Kabanata Dose
NAKADIKIT lang ang tingin ni Xerxes sa sumisigaw na dilag. Hindi makapaniwala na ngayo'y unti-unti nang lumalabas ang kakayahan nito. Naging gawa sa purong yelo ang hawak nitong espada, naka-ukit sa espada ang mga sinaunang simbolo na alam niyang isang malakas na mahika, sa may taas hawakan nito ay isang ulo ng dragon at nakapalibot ang buong katawan nito sa buong hawakan.
Ngunit, kahit na nakikita niya ang lakas nito ay hindi niya alam kung kaya ba ng katawan nito na kontrolin ang malakas na kapangyarihan at kanina pa ito sumisigaw at umiiyak habang hawak-hawak ang espada at sa itsura pa lamang ng hangal na heneral sa may kalesa ay alam niyang iniisip na ito na walang kwenta ang kapangyarihan kung hindi handa ang may-ari nito.
Nag-aalala siya para kay Kira, ngunit naniniwala siyang makakaya nito.
"Sugurin ang kriminal! Huwag kayong matakot!" Nagkalakas na ng loob ang hangal na heneral upang sabihin ang kahangalan.
Hindi makapaniwala ang tingin nito sa mga bangkay ng mga kawal at pati na rin ang mga alas nitong mga higante.
Sumasakit na ang ilong ni Xerxes dahil sa amoy ng dugo, ayaw niya ang amoy ng dugo dahil naalala lang niya ang mga nangyari sa kaniya pero alam niyang kailangan.
Kailangan niyang pumili sa dalawang katotohanan. Dugo ng iba para sa dugo niya? Buhay ng iba o mismong buhay niya? Dadanak man ang dugo ay hindi pa siya maaring mamatay... Hindi pa hanggang sa nalalasahan ng kaniyang uhaw na bibig ang hustisyang kaniyang hangad at hanggang sa araw na maari ng maging puro ang dugo niyang buhok.
Hanggang sa makikita niyang hindi na lumuluha ang dahilan kung bakit pa siya nabubuhay ngayon.
"Ano? Tutunganga na lang ba kayo? Sugurin sila!" Bumalik sa wisyo si Xerxes at muling napatingin sa heneral.
Nag-aalangang tumango ang sampung natitirang kawal at napa-iling na lang si Xerxes, diniretso ang tayo at isa-isang tiningnan ang mga mata ng kawal na ngayo'y nangangatog ang mga binti sa kaniyang mga titig.
"Bibigyan ko kayo ng pagkakataon, umalis kayo rito at bubuhayin ko pa kayo, pumili kayo," bakas ang awtoridad sa kaniyang tinig at ang pagbabanta na maisasagawa kung hindi tumalima ang mga ito.
"Huwag niyo siyang sundin! Ako ang inyong heneral!" Lumipat ng tingin ang mga kawal at mahigpit na hinawakan ang espada.
"Pwera siya," tinuro niya ang nangangalit na heneral. "Bubuhayin ko kayo at hahayaang umalis dito, may isa akong salita kung marunong kayong sumunod." inayos-ayos pa niya ang kaniyang suot na maskara at ngumisi.
Ang sama ng tingin ng heneral at inalis sa kaha ang espada. "Mga bobo! Ako na lang ang gagawa!" wika nito at lumapit sa kinaroroonan ni Kira, ngayon ay nakalabas ang itim na anino sa likod nito—isang maitim at sinaunang kapangyarihan.
Hindi inakala ni Xerxes na magagawa nitong yumakap sa masamang kapangyarihan. Dati pa lang puno na nang inggit ang puso nito ngunit hindi inasahan ni Xerxes na hahantong ito sa ganito.
Lumakas ang hangin sa paligid at dumilim ang langit sa nilalabas na kapangyarihan ng heneral. Napangisi si Xerxes at napatingin muna kay Kira na sumisigaw pa rin at kalaunan inilabas niya ang mga halimaw na halaman na kaniyang kapangyarihan.
"Kung hindi mo pa kaya ngayon, ako ang gagawa kahit na ikagagalit mo pa." Hinarap niya ang heneral at nagsimulang sumugod.
Sana ay magbago nang kaunti ang kakayahan ni Kira sa kaniyang gagawin.
SAMANTALA, hindi maigalaw ni Kira ang katawan niya na para bang nanigas na rin ito sa lamig at hindi niya mapigilan ang sigaw at luha na kumawala. Para bang hindi na siya ang may kontrol sa katawan niya.
Ngunit, ramdam niya ang kakaibang sakit na para bang ano mang oras ay sasabog na ang kaniyang katawan dahil sa matinding kapangyarihan na sana ay hindi na lang niya hiniling.
Hindi rin niya alam ang mga nangyayari dahil wala siyang marinig kung'di sarili niya lang boses.
Lagi na lang na siya lamang ang nakakarinig ng kaniyang mga saloobin-ng kaniyang mga panaghoy at pagmamakaawa.
Naalala niya ang mga panahong sinakop ng Titania ang kanilang kaharian noong siya'y bata pa.
Napaka-ingay ng paligid, puno ng mga lalaking naglalaban at mga bangkay na kalunos-lunos ang itsura. Puno rin ng mga sira na bagay at mga muwebles. Sa gitna ng kwarto ay may naka-luhod na lalaki sa kaniyang leeg ay may nakatutok na espada, puno ng sugat ang lalaki at nanginginig.
Habang sa medyo kalayuan ay may isang batang babae na nakaluhod at umiiyak, sa likod ng bata ay dalawang kawal.
"Ama! Ama! Huwag ninyong saktan ang ama ko! Pakiusap!" Iyak nang iyak ang bata at nais lapitan ang kaniyang ama ngunit pinipigilan ng dalawang kawal.
Nanlulumo ang tatay ng bata na isang konde ng kaharian. "H-Huwag ninyong saktan ang anak ko." Pagmamakaawa nito.
"Ama! Ama! Huwag po!" Paulit-ulit na sigaw at iyak ng bata nang hinataw ng kawal ang espada sa leeg ng ama.
Gumulong ang ulo nitong umiiyak.
Napasigaw ang bata at tumakbo papunta sa bangkay ng ama at niyakap ito. "Ama...ama. Huhuhuhu."
Siya ang batang iyon.
Kahit anong sigaw niya sa mga kawal ay nagawa pa rin nitong putulan ng ulo ang kaniyang ama.
Walang ni isang nakikinig sa kaniya, kahit na ngayon ay sarili lang niya ang may pakialam. Siya lang ang laging may pakialam kaya madalas siyang gamitin ng mga taong nakapaligid sa kaniya.
Wala na ba talaga? Kahit isa lang?
Nakaramdam siya ng kaunting kuryente sa kaniyang katawan at maya-maya pa ay naramdaman na niyang naigagalaw na niya ang kaniyang katawan at naririnig na niya ang mga boses-ang mga kalampag ng espada at mga sigaw.
Unti-unting luminaw ang kaniyang paningin at nakita ang isang takot na kawal na nakatingin sa kaniya, tumutulo pa ang sipon nito at sumisinghot.
Base pa lamang sa itsura nito; Kulay kayumanggi na balat, olandes na buhok na medyo may kahabaan na tumatakip sa kaliwa nitong mata. Matang kulay gitno na nagliliwanag na lamang dahil sa luha—ito ay si Vien ang pinakamahina at pinakamatatakot na kawal ngunit hindi siya puwedeng magtiwala lalo na't noong tingnan niya ang paligid ay may mga bangkay ng mga kawal na halatang sinaksak.
Naalerto siya agad at itinaas niya ang kaniyang espada at itinapat sa kawal na ngayo'y nanginginig. "H-Huwag po! Wala po akong balak na masama sa inyo, binibining Mystearica! Ngunit kailangan po kayo ng inyong kasama! Ginamit ng heneral sa kaniya ang kapangyarihang nakuha nito sa kasamaan na siya ring ginamit nito upang pabagsakin ang kaharian ng Yue upang magawa nitong patayin ang kaniyang reyna, mga anak, mga konseho at ang kaniyang sarili sampung taon na ang nakakalipas! Kailangan niyo pong tulungan ang Tesoro."
Ang kaharian ng Yue... Ang dati niyang kaharian noong bata pa siya.
Hinigpitan niya ang hawak sa kaniyang espada. Kahit na nakakapagtataka kung bakit nalaman ni Vien ang lahat ay wala siyang pakialam.
Kasalanan pala ng heneral kung bakit nangyari sa kaniya ito. Hindi lang sa dahil malapit na siya nitong gahasain kung'di ito rin ang may sala kung bakit nagawa ng hari ng Yue ang nagpabagsak sa sariling kaharian.
Ito ang dahilan kung bakit nawala ang kaniyang tahanan, hindi matagpuan ang kaniyang ina, namatay sa kaniyang harapan ang kaniyang ama at nagawa ng Titania na gamitin siya sa napakahabang panahon.
Ito ang may kasalanan lahat. Malaki ang kasalanan nito sa kaniya.
Idiniin niya ang hawak na espada sa lupa at lumamig ang paligid, nagyelo ang lupa at naramdaman niya ang kakaibang kapangyarihan na dumadaloy sa kaniyang katawan.
Dahil sa nagalit ay hindi niya nabigyang pansin ang mga kalampag ng mga sandata sa paligid at sa palitan ng mga kapangyarihan.
"Binibining Mystearica!" Masama niyang tiningnan ang kawal at agad itong natakot at nagtago sa may bato.
Iniisip na niya kung paano patayin ang heneral. Kung papatagalin niya ba o madalian.
Ngunit natigil ang kaniyang pag-iisip nang marinig ang malakas na sigaw ng lalaking nagligtas sa kaniyang buhay at noong humarap siya ay kalunos-lunos ang kaniyang nakita. Ang binata na halatang tumilapon mula sa malayuan, maraming sugat, nanginginig ang katawan at sumisigaw habang kinakain ng itim na anino.
Ang heneral ay mala-demonyong nakangisi. "Sana ay hindi mo na lang tinulungan ang kriminal na iyon, sana ay hindi ka pa nadamay," narinig niyang ani ng heneral at humalakhak.
Isang panaghoy lamang ang kaniyang narinig mula sa binata habang kinakain ito ng anino.
Tumulo ang kaniyang luha. Hindi niya alam kung bakit nasasaktan siya nang ganito na makita ang kasalukuyang kalagayan nito na dahil lahat sa kaniya.
Hinawakan niya ang kaniyang dibdib noong bigla itong kumurot at sumikip at naramdaman niyang parang nasusunog ang kaniyang balat. Para bang nararamdaman niya ang mga nararamdaman ng binata.
Siguro dahil utang na loob lamang ito na niligtas nito ang kaniyang buhay kaya nararamdaman niya ito o pinaparusahan kaya siya nito na wala siyang magawa at napaka-hina niya?
Hindi puwedeng wala siyang magawa sa binatang minsan nang nagligtas sa buhay niya kailangan siya nito ngayon at iyon ang kaniyang gagawin.
"XERXES!" Hiyaw niya at napatingin ang buhong na heneral ngunit bago pa man ito gumalaw ay ibinato niya sa perpektong presisyon ang kaniyang espada sa tiyan nito.
Gumuhit ang gulat sa mukha nito habang sapo-sapo ang espada at ang sugat na maya't pa nagkalat ang yelo sa sugat nito na tila isang bulaklak na bumubuka.
Panahon ng siya naman ang magligtas dito—at mali siya na walang nakikinig sa kaniya, naroon ang binata na kahit ginagamit lang siya ay higit na may malasakit at hindi siya iniiwan.
Tiningnan niya ang gulat at duguang heneral. Kinuyom niya ang kamao hanggang sa maramdaman ang namumuong malamig na singaw sa paligid nito.
Alam niyang hindi basta-basta mamatay ang duwag na heneral na umaasa lamang sa maitim na salamangka.
-
Marami ba kayong tanong? Hahahaha. Masasagot din iyan sooner.
Maraming salamat sa pagbabasa. Pindutin ang munting bituin kung nagustuhan niyo ang kabanatang ito at maari rin kayong mag-iwan ng mga komento.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro