24
Bahagya kong inilayo ang ulo ko sa kaniya nang muli niyang hahawakan ang suot kong hairband. Sinamaan ko siya ng tingin habang tangan-tangan ng labi niya ang straw sa in-order niyang milktea.
Pinilit lang nila 'kong tatlo na umupo sa table nila. Pumayag naman si Miss Heart dahil saktong dumating siya nung nanggugulo ang tatlong bugok na 'to.
Hindi rin nakatakas sa mata ko ang pagpipigil tawa ng dalawa sa harapan ko. Umirap ako sa dalawa nang magtama ang tingin namin. Saka ko binalingan si San Agustin na kanina pa nakatulala sa'kin.
Kinaway ko ang kanang kamay sa tapat ng mukha niya. Napakurap-kurap siya saka nagtatakang tumingin sa'kin.
"Bakit?" untag niya.
"Ba't ka ba nakatitig? Kanina ka pa," bulalas ko at saka tinapik ang kamay niyang akmang hahawakan ang cute kong hairband.
"Masama bang tumitig? Ina-appreciate ko lang naman ang magagandang nakikita ko," nakangisi niyang aniya sabay kindat.
Tumaas ang gilid ng labi ko. Samantalang malakas na umubo si Roy habang namamanghang sumipol si Mak habang nakatingin sa'min. Inirapan ko silang dalawa.
"Pangmalakasan talaga ang banat ni Davido San Agustin! Hail to our King of Banats!" parehas nilang itinaas ang kanilang kamay saka yumuko sa lamesa na para bang sinasamba nila si San Agustin.
Nang sulyapan ko si San Agustin ay nakalahad ang dalawa niyang kamay na animo'y tinatanggap ang dalawang sumasamba sa kaniya. Tipid akong napailing habang nakatingin sa kanilang tatlo.
Ni hindi ko namalayan na sunod-sunod na pala ang naging costumer ng Cafe. Kaya't nagmamadali akong pumunta kay Zira nang tawagin niya 'ko para sa mga orders.
"Enjoy your drink, ma'am and sir."
Malapad akong ngumiti sa mga costumer.
"Enjoy your drink, sir."
Muli akong ngumiti nang malapad.
"Enjoy your drink mga madam."
Bumalik ako sa loob para kuhanin ang huling order. Nang maibigay ko 'yon sa costumer ay lumapit ako kay Lilac. Abala ito sa kaniyang ginagawa. Pati si Zira ay lumabas din sa loob para lumapit sa'min. Pinupunasan pa nito ang kaniyang leeg ng puting towel.
"First day, kapagod agad." Aniya. Ngumiti ako bago tumango. Hindi naman gano'n karami ang pumunta pero halos lahat ng pumunta rito'y may take out.
"Sinabi mo pa, sis. Tingnan mo 'yong peslak ko? Haggard na," lukot ang mukhang reklamo ni Lilac. Mahina akong natawa sa tinuran niya.
Sabay nila 'kong nilingon at tinaasan ng kilay. Napatigil tuloy ako sa pagtawa at nagtataka silang tiningnan.
"Bakit gan'yan kayo makatingin?" naguguluhan kong untag sa kanila.
Magkasabay nilang ininguso ang nasa likuran ko. Lumingon ako at nakita ko si San Agustin na kemeng kumaway nang magtama ang tingin namin.
"Nobyo mo?" nanunuksong binunggo ni Zira ang balikat ko.
"Hindi..." ngumuso ako. "...pa."
Magkasabay silang tumili nang pabulong at naghampasan. Ilang beses nila akong tinukso-tukso bago kami pinuntahan ni Miss Shasha para sabihin na p'wede na kaming umuwi.
Lumipas ang isang linggo. Naging maayos naman ang buong linggo ko sa pagtatrabaho sa Cafe. Sa tuwing umaga ay nagtitinda pa rin ako at kapag hindi naubos ay si Lyka ang pinagtitinda ko.
Hinawakan ko ang dala-dalang bag nang matanaw ko si San Agustin sakay sa kaniyang bisikleta. Isang linggo na rin niya akong sinusundo at hinahatid gamit ang bisikleta niya.
"Kanina ka pa?" tanong niya nang makalapit sa'kin. Umiling ako saka umupo sa likuran ng bisikleta. Iniyakap ko ang kanan kong braso sa baywang niya habang ang kaliwa kong kamay ay hawak-hawak ang bag para hindi mahulog mula sa 'king balikat.
Nagsimula siyang pumadyak habang sumisipol. Napangiti ako dahil sa tono ng pagsipol niya. Hanggang sa makarating kami sa Cafe ay maaliwalas ang mukha niya. Maging ako'y nahahawa sa malapad niyang ngiti sa labi.
Namulsa siya sa harap ko. Ni hindi ko magawang alisin ang tingin sa kaniya. Nagtitigan kami. Hindi alintana ang mga taong nakakakita sa'min. Pagkatapos ay magkasabay din kaming natawa sa ginagawa namin.
"Hindi pa 'ko nanliligaw nito ah," mahina niyang saad habang isinasabit ang ilang hibla ng buhok na nakawala mula sa pagkakapusod papunta sa likod ng tainga ko.
Napatitig ako sa kaniya. Tila ay bumagal ang oras lalo na nang unti-unting kumurba ang ngiti sa labi niya.
"Gusto mo na bang manligaw ako?" napakurap ako sa itinanong niya.
Nangunot ang noo ko ngunit narito pa rin ang lakas ng kabog sa loob ng dibdib ko at ang kakaibang nangyayare sa tiyan ko.
"Asa ka pa."
Ngumisi siya. "Sus, talaga ba, mare?"
Umirap ako at akmang tatalikod sa kaniya nang marahan niya hawakan ang palapulsuhan ko. Muling napaharap ang katawan ko sa kaniya ngunit ang tingin ko'y hindi pa rin bumabalik sa kaniya.
Ngunit, napatingin din ako sa kaniya nang marahan niya 'kong hilahin palapit sa kaniya. Huli ko na napagtanto nang tuluyan niya na 'kong mayakap. Mas lalo at dumoble ang kabog ng dibdib ko.
Dilat na dilat ang mata ko habang langhap na langhap ang natural niyang amoy na may halong pabango.
"H-hoy..." bulong ko. Sinubukan ko siyang itulak ngunit marahan niyang idiniin ang sarili ko sa kaniya. Nagbuhol-buhol na ang kaloob-looban ko.
"Hindi kita papakawalan kahit anong mangyare."
"Pero...papasok pa 'ko sa Cafe."
Mahina siyang natawa sa sinabi ko saka ako pinakawalan. Mariin niyang tinitigan ang mukha ko.
"Ang ganda mo. Ang ganda mo talaga. Mabuti na lang nabunggo kita noon, edi nakilala kita," isang ngiting hindi labas ang ngipin ang namutawi sa labi niya.
Nagpakawala ako ng buntong hininga at hindi nakasagot sa kaniya.
"Ano bang mayroon ngayon at nagkakaganito ka?" hindi ko mapigilang tanong.
Siya naman ngayon ay ang nagpakawala ng malalim na buntong hininga.
"Aalis kami papunta sa Isabela. Isang linggo kami roon," yumuko siya at muling huminga ng malalim.
Tipid akong ngumiti at tinapik ang balikat niya.
"Isang linggo lang naman pala. Bakit kung umakto ka r'yan ay parang ilang taon?" natatawa kong wika sa kaniya.
Ngumuso siya at isinandal ang ulo sa 'king balikat.
"Ang isang linggo na hindi kita makikita ay parang isang dekada sa'kin," mahina niyang aniya.
"OA mo. Kung hindi mo pakakaisipin ay parang isang araw lang ang isang linggo, San Agustin."
Ito na ang pangatlong beses na bumuntong hininga siya. Tipid akong natawa. Itinulak ko siya palayo sa'kin. Tinitigan ko ang mukha niya saka matamis na ngumiti.
"Hihintayin kita," saad ko.
"Dapat lang," paingos niyang sagot ngunit maya-maya ay malapad ding ngumiti.
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro