Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 6

Date

NAHIHIYA akong lumabas ng kuwarto. Hindi mawaglit sa isip ko ang mga titig sa akin kanina ni Puppy Gaston. Tiyak na sobrang pangit ko sa paningin niya ngayon. Nakaligo na ako at nakapagpalit ng damit pero pakiramdam ko ay may nakadikit pa ring putik sa pagmumukha ko. Kasalanan talaga ng kaskaserong driver na 'yon!

Hindi ko talaga inaasahang makikita ko siya rito sa mismong bahay namin. Ang kuwento ni Timothy kahapon ay nasa Maynila ang kuya niya dahil may inaasikaso tungkol sa negosyo nila. Pero bakit bigla na lang siya sumulpot dito? Pagkagaling ba niya ng Maynila ay dumiretso siya kaagad dito?

Hindi kaya gusto niya akong makita?

Feelingera! May Shelley na siya!

Napangiwi ako nang maalalang hindi na pala siya single. Nag-a-assume na naman ako nang wala sa lugar. Ang sabi ko kahapon kalilimutan ko na ang kahibangan ko pero bakit isang kita ko lang sa kanya ay bumabalik na naman ang paghanga ko sa kanya? Tingin ko nga ay mas tumindi pa.

Sige na nga. Last na talaga 'to. Next month na lang ulit ako magmo-move on.

"Kung alam ko lang na papasyal ka rin dito, nakapagluto sana ako ng mas masarap na pagkain. Nagulat kami sa pagdating mo, Señorito. Ang sabi kasi ng kapatid mo nasa Maynila ka pa," rinig kong untag ni Nanay. Nag-uusap kasi sila sa sala kasama si Tatay.

Nanakbo kasi ako kanina sa banyo para maligo. Sa sobrang hiya ko nga ay hindi ko man lang nabati si Puppy Gaston.

"No worries, Manang. Dumaan lang talaga ako rito. Hindi rin ako magtatagal. Uuwi pa ako ng Negros para tingnan ang kalagayan nila. I'll be going back to Manila next week," sagot ni Puppy.

Pati ang boses niya ay parang nagbago. Parang mas naging baritono ito. Ang manly at napakalalim pakinggan. Lalo tuloy akong nai-insecure.

"Sana nga hindi ka na nag-abalang magdala ng mga pasalubong. Marami nang naibigay kahapon si Señorito Timothy."

"Iba naman 'yong galing sa akin, Manang," ani Payatot.

"Kahit na, Señorito. Isa pa ay nakakahiya kasi binigyan n'yo pa ng cellphone si Divina. Baka mai-spoil ang batang 'yan," dinig kong sabat naman ni Tatay.

"You gave her a phone?" si Puppy Gaston.

Hindi sumagot si Timothy. Dahil nakatago ako sa likod ng pinto ng kuwarto ay hindi ko nakikita ang reaksyon niya sa tanong ng kanyang kuya.

Sumilip ako saglit, pero kaagad ko ring isinara ang pinto nang magtagpo ang mga mata namin ni Puppy.

Oh, banal na pinto ng kuwarto ko! Nakatingin pala siya rito!

Napatakip ako ng mukha. Sobrang bilis ng tibok ng puso ko.

"Divina, lumabas ka nga diyan at batiin mo naman ang mga bisita natin. Kanina ka pa diyan, ah. Bakit ang tagal mo?" untag ni Nanay.

Lalo akong kinabahan. Kanina pa naman talaga ako tapos magpalit. Hindi ko lang alam kung paano haharapin ang crush ko pagkatapos ng kahihiyan ko kanina. Si Nanay talaga, hindi makaintindi. Parang hindi niya naranasang magnakaw tingin noon kay Tatay, ah.

"Divina!"

"Andiyan na po."

Nakayukong lumabas ako ng kuwarto. Pero pakiramdam ko ay nasa akin lahat ng mga mata, lalo na kay Puppy.

"Ano ba'ng nangyari sa 'yo kanina? Hindi ka ba tumitingin sa dinadaanan mo? Magdidisi-otso ka na ngayong taon pero lampa ka pa rin," ani pa ni Nanay. At talagang ngayon pa niya ako naisip sermonan, gayong sa harap kami ng naguguwapuhang mga nilalang.

Napairap na lang ako nang palihim. Hindi naman ako lampa, nadulas lang. Magkaiba 'yon.

"Pasensya na kayo mga Señorito," ani Tatay sa dalawang bisita.

Nagkatinginan kami ni Timothy. Katulad ng inaasahan ay umangat ang sulok ng mga labi niya. Parang sinasabi niyang ang nene ko pa rin kaya ang lampa ko.

Iniiwasan ko namang mapatingin kay Puppy Gaston dahil hindi ko kayang makasalubong ang mga mata niya. Lumipad ang paningin ko sa mga paperbag na nasa ibabaw ng lamesita namin. Ang dami no'n. Iyon siguro ang dala niya. Gusto ko sanang tingnan kaso nakakahiya. Baka isipin niyang mas excited pa ako sa mga pasalubong.

"Wala lang 'yon, Manang. Huwag n'yo kaming alalahanin. Siya nga pala, puwede na ba naming mahiram si Divina? Hindi pa kasi namin kabisado ang lugar ninyo kaya gagawin sana namin siyang guide ni Kuya. Mag-iikot-ikot lang sana kami," ani Payatot.

Sinungaling. Paano niya natunton itong bahay namin kung hindi niya kabisado?

"Oo naman. Wala namang gagawin 'yan dahil Linggo," sang-ayon naman ni Tatay.

Nagulat ako. Ano na naman kaya ang iniisip ng payatot na 'to? Nang sulyapan ko siya ay palihim niya lang akong kininditan. Parang may binabalak na naman siyang kalokohan. Naku lang talaga, hindi pa ako nakakabawi sa pang-aasar niya sa akin. Akala ba niya por que binigyan niya ako ng cellphone ay magpapatalo ako?

"Narinig mo ang Tatay mo, Divina. Samahan mo muna sina Señorito. Kanina ka pa nila hinihintay rito. Ang tagal mo kasi sa palengke." Si Nanay.

Napatango ako sabay tayo para kunin ang sling bag ko sa kuwarto. Pero ramdam kong may nakatingin sa aking mga mata.

Pagkalabas ko ng kuwarto ay nasa labas na rin sila ng pinto ng bahay. Parang ako na lang ang hinihintay. Maliit lang kasi ang bahay namin. Bungalow style. Kaya ilang hakbang lang ay nasa labas ka na kaagad. Hindi kagaya ng mansyon nila sa Negros na parang nasa loob ka ng palasyo.

Pagkatapos nilang magpaalam sa mga magulang ko ay iminostra nila ako sa nakaparadang kotse. Si Puppy Gaston ay hindi nagsasalita. Tahimik lang siyang naglalakad patungo sa sasakyan.

Napatigil ako sa paghakbang nang nanakbo sa akin ang tuta ko. Dinilaan niya ako sa binti na animo'y gusto niyang magpakarga sa akin. Dinampot ko naman siya at bahagyang hinalikan sa ulo.

"Baby Gaston, hindi ka puwedeng sumama. Behave, okay? Babalik din ako kaagad mamaya," untag ko saka hinaplos ang ulo niya. Kumawag ang buntot niya't dinilaan niya ako sa kamay.

"The puppy's name is Gaston?"

Naestatwa ako nang mapagtanto kong nasa harapan ko pala ang magkapatid na señorito. At tinawag kong baby Gaston ang tuta ko!

Nang mapatingin ako kay Puppy Gaston ay nakatingin din ito sa akin. Tila manghang-mangha siya sa kanyang nakikita.

Naibaba ko si baby Gaston nang marinig kong mahinang tumawa si Señorito Timothy. Nang-aasar na naman itong nakatingin sa akin. Parang ang sarap dukutin ng mga mata niya. Kainis!

"Uhm..."

Nautal ako't hindi makasagot kay Puppy. Parang naghihintay pa rin kasi siya sa isasagot ko.

"W—Wala kasi akong maisip na magandang pangalan kaya ipinangalan ko po sa inyo. Pero papalitan ko na lang po ang pangalan niya. He-he," mahinang sabi ko. Napakamot ako sa batok.

Ano kayang magandang pamalit na pangalan?

"No need. You can call her by any name you wish. I was just surprised that the puppy is actually a girl," baritonong deklara niya.

Ito ang kauna-unahang pagkakataong kinausap niya ako pagkakatapos ng mahigit tatlong taon naming hindi pagkikita. Pero bakit pakiramdam ko ang lambing ng boses niya? O feelingera na naman ako sa lagay na 'to?

"Kung gano'n hindi ko na papalitan. Mas bagay naman sa kanya ang pangalan niya ngayon—"

Natahimik ako nang malisyosong tumikhim si Timothy.

"Shall we go?" aniya.

Tumango ako. Si Timothy ang pumasok sa driver's seat. Pupunta na sana ako sa backseat para buksan iyon pero naunang magbukas si Puppy. Kaya nahawakan ko nang hindi sinasadya ang kanyang kamay.

Nagkatinginan kami. Ang bango-bango niya. Naaamoy ko kasi ang kanyang hininga sa sobrang lapit ng aming mga mukha. parang amoy menthol na kendi. Tapos ang natural pa ng pagkapula ng mga labi niya. Parang ang sarap halikan. Pero siyempre, hanggang imagination ko lang 'yon.

Kung hindi lang tumikhim ang istorbong si Payatot ay hindi pa sana ako lalayo. Sayang. Gusto ko pa sana siyang amuyin nang matagal.

Mabilis ko na lang binuksan ang pinto saka dali-daling pumasok sa loob. Tiningnan ako ni Timothy sa rear view mirror sabay ngisi. Patay-malisyang tumingin na lang ako sa labas ng bintana.

Nang makapasok si Puppy sa shotgun seat sa harap ay agad din namang pinaandar ni Payatot ang sasakyan. Nilingon pa nila akong dalawa at tinanong kung komportable ako. Tumango lang ako at nagkunwaring hindi na-aw-awkward.

Nag-uusap silang dalawa tungkol sa negosyo kaya hindi ako nakinig. May binabanggit silang Ninong nila na mukhang tumutulong sa kanila sa pagpapatakbo ng negosyo. Wala akong maintindihan kaya naglaro na lang ako ng games sa cellphone na bigay ni Payatot.

Ang inaasahan ko ay papasyal sila sa city proper para mai-guide ko sila pero nagulat ako nang humimpil ang sasakyan sa harap ng isang building na malapit sa itinatayong condominium. At lalo akong nagulat nang umibis si Timothy ng sasakyan. Gano'n din si Puppy Gaston.

Lalabas na rin sana ako pero pinagbuksan ako ni Puppy ng pinto. Maang akong napababa para sumunod sana kay Timothy na papasok sa loob ng building. Dito yata sila tumutuloy.

Hindi pa ako nakadalawang hakbang nang hinawakan ako ni Puppy Gaston sa braso saka iminostrang pumasok sa shotgun seat ng sasakyan.

"Hindi po tayo papasok?" takhang tanong ko.

Nilingon ako ni Payatot saka kininditan. He mouthed, "enjoy."

"Get inside the car," mahinang sabi niya.

Dali-dali naman akong pumasok. Pagkatapos niyang maisara ang pinto sa gilid ko ay agad akong nagkabit ng seatbelt kahit na hindi ko maintindihan kung bakit muli kaming pumasok sa kotse at nagpapaiwan si Timothy.

Pagkapasok niya sa driver's seat ay hindi ako mapalagay ngayong dalawa na lang kami. Akala ko may lakas ako ng loob para kausapin siya pero ngayong kaming dalawa na lang ang natira ay tinubuan ako ng hiya.

Kailan pa ako naging mahiyain? Ang alam ko makapal ang mukha ko, ah.

Inilabas ko ang cellphone na bigay ni Timothy para i-text siya at tanungin kung bakit siya nagpa-iwan. Naka-save na kasi rito ang numero niya. 


Pagkatapos kong mai-send ang text ay nagulat ako nang inilahad sa akin ni Puppy Gaston ang kanyang kamay kaya napakunot ako.

Baka gusto niyang makipag-high five.

Mabilis ko namang inilabas ang kamay ko saka nag-apir sa kanya. Pero siya naman ngayon ang nakakunot sa akin. Lalo pa niyang inilapit sa akin ang kanyang palad.

"Po?"

Hindi siya sumagot. Nalakahad lang ang kamay niya kaya napatingin ako sa sarili ko. Nanghihingi ba siya ng pagkain?

Patay. Wala akong dalang pagkain.

"Señorito, wala pong—"

Nagulat ako nang bigla niyang dinampot ang cellphone na nasa kandungan ko saka itinapon iyon sa backseat.

"You shouldn't accept gifts from other men," mahinang anas niya.

Huh? Takhang tiningnan ko siya.

"Bigay po 'yon ng kapatid n'yo."

"Exactly," tila iritableng sagot niya.

Wala sa sariling napalingon ako sa backseat para tingnan ang kawawang cellphone. Ang mamahalin pa naman niyon tapos itinapon niya lang.

Napabuntonghininga ako. Pero agad din naman akong natanga sa kanya nang may inilabas siyang box saka ipinatong iyon sa kandungan ko.

"You can use that from now on," sabi niya. Sinipat ko iyon. Cellphone?

"Po? Sa akin na 'to, Señorito?"

"The last time I checked you wanted to call me Puppy. What's with the formality?" seryosong untag niya.

"Señorito, tutal mukhang close na tayo.P—Puwede ba kitang tawaging Puppy? Kasi 'di ba Kitten ang tawag mo sa 'kin? Para quits na tayong may pet name sa isa't isa."

Nag-init ang pisngi ko. Natatandaan pa niya ang sinabi ko three years ago?

"I remember every word that you have said to me three years ago," anas niya na parang nahulaan niya ang nasa isip ko.

Napatingin ako sa kanya. Namangha ako nang bahagya siyang ngumiti.

Teka, ngumiti siya! First time niyang ngumiti sa akin after three years!

"Your face says it all. And yes, the phone is yours," aniya sabay buhay ng makina.

Ilang segundong nagkaroon ng katahimikan sa loob ng kotse. Hindi ko rin kasi alam kung paano mag-initiate ng usapan. Ang daldal ko naman on regular days, pero bakit kapag kaharap ko si Puppy Gaston parang nauubusan ako ng words?

Ilang beses akong lumunok ng laway. Pansin ko parang kabisado niya naman ang daan at alam niya kung saan kami pupunta. Mukhang alibi lang ni Payatot ang sinabi niya kanina sa mga magulang ko na gagawin nila akong tour guide. Hindi kaya tinutulungan niya ako kasi alam niyang crush ko ang kuya niya?

Aba, may silbi rin pala ang payatot na 'yon. Hindi na ako lugi sa pagrereto kay Zia Lynn sa kanya.

Itinuon ko na lang ang pansin ko sa box na nasa kandungan ko. Binuksan ko iyon at kinuha ang cellphone. Actually hindi na sealed ang box, mukhang binuksan na iyon. At tama nga akong naka-set up na rin ang cellphone. Nang tingnan ko ang contacts ay naka-save na roon ang numero niya.

Puppy.

Iyon ang nakalagay na pangalan niya sa contacts list. Alam kong namumula ngayon ang pisngi ko kahit hindi ko tingnan sa salamin ang itsura ko.

"How have you been doing for the past three years?"

Bigla siyang nagtanong kaya nabasag ang katahimikan. Saglit ko siyang sinulyapan. Lalo siyang gumaguwapo kapag nakatagilid. Lalo kasing nakikita ang pagkatangos ng ilong niya.

Ayon, nami-miss ka lagi.

Gusto ko sanang isagot iyon. Pero siyempre wala naman akong lakas ng loob.

"Wala naman pong bago. Nag-aaral pa rin ako. Pero 2 years na lang naman ga-graduate na ako."

Tumango-tango siya pagkatapos niya akong sulyapan. Marami sana akong gustong itanong sa kanya, pero mas gusto kong malaman kung bakit nagpaiwan si Timothy pero hindi ko alam kung dapat ko pa bang itanong.

"So, what are your plans after you graduate?" kaswal niyang tanong.

Nagkibit ako ng balikat. "Magre-review para po sa board exam. Kapag pumasa e 'di magtuturo ako. Kapag hindi, magre-review ulit hanggang sa pumasa."

Pansin ko ang attentive niya sa mga sagot ko kahit walang kakuwenta-kuwenta.

"I see. Did you wait for me for the past three years?" biglang tanong kaya namilog ang mga mata ko.

"Po?"

"You can talk to me in casual. I'm not that old. I'm only 24. So, please drop the formality," aniya.

Bumilis ang tibok ng puso ko. Ano'ng ibig niyang sabihin?

"We're here," deklara niya.

Napatingin ako sa unahan. Saka ko lang napansin na nasa tapat kami ng isang private resort. Marami kasing resort dito sa lugar namin. Pero itong resort na ito ay hindi ko pa napupuntahan dahil ang ginto ng entrance fee. Tapos ang mahal pa ng mga pagkain sa loob.

Bumukas ang matayog na pader at namangha ako sa tanawin pagkapasok namin. Ang gaganda ng mga cottage at ang lawak ng infinity pool. Walang katao-tao kaya parang ang sarap tumalon sa pool. Napakalinis ng paligid, animo'y oras-oras nililinis.

Nauna siyang umibis ng sasakyan. Mabuti na lang pala at naka-shorts ako ngayon. Pero hindi naman 'yong tipong skimpy shorts, hanggang sa itaas ng tuhod ko ang haba kaya hindi rin naman malaswang tingnan. Nakaputing T-shirt ako.

Bubuksan ko na sana ang pinto sa tabi ko pero pinagbuksan ako ni Puppy. Napaka-gentleman niya talaga. Hindi ako makapaniwalang dadalhin niya ako rito nang kaming dalawa lang. Hindi kaya iyon ang ibig sabihin ni Payatot kanina nang kinindatan niya ako?

"I suppose you haven't been here," aniya.

Nahihiyang tumango ako.

"I'm hungry. Kumain muna tayo," dagdag niya.

Sa wakas nag-Tagalog na rin siya. Kanina pa ako puro tango at tipid lang ang sagot, e. Ngayon ko lang na-realize na kaya pala hindi ako madaldal kasi kanina pa siya English nang English. Nasanay na yata ang dila niya sa salitang banyaga.

May restaurant sa resort na ito. Ang sarap ng dampi ng hangin sa balat, parang nakakapagbigay ng peace of mind. Sana ganito na lang kami palagi.

Mabuti na lang at medyo natunaw na ang mga kinain ko kaninang pananghalian kaya may space na ulit sa tiyan ko. Iba't ibang putahe ang inihain ng mga waiter. May lobster, may malaking alimango. Lahat yata ng seafood andito. Ipinaghila pa niya ako ng upuan para makaupo.

Naghuhurumintado na naman ang kawawang puso ko. Kapag ganito palagi sa akin si Puppy, mag-a-assume na naman akong may something siya sa akin. Pero dapat kong itatak sa isipan ko na may Shelley na siya.

Para kaming nagdi-date sa lagay na 'to.

Pinagbalat pa niya ako ng lobster.

"You didn't answer my question earlier," biglang sabi niya sa gitna ng pagkain. Kaya naibaba ko ang kubyertos.

"Did you wait for me to come back?" seryosong tanong niya.

"Siyempre naman. Na-excite nga ako sa mga pasalubong n'yo, e."

Parang natigilan siya sa sagot ko. Kaswal lang naman ang pagkakasabi ko. Hindi ba niya nagustuhan?

"Pero nabalitaan ko 'yong nangyari sa mga magulang ninyo, Señorito." Malungkot ko siyang tiningnan pero umiling siya.

"It's fine. We have already accepted everything that happened. "

Hindi katulad ni Timothy ay straight lang ang expression niya, hindi ko mabasa kung malungkot ba siya o talagang tanggap niya na ang nangyari. Kung ako kasi siguro ang nasa kalagayan niya ngayon, hindi ko alam kung saan ako pupulutin. Baka namumulot na ako basura sa kalye o nambabato ng bahay ng kung sinu-sino.

"Ang sabi nga nila utang na loob natin sa mga magulang natin ang buhay natin. Kaya dapat kapag wala na sila sa tabi natin, gawin natin ang lahat para maging maayos at masaya tayo. Kasi kapag hinayaan natin ang sarili natin na magluksa sa pagkawala nila, hindi sila matatahimik sa kabilang buhay. Kaya dapat maging masaya ka, Señorito."

Nagulat ako nang mapansing nakatitig lang siya sa akin at hindi na kumakain. Kaya napatigil din ako sa pagsubo ng pagkain.

"Señorito?"

Ngumiti siya nang bahagya.

"I often hear people saying they're sorry for my loss after learning about what happened to my parents. It's the first time that I've heard something like that. I just realized my Kitten has grown up," aniya habang nakatingin nang diretso sa mga mata ko.

Pero tama ba ang narinig ko?

My Kitten? Tinawag niya akong gano'n?

©GREATFAIRY 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro