26
Halos malaglag ang panga ni Roy habang tinitingnan sina Mak at Zira na halos hindi na mapaghiwalay sa kanilang paglalambingan. Natatawa kong pinanuod kung paano nalukot at umasim ang reaksyon niya dahil sa dalawa.
Nawala lang ang panunuod ko sa kaniya nang may lumapat na malamig na bagay sa pisnge ko. Paglingon ko'y kaagad kong nakita ang isang ice candy na nakatapat sa mukha ko.
Nakangiti kong kinuha mula sa kamay niya ang pagkain samantalang siya naman ay tumabi sa'kin bago umakbay ang kanan niyang braso sa balikat ko.
"Pisteng buhay 'to oh," sabay-sabay kaming natawa sa pag-aalburoto ni Roy. Padabog siyang tumayo mula sa bleachers at sinamaan kami ng tingin.
Kakatapos lang kasi ng laro nila. Kasali sila sa liga ng barangay at suwerteng magkakagrupo silang tatlo. Nakabihis na si San Agustin dahil hindi ko siya pinalapit sa'kin noong naliligo siya sa sarili niyang pawis. Kaya napilitan siyang magbihis muna bago lumapit. Naamoy ko na ang natural niyang amoy hindi katulad kanina na malayo pa lang ay amoy na amoy na ang pawis niya.
"Sign na 'to para maghanap ka na, p're," nanunuyang sambit ni San Agustin. Tumawa si Mak upang sang-ayunan ang sinabi ng kaibigan.
Umingos si Roy bago tumango. "Tama. Oras na paramaghanap ako ng mga bagong kaibigan. Mga traydor!" naiinis niyang buwelta saka kami tinalikuran.
Mahina akong tumawa habang bigay na bigay naman itong dalawang lalaki. Ang lalakas ng boses nila kaya ang ibang tao ay napapatingin sa pwesto namin. Siniko ko siya sa tagiliran dahil ang tagal na ng pagtawa nila.
"Tara na nga, iuuwi na kita," bulong niya sa tainga ko. Umismir ako bago tinulak ang mukha niya palayo sa'kin.
"Iuuwi na rin kita, mahal."
Sabay kaming napatingin ni San Agustin kina Mak at Zira na naglalakad na palayo sa'min. Nakaakbay si Mak habang nakapulupot naman ang braso ni Zira sa baywang ng lalaki.
Pagkatapos ay nagkatinginan kami ni San Agustin at sabay na natawa sa nakita. Inalalayan niya 'kong bumaba mula sa dalawang baitang kahit na hindi na naman kailangan.
Nandito ako ngayon sa room habang abala ang guro sa kaniyang pagtuturo sa unahan. Nangalumbaba ako habang nakikinig sa kaniya. Ngunit mabilis din akong tumunghay nang maramdaman ang papabagsak na talukap.
Ipinilig ko ang ulo at mahinang tinampal ang magkabila kong pisnge, nagbabasakaling magising ang buo kong diwa.
Tiningnan ko ang iba kong kaklase na katulad ko'y inaantok na rin. Ang iba ay halos sumubsob na ang mukha sa antok. Hanggang sa dumako ang tingin ko sa dulong bahagi ng silid. Nakita ko roon ang isang lalaki na walang pakialam sa lahat. Puro tulog na lang yata ang ginagawa nito kapag napapansin ko.
Bigla ko tuloy naalala si San Agustin, sigurado akong tulog din 'yon ngayon habang nagkaklase ang guro. Tipid akong napailing dahil sa naisip bago bumalik ang tingin sa unahan.
Pagkatapos ng huling klase ay nakaabang na si San Agustin sa gilid ng pintuan.
"Bulaga!"
Mataman kong tiningnan ang mukhang niyang parang ewan. Seryoso at kalmado kong tinitigan ang itsura niya.
"Mukha kang tanga." Maiksi kong komento.
Umakto siyang nasasaktan habang sapu-sapo ang dibdib.
"Ouch, ang harsh ng bebe ko," umiiyak niyang sambit ngunit wala naman luha ang mata niya.
Umirap ako. Nilampasan ko siya ngunit mabilis siyang nakahabol. Kinuha niya ang tatlong libro na bitbit ko. Hinayaan ko siya at hindi pinansin. Sa araw-araw niyang ginagawa ang bagay na 'to ay nasanay na 'ko.
Baka kapag nawala 'to, hanap-hanapin ko. Bumuntong hininga ako saka ko siya sinulyapan. Hawak ng isa niyang kamay ang tatlo kong libro habang ang bakante niyang kamay ang nakasuksok sa bulsa ng pants niya.
Kinubakasan, araw ng lunes, may pasok na naman sa eskuwelahan at ibig sabihin ay may trabaho na namam akong kailangan gawin. Malalim akong bumuntong hininga habang hinihintay si San Agustin na matapos ang ginagawa sa loob ng room nila. Nang sipatin ko siya ay nagmamadali ang bawat galaw ng kamay niya para makasulat. Hindi ko mapigilang mapatawa habang pinagmamasdan siya. Paano kasi, palaging tumitingin dito sa'king pwesto, paano siya matatapos niyan?
Nang makita niya 'kong nakatingin sa kaniya ay sumenyas siya nang sandali lang bago pinagpatuloy ang ginagawa. Tipid akong tumango kahit hindi niya na nakita.
"Sa wakas. Natapos din!" masaya niyang balita pagkalapit sa'kin. Malapad ang ngiti niya sa labi habang nakasabit ang isang trap ng bag sa kaniyang kanang balikat. Kinuha niya rin ang tatlong libro na yakap-yakap ko.
"Buti na lang talaga, may naghihintay sa'king isang magandang kumare," pabulong niyang sambit.
Napailing-iling na lang ako at hindi siya kinausap. Ihahatid niya na 'ko ngayon sa Cafe tapos siya naman ay didiretso sa bahay nila para siguro matulog o gumawa ng takdang aralin. Sa dalawang 'yon, matulog ang sigurado niyang gagawin.
"Maki-text ka kay Zira kapag pauwi ka na ah," bilin niya bago ako pinatakan nang magaan na halik sa sintido.
Nangingiti akong tumango. Ako na rin ang mismong bumaklas sa braso niyang nakaakbay sa'kin dahil pakiramdam ko'y wala siyang balak bumitaw. Natatawa akong kumaway sa kaniya bago tumalikod.
"Work well, mare!"
Itinaas ko ang aking kamay para ikaway habang nakatalikod sa kaniya. Hindi na 'ko humarap pa para tingnan siya.
Natapos ang trabaho namin pasado alas-sais ng gabi. Medyo madilim na rin sa labas nang tumingin ako mula sa loob. Mahina akong bumuntong hininga bago tumingin sa dalawa kong kasama na abala sa kanilang ginagawang paglilinis.
Ilang sandali lang ay natapos din kami. Unang dumating ang nobyo ni Lilac kaya siya ang unang umalis sa'min. Habang naghihintay kaming dalawa ni Zira ay nanghiram ako ng mobile phone niya para itext si San Agustin. Mabuti na lang talaga at saulo ko ang numero niya kahit wala naman akong cellphone. Pinilit niya kasi akong sauluhin, incase of emergency daw.
Binalik ko kay Zira ang kaniyang telepono bago tumingin sa labas. Samantalang si Zira naman ay tinawagan si Mak para magpasundo. Hindi raw kasi makakasundo ang tatay niya dahil abala pa ito sa trabaho.
Halos sampung minuto lang din ang lumipas bago dumating si Mak, sakay sa kaniyang sasakyan. Magkasabay kaming tumayo ni Zira palapit sa sasakyan.
Nakangiti si Zira habang nakakunot-noo naman ako.
"Anong nangyare?" naguguluhan kong tanong dahil sa nakikita.
"Weak kasi bebe boy mo. Pinatumba ng alak pfft," sagot sa'kin ni Mak.
Pumasok ako sa backseat para tingnan ang kalagayan ni San Agustin. Para itong ewan na nakangiti habang nakapikit ang mga mata. Nang haplusin ko ang kaniyang kaliwang pisnge ay mabilis niyang tinabig ang kamay ko. Nagulat ako sa ginawa niya.
Tapos ay unti-unti niyang iminulat ang pumupungay niyang mata.
"Ay, si magandang kumare pala!" malakas niyang bulalas saka ako hinigit para yakapin nang mahigpit.
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro