CHAPTER FIVE
"TOL, nakita ko 'yon! Ay, hindi lang pala ako. Nakita namin 'yon!" nakangising bungad sa 'kin ni Gabby habang nakangiti ng malapad. Binigyang-diin niya pa talaga ang salitang 'namin.'
Hindi ako sumagot bagkus ay nagpatuloy lang sa pagdidilig ng halaman habang lihim na nakangiti. Sa totoo lang, hindi ko aakalaing gagawin niya 'yon. Malapit kami sa isa't isa pero hindi na kami masyadong nag-uusap ngayon dahil alam kong may gusto sa kaniya si Jay — kahit pa ako naman talaga ang unang nagkagusto sa kaniya. Ilang beses ko na ngang kinastigo ang sarili ko sa isip ko dahil sa katorpehan ko.
"Pero tol, tandaan mo... Mas mahalaga pa rin ang pagkakaibigan." Pagkatapos niyang sabihin ang mga ito ay marahan niya akong tinapik sa balikat saka pumunta na sa loob ng silid-aralan.
Nang mga sandaling iyon, napaisip ako kahit na alam ko naman na kung sino ang pipiliin ko. Lagi kong sinasabi na hindi mahalaga ang iisipin o sasabihin ng iba sa 'kin pero hindi ko pa rin maiwasang mag-isip ng kung anu-ano. Lalo na ang sasabihin ng mga kaibigan ko.
"Migz, may nagpapa-abot," sabi sa 'kin ng kaklase naming si Reina sabay abot ng isang nakatuping papel na sa hinuha ko'y pinilas mula sa isang kuwaderno, dahilan upang mapatigil ako sa ginagawa ko.
Kumunot ng bahagya ang noo ko. Hindi ko alam kung ilang segundo ko muna itong tinitigan bago tuluyang kunin mula sa kamay niya. Bumuntong-hininga pa 'ko habang inaalis ito sa pagkakatupi. Mas lalong nangunot ang noo ko nang makita ang nakasulat dito.
Love letter? Ito ang unang beses na nakatanggap ako nito. Binasa ko ito at mas lalo akong nagtaka dahil hindi ko kilala kung kaninong sulat-kamay ito.
"Kanino 'to galing?" tanong ko.
"Ayaw niyang ipasabi," aniya saka kibit-balikat na umalis.
Ginapangan ng kyuryosidad ang buong sistema ko dahil sa nakapaloob rito:
Dear Miguel,
Alam kong dapat, noon ko pa ito sinabi sa 'yo... Pero wala akong lakas ng loob. Siguro naman may ideya ka na kung bakit ako sumulat sa 'yo, ano.
Oo, gusto kita. Matagal na. Posible kayang gustuhin mo rin ako pabalik?
R.S.B.
Na-intriga ako. Wala akong kilala na 'R' ang simula ng pangalan maliban kina Reina at Rushel. Hindi naman p'wedeng si Rommel o Rustom.
Sino ka ba, R.S.B.?
*****
NAKAKAHAWA talaga ang mga ngiti niya. Pati ang tunog ng tawa niya, parang isang bisyo na hindi ko kayang tigilan. 'Yong tipong kapag hindi ko nakikita at naririnig ay nababanas ako... Naiirita. Hindi ko alam na ganito pala ka-grabe ang magmahal. Oo... Mahal. Sigurado akong pagmamahal na ang nararamdaman ko para sa kaniya.
Noong una, hindi ako naniniwala sa tinatawag nilang love at first sight. Pero nang mangyari na ito mismo sa 'kin, doon ko lang napagtanto na nangyayari pala talaga ito... At hindi mo ito basta-basta maiiwasan.
Ilang buwan na ang lumipas simula no'ng mag-transfer siya rito at ngayon nga ay Pebrero na. Usap-usapan sa buong klase na sila na ni Jay at nakikita ko nga ang pagiging malapit nila sa isa't isa. Habang kami? Heto, hanggang tingin na lamang ako sa kaniya dahil tuluyan nang lumayo ang loob niya sa 'kin.
"Uy, tol! Malapit na ang FS natin, ah. Sa tingin mo, sinong partner mo?" nakangising tanong sa 'kin ni Marcus.
"Ewan. Si Mrs. Braga pa rin naman ang magde-decide kung sino ang magiging partner natin."
Maya-maya pa'y dumating na nga ang Adviser namin na si Mrs. Braga. Awtomatikong napatahimik ang lahat at saka umupo ng tuwid.
"Good morning, class," aniya nang makarating na siya sa harapan.
"Good morning, Mrs. Braga," sabay-sabay naman naming sagot.
Maaliwalas ngayon ang mukha ng guro namin. Hindi katulad dati na laging nakakunot ang noo at halos magdugtong na ang mga kilay sa pagkakasalubong nito. Bali-balita rin kasi ang nalalapit nitong kasal sa kapuwa niya guro na nagta-trabaho sa mababang paaralan malapit sa bayan.
Iba talaga ang nagagawa ng pag-ibig.
Ngumiti siya sa amin kaya kahit kami ay napangiti na rin. "Alam kong excited na kayo sa nalalapit na FS niyo. Mayroon na lang kayong higit isang linggo para mag-ensayo ng sayaw niyo kaya naman binibigyan ko kayo ng free time... Nang sa gayon ay makapaghanda na kayo."
Nagsi-palakpakan naman ang mga kaklase ko't nakangiti ng malapad. Siyempre, sino ba namang hindi matutuwa kapag walang lecture?
"At ngayon, para walang dayaan at walang sisihan... Gumawa ako ng palabunutan. Nakalagay dito sa loob ng garapon na 'to 'yong mga pangalan ng mga babae. Ibig sabihin, kayong mga boys ang bubunot kung sino ang magiging kapares niyo, maliwanag?"
Inilapag ni Mrs. Braga ang garapon sa lamesa. Saka niya kami isa-isang tinawag para bumunot. Hindi ko alam kung bakit sobrang lakas ng pintig ng puso ko nang mga oras na 'yon. Dahil ba sa kaba na baka hindi pangalan niya ang mabunot ko?
"Hep! H'wag niyo munang bubuksan agad hangga't hindi pa nakakabunot ang lahat, ha! Dapat sabay-sabay kayo. Understand?" pahabol ni Mrs. Braga nang makita ang isa kong kaklase na titignan na sana kung ano ang nakasulat sa papel na nabunot niya
Nanlalamig na ang ngayo'y pawisan ko nang mga kamay. Nauna nang bumunot sina Ian at Marcus. Sinundan ito nina Rustom at Jude hanggang sa si Jay naman ang bubunot. Naka-krus ang dalawang daliri ko habang nakatago sa aking likuran... Humihiling na sana, hindi pangalan ni Angel ang mabunot niya.
Tila dumoble ang kaba ko nang makuha niya na ang isang nakatuping papel sa garapon at nakangisi siya ng malapad. Animo'y alam niya na kung sino ang makakapareha niya.
Pagkatapos niya ay si Gabby naman ang bumunot. Napalunok na lamang ako ng laway dahil parang nanunuyo na ang lalamunan ko dahil sa sobrang kaba. Nang ako na ang bubunot ay napabaling ako sa gawi ni Angel. Ang kabang nararamdaman ko kanina ay kaagad na napalitan ng lungkot. Bakit? Hayun at parang may sarili silang mundo ni Jay at nag-u-usap ng mahina. At ang mas masakit pa... Ang ngiting kinababaliwan ko ay si Jay ang dahilan.
Wala na 'kong pakialam kung sino ang mabunot ko. Alam kong hindi rin naman si Angel ang makakapareha ko dahil malamang ay nabunot na ni Jay ang pangalan niya. Nakayuko ako habang tinatahak ang daan papunta sa upuan ko. Hindi ko namalayan na nalukot na pala ang papel na naglalaman ng pangalan ng makakapareha ko.
"Okay. Ngayong tapos na kayo lahat bumunot, maaari niyo nang buksan ang mga ito."
Napatitig pa muna ako sa nakalukot na papel na nasa palad ko. 'H'wag na lang kaya akong sumali,' sagi sa 'kin ng isip ko.
Pero kahit na nagda-dalawang isip ako ay pinili ko pa ring tignan kung kaninong pangalan nga ba ang nabunot ko.
Unti-unti... Marahan at pigil-hininga kong binuksan ang nakalukot na papel...
"Yes!" tuwang-tuwang sigaw ni Marcus.
————
Author's Note:
Para sa mga hindi po nakaka-alam... FS po means Five & Six. It's like a Juniors-Seniors Prom pero elementary version. Mwehehe... Isiningit ko lang. Meron kami nito no'ng elementary ako, e. Dito ko lang nalaman sa probinsiya.
Btw, guys. You can interact with me here. Like what I'm always saying, I don't bite. Mwehehe...
Leave suggestions or just dm me if you have some feedbacks. I would highly appreciate it. At kung binabasa mo 'to ngayon... Thank you. :) Sana suportahan mo ang librong ito hanggang matapos kahit na mabagal ang update.
I love you, mah cookies!
XOXO,
Guiah
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro