Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Nine

Kumikirot pa ang ulo ni Kody nang pumasok sa trabaho kinabukasan. Inabot sila ng alas dos ng madaling araw ni Jeff sa Club Infinity. Hindi na siya nakauwi, napagod siya sa kakasayaw. Iyon pala ang distraction na tinutukoy ni Jeff. Hindi siya halos nakaupo, wala silang tugtog na pinalampas ni Jeff.

Ang damit na suot niya ngayon ay bigay ni Vivienne kasama na ang underwear. Masikip na daw ang mga ‘yon kaya sa kanya na. Nakaramdam siya ng hiya dahil lahat may mga price tag pa. Muntik na siyang himatayin nang mabasa ang presyo ng underwear. Kung susumahin pati ang presyo ng damit ay katumbas ng tatlong buwan nilang renta sa apartment.

“Good morning, Miss Kody. Na-late kayo,” bati ng guwardiya sa kanya.

“Oo nga po. Masama pakiramdam eh,” aniya.

“Iinom n’yo na po ‘yan ng gamot.”

“Kape lang ho katapat nito. Makikisuyo ho ako kung puwede?”

“Naku si Miss Kody, parang aders. Siyempre naman.”

“Pabili po ako ng kape kay Romeo.” Ang janitor na ka-close niya ang tinutukoy ni Kody. Nakikita niya ang sarili sa lalaki dahil kagaya nito ay working student din siya dati.

“Sige Miss Kody.”

Inabutan niya ng limandaan ang guwardiya. “Alam na niya kung ano ang iniinom kong kape. Pakisabi na rin po na bumili na rin siya ng almusal, sigurado hindi pa kumakain ‘yon.”

“Ang bait n’yo talaga, Miss Kody.”

“Sikreto lang natin na mabait ako, Manong. ‘Wag n’yo ipagkalat, may reputasyon akong kailangan pangalagaan,” biro niya.

“Yes, mam!” Sumaludo pa ang guwardiya sa kanya. Saktong bumukas na ang elevator kaya nagpaalam na si Kody.

Pagdating sa sariling cubicle ay kumunot ang noo ng dalaga. Halos walang nakapansin sa kanya dahil sa kabilang pinto siya dumaan. Wala sa ayos ang upuan niya, may pabilog na bakas ng natuyong kape sa mesa, wala sa tamang lugar ang hand sanitizer at box ng tissue at may bakas ng fingerprints ang monitor ng computer niya. Ang pinaka-badtrip sa lahat, nagkalat sa tabi ng basurahan ang mga bolang papel.

“Sino’ng nag-practice ng shooting sa basurahan ko?” malakas ang boses na tanong niya sa mga kasamahan. Sabay na napalingon sa kanya ang mga ito.

“Bakit?” Si Michelle.

“Duling eh, walang na-shoot sa basurahan. Nasa sahig lahat. Wala bang sariling basurahan sa pwesto niya? Nagkape pa, nag-iwan ng lilinisin sa akin. Pinakialaman na nga ang tissue at hand sanitizer ko, hindi pa ibinalik sa tamang lalagyan. Nag-iwan pa ng souvenir print sa monitor ko,” ratsada ni Kody.

“Wala akong kinalaman d’yan,” sabi ni Judy, isa sa mga copywriter nila.

“Ilang beses na niyang trip ‘tong space ko. Palit na lang kaya kami, no? Kung sino man siya, naglinis man lang sana kasi ganoon ko iniwan ‘tong puwesto ko kahapon,” hindi mapigil ang inis na patutsada ni Kody.

Ang iba nilang kasamahan ay nagkibit-balikat lang at binalikan ang ginagawa, pero hindi si Caroline na abala sa sariling kuko. Inirapan siya ng babae bago tumalikod.

Aba’t!

Kung may pagbibintangan siya, numero unong candidate si Caroline. Nauna ito sa kanya ng isang taon sa Emerald. Kagaya niya ay Graphic Designer din ito. Una pa lang ay mabigat na ang dugo nito kay Kody. Sinubukan naman niyang pakisamahan ng maayos ang babae pero lagi itong nakairap sa kanya. Minsan na rin niya itong tinanong kung ano ang problema sa kanya pero wala siyang napala.

Napabuga na lang ng hangin ang dalaga. Ano pa bang magagawa niya kundi linisin ang kalat? Lalo tuloy sumakit ang ulo niya sa nadatnan. Padabog na inumpisahan niyang ayusin ang mesa. Gigil na gigil siya sa pagpupunas ng bakas ng kape at fingerprints sa monitor. Kulang na lang tadyakan niya ang basurahan at utusan itong lamunin ang mga papel na nagkalat.

Pagdating ng kape niya, full blown na ang sakit ng ulo ni Kody. Hindi na maipinta ang mukha niya nang abutin sa kanya ni Romeo ang kape.

“Heto na ang kape mo, Miss Kody.”

“Salamat, Romeo.”

“Sukli mo po,” inabot nito sa kanya ang pera.

“Bumili ka ng almusal mo?” nagdududang tinitigan niya ang pera sa kamay ng lalaki. Ma-pride din kasi ‘to. Ilang beses nang tinanggihan ni Romeo ang tulong niya.

“Nakabili na po ako. Sobra pa ang pera.”

“Sigurado ka ha? Tatanungin ko mamaya si Manong guard,” aniya saka kinuha sa palad ni Romeo ang pera.

“Sure po, Miss Kody. At maraming salamat. Ang dami n’yo nang naitulong sa akin.”

“Sus, wala ‘yon. ‘Pag ikaw na rin ang nagkaroon ng trabaho, gawin mo rin sa iba ang ginawa ko sa ‘yo.”

“Promise po.”

“Sige na, shoo! Lumayas ka na.”

Pag-alis ni Romeo ay hinagilap niya ang paracetamol na karaniwan niyang itinatabi sa drawer. Madalas ‘pag stressed siya ay sumasakit ang ulo ni Kody kaya hindi siya nawawalan noon. Isinabay niya sa pag-inom ng kape ang gamot at umasang mababawasan ang kirot.

Isang bugbugang araw na naman, aniya sa sarili habang nakatingin sa tambak na files sa gilid ng mesa.  Moments later, she got buried in her work.

Isa-isa nang nagsisialisan ang mga kasama niya nang mag-angat ng ulo si Kody. Kung hindi pa niya nasulyapan sa gilid ng monitor ang oras ay hindi niya mapapansing tanghalian na pala.

“O, hindi ka ba kakain?” tanong ni Judy. Bitbit nito ang baunan.

“Magpapabili pa ako.”

“Hintayin ka namin?” si Michelle.

“Hindi na, baka gutom na kayo.” Sabay kasi silang kumakain. Hindi na sila lumalabas para makatipid.

“Sige. Pwede mo rin kaming saluhan, hahatian ka namin ni Judy.”

“Ayaw. Teka, CR muna ‘ko.”

Walang tao sa CR nang pumasok siya. Tamang-tama lang na naisara na niya ang pinto ng toilet cubicle nang marinig ang lagatok ng takong sa sahig. Patay-malisyang ibababa na sana ni Kody ang slacks nang marinig niya ang sariling pangalan.

“Epal talaga ‘yang si Nikoda. Tumakas sa OT kahapon, tapos late pumasok. Tuloy ako ang natambakan ng trabaho ni Sir Anthony. Past twelve na ako natulog. Ugh!”

Naitaas niya nang wala sa oras ang slacks. Pinagbuti pa niya ang pagdikit ng tainga sa pinto. Kilala niya ang boses pero hindi niya mai-associate sa mukha ng mga kasamahan niya. Pero sigurado siyang hindi si Judy o Michelle ‘yon.

“Bakit kaya paborito ni Sir si Kody?” tanong ng isa pang boses.

Kalabog ng katabing pinto ang sumunod. “Masyado kasing pabida. Pa-impress kay Sir. Walang bukambibig si Sir Anthony kundi siya. Sa mga trainings siya lagi ang pinapadala. Mas nauna ako sa kanya pero ni minsan hindi ako pinadala ni Sir sa mga ganoon.”

“One year ahead ka di ‘ba girl?”

“Oo. At may working experience na ako ng dalawang taon. Siya, fresh grad noong pumasok. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit lagi niya akong nasasapawan. Hindi naman siya magaling,” tuloy-tuloy na hirit ng isa.

Nagpanting ang tainga ni Kody. Sino ba ‘tong mahaderang ‘tong tunog ampalaya? Nakalimutan na niya ang pag-ihi. Pabalabag niyang binuksan ang pinto saka lumabas. Kitang-kita niya ang paglaki ng mga mata ng babaeng naiwan sa labas. Si Janine pala, taga-accounting. Mukhang alam na niya kung sino ang nasa loob ng toilet cubicle. Iisa lang ang kilala niyang kambal-tuko ni Janine sa opisina nila; si Caroline.

“Ano kayang klase ng pagsipsip ang ginagawa ni Nikoda kay Sir Anthony? Nang masubukan naman para bumango naman ako sa paningin ni Sir. Ang arte pa, para nakiupo lang ako kagabi sa puwesto niya nagsisigaw ba naman kanina ang kalat daw.”

Tumaas ang kilay ni Kody. Tama ang duda niya, si Caroline nga ang nag-iwan ng kalat sa puwesto niya.

“G-girl, shut up ka na lang kaya?”

Bumukas ang pinto. “At bakit? Hindi puwedeng maglabas ng opinyon?” Nakayukong sabi ni Caroline habang inaayos ang mini-skirt.

“K-kasi…”

“Hindi naman. Ang masama lang, kung narinig ng taong binanggit mo sa opinyon mo kuno,” hindi nakatiis na singit ni Kody.

Parang gusto niyang matawa sa pagkukulay-papel ng mukha ng babae. Mukha itong isdang naghahabol ng hininga sa ginagawang pagbukas-sara ng mga labi.

“N-Nikoda.”

“At your service,” sarkastikong nag-bow pa si Kody. “Dapat ko palang ipalamon sa ‘yo ang mga ikinalat mo sa cubicle ko.”

Imbes na matakot ay taas noong hinamon siya ng tingin ni Caroline. “Bakit, nakalimutan ko lang naman linisin ah. Pinagpuyatan ko ang trabahong iniwan mo. Dapat nga pasalamat ka dahil ako ang sumalo.” Lalong kumulo ang dugo ni Kody. Nag-init ang magkabilang tainga ng dalaga. Kung kaya niyang bumuga ng apoy, well-done ang gagawin niyang luto kay Caroline.

“Pasalamat pala ha,” aniya sabay sugod sa babae. Sabay na napatili sina Janine at Caroline. Bago pa niya mahablot ang buhok ni Caroline ay mabilis itong tumakbo palabas kasunod si Janine.

Naiwan siyang pinagpapawisan sa galit.







Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro