Kabanata beinte kwatro
SIMULA nang mawala ang emperador ng Titania ay mas lalong dumami ang mga kaharian na nasakop ng mga dheyati. Para bang ito na lamang ang hinintay ng mga ito upang magpalaganap ng kasawian. Isa sa mga nasakop ay ang kaharian ng Dewe. Ang dating masiglang pueblo ng kaharian na punong-puno ng mga buhay ay nawala sa isang iglap, ang pinagmamalaking puno ng Tebeza; isang puno na ang bulaklak ay gawa sa esmeralda at ang bunga ay pulang ruby ay abo na lamang ang madadatnan. Ang dating talipala na maraming mamimili ay natupok at punong-puno ng mga bangkay ng mga taong hindi nakaligtas; Mga mata'y nakabuka't bibig ay humihingi ng saklolo. Amoy na amoy ang preskong dugo sa paligid na para bang isang lason sa hangin pati na rin ang tinig ng mga pag-nguya ng mga dheyati sa balat at buto ng mga taong kanilang pinaslang. Kanilang mga pangil na nangingitim na lang dahil sa dugong kanilang ninanamnam ngunit sa kanilang mga maiitim na mata'y bakas ang kasiyahan at purong kasamaan, mga matang isa lang ang ibig ipahiwatig-
Ang hindi pagtigil at kagustuhang marami pang makain.
Ito'y lahat na nasasaksihan ng reynang si Eri habang nakatago siya sa isang abandonadong parmasya, tanging ang mumunting siwang lamang sa naka-kurtinang bintana ang naging daan upang makita niya ang mga kaganapan sa labas.
Pigil-pigil ng kaniyang palad ang paglabas ng hikbi mula sa kaniyang bibig, basang-basa na ng luha ang kaniyang mga mata at kumikirot pa ang kaniyang sugat sa braso kung saan siya kinagat ng isang dheyati noong prinotektahan niya ang kaniyang mag-pipitong buwan niyang tiyan.
"Huwag! Huwag! " tila isang masakit na karamdaman ito sa tainga ng reyna at isang bangungot habang nakikita ang kaniyang asawang hari na kinakaladkad ng mga dheyati papunta sa plaza; punong-puno ng dugo ang mukha nito at sumisirit pa habang ito'y kinakaladkad.
Tunay mang hindi niya minahal ang asawa dahil ang kanilang pagpapakasal ay ayon lamang sa kagustuhan ng mga nakakatanda sa kanilang kaharian.
Upang ipagpatuloy ang kanilang kakaibang lahi.
Ngunit ginawa nito ang lahat upang mapanatili silang ligtas ng kanilang anak. Kahit na ang ilabas ang tunay nitong anyo kapalit ng kaunting pagkakataon sa kaniyang pagtakas.
"Hiro. . . Hiro, " mahinang sambit-sambit ng reyna ang pangalan ng kabiyak habang patuloy na humahagulgol habang nakikitang pilit pa ring lumalaban ang asawa; pilit pa ring pinapagaspas ang pakpak nito at pilit na nagpupumiglas sa hawak ng mga dheyati.
Pumapasok naman sa isipan ng reyna ang mga nasaksihan kung paano gutay-gutayin ng mga dheyati ang mga tao, kung gaano kasaya ang mga mukha nito habang patuloy na sinasaksak ang mga lumalaban at kung paano tumutulo ang mga laway nito habang tinititigan ang mga bangkay.
Sinapo ng reyna ang kaniyang ulo at pinigilang mapasigaw. Hanggang sa siya'y nawalan ng malay.
"Emve dsena meto? Sabihin mo, dragn'r!" Mahigpit ang pagkaka-sabunot ng dheyati sa buhok ng nanghihinang hari ng Deve. Alam ng hari na hindi na siya tatagal dahil bali na rin ang kaniyang pakpak ngunit nagawa pa niyang mapangisi habang tumutulo ang luha.
"Hindi ko sasabihin kung asan ang asawa ko, dheyati! Hindi ko hahayaang magtagumpay kayong tapusin ang lahi namin kagaya ng ginagawa niyo sa ibang mga kaharian! Lalo na sa mga may alam sa tunay na naganap isang daang taon na ang nakakalipas! " Nagawa pang tumawa ang hari habang nararamdaman niyang mas lalong kumikirot ang kaniyang sugat at ang panibagong sugat dala ng panibagong saksak sa tagiliran.
Bumulwak ang dugo mula sa kaniyang bibig at nararamdaman na niya ang presensya ni kamatayan. Taimtim siyang nagdasal sa kaligtasan ng kaniyang asawa't-anak at sana'y magtagumpay ang asawa sa bilin niya rito.
Kailangang may makapagsabi sa mga bagong alkemista kung ano ang katotohanan na matagal nang nawawala upang hindi na mangyari pa ang mga naganap.
Matagal nang nanahimik ang kanilang lahi at ang katahimikang iyon ang nagdala sa kapahamakan. Lahat nang may alam ay pinapatay kasabay ng pananakop sa mga kaharian. At isa na siya sa mamatay.
Tiningnan niya ang kaniyang paligid at nanlumo sa lahat ng buhay na nasira. Lahat ng mga nilalang na ginusto lamang ng mapayapang pamumuhay ngunit dahil sa kasamaan ay nadadamay at wala pang kalaban-laban. Hiling niya na sana. . . Sana ay matapos na ang lahat.
"Re'zho ebe sare. . ." Huli niyang wika at pinikit na ang kaniyang mata.
At dito nagsimulang dagsain ng mga dheyati ang katawan ng hari, habang sinusunog ng mga ito ang iba pang bangkay sa plaza na para bang tupang inaalay sa kanilang panginoon. . . Tila isang karneng nginunguya ng mga ito ang labi ng hari at ang dugong kanilang iniinom na para bang isang mamahaling bote ng alak.
"Ano? Ang kaharian ng Deve at sampu pang kaharian ay nasakop na ng mga dheyati? Cyetri! " dumagundong ang boses ni Cordelio, hari ng Feredoza sa buong silid na nagsisilbing bulwagan ng iba't-ibang hari ng mga kaharian. "Ano na ang balita sa paghahanap kay Emperador Ringo? "puno nang desperasyon ang boses ng hari at hindi niya magawang itapat sa kaniyang bibig ang kopita ng alak na kaninang kaniyang isinalin.
"Bakit hindi niyo rin pa dinadala ang inyong kawal dito upang sanayin? At bakit hindi pa rin kayo nagsasasanay? Kailangan din nating maghanda sa digmaan upang tulungan ang mga alkemista." dagdag niya pa at napabuntong-hininga. Araw-araw ay may kaharian na nasasakop at araw-araw isang daang libong katao ang namamatay simula nang nawala si Ringo.
Walang nagtangkang sumagot ngunit rinig ang usap-usapan ng iilan na para bang mga bubuyog. Mas lalong nakaramdam ng panghihina si Cordelio. Kapag wala ang Emperador ng Titania ay hindi maisasagawa ang paghahanap ng mga alkemista na angkop ang baitang at kwalipikasyon sa misyon laban sa mga dheyati. At kapag kulang ang pagsasanay at mananatiling walang pakialam ang iba ay mamatay silang lahat.
Tumayo ang hari ng Yev. "Hindi ba dapat tayo ay matuwa na nawawala ang hari ng Titania? Ibig sabihin lang non, Cordelio ang kaharian mo na ang pinaka-magaling! Hindi ba matagal mo na itong nais? Matagal na natin itong nais, isa pa kaya na ng ating kaharian mag-isa, hindi natin kailangang magsama—" hindi na natapos ang sinasabi ng hari ng Yev ng binato ng hari ng Feredoza ang kopita ng alak sa direksyon nito; ang mga mata nito'y may poot na dinederekta sa kasama.
Lahat naman ng ibang emperador na nasa bulgawan ay nagulat sa ginawa ni Cordelio. Tunay din namang may galit ang hari sa Titania at matagal na nitong sinusubukang siraan at pabagsakin ang kaharian ngunit bakit nag-iba na ito ng panig ngayon?
"Hindi panahon ngayon para maghilahan tayo! Buhay! Buhay ang nakataya dito, marami na ang namamatay! At alam niyong maaring isa na sa inyong mga kaharian ang masusunod! Alam niyo ring isang alkemista ang hari ng Titania kung kaya't kailangan natin siya. Kung siya ay mapapaslang, wala nang pag-asa ang mundong ito! " nanginginig ang boses ng hari ng Feredoza habang sinasambit ito; kuyom-kuyom ang kaniyang kamao at pigil-pigil na hindi lumabas ang luha dahil sa nangyayari sa buong kontinente at sa tatlong iba pang mga kontinente. "At sa panahong ngayon, kailangan natin ang isa't-isa. Kailangan din nating tumulong dahil kapag hindi tayo nagsanay, mapapatay lang tayo ng walang laban." dagdag pa niya.
Alam ni Cordelio na nagkamali siyang ma-inggit. Nagkamali siyang magpalunod sa kagustuhan niyang umangat kaysa sa iba. Nagkamali siya at hindi niya namalayan na ang kaniyang kinamumuhiang dating hari ng Titania ay unti-unti ring nagiging siya. Sa nangyayari ngayon, na kahit na ang mga kayang gumamit ng mahika at alkemiya na may baitang tatlo hanggang lima ay hindi nakayanan ang mga dheyati at nagsimatay at sa nasaksihan niyang lakas ng kapangyarihan ni Ringo; isang tinakdang alkemista. Alam niya na ang katotohanan.
Ngunit alam din niyang kahit na mahina sila ay kailangan nilang lumaban ng magkasama, kailangan nilang subukan kaysa ang maghintay sa kanilang kamatayan at para magawa iyon—
Hindi kailanman magiging tama ang manira ng iba upang sariling pangalan ay bumango. Hindi nararapat na ipunto sa kinaiinggitan ang mga salita at kamalian na para bang wala ka ring sariling mga kamalian.
"Ikaw, Sefemir? Kaya mo bang palitan ang hari ng Titania bilang alkemista? " seryoso niyang tanong sa hari ng Yev. Hindi naman ito nakasagot dahil alam nitong isa lang siyang hamak na haring ang mahika ay nasa ikalawang baitang pa lamang. "Umaasa ka lamang sa iyong mga kawal sa pag-proprotekta ng iyong kaharian. Sa tingin mo mabubuhay ka o ang nasa iyong kaharian sa lagay na iyan?"
Tiningnan niya ang iba pang mga hari na parang pipi na hindi maka-imik. "Ikaw, Cefes? Ikaw ay magaling sa pana, hindi ba? " Tiningnan ni Cordelio ang isa pang hari na pasuklay-suklay lang ng abot balikat nitong buhok. Agad naman itong nagulat at itinuro ang sarili. "Itinuring ka pa ngang diyos ng pana ng iyong mga taga-panalig at mga taga-suporta, tama ba ako? Ngunit bakit hindi mo kayang isakripisyo ngayon ang iyong buhay sa digmaan gaya ng gagawin ng mga alkemista? Tunay ngang magaling ka, ngunit ano ang silbi ng iyong kagalingan kung ang iyong gamit dito ay upang makilala, hindi upang makatulong sa kapwa?! " tahimik pa rin ang bulwagan at kahit si Cefes ay hindi umimik, bagkus ay plakado sa mukha nito ang hiya dahil sa katotohanang isinampal.
Ito ang kanilang napapala. Kung sana sa una pa lang nagtulungan na sila sa pagpapabagsak sa dating hari, kung sana imbes na magsiraan ay nagtulungan baka hindi na kasing lala ang nangyari sa ngayon. Baka sakaling marami pa ang buhay na nailigtas kaysa sa nasayang. Kung sana noon pa lang hindi sila nakampante na nasa kapangyarihan sila at hindi nagpalakas.
"Naiintindihan niyo ba? Mali ako—mali tayo at sa ngayon hindi na lang mga kapangyarihan at kaharian natin ang nakataya! Buhay na! Wala tayong mapalala kung patuloy tayong sasasa sa ating kapangyarihan bilang hari at maging ignorante sa tunay na katotohanan!" Itinaas ni Cordelio ang kaniyang kamao sa ere at nagsusumamong itinapat ang tingin sa mga kasama.
"Pakiusap, magtulungan tayo. Siguro panahon na para magbago tayo at maging totoong hari hindi lang para sa ating sarili ngunit para na rin sa ating sinasakupan. Alam niyong hindi na tayo tutulungan ng konseho." Nagsimula siyang makarinig ng isang palakpak hanggang sa dumami ito. Nagsitayuan din ang mga hari at itinaas ang kani-kanilang kopita ng alak.
Patnubayan nawa sila ng diyos na matagal na silang iniwan.
NAPANGITI ang isang batang babae habang pinapakinggan ang usapan ng mga hari. Ang bata ay kasalukuyang nakalutang sa ere sa labas ng bintanang gawa salamin; dahil sa kaseryosohan ng usapan ng mga ito ay hindi siya nito binigyang pansin. Lumiliwanag ang mga mata nitong kulay berde at sinasayaw ng hangin ang kulay rosas nitong buhok.
Kinumpas nito ang mga kamay at sa isang iglap ay nasa gitna na ito ng bulwagan ng mga hari.
Bakas ang gulat sa mga mukha ng hari sa biglaang paglitaw ng isang batang may kakaibang presensya. "Ano ang ginagawa ng isang siyam na taong gulang na bata rito? " hindi tumalima ang bata sa tanong ng haring si Cordelio bagkus ay nagliwanag ang buong katawan nito; lumabas sa paligid nito ang kulay berdeng mga letra na mula sa lumang iskripto.
"Est chrono kese salie. " tila sinasapian ang boses ng batang babae habang winiwika ito. Hindi naiwasang masindak ng mga ibang nasa bulwagan.
Hindi nila maiwasang isipin na baka isang kalaban ang dumating o taga-konseho na nalaman ang kanilang balak.
Isa-isa silang tinitigan ng batang babae at ipinagdaop nito ang sariling palad. "Meferes protectia. " nagdikit-dikit ang mga letra ng lumang iskripto hanggang sa naging berdeng hamog ito at nagkalat sa buong paligid.
Panahon na upang baguhin ang nangyari sa nakaraan at ilabas ang katotohanan ukol sa—sinaunang alkemiya.
-
Bakit siyam na taon na ang itsura ng bata dito? Kilala niyo naman ata sino ito. HAHAHAHA. Dahil sa libro ng Executio kung kaya't fast phased ang growth niya.
Vocabulary:
dheyati - nilalang ng dilim
Emve dsena meto - asan ang asawa mo
dragn'r - harpy; half human, half bird.
Re'zho ebe sare - Re'zho, tulungan niyo kami.
Cyetri - puta
Est chrono kese salie - the time has come to change the past
Meferes protectia - Protect them all
Tap the star button if you like this chapter and leave feedbacks.
See you soon!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro