2
Malayo ang tingin ko habang nakamasid sa labas ng bintana. Break time ngayon pero heto ako't pinapalipas ang isang buong oras sa pagtingin sa labas ng bintana. Ngunit nang magsawa ay inalis ko rin ang tingin ko.
Napabuntong hininga ako nang maramdaman ang pagkalam ng sikmura ko. Ang natirang sukli sa sinahod ko ay ibinigay ko kay Lyka para makabayad siya sa project nila at pangbaon na rin niya.
Kinuha ko sa bag ang librong Science para magbasa dahil iyon ang susunod naming klase. Nasa kalagitnaan ako ng pagbabasa nang may naglagay ng isang fudgee bar sa taas ng binabasa ko.
Umangat ang paningin ko para salubungin ang tingin niya. Nakangiti siya habang ngumunguya, ang kanang kamay ay may hawak din na fudgee bar.
"Sa'yo na 'yan. Hindi ka pa ata kumakain e," nakangiti niyang sabi. Bahagyang napaawang ang bibig ko kasabay nang muling paghilab ng sikmura ko.
Kinuha ko ang fudgee bar saka tipid na ngumiti sa kaniya.
Siya si Aldrin Patricio, kilala siya sa buong school bilang isang masayahin, mabait at mapagbigay na tao. Narinig ko rin noong isang araw na tinulungan niya si Teacher Camote sa gastusin sa ospital noong nagkasakit ang anak nito. Mayaman ang pamilya ni Aldrin at mababait ang magulang niya dahil nakausap ko na sila noong foundation day ng school.
"Salamat, babayaran na lang kita kapag may pera na 'ko," bahagya akong nahiya dahil hindi ito ang unang beses na napansin at binigyan niya ako ng pagkain.
Palagi siyang timing magbigay, iyong panahong palagi akong walang-wala at gutom na gutom.
Ngumiti ulit si Aldrin na halos mawala na ang singkit niyang mata. Bahagyang lumawak ang ngiti ko dahil doon. Alam ko na kung bakit maraming nagkakagusto sa kaniya. Nasa kaniya na ang lahat e.
Umalis sa harapan ko si Aldrin kaya nilantakan ko na ang binigay niya. Kahit papaano'y naibsan ang kagutuman ko. Malalim akong nagbuntong hininga saka ko nilagay sa bulsa ng bag ang basurang plastic wrap ng fudge bar.
---
"Lezelle, uuwi ka na? 'Diba na may project pa tayong gagawin sa English kina Gloria?" napatigil ako sa tapat ng pintuan dahil tinawag ako ni Kyla.
Naalala kong ngayon pala kami gagawa ng irereport pero mayroon akong trabaho sa mini store. Napabuntong hininga ako. Kinuha ko sa bag ang isang pirasong yellow paper at binigay sa kaniya.
"Ginawa ko na ang lahat ng gagawin, pakigawan ng lang ng powerpoint tapos pumili na rin kayo ng magrereport," sambit ko. Natutuwa niyang kinuha ang papel sa kamay ko at nagpasalamat. Tumango ako bago ko pinagpatuloy ang paglalakad palabas ng classroom.
Pinagmasdan ko ang bawat estudyanteng nadadaanan ko habang naglalakad. Nakita ko ang mga saya sa mukha nila dahil sa wakas ay tapos na ang buong klase sa maghapon.
Mayroon namang masayang nagmemeryenda sa mga street foods kasama ang mga kaibigan nila. Iniwas ko ang tingin sa kanilang lahat. Bahagya kong iniyuko ang aking ulo habang humahakbang.
"Tangina p're saglit!"
"Hintayin niyo 'ko!"
"Pakyu, San Agustin!"
"Bobo, patay ka sa'kin!"
"Miss tabi!"
Hindi ako lumingon sa mga nag-iingay na estudyante. Alam ko na kung sino iyong mga balasubas na nag-iingay sa buong campus. Katulad ni Aldrin, kilala rin sila sa buong school. Pero hindi bilang mabait at mapagbigay ng students kung hindi bilang mga sakit sa ulo at mga pasaway.
Nanlaki ang mata ko bago ako bumagsak sa kalsada. Ramdam ko ang bigat na pumapatong sa'kin habang nakadapa ako.
"Aray..."
"Hala shet, tangina mo San Agustin!"
Mabilis nilang dinaluhan ang taong nakapatong sa'kin kaya gumaan ang buong katawan ko. Pero ramdam kong nasugatan ang dalawa kong tuhod.
Tinulak ko ang sarili para bumangon. Ni hindi sila nag-atubiling tulungan ako. Tiningnan ko sila ng masama pero mabilis din akong napangiwi dahil humapdi ang sugat sa tuhod ko.
"Hala ka, San Agustin! Si Qalawacan 'yan, iyong first honor noong grade seven!" narinig kong sambit noong isang kaibigan niya.
"Ano naman? Paharang-harang siya sa daan, 'no! Hindi ko kasalanan, may kasalanan din siya," para siyang bata kung ipagtanggol ang sarili.
Palihim akong napasinghal sa sinabi niya. Hindi na 'ko umasang hihingi ng pasens'ya ang isang 'to. 'Di bale na lang, ayoko rin namang makipag-usap pa sa kaniya.
Iika-ika akong tumalikod para maglakad ulit.
Halos tatlong kilometro pa ang lalakarin ko para makarating sa mini-store ni Aling Lolita. Siguradong matatagalan ako bago makarating. Bahagya akong napangiwi.
Ngunit hindi pa ako nakakalayo ay may tumigil na motor sa tapat ko. Napatigil ako para tingnan ang nagmamaneho.
Si Davido San Agustin pala. Siya ang kauna-unahang tao na inirapan ko. Naiinis ako sa pagmumukha niya. Siya ang anak na wagas kung makagastos ng pera ng kaniyang magulang. Wala naman yatang saysay ang mga pinagbibili nito.
Hindi ba niya naiisip na may mga taong hikahos sa buhay na dapat nagpapasalamat siya dahil kayang tugunan ng magulang niya ang pangangailangan at kailangan niya? E ako? Naghihirap pa ako para lang mabigyan ko ng pangangailangan ang sarili, minsan pa nga'y hindi ko maibigay!
Ayokong isumbat sa magulang ko na bakit ganito at bakit gan'yan. Dahil naiintindihan ko at patuloy kong iintindihin para sa kanila.
"Lezelle Qalawacan, tama ba? Halika, ihahatid na lang kita para quits na tayo," nilahad niya ang isang helmet sa'kin. Tiningnan ko lamang iyon at hindi siya pinansin.
Nagpatuloy ako sa paglalakad.
"Aish! Sabi ko na e! Peste talagang mga gunggong 'yon!" narinig kong reklamo niya saka niya muling binuhay ang makina ng sasakyan niya.
Tumigil ulit siya sa tapat ko.
"Namamagandang loob ako, pero you turned it off. Pero quits pa rin tayo ah?" aniya, lumingon ako sa kaniya. Nakita kong bumaba ang tingin niya sa tuhod ko.
"Bilhan ko ng ointment 'yang sugat mo, mayroon sa generica, goodbye Miss Taray," iyon lang bago niya pinaharurot ang motor niya. Akala ba niya may siyam siyang buhay?
Ang bata-bata pero nagmomotor na pakibahasa sunod luho e.
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro