Kabanata beinte singko
NAKA-UPO sa isa sa mga kwadra ang isang lalaki. Hawak-hawak niya ang isang lumang libro at bakas sa kaniyang mukha ang matinding konsentrasyon sa pahina ng kaniyang binabasa; hindi niya alintana ang kakaibang amoy na dala ng mga kabayo habang ginagawa ng kaniyang mga mata ang pagbabasa.
Alam niyang hindi siya maaring magtagal sa mga kwadra dahil siya'y pinaghahanap ng mga dheyati. Hanggang maari ayaw niyang makipaglaban dahil kailangan niyang alamin ang laman ng libro. Simula nang tinulungan niyang makatakas si Ringo ay nagtatago na siya, iyon na lamang kasi ang magagawa ng isang mahinang nilalang na tulad niya. Sa hindi malamang dahilan din ay nawala ang asawa ni Ringo, si Tsukino. Hindi niya alam kung ano ang nangyari dito ngunit isa itong magandang pagkakataon.
"May isang banal,
Kapangyarihan ay isinagad,
Mahika ay isinubok,
Hanggang sa si mismong kamataya'y nainggit,
At ang kadiliman noon ay hindi na lingid
Sinuman ay handang dagitin. "
Basa niya sa ikalimang pahina ng libro. Wala siyang mahanap na tungkol sa alkemista sa unang limang pahina ng libro, kung'di tila ang pinagmulan ng mismong mahika. Hindi rin niya malaman kung totoo man ito, bakit ito alam ng hisoreng si Salvadore? Isa lang itong hamak na tao o hindi kaya't alam ito ng mga sinaunang alkemista? Ngunit paano nila nalaman?
Biglang lumakas ang hangin at nagsiliparan ang mga dayami sa kwadra. Kinabahan si Vien; naramdaman niya ang tagaktak niyang pawis na tumutulo sa kaniyang noo pati na rin ang pagtuyo ng kaniyang lalamunan.
Maraming taga kaniyang bayan ang sumubok alamin ang katotohanan sa mahika at marami na ring nagtangkang intindihin ang libro ni Salvadore ngunit sa kalagitnaan ay lahat sila'y namamatay. Walang nakakaalam kung paano sila nalalagutan ng hininga ngunit, may sabi-sabi na ang, "sobrang paghahangad ng kaalaman ay katumbas ng mahikang hindi mo gamay, ito'y—nakakamatay. "
Ano ba ang meron sa katotohanan ng mahika kung kaya't namamatay ang nangangahas na malaman? Ito ba'y konektado sa mga alkemista? Sunod-sunod na tanong ang nasagi sa kaniyang isipan.
At naiintindihan na niya ang yumaong ina; ang mga katanungan nito na hindi nasagot kahit na sa hukay. Kung paanong namatay ito dahil sa katotohanang may kaakibat na kasawian.
Ang kaparehong kaalaman na siyang naging dahilan kung bakit sa murang edad ay nawalan siya ng ina; na kailangan niyang maghirap hanggang sa nailigtas siya ni Prinsipe Xerxes.
"Ngunit, nararapat nang maging malaya ang katotohanan sa ngayon dahil ito na lamang ang paraan upang matulungan ang mga alkemista; matulungan si Ringo na siyang ibinilin ni Prinsipe Xerxes bago ito naging yumao. " mahina niyang wika at ipinagpatuloy ang pagbubuklat ng aklat; hindi pa rin napapawi ang malakas na hangin kung kaya't nasasagi na sa kaniyang mukha ang kaniyang olandes na buhok.
Kailangan niyang subukin kahit na isa lamang siyang mahinang nilalang. Isang nilalang na hindi pa umabot sa ika-dalawang baitang ng pagiging alkemista.
Pero habang binabasa niya ang aklat ay ang tuluyang pag-iba ng kaniyang pakiramdam at ang ibayong sakit ng memoryang ipinapakita ng kaniyang isipan.
"Wala kang gamit! "
"Isa kang patapong nilalang! "
Pumapasok sa kaniyang isipan ang mga salita ng karamihan ukol sa kaniya. Pilit niyang winawaksi ito sa kaniyang isipan at pilit din niyang iniinda ang sakit ng kaniyang balat; sa kaniyang pagbuklat ng aklat tila sinusunog siya nito; ang hangin ay parang naging mga patalim na sumasaksak sa kaniyang laman.
Bata pa lamang siya ay sakitin na siya. Simula nang mamayapa ang kaniyang ina ay mas lalong lumalala ang kaniyang sitwasyon, ang kalunos-lunos pa rito ay pinagpasa-pasahan siya ng kaniyang mga kamag-anak.
Malungkot na hinihila ng isang bata ang laylayan ng suot na bestida ng kaniyang tiya habang nasa tapat sila ng isang bahay. "Bernardo, buksan mo ang pinto. Si Ikang ito. " kumatok ang kaniyang tiyahin na agad na pinagbuksan ng isang lalaking balbas-serado at may hithit na tabako; tinakpan niya ang kaniyang ilong ng malanghap niya ang usok.
Agad namang dumapo ang tingin ng kaniyang tiyo sa kaniya at agad itong napakunot ng noo. "Anong ginagawa mo rito, at bakit dala-dala mo ang batang iyan? " bakas ang iritasyon sa tono ng boses nito at mas lalong lumungkot ang mukha ni Vien.
"Baka pwede naman na makitira muna ang batang ito sa inyo pansamantala lang. " mas lalong naging iritable ang mukha nito.
Itinapon nito ang sigarilyo sa lupa at tinapakan ito. Nakaramdam naman ng takot si Vien dahil bukod sa nagsi-sigarilyo ang tiyo at balbas-serado, napakalaki ng katawan nito at nakakatakot kung tumingin.
"Ilang araw lang, Ikang. Dagdag palamunin na niyan nagkataon." Pagkatapos niya itong marinig, agad siyang tinulak ng kaniyang tiyahin papasok sa pinto at agad itong umalis.
Tunay ngang hindi siya pinatagal sa bahay na iyon. Nang malaman ng tiyuhin na siya'y mahina at sakitin. Agad siyang pinalayas. Dahil sa kanilang bayan na puro matitikas at malalakas ang mga kalalakihan; ang mahihina ay isang kaawa-awa at kahiya-hiyang nilalang.
Nagpatuloy ang pagpasa-pasahan sa kaniya na para bang tuta hanggang sa tuluyan na siyang naglaboy at nakuha ng mga nagbebenta ng alipin.
At doon naranasan niya ang iba't-ibang klase ng abuso.
"Huwag! Huwag! " napasabunot siya sa sariling buhok habang inaalala ang lahat ng nangyari sa kaniya; pinagpapawisan na siya at tila nararamdaman ng kaniyang katawan ang sakit na dati pa naganap.
Sunod-sunod na tunog ng paghampas ng latigo ang kaniyang naririnig sa kaniyang isipan, pati na rin ang tawanan ng mga kalalakihang siyang may hawak sa kaniya habang siya'y pinahihirapan.
"Hindi ka makakatakas dito—mahina ka. " aniya ng lalaking mahigpit siyang sinasabunutan; hindi na niya makita ang mukha nito dahil namamaga na ang kaniyang mata.
Nahihirapan na siyang huminga. Napapagod na siyang maging mahina at ultimo ang mabuhay kung sa araw-araw ay ganito ang trato sa kaniya.
Hindi niya mapigilan ang pagtulo ng kaniyang luha at hindi niya pansin ang pag-agos ng dugo mula sa kaniyang mata at ang walang tigil na pagbuklat ng mga pahina ng libro mag-isa at ang paglabas ng puting mga iskripto mula rito.
"Ang katotohanan ay nararapat pagbayaran ng panibagong katotohanan,
Gaya ng mahika. "
Isang malakas na sigaw ang bumalot sa buong kwadra at kasabay non ang pagpasok ng mga dheyati na may iba't-ibang klase ng armas.
"Sino ang lalaking iyan at bakit mo dinala iyan dito? " wika ng isang lalaking may kahel na buhok at matatalim na kulay lilang mata; mahigpit ang hawak nito sa kutsilyong gamit niya sa kaniyang pagluluto habang kinakausap ang anak na may kasamang estranghero.
Lumunok naman ng kaniyang sariling laway si Brenton ngunit hindi man lamang natinag ang lalaking kasama nito na malamig lamang pinagmamasdan ang ama ni Brenton.
Yumuko naman si Brenton bilang pag-galang sa ama. "Se elenesar, ama. Kailangan niya ng ating tulong at matutulungan din niya tayo sa mga maaring maganap. " kumunot naman ang noo ni Desmond sa narinig at pinagmasdan ang kasama ng anak; isang lalaking maputla at may mga matang walang kabuhay-buhay, isama pa ang pulang mga kulay ng balintataw nito na sa bayang ito, ang mga humihithit lamang ng satele; isang gamot na may mahika na nagbibigay ng ilusyon sa gumagamit ang meron nito.
Itinutok niya ang kutsilyo sa estranghero. "Tulong? Nasisiraan ka na ba, anak? Bakit tayo mangangailangan ng tulong sa isang nilalang na kung hindi isang aere ay isa nang buhay na bangkay?" tumaas ang boses ni Desmond ngunit hindi pa rin nagbago ang reaksyon ng lalaki.
Hindi napigilan ni Brenton na magpakawala ng isang impit na tawa sa kaniyang labi sa narinig. "At ano ang nakakatawa? " wika ng kaniyang ama.
Tumikhim si Brenton at itinuro ang estrangherong kaniyang kasama. "Siya si Ringo Florence Rosseau, ama. Ang hari ng Titania at isa siyang vedene at isa sa mga alkemistang kailangan sa magaganap daw na gyera sa buong apat na kontinente. " sa narinig, nabitiwan ni Desmond ang hawak na kutsilyo sa sahig at gulat na napatingin kay Ringo na ngayo'y nakangisi.
Agad namang naging kalmado ang mukha ni Desmond at umupo sa isang upuan; napa-dekwatro pa ito habang himas-himas ang kaniyang baba. Nagliliwanag ang kaniyang lilang mata at hindi napigilan ni Ringo na mapawi ang mga ngisi sa kaniyang labi, dahil ang taong ito, kahit wala siyang maramdaman na lakas mula rito ay may kabagsikan. At nakakapagtaka na hindi man lamang ito tumatanda, alam ni Ringo na ang mga nilalang na hindi biniyayaan ng kakayahan sa alkemiya ay hindi nanatili ang batang wangis sa tanang buhay nito.
Tumikhim si Desmond at tiningnan si Ringo mula ulo hanggang paa. "Kung gayon, hayaan kitang tumira rito, emperador. Ngunit, hindi libre ang pagtira mo rito sapagkat kailangan mong gawin ang aking ipagagawa. Tingin ko rin ay may balak ka sa aming kaharian, hindi kita isusumbong sa hari kung susundan mo mga nais ko. " Itinapat nito ang hintuturo sa mga labi nito at madiing tiningnan si Ringo.
Napakagat-labi si Ringo sa inis. Alam niyang seryoso ang isang ito. Habang si Brenton nama'y gulat na napatingin sa ama. Ngayon niya lang nakita ang ganitong ekspresiyon sa mukha ng ama. "At ano ang ipapagawa mo? " aroganteng tugon ni Ringo.
Tumayo si Desmond at kinuha ang kutsilyo sa sahig. Inihagis-hagis niya nito sa ere at agad na sinasalo. "Una, ikaw na ang magpapakain sa mga alaga naming piranha. . ." Napangiti pa ito. "Pangalawa. . ." tumawa pa ito, hindi alintana ang usok sa paligid na mula sa kusina.
"Ama, mukhang nasusunog na ang iyong niluluto, kakatayin kayo ni ina kung pati ang bahay ay matupok. "
Nawala ang ngiti sa mga labi nito at napalitan ng takot at alarma.
Putok na putok ang pawis ni Ringo habang hinuhubad niya ang suot niyang itim na kamiseta. Pinilit siya ni Desmond na palitan ang kaniyang suot, bukod sa ito'y may sira na ay hindi raw pwede na malaman o makahalata man lang ang iba kung sino talaga siya. Kasalukuyan siyang nagtatanim ngayon sa malawak na taniman nina Desmond, nangangalit ang araw at kahit na isa siyang viaphur na kayang magtagal sa araw ay hindi niya pa rin mapigilang mapangiwi sa hapdi ng pagtama nito sa kaniyang balat.
Hindi na siya dapat magtagal sa ganitong sitwasyon dahil kailangan na niyang kumilos, dahil kapag hindi pa siya gumalaw ay baka mas lumalala ang sitwasyon at pati ang bayang ito ay masakop na ng mga dheyati. At isa pa, hindi siya marunong mag-tanim. Mag-iilang oras na siya at wala pa siyang natatapos. Isang oras na lamang din ang nalalabi bago siya magpapalit ng gagawin—iyon ay ang pakainin ang anim na piranha na nasa isang sanaw.
"Hindi ko alam kung bakit sa lahat ng isda, ay iyon pa, " bulong niya habang binubungkal ang lupa; napa-aray siya nang maramdaman ang kirot sa kaniyang mga braso.
"Kasalanan ito ni Desmond. " Padabog niyang itinanim ang binhi ng rexupa; isang klase ng bigas na iba-iba ang kulay.
Nakaramdam siya ng presensya sa kaniyang likuran na hindi niya napansing dumating pala. "Sa ginagawa mong iyan ay hindi mabubuhay ang pananim, " narinig niyang tinig ni Desmond.
Masama naman niyang tiningnan ang lalaki at binato ang putik mula sa lupa. "Marami pa akong dapat gampanin, hindi itong walang kwentang bagay. " puno nang pagrereklamo niyang tugon; narinig naman niya ang malutong na tawa ng lalaki.
"Para sa nilalang na alkemista raw, ang hina ng iyong pisikal na lakas. Sa tingin mo, kakayanin mo? Puro ka reklamo. At pakiwari ko, hindi mo pa gamay ang iyong kapangyarihan. Hindi kakayanin ng katawan mong kulang sa pagsasanay ang malakas na kapangyarihan. " Hinawakan siya nito sa braso at sa bawat segundo nararamdaman niya ang pagsikip nito hanggang sa narinig niya ang pagtunog ng kaniyang buto. Sinubukan niyang makawala pero hindi niya kaya.
Malamig siya nitong tiningnan. "Kita mo? " Tinanggal nito ang pagkakahawak at siya'y tinulak.
Napadaing siya at tiningnan ang lalaki. "Para sa isang walang kapangyarihan. Sino ka ba talaga? " Hindi makapaniwala niyang tanong sa lalaki.
Ngumisi lamang ang lalaki at napatingin sa langit. "Marami kayong hindi alam, kayong mga tinaguriang mga bagong alkemista. Gaano niyo ba kaalam ang mundong ito kung kaya't nangangahas kayo maging bayaning mangmang?" Hindi siya nakagalaw sa narinig.
Kinuyom nito ang kamao. "Sasabihin ko ang lahat sa iyo kapag handa ka na ngunit sa ngayon, tapusin mo ang iyong gawain at mamaya darating na ang anak kong babae. Marami siyang alam sa palasyo kung kaya't may malalaman ka. " Napamulsa ito at umalis; iniwang nakatiwang-wang ang emperador ng Titania.
-
Vocabulary
Dheyati - nilalang ng dilim
Se elenesar - Chedlish; Paumanhin
Aere - Chedlish; adik
Vedene - Chedlish; bampira
Viaphur - bampira.
Press the star button if you like this chapter and leave some feedbacks. See you soon!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro