Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Ika-Pitong Kabanata: Si Adriel at Si Aran (unedited)

"Aran, nasaan si Adriel?"

Aran?

"I-Ina..." hindi makapaniwalang sambit ni Adriel. Namasdan ko ang takot at kabang gumuhit sa kaniyang mukha.

Ina?

"Hawak mo ang Tarak... nasaan ang aking anak?" Bakas ang labis na pag-aalala sa mukha ng ginang. Malayo ang kanilang mga mukha sa isa't-isa. Ang apoy sa buhok niya ay lumalagablab.

"Ina, magpapaliwanag po ako," binasa ni Adriel ang kanyang mga labi. Halatang hindi niya alam kung anong gagawin. "Si Adriel..."

"Nasaan siya Aran? Sumagot ka!" Lumapit sa kaniya ang ginang.

Naguguluhan ako. Sinubukan kong humakbang palapit sa kaniya ngunit pinigilan ako si Sic. "Si Adriel—"

"Hindi siya si Adriel. Sinasabi ko na nga ba at nararamdaman kong may kakaiba sa kanya," putol niya sa aking sinasabi.

"Magsalita ka, paano napunta sa iyo ang kuwintas at ang Tarak ng mga Santelmo?" Tanong ni Apolaki. Ang kaninang takot sa bulwagan ay napapalitan ng galit. Nagsimula ang bulungan sa mga nilalang. Inihanda ng mga naroon ang kanilang angking mahika kung sakaling mapanganib ang susunod na mangyayari. Ang mga magulang ay pinapalayo ang kanilang mga anak.

"Wala na po si Kuya, Ina," sagot ni Adriel--Aran... a, nalilito na ako! Siya ay yumukod at inilahad ang kaniyang mga kamay. "Patawarin niyo po ako."

"Hindi... hindi si Adriel... Ang aking anak ay isang tagapagtanggol... Anong ibig mong sabihin na wala na siya?" Umiiling ang ginang habang may mga luhang nagbabadya sa kaniyang mga mata. "Nagbibiro ka lang... sabihin mong nagbibiro ka lang." Tuluyan nang lumapit si Adara at niyugyog ang kaniyang mga balikat. "Aran!"

"Patawad po Ina, bago po kami makalabas sa lagusan ay nasukol kami ng mga kawal ni Haring Sitan... s-si Kuya po... Iniligtas po ako ni Kuya." Tuluyan nang napaiyak ang ginang at sinalo siya ni Aran.

"Bakit ka nagpanggap?" Muling tanong ni Apolaki. Ang kaniyang katawan ay nagliliwanag. Napakalakas ang namumuong puwersa na pumapalibot sa kaniya.

"Patawarin niyo po ako. Nais ko lamang na maipagpatuloy ang hangarin ni Kuya Adriel. Nangako po akong ipagpapatuloy ang kaniyang misyon." Baling niya sa mga natitipon. Ikinumpas ni Apolaki ang kaniyang kamay at ibinaba ng mga kawal ang kanilang mga sibat.

"Hindi ako naniniwala," asik ni Sic. "Bakit hindi mo sinabi ang nangyari sa Konseho ng mga Pantas?" Napako lamang ako sa aking kinatatayuan.

"Amari," nagsusumamo ang mukha ni Aran. Nakakaramdam ako ng awa, pero hindi ko maialis ang magduda. Bakit siya nagpanggap?

"Kailangan mong managot sa Konseho," sagot ni Apolaki. "Kawal! Dalhin siya sa selda. Siguraduhing wala siyang anumang sandata." Napailing si Apolaki. Naiwang humahagulgol ang ina ni Adriel at inalo siya ni Apolaki.

Sino si Aran? Sino si Adriel?

Kanilang nilagyan ng tanikala si Aran. Napansin ni Sic ang tanong sa aking mga mata. "Hindi niya magagamit ang kaniyang mahika. Ang mga tanikala ay may kapangyarihan na higupin ang kahit anong elemental na kapangyarihan."

"Anong gagawin nila kay Adr—Aran?"

"Malaking kasalanan ang kaniyang ginawa. Hindi siya dapat naglihim. Muntik ka ng mapahamak dahil sa kaniyang panlilinlang. Hindi kumpleto ang lahat ng kapangyarihan ng mga tagapagtanggol kaya imbes na humiwalay ang hiyas, muntikan ka nang lamunin ng mga enerhiya dahil nawalan sila ng balanse sa isa't-isa," paliwanag ni Sic. "Sinasabi ko na nga ba!"

Hindi ako makapaniwalang magagawa ito sa akin ni Aran. Malayo sa aking nakilalang kaniyang pagkatao... ibang-iba sa nilalang na nagpakita sa akin ng liwanag ng ako'y kinakain ng lambong ng lungkot at pagkahapo.

Pero nagsinungaling siya. Muntik na kaming mapahamak...

Ano ang paniniwalaan ko?

"Paano na ang Ritwal ng Paghihiwalay?" Tanong ni Ilona. Nagkatinginan ang aking mga natitirang tagapagtanggol.

"Hindi ko alam," pag-amin ni Sic. "Malalaman natin kay Apolaki."

Tuluyan na nilang inilabas si Aran. Parang may nais siyang sabihin sa akin ngunit kinaladkad na siya palabas ng mga kawal.

Aran, bakit mo ito nagawa?

***

Kung makulimlim ang mundo ng mga engkanto dahil sa walang tigil na pag-ulan, kakaiba ang dilim sa loob ng Talim ni Bathala. Ito 'yong dilim na may lalim; na kahit nasa harap mo na ay hindi mo maaninag. Nakakabingi ang katahimikan. Ni wala ang mga insektong panggabi na bumabasag sa nakatutulig na ugong nito.

Pinayuhan ako ni Apolaki na magpahinga muna matapos ang naudlot na Ritwal. Malakas na puwersa ang tumama sa aking katawan at ako'y nanghihina.

May munting agam-agam na namumuo sa aking loob. Napapansin kong tuwing nagagamit ang kapangyarihan ng Hiyas ay nanghihina ako. Pahaba nang pahaba ang oras na kailangan upang ako'y makabawi.

Natatakot akong baka hindi kayanin ng aking katawan kapag tumagal ito sa loob ko. Isa lamang akong mortal: paano kapag naupos ang aking lakas?

Mamamatay ba ako?

Narinig ko ang mahinang katok sa pintuan ng aking silid.

"Sino 'yan?" Tanong ko bago buksan ang pinto. Dahil sa mga nangyari kanina ay nahihirapan na akong magtiwala. Kung ang mismong tagapagtanggol ko ay maaaring manlinlang, paano pa kaya ang ibang bago ko lang na makikilala?

Nakaka-praning!

"Si Haraya ito, ipinatatawag tayo ni Apolaki."

Binuksan ko ang pinto at naroon ang diwata. Hindi kagaya nang una naming pagkikita na nagliliwanag ang kaniyang kasuotan, ngayon ay simple lamang ang kaniyang gayak na berdeng baro na nateternohan ng maikling saya. Tanging ang kaniyang mga luntiang pakpak na animo'y sa isang tutubi ang kumikinang at naglalabas ng liwanag.

Sumunod ako sa kaniya. Tahimik ang aming paglalakbay patungo sa tirahan ni Apolaki. Simple lamang ang bahay ng matandang pantas na gawa sa mga inukit na adobe at marmol. May mga bulaklak na nagliliwanag sa palibot nito na nagsisilbing ilaw sa pusikit na dilim ng kuweba. Sa loob ng bahay ay nadatnan namin na naroon na si Sic at Ilona kasama ang isa pang pantas na si Apodalig na siyang kumakatawan sa Konseho. Mayroong mainit na tsaa at mga prutas na hiniwa upang pagsaluhan.

"Apo, ano na po ang susunod nating hakbang?" Pambungad ni Sic.

Napabuntong-hininga si Apolaki bago tumuon sa isa niyang katulong. "Pakikuha iyong balumbon na nasa aking mesa." Agad na tumalima ang inutusan. Pagbalik ay dala niya ang isang kasulatang halatang antigo na. Nababalot ito ng káyong lána pamproteksyon. Inilatag ang kasulatan sa lamesa. Mga letrang baybayin ang naroon ngunit hindi ko maintindihan ang lengguwaheng ginamit.

"Dahil sa hindi natin maisasagawa ang ritwal ngayong kulang ang mga tagapagtanggol, kailangan ninyong maglakbay upang hanapin ang makapangyarihang agimat na gawa ni Bathala at ng mga Bathaluman[8]."

"Hindi ba maaaring magtalaga ng papalit kay Adriel mula sa mga santelmo?" Tanong ni Haraya.

"Sa ngayon, wala pa sa kanilang angkan ang nasa tamang edad at nakapagdalubhasa sa kanilang elemento. Maghihintay pa tayo ng ilang taon bago magkaroon ng hahalili sa kaniya bilang tagapagtanggol," sagot ni Apodalig; ang pinuno ng hukbo ng dating hari at ngayon, ng mga rebelde. "Ang kanilang angkan ang dumanas ng matinding kaparusahan sa kamay ni Sitan dahil sa ginawa ni Adano."

"Marami rin sa kanila ang pinili na sumapi kay Sitan upang hindi maparusahan. Mga traydor." Bakas ang galit sa mga mata ni Sic habang binibitawan ang kaniyang maanghang na salita. "Wala akong tiwala sa kanila. Hindi ko makakalimutan ang panaghoy ng aking mga kaangkan habang sinusunog sila ng mga walang-awang pantas..." Ito ba ang dahilan kung bakit may galit siya kay Aran? Pati pala sa mundo ng mga engkanto ay mayroong mga ganitong isyu sa lahi at kapangyarihan!

"Sikad, kailangan natin sa panahong ito ang magkaisa laban kay Sitan. Isantabi mo muna ang iyong paninibugho," saway ni Apolaki. "Sa ngayon, ang tanging makatutulong sa atin ay ang agimat ng mga Bathala."

"Ano po ang agimat na ito, Apo?" Si Ilona naman ang nagtanong.

"Kailangan ninyong hanapin sa Kaharian ng Langit ang Apoy ni Bathala."

"Ngunit alamat lamang iyon!" Hindi ko napigilang mabulalas. Ang mga epikong binabasa ko sa koleksyon ni Tatay, maaaring totoo?

"Marahil sa iyong mundo. Hindi ba't akala mo rin noon hindi totoo ang mga engkanto?" Paalala sa akin ni Ilona.

"Kailangan ninyong maglakbay upang mahanap ang agimat." Katahimikan ang bumalot sa amin bago muling nagsalita si Apolaki, "aking ipagkakaloob sa iyo Sikad ang mahiwagang mapa. Ibigay mo sa akin ang iyong kamay."

Iniabot ni Sic ang kaniyang kamay kay Apolaki. Isang maliit na pilak na punyal ang inilabas ni Apolaki at hiniwa ang kaniyang palad. Ipinatak niya ang dugo sa isang diyamante na nakadisenyo sa gilid ng mapa. Nag-apoy ito at lumabas ang mga titik ng baybayin. Kinuha niya ang kamay ni Sic at inulit ang rituwal.

"Tanging ang tagapagdala ang maaaring gumamit ng mapa." Ibinalot muli ni Apolaki sa sisidlan ang mapa bago ito isinilid sa buhong lalagyan upang mapangalagaan. "Alagaan mo ito Sikad, nag-iisa lamang ito at nakasalalay dito ang inyong paglalakbay."

"Ito naman ang para sa inyo, Ilona at Haraya." May inilabas na nakabalot na mga bagay ang katulong ni Apolaki. "Ito ay makakatulong sa inyong paglalakbay." Inalis niya sa pagkakabalot sa tela ang isang lambat at isang palaso.

"Ang lambat ay para sa iyo Ilona. Ito ay mainam na panila ng mga aswang." Inilagay ni Apolaki sa mga kamay ni Ilona ang gintong lambat. Paghawak niya dito ay nagpalit ito ng kulay at mukhang ordinaryong lambat lamang.

"Haraya, ang palaso ay makapangyarihan. Pakaingatan mo ang paggamit pagkat kamatayan ang hatid sa sinumang matamaan." Ang ulo ng palaso ay gawa sa malinaw na diamante at pula ang kahabaan nito. Ito'y umiksi sa mga kamay ni Haraya at naging sakto sa kaniyang sukat.

"Puno ng panganib ang landas na inyong tatahakin. Maging listo at huwag basta magtitiwala. Gagawin ng mga alagad ni Sitan ang lahat mapasakamay lamang nila ang hiyas."

"Makinig sa bulong ng inyong puso at buksan ang inyong isip. Ito ang inyong pinakamalakas na sandata laban sa kanila." Tumango ang lahat at naghawak-kamay. Umusal ng dasal si Apolaki upang basbasan ang aming paglalakbay. May tanong na kanina pa naglalaro sa aking isipan.

"Kayo ay kailangang maghanda. Bukas na bukas din ay sisimulan na ninyo ang paglalakbay," sabi ni Apodalig. "Ipinaghahanda na kayo ng inyong dadalhin."

"Ano po ang mangyayari kay Aran?" Lahat sila ay napatingin sa akin.

"Siya ay nagpanggap at nagsinungaling. Kailangan siyang litisin ng Konseho bago mahatulan dahil sa kanyang ginawa," sagot ni Apodalig.

"Nasaan po siya? Maaari ko ba siyang makausap?" Gusto ko lang malaman kung bakit siya nagsinungaling. Aaminin kong nasaktan ako dahil sa kaniyang ginawa.

"Siya ay nakakulong. Hindi siya maaaring kausapin hangga't hindi natatapos ang imbestigasyon ng Konseho."

Nakaramdam ako ng pagkabigo. Akala ko makakausap ko man lang si Aran bago kami umalis. Paglabas namin sa bahay ni Apolaki ay hinawakan ni Sic ang aking braso.

"Bakit?" tanong ko. Seryoso ang kaniyang mukha.

"Huwag mong pupuntahan si Aran."

Bahagya akong nainis. "Hindi ko siya pupuntahan. Narinig mo naman ang sinabi ni Apodalig."

Lumambot ang ekspresyon sa kaniyang mukha. "Nag-aalala lang ako. Masama ang kutob ko sa kaniya mula simula pa, at hindi nga ako nagkamali."

"Opo, hindi nga po. Kulit mo talaga Sikad." Umasim ang kaniyang mukha.

Aha, ayaw pala niya ng kaniyang pangalan.

"Sic lang ang itawag mo sa akin."

"Kaya pala nagtataka ako kung bakit ang iksi ng pangalan mo, Sikad." Lalong umasim ang kaniyang mukha.

"Ang kulit ng mga taga-mundong ibabaw," bulong niya.

"Matigas naman ang ulo ni mamang tikbalang." Hindi ko alam kung bakit natutuwa akong inisin siya. "Palagay mo mahahanap natin ang apoy?" Muling sumagi ang pag-aalinlangan sa aking puso. Wala si May-I at Aran na siyang kasa-kasama namin sa aming paglalakbay. Si Ilona at Haraya ay hindi ko pa gaanong kilala. Nasanay akong pakinggan ang mga kuwento ni May-I tungkol sa mundo ng mga engkanto tuwing gabi habang kami'y kumakain o nagplaplano. Hinahanap-hanap ko rin ang pagiging maalalahanin ni Ad—Aran. Hanggang ngayon ay hindi ako masanay na tawagin siyang Aran.

"Gagawin ko ang lahat upang maibalik ang hiyas, para sa mga kalipi ko na nagbuwis ng kanilang buhay." Napatingin ako kay Sic. Determinado ang kaniyang mga mata ngunit naaninag ko rin ang lungkot dito. Marami na ang nadamay dahil sa Hiyas.

"Halika, marami pa tayong ihahanda," yaya ni Sic sa akin.

***

Maaga akong naghanda upang matulog. Mahaba ang aming lalakbayin at kailangang makapagpahinga.

Naalimpungatan ako sa isang kaluskos. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mata. Madilim ang paligid pero ramdam ko na mayroon akong kasama sa kuwarto. Sinakmal ako ng takot ng may dumagan sa akin at tinakpan ang aking bibig.

"Shhh... huwag kang sisigaw," bulong niya. Aran?

Nagpumiglas ako ngunit tila bakal ang kaniyang mga braso. Mas lalo niyang hinigpitan ang kaniyang paghawak sa akin. Alam kong hindi ko siya matatalo pagkat sadyang mas malakas siya kaya tumigil ako. Pagkatapos ng ilang sandali ay dahan-dahan niyang inalis ang kaniyang kamay sa aking bibig.

"Ar—"

Inunahan niya ako sa pagsasalita. "Patawarin mo ako Amari." Umalis siya sa pagkakadagan sa akin at ako'y umupo sa aking higaan.

"Anong ginagawa mo dito? Paano ka nakatakas?" tanong ko. Iniwas niya ang kaniyang mga mata sa akin. Kita ko ang namumulang balat sa kaniyang mga palapulsuhan.

"Hindi na iyon mahalaga. Kailangan mong umalis, nasa panganib ang iyong buhay." Hindi ko pinansin ang kaniyang sinabi. Mayroon akong mas importanteng gustong malaman.

"Nagsinungaling ka."

"Amari, hindi ko iyon gusto. Maniwala ka sa akin." Rinig ko ang pagsamo sa kaniyang tinig. Inabot niya ang aking kamay ngunit umiwas ako.

"Sino ka ba talaga?"

"Ako si Aran. Inampon ako ni Inay Adara nang mamatay si Adano." Hindi niya na muling tinangka akong hawakan. Nasasaktan ako dahil pinagkatiwalaan ko siya at alam kong may puwang na siya sa aking puso.

"Bakit ka nagpanggap?"

"Hindi ko sinasadya. Nais ko lamang tuparin ang pangako ko kay Kuya." Bumuntong-hininga siya. "Alam kong hindi madali na patawarin ako, pero humihingi pa rin ako ng tawad sa iyo, tanggapin mo man o hindi."

"Aran, bakit ka tumakas? Baka parusahan ka nila ng kamatayan." Kahit masama ang loob ko ay nag-aalala pa rin ako. Hindi ko maintindihan ang aking nararamdaman. Naawa ba ako sa kanya?

"Mag-ingat ka sa iyong mga tagapagtanggol, si Ilo—" Natigilan siya ng biglang may malakas na pag-uga na naramdaman sa paligid. Lumilindol! Napakapit kami sa isa't-isa. Nagsimulang magsigawan ang mga tao habang patuloy ang malakas na pag-uga at dagundong.

"Amari! Amari!" Malalakas na katok sa aking pintuan kasabay ng pagsigaw ni Sic. "Amari, buksan mo ito! Sinasalakay ang Talim!" Humigpit ang yakap ni Aran sa akin. Tila ayaw niya akong pakawalan.

"Aran..." Pinandilatan ko siya. "Mahuhuli ka nila."

"Amari..." Hinawakan niya ang aking kamay at naramdaman ko ang pagdaloy ng kuryente sa pagitan namin. Nararamdaman ko ang pag-iinit ng aking pisngi ng halikan niya ang likod nito. Dios mio... ano bang pang-e-engkanto ito? Tumayo na siya mula sa higaan. "Babantayan kita. Pangako." Iyon lamang at nawala na siya sa mga anino. Isang malakas na hampas ang narinig ko. Talsikan ang mga piraso ng kahoy mula sa pintuan ng aking silid.

"Amari!" Nagniningas ang mga mata ng tikbalang. "Sinong narito?" Nakita kong luminga siya sa paligid.

"Wala, wala akong kasama dito..." Tama bang pagtakpan ko si Aran? Natutop ko ang aking kamay sa aking dibdib. Ang kamay na hinalikan ni Aran. Nararamdaman ko pa ang dampi ng kanyang labi.

"Nakatakas si Aran..." pahayag niya. "Bilisan mo, kailangan na nating umalis." Hinila niya ako patayo sa aking kama habang isinukbit niya sa kaniyang isang balikat ang balutan ng aking mga gamit. Muling marahas na umuga ang lupa. Nagmamadali kong isinuot ang aking sapatos at isang balabal na proteksiyon sa lamig ng gabi.

Tumakbo kami palabas ng silid. Maraming mga engkanto ang nagtatakbuhan. Nakita kong may sunog sa lugar kung saan naroon ang bukana ng Talim. Mga malalaking batong nag-aapoy ang ibinabato ng mga kampon ni Sitan.

Sa gitna ng usok at panaghoy ay may itim na bolang namumuo sa gitna ng bulwagan. Tila sinisipsip nito ang lahat ng liwanag na nagmumula sa mga mahiwagang bulaklak at lampara.

"Lumayas ka!" Itinutok ni Apolaki ang kaniyang tungkod at namuo roon ang nakasisilaw na liwanag. May mga miyembro ng konseho ang nasa kanyang likod at katulad niyang humahabi ng mahikang depensa.

"Hindi kayo makakatakasss...." ang tinig na iyon ay napakalamig at saglit na tila nilamon ng pusikit na dilim ang buong paligid.

"Akin ang hiyasss..." nararamdaman ko ang pagsalakay ng matinding takot at lamig sa aking kaibuturan. May pares ng matang nagbabaga sa dilim. Nakatuon sila sa akin.

"Sic..." Nakikita niya ako. Wala duda kung sino ang sumalakay ngayong gabi. Gusto kong pumikit ngunit ayaw sumunod ng aking katawan. Alam ko, papatayin nila ako.

"Halika na!" Itinulak ako ni Sic. Nabasag ang itim na mahikang bumabalot sa akin. Halos lumipad kami sa pasikot-sikot na daanan. Pakiramdam ko ay mapuputol ang aking braso sa kakahila ni Sic pero hindi ko magawang magreklamo pagkat mas nananaig ang takot kong mahuli kami ng mga kampon ni Sitan.

"Sic, Amari, dito!" Nakita ko si Haraya sa gawing kaliwa ng lagusan. Pumihit si Sic at pumasok kami sa makipot na daan na nasa gilid ng bangin. Sa aming pagliko ay narinig ko ang malakas na lagaslas ng tubig ng higanteng talon.

"Kailangan nating maglakbay sa kabilang mundo." Napalingon ako kay Ilona na hindi ko namalayang kasunod namin. Sunod-sunod na pagsabog ang naririnig ko kasama ng panaghoy ng mga engkanto sa loob ng Talim. Napalitan ang katahimikan ng gabi ng pagtangis...

Ang hiyas, alam kong ang pakay nila ay ang hiyas.

"Wala na tayong panahon, kailangan nating makuha ang apoy ni Bathala." Hinawakan ni Sic ang aking kamay. "Huwag kang bibitiw, Amari. Tumingin ka lang sa akin."

"Sic, anong—"

Ngunit hindi ko na natapos ang aking sasabihin. Pinangko niya ako sa baywang at saka tumalon.

Patungo sa higanteng talon.

Patungo sa kabilang mundo.

Inaasahan ko ang lamig ng tubig at, ngunit ang sumalubong sa aming pagbagsak ay kakaibang init at liwanag. Nilamon kami ng portal upang maglakbay sa oras at panahon, patungo sa ibang mundo.

Mga Tala ng may-akda:

[8]Mga anak na babae ni Bathala; diwata/diyosa.    

Ang apoy ni Bathala ay isang kathang-isip ko lamang. Huwag niyo pong hanapin sa Philippine Mythology. 

Walang kinalaman sa laman-lupang Alán/Arán si Aran sa aking kuwento. Hindi rin siya ang Aran na isang higante ng mga Ilokano. Nagkataon lamang ang pagkakapareha ng kanilang pangalan. Bago pa man ako makapanaliksik tungkol sa mga nilalang mula sa Philippine Mythology ay napagdesisyunan ko na ang pangalan ng aking mga tauhan. 





Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro