40
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko matapos kung mailagay ang lahat ng mga gamit na kailangan namin sa maleta. Pagkatapos ay naupo ako sa kama at napatingin sa bukas na bintana, ang berdeng kurtina ay bahagya pang nililipad ng hangin.
Ang hangin ay malamyos na tumatama sa aking mukha at marahan nitong isinasayaw ang ilang hibla ng aking buhok.
Ilang sandali lang ay biglang bumukas ang pinto ng kuwarto at sumilip mula doon ang mukha ni ate Heart. Nang makita niya ako'y kaagad siyang ngumiti sa akin.
Nakangiti akong lumapit sa kaniya habang siya nama'y niluwagan ang pagkakabukas ng pinto.
"Aalis muna ako, Zelle. May aasikasuhin lang ako, maiwan muna kita rito mag-isa ah?" aniya.
Ngumiti ako at tumango sa kaniya. "Ayos lang po, ate. Ingat po kayo," sambit ko.
Tumango-tango rin siya bago niya ako tuluyang tinalikuran para umalis.
Napabuntong hininga ako saka lumabas ng kuwarto para bumaba at dumiretso sa kusina. Kumuha ako ng isang basong tubig saka uminom pagkatapos ay pumunta ako sa sala upang manuod, pampalipas ng oras.
Marami akong ginawa, pagkatapos kong manuod ay napagdesisyunan kong maglinis ng buong bahay hanggang sa hindi ko namalayang dumating na pala ang dalawa kong kapatid.
Hanggang sa nakauwi na rin si Ate Heart galing sa pinuntahan niya. Ako na rin ang nagpresinta para sa hapunan namin dahil napansin ko ang mga pagod sa mukha nila. Adobong manok lang ang niluto ko dahil madali lang iyon at iyon lang ang lutong alam ko sa mga ingredients na nakita ko sa refrigerator.
Kinabukasan ay maaga akong bumangon para tulungan si ate Heart sa pagluluto ng umahan. Ngunit nagulat ako nang pagkababa ko ay nandoon si San Agustin, na prenteng nanunuod sa sala.
Nakangisi niya pa akong tiningnan at sinenyasang lumapit sa kaniya. Naiiling kong tinungo ang puwesto niya at saka humalik sa kaniyang pisnge na siyang ikinagulat niya.
Nanlalaki ang matang napatingin siya sa akin dahilan para mahina akong matawa. Nanggigil kong pinisil ang ilong niyang na kaagad niyang inalis ang kamay ko roon.
"Nangbibigla ka mare," naningkit ang kaniyang mata habang hawak-hawak pa rin any kamay kong pinangpisil sa kaniyang ilong.
Tipid akong umingos sa kaniya.
"Ikaw din naman ah? Basta-basta ka na lang nanghahalik d'yan," saad ko. Natawa siya at pinisil ang dalawa kong pisnge.
"Ah, gumaganti ka ba ha, Qalawacan?" aniya habang nanggigigil na niyayakap ang kaliwa kong braso.
Nakangiti kong hinaplos ang kaniyang malambot na buhok saka malalim na nagbuntong hininga. Biglang pumasok sa isip ko ang mangyayare bukas. Parang ayokong matapos ang araw na 'to, gusto kong manatili sa tabi niya, pero maraming humihila sa isip ko na hindi p'wede.
"Ang lalim no'n ah," bahagya pa 'kong nagulat nang hawiin niya ang buhok ko patungo sa likod ng aking tainga.
Wala sa sarili akong napatingin sa kaniya nang may pagtataka.
"Hmm?"
"Kung p'wede bang ituloy natin 'yong date na dapat eh kahapon? Baka naman, mareeee," magaslaw niyang inalog ang braso ko habang ilang dangkal na lang ang layo ng kaniyang mukha sa aking mukha.
Napangiwi ako kasabay nang pagtulak ko sa kaniya palayo sa akin.
"Iyon naman dapat ang gagawin natin ngayon," inis kong sambit ngunit isang malawak na ngiti ang namutawi sa labi niya.
"Ang ganda-ganda mo talaga..." mahina niyang aniya habang hinahalik-halikan ang likod ng kamay ko.
Nangingiti akong napailing bago binawi ang kamay kong hawak-hawak niya at saka nagpaalam sa kaniya upang puntahan si Ate Heart sa kusina. Ngumuso at sumimangot si San Agustin kaya tinampal ko ang nguso niya bago natatawang tumayo at iniwan siya sa sala.
Naabutan ko si Ate Heart na abala sa paghahanda sa lamesa, ni hindi niya napansin na nasa tabihan niya na ako.
"Ohmygod!" bahagya siyang napaatras at nagulat nang mapalingon siya sa gawi ko. Ngiwing ngiti ang ginawa ko nang mapahawak pa siya kaniyang dibdib.
"Zelle! Muntik na 'kong ma-heart attack!" mataas ang boses niyang aniya.
"Sorry, ate Heart, masyado kayong tutok sa pag-aayos eh," dahilan ko.
Napailing-iling siya bago huminga ng malalim, mukhang kinakalma niya ang kaniyang dibdib.
"Magpapaalam sana ako ate Heart," untag ko pagkalipas ng ilang sandali. Saglit niya pa akong tiningnan bago nilagay ang mga kutsara sa tabi ng pinggan.
"May date kayo?" panghuhula niya.
Tumango ako.
"Last date siguro," mahina kong wika saka tipid na ngumiti.
Muli niya akong tiningnan nang may awa sa kaniyang mata. Pagkatapos ay muli siyang nagpakawala ng buntong hininga.
"You know, I'm proud of you, Zelle. I'm sure, you won't regret your decision in the future," nakangiti niyang aniya ngunit hindi labas ang mga ngipin.
Tumango ako habang may tipid na ngiti ngunit unti-unti rin itong naglaho sa labi ko. Ramdam ko ang bigat sa dibdib ko. Buo na ang desisyon ko pero 'yong puso ko ang hindi pa rin nakakapagdesisyon.
Hindi ko alam kung kaya ko ba. Hindi ko alam kung magagawa ko bang ngumiti mamaya sa harap niya. Hindi ko alam kung makakaya ko bang tumingin sa mata niya nang wala bigat sa akin kalooban.
Gusto kong makasama siya sa buong maghapon. Gusto kong gumawa at dagdagan ang mga alaala na babaunin ko. Gusto kong makita ang ngiti sa kaniyang mata bago ko siya tuluyang iwan.
---
Henyeon Park. Dito niya ako dinala pagkatapos namin kumain sa isang restaurant. Hawak-hawak niya ang kaliwa kong kamay habang iginigiya niya ako papunta sa isang bench.
Habang naglalakad ay nanatili ang paningin ko sa kaniyang likod. Maraming pumapasok sa isip ko habang nakatingin sa kaniya. Gusto ko siyang patigilin sa paggalaw at titigan na lang siya.
"Upo ka muna mare, ibibili lang kita ng maduming ice cream," hinawakan niya ang braso ko at marahang pinaupo sa bench.
Nagawa niya pang kumindat bago tuluyang tumalikod at naglakad papunta sa nagtitinda ng sorbetes sa hindi kalayuan ng puwesto ko.
Sumunod ang tingin ko sa kaniya. Marahas akong bumuntong hininga habang pinagmamasdan siyang pumipili ng bibilhin na flavor. Bahagya pang kumukunot ang kaniyang noo habang tila may nirereklamo sa nagtitinda.
Hindi ko mapigilang mapangiti nang makita ang nakasimangot niyang mukha habang naglalakad palapit sa akin. Nakangiti akong tumayo upang salubungin siya.
"Bakit gan'yan ang mukha mo?" untag ko. Sabay kaming umupo bench.
"Bakit gwapo ang mukha ko?" aniya habang tangan-tangan ng kaniyang bibig ang maliit na kutsara para sa icecream.
Imbes na mapangiwi ay napangiti ako sa sinagot niya.
"Gwapo ka naman talaga eh. Ang tinutukoy ko yung nakasimangot mong bibig," wika ko habang nilalantakan ang binili niya. Ilang segundo siyang natahimik kaya naman napatingin ako sa kaniya.
Bahagya akong nagulat dahil titig na tigtig siya sa akin habang ang maliit na kutsara ay malapit nang mahulog mula sa kaniyang bibig.
Kumunot ang noo ko at ako na mismo ang nagtanggal nung kutsara. "Bakit?" untag ko.
"Kinikilig ako," bulong niya.
Napamaang ako at hindi makapaniwalang tumitig sa mata niya. Anong nakakakilig?
"Ha?"
"Shit," bulalas niya saka nababaliw na humalakhak habang ako'y nagtatakang nakatingin sa kaniya.
Anong nagyayari sa kaniya?
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro