Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata Kinse

Natagpuan ng batang si Kira ang sarili na nasa loob ng isang luma at mabahong kulungan. Umiiyak pa rin ang bata dahil sa pagkamatay ng kaniyang ama; hindi niya pansin ang isang kalansay sa kaniyang tabi.

Hindi maalis sa kaniyang isipan ang brutal na ginawa ng mga kawal sa kaniyang ama, ang ginawa ng mga ito sa kaniyang kaharian at ang pagpugot ng mga ulo ng mga kaniyang kababayan kani-kanina dahil sa pagsuway ng mga ito sa hari ng Titania.

"A-Ama! Ama!" panaghoy ng bata habang mahigpit na hinawakan ang rehas ng kaniyang kulungan.

Maya-maya pa ay nakarinig siya ng mga yabag na papunta sa kaniyang kinaroroonan, ngunit wala siyang pakialam at patuloy na umiiyak.

"A-Ama! Dalhin niyo ako sa ama ko!" Palapit nang palapit ang mga yabag hanggang sa nakita na niya ang dalawang paa na nasa harapan ng kaniyang kulungan.

"Ito na ba ang anak ng konde? Kung hindi lang ito bata ay baka ginawa ko na itong aking bagong asawa," natatawang ani ng isang pamilyar na boses; boses ng halimaw na siyang nag-utos na sirain ang kaniyang tirahan at patayin ang kaniyang ama.

Naramdaman ng bata ang galit sa kaniyang sistema at niyugyog ang rehas. "Pakawalan niyo ako! Halimaw ka! Pinatay mo ang tatay ko... Ang sama-sama mo!" asik ng bata at patuloy na yinuyugyog ang rehas na siyang dahilan ng pagyanig nito.

Bakas ang galak sa mukha ng hari sa nakikita. Alam niyang kapag magpapatuloy pa ang ginagawa ng bata ay babagsak ang selda. Sa taglay ng bata ay tiyak na magagamit niya ito kaya't mainam na huwag niya itong patayin...sa ngayon.

"Buksan mo ang kulungan niya," utos niya sa kawal na kasama niya na mukhang nag-aalangan.

"N-Ngunit, kamahalan?"

Matalim niyang tiningnan ang kawal. "Sa tingin mo may magagawang masama ang paslit na ito sa akin?" ngiti-ngiting wika nito at nagawa pang lumuhod para mapantayan ang bata; hinawakan ang baba nito; ang kaniyang kamay ay kinagat ng bata at siya ay sinigawan.

"Hayop ka!" tumawa lang ang hari at sinenyasan ang kawal na gawin ang kaniyang utos.

Tumalima naman ang kawal at nanginginig na binuksan ang selda; sa pagbukas nito agad na tumakbo ang bata papunta sa hari at pinagsisipa ang binti nito.

"Masama ka! Masama ka!" muling tumawa ang hari at binuhat ang nagmamaktol na bata; humahanga siya sa tapang nito na magagamit niya at sa lakas nito na itanggi man niya, ang sipa nito ay nagpamaga sa kaniyang binti.

"Tawagin mo ang mayordoma, ipahanda ang isa pang silid at maghanda ng pagkain at damit para sa batang ito."

"N-Ngunit, kamahalan?" isang masamang tingin ang pinukol ng hari sa kawal at agad itong tumakbo palabas upang gawin ang kaniyang sinabi.

"Hindi ako sasama sa iyo! Patayin mo na lang ako! Gusto kong makasama ang ina at ama ko!" hikbi ng bata at pinagsusuntok ang likod ng hari.

Tumawang muli ang hari at pinaharap ang umiiyak na bata; bakas ang takot sa mga mata nito kahit na pinipilit nitong magmatapang. "Hindi ka maaring mamatay, bata. Ang aking mga bihag ay namamatay ng walang dangal sa aking serbisyo at iyon din ang mangyayari sa iyo..." marahas nitong hinaplos ang buhok ng bata.

"...Ngunit, kung gusto mong makaganti sa akin at mamatay ng may dangal, kailangang alisin mo muna ito ngayon, dahil...may pagkakataon kang patayin ako kung malapit ka sa akin, 'di ba?" tiningnan ng hari sa mata ang batang babae.

Alam ng bata na tama ang sinabi ng hari...may pagkakataon siyang maghiganti.

Dalawang taon na ang lumipas at maayos ang pagtrato ng hari ng Titania sa bata. Pakiramdam ni Kira ay mabait ito ngunit hindi pa rin maalis sa isipan ni Kira ang mga ginawa nito sa kaniyang kaharian at mga magulang.

Ngunitagaran namang nawala ang tingin ni Kira na mabait ang hari noong minsan ay nasa hardin siya ay nakita niya itong may kinakaladkad na batang mukhang mas matanda sa kaniya; halos wala nang saplot ang bata at puno ng pasa, sugat at naliligo sa sariling dugo.

Mukhang nawalan na nang malay ang bata ngunit patuloy pa rin ang pagkakaladkad ng hari dito; nagtago sa may halaman si Kira habang pinapanood ang pangyayari.

"Gising! Malakas ang loob mong suwayin ako 'di ba? Ngayon, dapat malakas din ang loob mong tanggapin ang lahat ng parusa," asik ng hari at kinuha ang latigo na nakasabit sa may bewang nito at nagsimulang latiguhin ang kawawang bata.

Naalala ni Kira ang ginawang panlalatigo ng hari sa kaniyang ina bago ito tuluyan. Nag-init ang mga mata ni Kira sa galit sa naalala at hindi niya napigilang umiyak; pigil ang hikbi niya upang hindi siya marinig ng hari.

Tiningnan niyang muli ang batang lalaki na ngayo'y sumusuka ng dugo, maya't pa ay dumako ang pagod na tingin nito sa kaniya; mga tingin na tila nangungusap na sinasabing "umalis ka na".

Sa hindi malamang dahilan ay umalis siya; punong-puno ng luha ang mata. Nang medyo makalayo siya ay kumaripas siya nang takbo habang humihikbi.

Lumipas ang mga taon at nakalimutan na ni Kira ang pangyayari, hindi na rin niya nakita ang batang lalaki simula noong tulungan niya ito dalawang linggo pagkatapos nang makita niya itong sinasaktan ng hari. Ngunit, naalala niya pa ang huling sinabi nito sa kaniya...

"Huwag kang padalos-dalos sa loob ng palasyo, sarili mo lang ang dapat mong pagkatiwalaan dahil ang sobrang pagtitiwala ay maaring magdala sa iyo sa kapahamakan."

Naging paborito siya ng hari dahil sa kaniyang mga nagawa, kung kaya't parang prinsesa ang trato nito sa kaniya lalo na noong nakuha niya ang pulang bato ng Infrtr sa bulkan ng Invecti; pinaniniwalaang pugad ng mga sinumpang nilalang, ngunit sa kabila ng mga ginagawa niya sa hari ay tinutulungan niya pa rin ang mga dinehado nito kahit na patago lamang ang kaniyang ginagawa.

"Hindi lahat ng kabutian sa kapwa ay susuklian ng katulad na kabutihan."

Tagaktak ang pawis ng dalagang natutulog sa isang kama, tila siya ay binabangungot dahil minsan ay sumisigaw din siya. Hindi rin mapigilan ng kaniyang katawan ang paglipat-lipat ng puwesto sa higaan at tumulo ang mga butil ng luha sa mga mata.

Hindi nito alintana ang dalawang boses na naguusap sa kaniyang tabi.

"Ano ba ang alam mo bubwit? Tingnan mo si Kira, nahihirapan siya ngayon pero kung patatagalin pa ang ibang problema ay baka hindi na niya kakayanin," ani ng isang maskuladong boses.

"Bakit ka may pakialam kay Kira? Importante ba siya sa iyo—"

"Tumahimik ka, bubwit!"

Hanggang sa nabuko siya nang anak ng hari na hindi siya sinumbong bagkus ay hinangaan siya.

Hanggang sa nahulog siya sa prinsipe at pinagkatiwalaan ang puso niya.

Hanggang sa nakilala niya si Tsukino at pinagkatiwalaang maging kaibigan niya.

Hanggang sa nakalimutan na niya na nararapat niyang pagbayarin ang Titania sa kinuha nitong buhay sa kaniya...

Hanggang sa muli itong nanguha mula sa kaniya at binasag ang tiwala niya.

Nagpagamit siya at nabubuhay siya nang walang dangal na akala niyang natamo na niya dahil sa kaniyang kagagawan.

"HULI NA IYON!" sigaw ni Kira nang mapa-balikwas siya nang bangon; habol-habol niya ang kaniyang hininga at nararamdaman niya ang panginginig ng kaniyang laman.

Napatigil naman ang binatang si Xerxes sa pagsasalita sa bubwit na si Violet na habang sila pala ay naglalaban ay narito lamang ito sa bahay at walang pakialam kung halos ikamatay na nila ang nangyari kanina!

At kanina pa nito pinipilit ang bata na magsalita sa mga nalalaman nito sa mga nangyayari sa kontinente dahil alam niyang may alam ito...alam niyang may kasagutan sa librong hawak nito na pagmamay-ari ni Kira.

Lumapit si Xerxes sa hapong-hapong si Kira. "Gising ka na pala mula sa iyong masamang panaginip, masarap bang masampal nang kahinaan?" nangungutya nitong bungad sa dilag (ngunit sa katunayan ay nag-aalala ito).

Masamang tiningnan ng dilag ang binata ngunit pinagtataka niyang parang alam nito ang nangyayari sa kaniya.

"Ano bang alam mo? Porket niligtas mo ako?" asik ng dalaga.

"B-Bakit? Dapat ako ang nagligtas sa iyo? Pero bakit parating ikaw lagi ang nagliligtas sa akin? Mahina nga talaga ako," gaya ng binata sa kaniyang sinabi at pati ang boses ay inipit nito noong bago siya nawalan ng malay at pagkatapos nitong patayin ang heneral.

Nag-init ang kaniyang mukha nang maalala na sinabi niya talaga ang mga iyon at mukhang hindi kinalimutan ng baliw na binata. Nararapat siyang matakot sa binata ngunit sa ginawa nitong pagsakripisyo at pagligtas sa kaniya parang hindi na niya maramdaman ang takot at nais niyang asarin ang binata.

At biglaang nawala ang takot na dala ng kaniyang bangungot nang magsalita ito.

"Hindi ka mahina, napatunayan mo iyon ngayon at hindi mo man ako niligtas ngunit balang araw magagawa mo rin iyon," ulit niya sa sagot ng binata noon; ang huling narinig niya bago siya tuluyang kinain ng kadiliman.

Namilog ang mata ng binata at kahit nakatakip ang mukha ng bagong gawang maskara (iniisip ni Kira na sana ay hindi na lang nito sinuot; nais niyang makita ang totoong mukha nito) ay halatang namumula ito. Napangisi si Kira at kinalaunan ay tumawa.

Buo ang kasiyahan sa kaniyang pagtawa, ang pagtawa na ngayon niya lang ulit nagawa mula noong yayain siyang magpakasal—ni prinsipe Ringo. Ang unang tawa niya sa kabila ng mga nangyari sa kaniya.

At susulitin niya ang tawang ito kahit ngayon lang.

"T-Tumigil ka! Hindi kita pinayagang tumawa! Tandaan mo kung sino ako!" pilit na sineseryoso ng binata ang boses kahit na hiyang-hiya na ito.

Tumawa lang muli si Kira, hindi alintana ang blankong mga tingin ng batang si Violet na tila sinasabihan silang; andito pa ako, hindi niyo ako manonood!

Hinila naman ni Xerxes ang bata papuna sa harapan ni Kira. "May kasalanan ang batang ito at may nararapat na aminin! Ito ang importante ngayon!" pag-iiba ng usapan ng binata.

Ngumisi si Kira at humalagpak ulit ng tawa. "Iniiba mo ba ang usapan? Mephisto?"

"H-Hindi!"

Sinong mag-aakalang marunong makaramdam ng hiya ang isang malakas na nilalang gaya ni Xerxes?

Alam ni Kira na seryoso dapat ang sitwasyon ngayon at nararapat hindi siya tumawa ngayon...pero bago bumalik sa kaguluhan ay nanamnamin niya ang kaunting kasiyahan na prinesinta para sa kaniyang puso.

SAMANTALA, sa isang madilim at walang buhay na bahagi ng buong kontinente—ang lugar kung nasaan ang mga sinumpang nilalang, demonyo at mga pwersa ng kasamaan, tila nagsasaya ang mga nakakatakot na mga nilalang; dumadagundong sa buong lugar ang mga katakot-takot nilang mga tawa at mga pagbibitiw ng mga sinaunang mga ritwal na nagbibigay pugay sa kanilang mga diyos. Sa gitna ng lugar ng kanilang kasiyahan ay isang ulo ng isang alkemista (ito ay nangahas pumasok sa teritoryo nila at sinubukang tapusin sila kahit ito ay napakahinang nilalang) na nakatusok sa isang mahabang sibat; balat ay niluluto ng apoy na para bang karneng baboy sa isang piging.

"Et salve ert ferdorue! (Magdiwang sa ating kalayaan!)" hiyaw ng isang maitim na nilalang na may sungay at apat na mata habang iniihaw ang ulo ng kanilang pinatay.

"Ert ferdorue! (Ating kalayaan!)" sigaw pa ng isa habang pinuputol-putol at hinihiwa ang madugong laman galing sa katawan ng alkemista.

Naghiyawan ang mga halimaw sa bulwagan at humahalakhak. "Siowli! Nera ert salve, tedoui alkemista cedshre umera fon enneserar! (Katahimikan! Hindi pa tayo puwedeng magsaya, buhay pa ang mga sinaunang alkemista na nagkulong sa atin dito!)" dumagundong ang makapangyarihang boses ng kung sino mula sa isang malaking trono na gawa sa pinatuyong laman at buto ng isang alkemista; nakaupo ito sa trono habang hawak-hawak ang baso ng alak na naglalaman ng dugo, malamig ang mga titig nito at lubhang napakatalim, boses rin ay malamig na tila mula sa isang malalim na hukay.

Sa tabi nito ay isang malaking salamin na gawa rin sa buto at kakulay ng gabi, sa gilid ng salamin ay maitim din na kadena na nakatali sa kamay at paa ng isang sugat-sugat na babae, ang mga mata ng babae ay pagod at walang lakas habang patuloy na tumutulo rito ang pulang likido.

"Hindi magtatagal ay tuluyan na nila kayong mapapatay!" wika ng babae na ikinatawa ng nasa trono.

Itinaas ng nilalang na nasa trono ang mga kamay sa ere at sa ginawa nito ay lumabas ang maiitim na anino mula sa salamin na siyang tumusok sa babae.

Sumigaw ang babae sa sakit na siyang ikinatawa ng mga halimaw sa bulwagan. "Sierdevuer meu? uni alkemista hader ade ferdorue! (Nakakalimutan mo? Isa ring alkemista ang nagpakawala sa akin!)" Natatawang sagot ng nilalang sa trono.

"At sa isang tinapos na buhay, tuluyang pinakawalan ng hangal ang selyo ng aking kapangyarihan!" pagpapatuloy nito at lumapit sa kawawang babae at hinila ang buhok nito; kamay ay sumisipsip sa ispiritwal na lakas ng babae, pagkatapos ay mariin niya itong hinalikan sa mga labi habang patuloy na lumuluha ng pula ang mga mata nito.

"Iokhgle ert celestro! (Ituloy ang kasiyahan!)" anunsyo nito at bumalik muli sa trono; nakangising iginiya ang tingin sa malaking bintana na alam niyang sa labas nito ay tuloy-tuloy na kumakalat ang kaniyang sumpa sa buong kontinente at hindi magtatagal ay lalapit ang mga alkemista sa kaniya at makakain niya ang mga kapangyarihan nito at masisira ang buong kontinente na hindi niya nagawa dahil sa pagselyo sa kaniya ng mga sinaunang alkemista (na alam niya ngayo'y buhay na muli sa ibang katauhan) kahit na kapalit nito ang mga sariling buhay.

Ang mga nagpapaka-martyr ay namamatay ngunit ang kasamaan ay hindi titigil sa pagpapalaganap.

"Ang sinasabi mo ay may mas malaki pang gulo na maaring makapagtapos sa buong kontinente?" hindi makapaniwalang wika ni Kira nang sabihin na ni Xerxes ang importanteng bagay.

Tumango ito at itinuro ang batang si Violet na mahigpit na niyayakap ang libro. "At may alam ang batang ito dahil ang libro at ang batang iyan ay parang magkasing katawan na noong ipinasok mo iyan sa loob ng libro," sagot nito.

Tatanungin na sana ni Kira ang bata nang biglang nanginig ang katawan nito at nagsimulang umilaw ang libro, tumaas ang katawan nito sa ere at naging berde ang kulay ng mga mata.

"Ert mubeles et yufreui sacghoi alkemista vyulopde ert fijl ezre jolvui!" Wala sa sariling wika ng batang si Violet; nag-iba ang boses nito na para bang sinapian ng kung sino.

"Ano ang nangyayari sa kaniya?" nag-aalalang sabi ni Kira, nais sana ng dalaga na tulungan ang bata ngunit hinawakan ni Xerxes ng mahigpit ang kaniyang braso upang pagpigil sa kaniyang gagawin.

"Bitiwan mo ako!"

"Threioghf belsetoip ert morte!" muling usal ni Violet; ang librong hawak ng bata ay nagbuklat mag-isa at lumabas ang mga sinaunang mga letra.

Nanginig ang buong paligid at nagbukas sara ang mga bintana at pintuan.

Sa muling pagbukas ng pintuan ay may naaninag na lalaking may olandes na buhok.  May suot itong krus na hikaw sa kanan nitong tainga at ang kwintas nitong may disenyong kidlat. Matalim ang kulay dagat nitong mga mata habang nakapamulsa pang naglalakad sa kanilang direksyon.

"Sinaunang mga ispirito, kapangyarihan ay hangarin, muling mga alkemistang martyr, gawing muli sa kasalukuyan ang ginawa sa istorya ng nakaraan at buhayin ang iskripto sa kasalukuyan," wika nito na alam pareho nina Xerxes na isinasalin nito ang sinabi ni Violet.

"...kung hindi nais ang buhay ng lahat ay hagkan ni kamatayan," pagpapatuloy nito; mata ay matalim na nakatingin sa mga mata ni Kira.

Sa mga tingin pa lamang nito ay nakilala agad nito ni Kira, nakaramdam ng bigat sa dibdib ang dalaga sa mga tingin nito.

Bago pa tuluyang masabi ni Kira ang pangalan ng estranghero ay natagpuan niya ang sarili na nakadikit sa dingding, habol-habol ang hininga habang ang isang kamay ng estranghero ay mahigpit na nakasakal sa kaniyang leeg.

"Virtosong binibining heneral, muli tayong nagkita..."

Narinig niya ang sigaw ni Xerxes sa estranghero na pakawalan ang pagkakasakal nito ngunit alam ng dilag...

May utang siya rito at mukhang sinisingil na siya nito ngayon—buhay sa buhay.

-

Mephisto- master

Sorry for the late ud. 2,620 words done for compensation.

Chuchu language na ginamit ay orihinal kong gawa. I hope you guys had enjoyed. Give this chapter a vote if you do and leave some feedbacks.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro