko'y nakita kong nabalot ng nangingitim na tubig si Aran. Pumapasok ito sa kaniyang bibig, ilong, tenga, mata...
"Aran!" Sinakmal ng takot ang aking puso. "Aran!" Bumitaw ako kay Sic. Naramdaman ko ang mabilis na reaksiyon ng kapangyarihan sa aking kalooban. Namuo ang hiyas sa pagitan ng aking mga kamay.
"Amari!" sabay na sigaw nina Haraya at Sic. Hindi ko sila pinansin. Ang tanging gusto ko lang ay mailigtas si Aran.
"Akin ang Hiyas!"
Mula sa aking mga kamay ay naglagablab ang hiyas ni Bathala.
Nakita kong gumagalaw ang mga kamay at labi ni Ilona. Bumubulong, bumubuo ng panibagong mahika upang pigilan ang hiyas.
Nilamon ng apoy si Ilona...
...at si Aran.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro