Simula
Sa pagtilamsik ng papalubog araw ng pintang kahel sa langit, nakipagunahan ako sa mga alon patungo sa baybayin. Bagaman nababasa ang aking pambabang suot ay malaki pa rin ang aking ngiti sa pagsilay sa dapit-hapon. Hinayaan ko ring halkan ng agayay ang aking mukha. Naaninag ko sa dagat ang sarili no'ng tumungo ako't pinagdikit ang palad. Kahit nga sa pagpikit, kahel pa rin ang kulay sa kawalan na aking nakikita.
Hinayaan ko namang manaig ang tunog ng mga rumaragasang alon at hininaan ang pagsambit ng aking dasal. Parati kong panalangin ang makabalik sa mundo ko bagaman nasasanay na ako rito, o kaya nama'y bigyang kasagutan o kadahilanan ang pagparito ko sa mundong ito.
Sabi nga nila'y, "Everything has a reason," o "Lahat ay may rason," sa tagalog dahil hindi pa naman naiimbento ang lenggwaheng ingles sa panahong ito. Kaya naman, maski ang pangalan ko'y nasalin sa wikang tagalog upang hindi ako maging kakatwa rito. Mula sa Destiny, naging Tadhana ang tawag sa'kin.
Balik sa sipi, kung lahat ay may rason, ano 'yon? Mayroon bang nakapagtapos ng isang 'time machine' at pinag-trip-an akong dalhin dito? Wala naman akong binasang nobela na katulad nito kaya malamang hindi ako na-'isekai.' Hindi rin naman ako long lost powerful elemental princess goddess of all o reincarnation man lang para magising nalang bigla sa mundong ito.
Pero ano nga't kung may isang totoo sa mga nabanggit ko...?
Eh, ano naman? Hindi nakakatuwa kung gan'on.
Ngayon, hindi ko tuloy sigurado kung nagdasal ba talaga ako o nagreklamo lang sa diyos- este sa mga diyos dahil marami sila sa panahong ito. Kilala ko pa ang ilan dahil sa pagbabasa ko noon ng Philippine mythology.
Bathala, ang kataas-taasan sa lahat. Amanikable, ang diyos ng katubigan. Hindi ko alam kung nabibingi na silang dalawa sa patuloy at paulit-ulit na pagtawag ko sa kanila, ngunit hindi ako mapapagod hangga't walang kasagutan lahat.
"Tadhana! Bumalik ka na rito, at baka maiwan ka na naman sa ulan," tawag sa'kin ng aking mga magulang sa panahong ito. Kamangha-mangha nga kung papaanong magkahalintulad ang hitsura naming dalawa ni 'Tadhana,' gayon din ang aming pangalan. Tila ba sinasadya ang pangyayaring ito kaya't naniniwala talaga akong hindi lang ako basta-basta napunta rito.
Naging pagmamay-ari ko rin ang mga memorya ng orihinal na Tadhana. Wala naman masyadong kaibahan ang kanyang pag-uugali sa'kin kaya't hindi ako nahirapan maging si Tadhana na para bang iisa lang kaming dalawa't nagkataon lang na isinilang kami sa magkaibang panahon.
Parehas din kaming kinupkop lamang ng aming mga magulang, nakita sa likod sa talahiban, at pinagkaloob daw ng diyos. At sa araw bago ako mamulat sa mundong ito, parehas kaming nadisgrasya mula sa ugong ng mga alon. Kaya naman maraming nagtataka kung bakit nga ba sa kabila ng nangyari sa'king aksidente ay araw-araw ko pa ring binibisita ang dagat ng Kanluran, kung bakit kailanman ay hindi ako natakot sa mga alon.
Ngunit kailangan ba talagang katakutan ang mga along dahilan kung ba't ako naparito? Paano kung mga alon din ang magbabalik at magdadala sa'kin sa kasalukuyan? Sa mga alon na ito, mas nagkakaroon ako ng rason upang magpatuloy. Isang beses na itong nagpakita ng milagro. Tiyak na magpapakita ito ng isa pa para sa'kin.
At hindi nga ako nagkakamali.
"Sandali lang, Ina!" sigaw ko at kumaway sa kanila. Nauna naman silang pumasok sa bahay namin sa aplaya't pailing-iling pa.
Muli naman akong napatingin sa baba nang may bumangga kanina sa'king paa. Nakataas-kilay kong pinagmasdan ang isang aguhon, nakabukas at tinuturo ang karagatan. Ginto ang kulay no'n kaya paniguradong mahal talaga kung isasangla! Mayroong sumunod na mga kabibi sa'king paa, at sa patuloy na pagragasa ng tubig ay halos matabunan na ng buhangin ang aguhon.
Lumuhod ako't pinulot ang aguhon bago tuluyang mabaon o agusin palayo sa'kin. Napahigpit naman ang hawak ko roon nang biglang may malakas na taginting sa'king tainga. Sa pagpikit ko, hindi nanaig ang kahel, bagkus ay isang gintong liwanag ang aking nakita.
Nag-iba ang pakiramdam ko. Katulad noong naramdaman bago ako malunod sa katubigan at mamulat sa mundong ito. "Sa wakas, isa na namang milagro ang pinagkaloob sa'kin ng mga anito," isip ko't isinintabi ang takot na bumalot sa'king puso. Muli na naman akong napadasal at napasambit ng... "Bahala na."
Napalitan ng malumanay na boses ang taginting kanina. Hindi ko mawari kung sino ang nagmamay-ari ng boses na 'yon, ngunit alam kong narinig ko na rin ito noon.
"Hayaang dalhin ka ng alon sa'yong tatahakin,
Ngunit gawing gabay ang aguhon tungo sa'kin.
Ako ang tadhanang nagdala sa'yo rito
Upang makihalubilo ka sa mga anito.
Sa'yo ko ibibigay ang pluma't kuwaderno
'Pagkat ikaw ang magsusulat ng sariling kuwento
Sa bangkang iyong sasakyan, hayaan ang agos
Nang sa wakas, ang lahat ng ito'y matapos."
Hiwaga ang bumalot sa'king puso nang matapos ang tula o propesiya. Kung normal lang akong mamamayan, hindi ako maniniwala sa nangyari lamang... ngunit hindi. Hindi ko isasarado ang aking isipan na maaari ngang mayroong mahika, na maaring ito na ang simula ng storya o balangkas.
Nang imulat ko ang aking mga mata, halos walang nagbago sa'king paningin. Inabot na ako ng gabi, at ilaw ng bilog na buwan ang namayani. Sa harap ko naman, kagulat-gulat na lumitaw ang isang bangkang nabanggit kanina.
"Dapat pa akong sumakay rito?" tanong ko sa sarili. Napatingin naman ako sa aguhon na ngayo'y tinuturo ang direksyon ng munting bangka. Sinubukan kong pumunta sa ibang pwesto at direksyon ngunit nanatiling ang bangka ang kanyang tinuturo.
Kaya naman, napatingin ako sa aplaya at nag-isip kung magpapaalam pa ako o basta nalang aalis... ngunit kung magpapaalam ako'y siguradong walang papayag na magbangka ako nang ganitong gabi na. Isang buntonghininga ang aking ginawa bago sumakay sa bangka nang pilit sinintabi ang pag-aalala sa reaksyon nila kung makitang wala na ako rito.
"Bahala na," muli ko na namang sambit.
• • ♆ • •
Katulad ng sabi ng tadhana o ng boses kanina, hayaan ko lang ang agos ng karagatan. Kamangha-manghang dinadala ako ng mga alon patungo sa direksyon kung saan nakatutok ang aguhon. Kalimita'y hangin ang basehan ng mga aguhon, ngunit tila ba'y tubig ang nagpapagana rito.
Kung hindi ito mahika, hindi ko na alam kung ano pa ang nararapat na tawag dito. Napansin naman ng mga mata ko ang isang malaking bato na mayroong nakatarik na gintong espada.
Marahan kong inabot ang kamay roon dahil sa kuryosidad, ngunit sinigurado kong hindi ako magpapa-tianod.
Naalintana lang ako nang marinig kong nagpaikot-ikot ang hintuturo ng aguhon, at sa paglibot ng aking paningin ay napigilan ko ang aking hininga.
Tila ba'y nasa gitna ako ng alimpuyo. Umikot sa'kin ang ilang mga isda at 'di ko kilalang mga nilalang ng katubigan. Nagsimulang manginig ang aking mga kamay, kasabay ang panginginig ng hintuturo ng aguhon.
Sa mga sandaling iyon, naalala ko ang nangyari sa'kin no'ng nilubog ng alon ang barkong aking sinasakyan. Higit doon, mas rumagasa ang aking mga luha nang ang espada mula sa bato ay biglang tumalsik tungo sa'king braso at kasabay noon ay ang paglaki at pagtaas ng kakaibang bato.
Nasindak ako sa higanteng bato na umusbong mula sa katubigan. Napuno 'yon ng lumot, ngunit nakikilala ko ang kanyang mukha. 'Di hamak na isa itong halimaw ng karagatan! Sa hitsura niya'y mukhang ilang isda na ang kanyang napatay... at sa kanyang pagmamaktol ay mas lalo akong natakot.
Sa isip-isip ko'y ilang beses ko nang tinawag si Amanikable, ang hari ng karagatan, upang sagipin ako. Ginawa ko rin ang 'sign of the cross' bagaman hindi naman uso at umiiral sa panahong ito 'yon. Desperada nalang siguro talaga ako.
Napapikit ako nang matalsikan ako ng kadiring laway na mas maasim pa sa tubig-dagat. Pumikit ang mata ng halimaw at sa pagmulat niya'y mayroong mga lumabas na patay na isda... at buto ng tao.
Bago pa ata ako mamatay dahil sa halimaw ay mamamatay muna ako sa tagal kong pinipigilan ang hininga ko. Namura ko pa ang sarili ko nang maisip kung bakit ba walang sagwan ang bangkang ito, at kung bakit sumakay ako sa kabila ng kaalamang walang sagwan 'yon.
Ngayon ka magparamdam sa'kin, tadhana! Hindi ko deserve na mapakain sa isang halimaw ng dagat. Hindi ba't nakakadiri iyon?
Napabuntonghininga ako nang matindi bago tumalon mula sa bangka. Isang lumba-lumba naman ang sumalubong sa'kin kaya doon ako humawak. Dinala niya ako papalayo sa halimaw, ngunit tila ba sumusunod 'yon dahil lumalakas ang ugong ng mga alon.
Humigpit ang hawak ko sa lumba-lumba at nakipag-unahan sa iba pang mga lumalangoy na isda.
Impit akong napasigaw nang nahulog ang isang bato mula sa langit sa harap namin. Muntik akong mapabitaw sa lumba-lumba, kaya sunod kong ginawa ay yakapin na iyon.
Hanggang sa isang boses ang umalingawngaw mula sa kalangitan. Muli na namang napintahan ng kahel ang langit at naaninag ko sa karagatan ang repleksyon ng isang malaking alon.
Ngunit hindi nakakatakot 'yon. Sa halip ay naghati ang alon ng daan para sa'min ng lumba-lumba.
"Sino'ng mortal ang lakas loob na tawarin ang Katubigan?" ani ng boses. Nakita ko siya mula sa liwanag ng kalangitan, at tila ba nagningning siya nang mas maliwanag pa sa buwan. May nakaputong sa kanyang berdeng buhok na korona. Nakatayo siya sa alon na tila ba entablado niya 'yon.
Sa bawat kumpas ng kanyang kamay, napansin kong alon ay sumabay. Sa bawat hiningang binitawan, tumugma ang aluy-oy ng karagatan. Tila ba lahat sa kanya ang atensyon, at maski ang aking aguhon ay sa kaniya nakatuon.
Walang duda, ito si Amanikable. Sa wakas ay narinig niya ang tawag ko kahit na pinapatay niya na ako sa pamamagitan ng matatalim na titig ng kanyang berdeng mga mata.
At sa pagkakataong iyon, alam kong hindi na ako mapapahamak dito, at naniniwala ako sa propesiyang ipinataw sa'kin.
"Bahala na," bigkas ko at pinikit ang mga mata bago bitawan ang lumba-lumba at ibato ang aguhon papunta sa kanya.
Aguhon ni Tadhana
ni lostmortals.
Maraming salamat sa pagbabasa!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro