Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

18

Pinunasan ko ang pawis na namumuo sa aking noo habang naglalakad paikot sa plaza malapit sa palengke. Dala-dala ang panindang puto't kutsinta para ilako sa mga taong narito. Araw ng sabado ngayon at ito lang ang araw na makapagtitinda ako.

"Zelle!"

Tumigil ako para harapin ang tumawag sa pangalan ko. Napangiti ako nang makita ang tumatakbong si ate Rosalyn palapit sa'kin.

"Ate," bati ko sa kaniya.

Tinapik niya ang balikat ko habang hinihingal, pagkatapos ay naglabas siya ng bente pesos mula sa bulsa niya.

"Pabili ng dalawang balot, nagugutom na ako!" aniya. Siya na mismo ang kumuha sa paninda ko. Natatawa akong pinanuod ang pagkain niya sa puto.

"Anong ginagawa niyo pala rito, ate Rosalyn?" tanong ko rito.

Sumenyas siya ng sandali kaya bahagya akong natawa. Mukha nga siyang gutom na gutom. Inabot ko sa kaniya ang baon kong tubig dahil sa pagmamadali niyang pagnguya. Baka mabulunan pa siya.

"Thanks. Minamadali kasi namin ang pag-aayos sa plaza. Alam mo naman, malapit na ang fiesta kaya maraming gawain," sagot niya pagkalunok ng kinakain.

"Sa susunod na linggo na nga pala ang fiesta rito," mahina kong komento sa sinabi niya.

Hindi ko naalala dahil abala ako sa school at sa pagtitinda. Ni hindi ko nga napansin ang makukulay na bandiretas na nakasabit sa mga poste. Ngayon ko lang nagawang tingnan ang paligid. Halos lahat ay abala ay tila ba ay mamaya na gaganapin ang fiesta.

"Mukha masaya na naman ang magiging fiesta ng barangay, ate," saad ko sa kaniya. Tumango siya habang umiinom sa tubig na inabot ko sa kaniya.

"Oo naman, Zelle. Tapos alam mo ba, nag-imbita si Kapitan ng banda para tumugtog sa gabi?" aniya at dala ng tuwa ay nahampas niya ang balikat ko.

"Talaga? Sana makapanuod ako," bumagsak ang balikat ko. Hindi kasi ako pinapayagan ni Nanay at Tatay na manuod tuwing gabi ng fiesta. Palaging may iniimbitahan ang Kapitan pero kahit isa ay wala pa akong nadadaluhan.

"Naku, papayagan ka na nina Aling Louisa. Ipagpapaalam kita, Zelle," tumaas-baba ang kilay niya. Mahina akong natawa. Gano'n din naman ang sinabi niya pero hindi pa rin pumayag ang magulang ko.

Nakangiti siyang nagpaalam para bumalik sa mga kasamahan niya habang ako naman ay nagpatuloy sa pag-ikot ikot para magtinda ng puto't kutsinta.

Mabilis na lumipas ang limang araw. Araw ng biyernes ngayon at huling subject na namin bago mag-uwian. Nagbigay ang guro ng gawain dahil may urgent meeting silang lahat na mga teacher.

Maya-maya ay naramdaman ko ang pagsiko ni San Agustin sa braso ko. Sinulyapan ko siya at saglit na itinigil ang ginagawa.

"Ano?" seryoso kong tanong.

Isang sinserong ngiti ang bumungad sa'kin nang tingnan ko siya. Kahit ang mata niya ay halos mawala na dahil sa lapad ng ngiti niya. Ano na naman kaya ang problema nito?

"Manunuod ka ba ng Beetches Band sa linggo? Sinong kasama mo?" tanong niya.

Ang Beetches Band ang inimbitahan ng Kapitan na tumugtog sa gabi ng Fiesta. Sikat ang banda sa bayan kaya sigurado akong marami ang dadalo sa kalapit na barangay namin.

Tipid akong umiling bilang sagot sa kaniya.

"Bakit? Ayaw mo?" tanong niyang muli.

"Wala akong kasama. Hindi ako pinapayagan ni Nanay at Tatay," sagot ko.

"Edi ako."

Bahagyang kumunot ang noo ko.

"Anong ikaw?"

"Ako ang kasama mo para payagan ka ng Nanay at Tatay mo," nakangiti niyang sabi.

Hindi ko tuloy mapigilang mapangiwi sa tinuran niya.

"Baka mas lalo akong hindi payagan kung ikaw ang kasama."

"Watch and see, Qalawacan."

---

"Basta ihahatid niyo si Lezelle bago mag-alas diyes ng gabi ah," kalmadong sabi ni Nanay habang nakangiti sa tatlong nasa harapan namin.

Sabay-sabay ang naging pagtango nila bago ako sinenyasang lumapit sa kanila. Wala ako sa sariling napahakbang papunta sa kanila.

Nagugulat pa rin ako. Basta-basta na lang may kumatok sa pinto namin at pagbukas ko'y lumantad ang tatlong ngiti ng magkakaibigan. Ni hindi mababakas ang kaba sa kanilang mukha nang ipagpaalam nila 'kong isasama sa panunuod ng Beetches Band sa plaza ngayon.

Hindi pa rin ako makapaniwala na pumayag sina Nanay at Tatay na sumama ako. Pasimple kong kinurot ang braso ko para malaman kung nasa panaginip lang ba ako pero nakaramdam ako ng sakit. Ibig sabihin lang nito, totoo ang lahat ng nangyayare.

"Bilib ka na ba sa kagwapuhan ko, mare?" bahagyang lumakbay ang kamay ni San Agustin sa balikat ko.

Sinulyapan ko siya bago siniko ang tagiliran niya. Nakita ko kung paanong ngumiwi ang bibig niya. Magkatabi kaming nakaupo rito sa backseat ng sasakyan ni Mak habang si Roy ay nasa passenger seat.

"Ang lakas ng hangin, Makmak," pagpaparinig ni Roy.

"Bukas yata ang bintana, Royroy," segunda naman ni Mak.

Mas lalong sumama ang mukha ni San Agustin sa sinabi ng dalawa.

"Palibhasa mga inggit sa mukha ko, mga kawawa naman kayo mga hampas lupang bitches."

"May nagsasalita, p're," humalakhak si Mak.

"Nakakakilabot naman, grr..."

Mahina akong napatawa sa kanilang tatlo. Ang hilig talagang mag-asaran ng mga 'to, pare-parehas naman na mga pikon.

Namamangha kong pinaikot ang paningin ko sa paligid. Nakangiti ako habang tinitingnan ang mga kumikislap na ilaw habang abala ang mga tao sa kanilang ginagawa.

Malakas ang tugtog at ramdam na ramdam ang bawat kabog at dagundong sa lupa. Napatingala ako sa lalaking tumabi sa'kin habang nakangiti ako. Nagkasalubong ang tingin namin. Nakangiti siya ngunit hindi labas ang ngipin.

"Kamusta?"

Nagugulat akong napahakbaang paatras sa kaniya.

"Aldrin?"

"Long time no see," bahagya siyang natawa.

Pinagmasdan ko ang kabuuan niya. Hindi ko maiwasang manibago sa itsura niya ngayon. Mas pumusyaw ang kulay ng balat niya. Mas lalo siyang tumangkad at nag-iba na rin ang pananamit niya.

"Kailan ka pa dumating?" tanong ko nang pumitik ang kamay niya sa harap ko.

"Nung isang araw lang. Binisita namin si Abuela sa kabilang barangay. Kumusta ka na?" kumislap ang mata niya habang nakatitig sa'kin.

Hindi ko mapigilang mapangiti sa kaniya. Mas lalo siyang naging gwapo ngayon. Nakakatuwa.

"Ayos lang. Dito na ba ulit kayo maninirahan?" untag ko rito. Lumingon ako sa paligid dahil hanggang ngayo'y wala pa rin ang tatlo kong kasama. Bibili lang daw ng pagkain pero wala pa rin.

Bumalik ang tingin ko kay Aldrin nang umiling siya at nagsalita.

"Ang aliwalas ng mukha mo ngayon, ah? Para kang namumukadkad na rosas sa gitna ng mga santan," mahina siyang nagpakawala ng tawa sa sinabi.

Mahina rin akong natawa ngunit ramdam na ramdam ko ang pag-iinit ng pisnge ko. Bahagya akong yumuko para itago ang mukha ko mula sa kaniya.

Pero kaagad din akong napatunghay nang may umakbay at humila sa'kin. Bumunggo ako sa katawan ni San Agustin na masama ang tinging ipinupukol kay Aldrin.

"Binabastos ka ba nito, mare?" maangas niyang tanong. Tiningnan niya muna ako bago siya muling bumaling kay Aldrin.

***

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro