Two
Bitbit ang box ng donuts na binili ay lumapit si Kody sa gate para pindutin ang doorbell. Mula sa kinatatayuan ay kita ni Kody ang ilang laruang pambatang nakakalat sa lawn. Naka-on ang sprinkler, pamisan-minsan ay kumikindat sa tama ng liwanag ang tubig na ibinubuga nito. Nasa garahe na rin ang sasakyan ng mag-asawang Tan. Nakasindi rin ang ilaw sa kuwarto ni Matty sa second floor.
Hindi nagtagal ay bumukas ang ilaw sa front door at lumabas ang isang lalaking naglalaro sa treinta ang edad. Napangiti ito nang makita siya saka pinagbuksan siya ng gate.
"Hindi pala biro 'yong sinabi ni Matty na pupunta ka daw," salubong nito sa kanya.
"Good evening, Kuya Francis." Mas matanda sa kanya ng sampung taon si Francis, ang tatay ni Matty.
"Akala nga ng Ate Faye mo nagpapa-baby lang. Alam mo naman si Matty 'pag may sakit."
"Oo nga po kaya nga ako sumaglit dito."
"Dito ka na maghapunan, nakapagluto na si Loida," alok nito nang nasa pinto na sila.
"Hindi na, Kuya. May OT kami ngayon, babalik pa ako sa office."
Nadatnan niyang abala sa paghahain ang Ate Faye niya at ang katulong na si Loida. Agad na nagliwanag ang mukha ni Faye pagkakita kay Kody. "You're here!"
Nilapitan siya ni Faye at hinalikan sa pisngi. Ginaya niya ang ginawang pagbati ng babae.
"Good evening po, Ate. Hi, Loida," bati niya sa dalawa.
Nakarinig sila ng mga yabag sa hagdan. Pababa si Matty kasama ang isang binatang matangkad. Pakumpas-kumpas ang kamay ng bata habang nagkukuwento.
"O, ayan na pala sila," komento ni Faye.
"Parang walang sakit ah," puna ni Kody. Unang nagtama ang mga mata nila ng lalaking kasabay ni Matty bago lumipat ang tingin ng dalaga sa bata.
"Ate!" Bumaling si Matty sa kasama, "See? Sabi ko pupunta siya, ayaw mo lang maniwala." Saka patakbong bumaba ang bata sabay yakap kay Kody.
"Ang laki mo na," aniyang ginantihan ng yakap ang bata. Ginulo niya ang buhok nito.
Lagpas balikat na niya si Matty. Two years old ito nang una niyang alagaan. Summer noon at inireto siya ng Tita Jane niya sa kaibigang si Faye. Magbabakasyon kasi sa probinsiya ang yaya ng bata. Mula noon siya na ang tagapag-alaga ng bata tuwing summer. Tumigil lang siya nang makapagtrabaho sa Emerald Advertising.
"Hi, Jeff. Nangapit-bahay ka na naman," aniyang sa binatang palapit. Katabi lang ng mga Tan ang bahay nina Jeff at ng boyfriend niyang si Jax. Unang araw niya bilang temporary yaya ni Matty noong katatapos lang niya sa highschool nang makilala ang magkapatid na Lacasa.
"Halos araw-araw naman akong nandito," depensa nito sa sarili.
"Takot sa bahay nila," tukso ni Faye.
"Grabe naman 'tong si Ate Faye sa akin."
"Hindi pa umuuwi ang parents n'yo?" tanong ni Kody. Negosyante ang mga magulang nila Jeff at Jax, madalas wala sa bahay.
"Next week pa," sagot ni Jeff.
"Wow! Donuts! Para sa akin po ba 'to, Ate?" namimilog ang mga matang bulalas ni Matty.
"Oo. Favorite mo na favorite ko din."
Tumango si Matty pero nasa box pa rin ang tingin. "Thank you po."
"Mamaya mo na kainin, kailangan mong maghapunan iinom ka pa ng gamot," paalala ni Francis.
"Yes, Papa."
"O, halina kayo kakain na," si Faye. "Jeff, umupo ka na dito."
"Hindi na 'ko kakain, Ate ha. Babalik na 'ko," agaw ni Kody. Sabay na napalingon sina Jeff at Matty sa kanya.
"Aalis ka na agad?" Parang nahulog ang mukha ng bata sa narinig. Lumabi pa ito, mangiyak-ngiyak na rin.
"O, ano'ng mukha 'yan?" Natatawang kinurot ni Kody ang pisngi ng bata. "May trabaho pa kasi si Ate. Hayaan mo, 'pag natapos 'to lalabas tayo. Ipagpapaalam kita sa Mama at Papa mo."
"Promise ah?"
Tumango ang dalaga. "Promise. Kailan ba nagpromise si Ate sa 'yo na di natupad?"
Napangiti na si Matty. Sunod-sunod ang pag-iling nito. "Never."
"Right." Bumaling si Kody sa mag-asawa. "Ate Faye, Kuya Francis, alis na po ako."
Siya namang paglabas ni Loida mula sa kusina na may bitbit na paper bag. Inabot nito iyon kay Kody. Takang napatingin siya kay Faye.
"Nagpabalot ako ng pagkain kay Loida. Baka instant noodles na naman ang kainin mo," ani Faye saka ibinigay sa kanya ang bag.
"May pang-breakfast ka na rin diyan, Ate. Initin mo na lang sa microwave," sabi ni Loida.
"Hindi ko 'to tatanggihan, Ate Faye. Maraming salamat."
"Hatid na kita," singit ni Jeff.
"Mabuti pa nga," sang-ayon ni Francis. "Kotse ko na ang gamitin mo, Jeff."
"Sige, Kuya. Susi mo 'po?"
"Pakikuha nga Loida, nasa vanity table ng Ate Faye mo sa kuwarto."
Walang nagawa ang protesta ni Kody. Tatlo sila laban sa isa kaya pumayag na rin siya. Ilang sandali pa ay inilalabas na ni Jeff ang sasakyan ni Francis. Bukas na ang gate ng mga Tan at naghihintay siya sa labas.
Mula sa kinatatayuan ay kita ni Kody ang garden ng mga Lacasa sa kabila. Maliwanag sa mga oras na iyon sa tulong ng mga ilaw na nakakalat sa paligid. Walang kaulap-ulap ang panggabing kalangitan pero hindi niya masyadong maaninag ang mga bituin. Natatakpan sigurado ng polusyon.
Isang kulay blue na pick-up ang umagaw sa pansin niya. Pumarada iyon sa tapat ng gate ng mga Lacasa. Kunot-noong pinanood ng dalaga ang pagbaba ng isang lalaki mula sa likuran, kasunod ang isang babaeng maikli ang buhok.
Umabot lang sa ilalim ng tainga ang buhok nito. Ang suot nitong puting short ay kasing-iksi din ng buhok. Dahil may ilaw sa taas ng pedestrian entrance ng mga Lacasa, malinaw niyang nakikita ang mukha ng babae.
Akala ko ba bukas makalawa pa ang balik ni Jax?
When the girl angled her head to the right, nakita niyang yumuko si Jax at hinalikan sa labi ang babae. She saw her pale, thin arms go around his neck. Para siyang namatanda nang hapitin pa ni Jax ang babae sa baywang.
"Kody," tawag ni Jeff sa kanya. Pero hindi siya nakagalaw. Nanatiling nakatutok ang pansin sa dalawang naghahalikan sa di kalayuan.
Dinig niya ang pagbukas at pagsara ng pinto ng kotse. Bumaba si Jeff. "Hey, why a--- " Napamura ang binata, hinawakan siya nito sa balikat at isinubsob ang mukha niya sa dibdib nito. Sa paghagod ng kamay ni Jeff sa likod ng dalaga ay bumuhos ang luha ni Kody. Tuluyang kumawala ang isang hagulgol sa lalamunan ng dalaga.
"I'll kill him!"
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro