CHAPTER 5
Ideal Girl
NAPANGISI ako habang binibilang ang mga lilibuhing papel na ibinigay ni Timothy. Twenty thousand lahat ito dahil bukod sa address ni Zia Lynn ay ibinigay ko na rin pati ang number niya. Hindi naman na lugi si Payatot kasi kung papalarin ay siya lang ang kauna-unahang magiging textmate ng best friend ko. Hindi pa naman iyon mahilig makipag-text, lalo na sa boys.
"Maraming salamat sa mga pasalubong mo, hijo. Ginulat mo naman kami sa pagdating mo. Wala kasing nabanggit si Ate Soledad na nakauwi na pala kayong magkakapatid dito sa Pilipinas," dinig kong sabi ni Nanay kay Timothy.
Sus, bait-baitan si Nanay sa harap ni Timothy pero for sure excited na 'yang buksan ang mga pasalubong. Baka nga hindi pa ako makatikim ng mga chocolate, e. Buti na lang talaga nauna nang nagbigay ng talent fee si Payatot sa akin. At buti na rin wala rito ang kapatid ko, nasa galaan. Tapos si Tatay naman ay nasa dagat na siguro 'yon.
Napatigil ako at saglit na napaisip. Parang hindi na bagay sa kanya ang pet name na 'yon. Malayung-malayo na kasi siya sa dati niyang pangangatawan. Para na siyang superhero na hunk ngayon. Tumangkad din siya lalo.
"We've been here for three weeks, Manang. Pasensya na po kung hindi agad ako nakabisita. We had to take care of my parents' burial."
"Ha?!"
Nanlaki ang mga mata ko sa mga narinig ko. Itinago ko ang pera sa loob ng magkabilang bulsa ng shorts ko saka lumabas ng kuwarto. Nag-uusap kasi sa sala sina Nanay at Timothy.
"Ano kamo, Señorito? Wala na ang mga magulang mo?" hindi-makapaniwalang tanong ni Nanay.
Nakita kong gumuhit ang pait sa mga mata ni Timothy bagama't nakangiti siya nang bahagya. Marahan siyang tumango. Kaya pala no'ng unang kita ko sa kanya kanina ay parang may nagbago sa kanya, lalo na sa mga mata niya. Parang malungkot. Iyon pala ang dahilan.
"It was a car accident, Manang. They're on the way to David's graduation pero hindi na sila nakarating."
Napasinghap ako. Bigla akong nakonsensya at naawa sa kanya, lalo na kay Puppy Gaston. Ibig sabihin ay malungkot pala iyon ngayon at kailangan niya ng karamay. Sayang lang at wala ako sa tabi niya ngayon.
"Nakikiramay kami sa inyo, hijo. Pasensya ka na, hindi namin alam na gano'n pala ang nangyari. E 'di sana ay nakapunta kami sa Negros."
"It's okay, Manang. It was a family's decision to keep everything private."
Napaluha ako nang slight pero pinahid ko agad ang mga iyon para hindi nila makita. Kawawa naman pala si Puppy Gaston ko. Hindi ko man lang nakilala nang personal ang future in-laws ko bago sila nawala.
"Kung nalaman lang namin kaagad, sana kami na lang ang lumuwas sa Negros. Napagod ka pa tuloy sa biyahe papunta rito," dagdag pa ni Nanay.
Oo nga naman. Nami-miss ko na rin ang mansyon nila. Hindi na kasi ako nakabalik doon magmula nang bumalik sa Amerika ang magkapatid na Señorito.
"I actually went here for business as well. Kuya Gaston wanted me to do some fieldwork as part of my training."
"Fieldwork?" singit kong tanong. Napabaling tuloy silang dalawa sa akin.
Tumango naman si Timothy. "May ipinapatayo kasing condominium sa bayan. Kuya wanted me to personally monitor the progress of the construction. "
"Oh, gano'n? Ibig sabihin magtatagal ka rito?" balik-tanong ko.
"Probably hanggang matapos ang pag-construct ng building," suwabe niyang sagot. Pero mukhang natutuwa pa siyang magtatagal siya rito.
Napatangu-tango ako. Kay suwerte naman ng best friend ko. Buti pa ang future dyowa niya magsi-stay. Sa akin, wala na nga akong pag-asa, ni hindi ko man lang masisilayan kahit ang dulo ng buhok niya.
"Kung gano'n sa bayan ka na rin niyan tutuloy, hijo?" untag ni Nanay.
"Oho. Nando'n na ang mga gamit ko."
"Kung gano'n, hihingin ko ang address mo roon para madadalhan kita palagi ng lutong-bahay," suhestiyon ni Nanay.
For sure, rumaraket lang 'yan. Kanino pa ba ako magmamana? Kundi sa Nanay kong madiskarte. Ang hindi niya alam mas magaling ako sa kanya. Nakakulimbat na nga ako ng beinte mil.
"That would be great, Manang. Para hindi ko rin masyadong ma-miss ang luto ni Nanay Sol. Pero puwede naman akong pumunta rito para hindi na kayo mapagod. At mas malapit din dito ang construction site."
Sus, gusto lang nitong makahanap ng excuse para mapuntahan si Zia Lynn, e. Iba rin 'tong dumiskarte si Payatot. Malagyan nga minsan ng maraming asin ang pagkain niya. Nakaka-bitter kasi ng galawan, e. Balak yata akong inggitin sa love life niya.
"Oh, siya. Ikaw ang bahala kung gano'n. Pasensya ka na, wala rito ang asawa ko. Nasa dalampasigan na siguro iyon. Hindi ka man lang niya nabati."
"It's totally fine. I won't stay long either, Manang. Idinaan ko lang po talaga 'yan dahil may pupuntahan pa ako," ani Payatot sabay sulyap sa akin. Alam ko na kung saan siya pupunta.
"Kung gano'n hindi na kita pipigilan. Baka importante ang lakad mo. Salamat ulit sa mga pasalubong— Divina, ang tuta mo!" untag ni Nanay.
Mabilis kong binuhat si Gaston nang tinalon niya ang mga pasalubong. Agad niya akong dinilaan sa baba.
"I got to go, Manang. Salamat ulit sa miryenda," ani Timothy.
Sinundan ko siya sa labas ng bahay habang karga-karga ko si Gaston. Pero bago iyon ay ibinigay niya muna ang address ng tinutuluyan niya sa bayan.
"Babae pala 'yan?" agaw-pansin ni Timothy habang nakatingin sa tutang buhat-buhat ko.
Tumango. "Oo, bakit?"
Napailing naman siya. "You're weird. Ikaw lang ang alam kong nagpapangalan ng Gaston sa babaeng tuta."
"E, ano naman? Hindi naman 'yan kasalanan sa batas," kontra ko sabay baba kay Gaston. Nagpupumiglas kasing bumaba.
Nginisihan ako ni Payatot sabay pamulsa. Sinundan ko siya ng lakad papunta sa kotse niya.
"Nami-miss mo siguro si Kuya Gaston, 'no?" panunukso niya.
Napairap ako. "Hindi, ah! Bakit ko naman siya mami-miss?"
"Hindi naman kasalanan sa batas na ma-miss mo siya," panggagaya niya sa linya ko.
Nameywang ako. "Alam mo kung wala kang masasabing matino, irereto ko na lang sa iba si Zia. Patay na patay pa naman do'n si Patrick."
Itinaas niya ang kanyang dalawang kamay bilang tanda ng pagsuko. Pero nakangiti pa rin siya nang nakaloloko. Napaismid ako. Hindi na talaga nagbago ang ugali ng payatot na 'to.
"Who the hell is Patrick?"
"Sampung libo para sa sagot ko," mabilis kong tugon.
Napaawang naman siya. "You're getting bolder, Divine! Just admit it, you're missing my brother. Kaya nga pati tuta mo ipinangalan mo sa kanya."
Tiningnan ko siya mula ulo hanggang paa. "Nasaan ang ebidensya mo?"
Nag-init ang pisngi ko. Masyado ba akong halata?
Mayamaya'y narinig ko ang mahina niyang tawa. Yumuyugyog pa ang magkabilang balikat niya.
"It's been three years. I can't blame you. Besides, distance makes the hearts grow fonder."
"Distance lang meron kami. Walang fond!" asik ko.
Ang walanghiyang payatot lalo pang tumawa. Akala niya yata magpapatalo ako sa kanya. Makakabawi rin ako, makikita niya.
Dinukot ko ang pera mula sa bulsa ko saka inabot iyon sa kanya. Napatigil naman siya sa pagtawa at napatingin sa akin.
"What's that for?"
"Na-realize ko kasing marami ka palang dalang pasalubong na chocolates. Okay na ako ro'n."
Umiwas ako ng tingin. Sana huwag niyang tanggapin. Sayang din kasi ang beinte mil. Kasya na 'yon sa one-year supply na pagkain ni baby Gaston. Maarte kasi 'yon, ayaw ng dog food, gusto lagi isdang prito.
"I already gave it to you. Why are you giving it back to me? Iba naman 'yan sa pasalubong."
Natuwa ako sa sinabi niya. Pero nakokonsensya kasi akong hiningan ko pa siya ng bayad sa kakarampot na information tungkol kay Zia gayong namatayan na nga siya ng mga magulang. Hindi naman ako gano'n kasama para manamantala.
"Baka kasi mas kailangan mo 'yan ngayon. Hindi ba magfi-fieldwork ka?" untag ko.
"I'm not short of money. Sa 'yo na 'yan," aniya.
"Sure ka? Ayaw ko naman talagang ibalik kaya lang baka mapunta ako sa impyerno kapag namatay."
Kinunutan niya ako.
"Sorry pala sa nangyari sa parents mo. Sigurado akong ginagabayan nila kayong magkakapatid kung nasaan man sila ngayon," seryosong sabi ko.
Ngumiti nang tipid si Timothy. "My parents were wonderful people. That's why I'm helping Kuya Gaston to protect their legacy," aniyang nakatingin sa kawalan.
"Ang suwerte mo siguro sa mga magulang mo, ano? Pero ang malas nila kasi naging anak ka nila."
"Paano mo naman nasabing ang malas nila sa 'kin?" hamon niyang tanong.
"Kasi kung matino ka ba namang mag-isip, nagsasayang ka ng pera para sa babaeng hindi mo pa nakakaharap nang personal. Pina-tatoo mo pa pati pangalan niya. Hindi ba parang ang impulsive mo naman sa lagay na 'yon?"
"You don't understand. Nene ka pa kasi," kontra niya.
"Kitam? Judgmental ka. Sa susunod mahal na ang sisingilin kong talent fee. Lagi mo kasi akong nilalait. "
Lumapit siya saglit saka sinapo ang noo ko gamit ang likod ng kanyang kamay. Napalayo naman ako sa kanya nang bigla niya akong kinaltukan sa noo.
"You're really the weirdest girl I've ever met," bulalas niya sabay sandal sa unahan ng kotse.
"Nasasabi mo lang 'yan kasi hindi mo pa nakikita si Zia, mas weird 'yon sa 'kin. Alam mo kung bakit?"
Tila nakuha ko ang buong atensyon ni Timothy dahil umayos siya ng tayo. Napangisi na naman ako.
"Kasi ayaw niya raw sa mga lalaking mayaman at pogi. Gusto niya 'yong ordinaryong lalaki lang. Kaya good luck sa 'yo kung makukuha mo ang loob niya. Baka mas pipiliin pa no'n ang construction worker o driver kesa sa 'yo."
Nalaglag ang magkabilang balikat niya dahil sa sinabi ko. "She really did say that?" pagkukumpirma niya.
Tumango ako. "Oo, kaya kung ako sa 'yo simulan mo nang magdasal at tawagin mo na lahat ng santo. Malay mo maawa sila sa 'yo."
"It's okay. You are going to help me with her, right?" aniya.
Parang pumalakpak ang magkabilang tainga ko sa sinabi niya.
"Ikaw ba, ano'ng ideal girl mo?"
"Zia Lynn is my ideal girl,"
"Hindi mo pa nga siya nakakaharap. Ang tigas mo rin!"
"But no matter what her personality is, she will always be my ideal girl."
Ang mais, nakakainis! Tsk! Wala na talagang pag-asa itong si Timothy.
"Eh, ang Kuya Gaston mo? Anong ideal girl niya?" pasimpleng tanong ko.
Ang akala ko ay sasagutin niya naman kaagad ang tanong ko, pero nag-init ang magkabilang pisngi ko nang sumilay na naman ang nakalolokong ngiti sa mga labi niya. Umakto siyang tila nag-iisip.
"Kuya is not superficial. So, he may like someone as average-looking as you," aniya.
"Maka-average ka naman diyan! Ako ang pinakamagandang anak ng nanay ko, 'no!"
"Malamang, nag-iisang anak na babae ka. Pft!" kontra niya.
"Ibubuking talaga kita kay Zia Lynn na—"
"Kuya Gaston likes someone who's strong and independent. But, liking someone is different from loving someone. Who knows what kind of woman can make his heart flutter," putol niya sa sasabihin ko.
Napabuntonghininga ako. Paano ba maging strong at independent? Siguro parang katulad ni Shelley na girlfriend ni Puppy ngayon.
"You still like Kuya after all."
Hindi iyon tanong kundi pagkukumpirma. Siguro hindi ko na dapat itanggi pa. Tutal malabo namang magkita pa kami ni Puppy Gaston.
"Crush lang naman. Pero hindi naman ako umaasa. Isa pa, bata pa ako, 'no. Ayaw ko pang mag-boyfriend."
"Tama 'yan, huwag ka munang kumirengkeng. Mag-focus ka muna sa pag-aaral mo. Mukha ka pang nene. Hindi bagay sa 'yong mag-boyfriend," aniya sabay tapik sa balikat ko.
Ilang segundo kong pinagnilayan ang mga sinabi niya. Nang mapagtanto ko ang ibig niyang sabihin ay sinipa ko ang maliit na bato papunta sa kanya pero agad siyang umilag.
"Kung makapag-advise ka parang wala kang balak diskartehan ang best friend ko, ah. Samantalang magkaedad lang kami no'n. Lumayas ka na nga! Wala ka talagang kuwentang kausap!"
Tumawa lang siya saka ginulo ang buhok ko bago pumasok sa kotse niya. Sinamaan ko siya ng tingin. Ginawa pa akong bata ng payatot na 'to.
Pagkatapos niyang buhayin ang makina ng sasakyan ay ibinaba niya ang bintana saka may ibinato sa akin. Sinalo ko naman kaagad iyon. Isang box.
"Ano 'to?"
"Cellphone. I already saved some pictures in there. Just in case you missed Kuya's face." Kinindatan niya ako.
"Woah! Seryoso? Akin na 'to?"
"Don't forget to keep your mouth shut. Don't tell any word about me to your best friend."
"Areglado, Boss!"
Sumaludo ako.
Natatawang umiling siya bago pinasibad ang sasakyan niya paalis. Nanakbo ako pabalik sa bahay para buksan ang box. Na-excite ako bigla.
"Ano 'yan?" usisa ni Nanay.
"Cellphone, Nay! Bigay ni Señorito Timothy!" bulalas ko sabay pasok sa kuwarto.
"Aba! Ang saya mo, ah! Tinanggap mo naman," pasigaw na bulalas ng nanay ko.
"Siyempre naman. Makapal ang mukha ko, e!" pasigaw ko ring sagot.
Totoo ngang cellphone ang laman ng box. At naka-set up na ito. Mukhang mamahalin at touchscreen pa. Ang gara talaga ng payatot na 'yon. Ang suwerte ko namang kaibigan.
Pagkatapos kong usisain ang disenyo ng cellphone ay tiningnan ko ang gallery. Totoo ngang may mga naka-saved na pictures dito. Unang bumungad sa akin ang napakaguwapong mukha ni Puppy Gaston. Hinalikan ko iyon.
Lalo siyang nag-mature pero mas bumagay sa kanya. Para na siyang model ng suot niyang damit. Puwede na nga siyang mag-artista. Parang napakaambisyosa ko para magka-crush sa kanya. Hindi ko maiwasang tingnan ang sarili ko sa salamin. Mukhang tama nga si Timothy. Hindi pa ako puwedeng mag-boyfriend dahil mukha akong nene. Malayo sa babaeng maaaring magustuhan ni Puppy Gaston.
Siguro makukuntento na lang akong magka-crush sa kanya forever. Masaya na akong naging parte siya ng memories ko.
Nag-scroll pa ako ng iba pa niyang pictures. Puro siya nakasuot ng suit. At halatang puro stolen pictures ito. Siguro hindi talaga siya mahilig mag-pose sa harap ng camera.
Natigilan ako nang ang sumunod na litrato ay family picture. Pero mukhang dalawang pamilya sila. Kuha ito noong nakaraang Pasko dahil may date pa sa ibaba ng picture. Pero ang mas nagpaagaw ng pansin ko ay 'yong babaeng katabi ni Puppy Gaston. Bahagyang nakahilig ito sa balikat niya na animo'y close sila.
Hindi kaya siya si Shelley? Ang ganda niya at ang tangos ng ilong. Straight na blonde ang buhok niya. Bagay sila ni Puppy Gaston.
Nanliit ako lalo. Parang pinagsisisihan ko nang tinanggap ko pa ang cellphone na 'to. Mabo-broken lang pala ako ulit. Parang sinadya pa talaga ni Payatot na i-save ito rito.
Nangalumbaba ako. Paano ba mag-uncrush ng crush?
Hanggang sa kinagabihan ay iyon ang laman ng isip ko. Nakailang zoom pa ako ng pagmumukha no'ng babae para matitigan nang maigi ang mukha niya. Pero kahit ilang oras ko pa yatang titigan iyon ay hindi pa rin magbabago ang katotohanang wala ako sa kalingkingan niya.
Dahil araw ng Linggo kinaumagahan ay nagsimba kami. Iniwan ko 'yong cellphone sa bahay dahil nawalan ako ng ganang gamitin iyon. Pero pagkatapos ng misa ay dumaan ako sa pinakamalapit na mall. Pinauna ko sa pag-uwi sina Nanay.
Namili ako ng ilang push up bra at ilang blouse. Pero nagtira ako ng para sa pagkain ni Gaston.
Nadaanan ko 'yong building na itinatayo. Maraming trabahador doon. Mukhang ito ang magiging pinakamatayog na building sa city kapag natapos ito. Sinong mag-aakalang inaasar ko lang ang may-ari ng building na 'yan.
Natawa ako. Nasaan na kaya ang payatot na 'yon? Nalimutan kong i-save ang number niya sa cellphone kong di-keypad. Naka-save pala iyon sa cellphone na bigay niya. Nagkita na kaya sila ni Zia?
Hindi bale na, tiyak na magkukuwento naman si Zia bukas pagpasok sa school.
"Ang dami mong pinamili, ah. Binigyan ka ni Señorito Timothy ng pera, ano?" puna ni Nanay habang nakatingin sa bitbit kong mga paperbag.
Ngumisi lang ako. Tinaliman naman niya ako ng tingin.
"Ikaw talagang bata ka hindi ka marunong tumanggi. Mahiya ka naman sa mga Bustamante, baka isipin nilang nanamantala tayo," aniya.
"Hindi naman niya ibinigay, 'Nay. Siyempre may hiningi siyang pabor sa 'kin."
"Anong pabor?"
"Secret, walang clue."
Binato ako ni Nanay ng balat ng saging. Buti na lang at nasalo ko iyon. Lumapit ako sa basurahan at itinapon iyon.
"Kumain ka na, Divina. Tinanghali ka na sa bayan," ani Tatay. Mukhang katatapos lang nilang mananghalian.
"Siyempre, kumain na po ako roon. Hindi masarap ulam natin, e."
Halos araw-araw kasi kaming isda. Hindi naman sa nag-iinarte ako, pero nakakasawa rin kaya minsan. At least naiba naman ang ulam ko kahit isang beses lang.
Umismid lang si Nanay.
Dahil ugali nilang matulog tuwing hapon ay nagpaalam muna akong umalis para bumili ng pagkain ni Gaston. Nakalimutan ko na kasing dumaan kanina sa palengke dahil dire-diretso ang jeep na sinakyan ko. Walking distance lang naman ang palengke kaya naglakad lang ako.
Bumili ako ng isda at pork. Gustong-gusto pa naman ni Gaston ng inihaw na pork at pritong isda.
Dahil umulan kagabi ay medyo basa pa ang lupa. Kaya todo iwas ako sa malalambot na parte ng kalsada. Hindi pa naman concrete 'yong ibang gutter kaya maputik. At may iba pang parte ng kalsada na hindi pa tuluyang bumababa ang tubig. Barado yata ang kanal.
Pero sa kamalas-malasan ay may dumaang humahagunos na sasakyan. Patakbong umiwas ako para hindi matalsikan ng tubig kaya lang ay nadulas ako. Dumiretso sa putikan ang pagmumukha ko. Dinig ko pang may nagtilihan.
Napadaing ako. Mabuti na lang sa putik tumama ang mukha ko kaya hindi masakit. Pero pagtayo ko ay pinagtitinginan ako. Napahilamos ako ng mukha at napagtanto kong para akong kalabaw na lumangoy sa putikan.
Nanakbo ako pauwi. Mabuti na lang at malapit ako sa bahay. Pero napatigil ako nang mapansing sa hindi kalayuan ay may naka-park na kumikinang na puting sasakyan. Nagtaka ako. Pero hindi ko na lang pinansin at dumiretso na papasok sa loob ng bahay. Mabuti na lang talaga at hindi natapon ang pinamili kong isda at karne. Kung hindi magtitiis ng sardinas si Gaston.
"Nay—"
Napatigil ako nang lumipad sa akin ng tingin ang lahat pagkapasok ko sa pinto. Pero nanlaki ang mga mata ko nang makilala ang mga naroon.
Si Timothy at si Puppy Gaston!
"Anong nangyari sa 'yo, Ate?" tawang-tawa na tanong ng nakababata kong kapatid.
"Bakit mukha kang dagang nalunod sa kanal?" pang-aasar ng payatot na si Timothy.
Hindi ko nagawang mang-asar pabalik dahil sa presensya ng taong tatlong taon ko nang kinasasabikang makita. Sobrang guwapo niya sa suot niyang puting polo na nakatupi hanggang sa siko. Para siyang prinsipeng bumaba sa kaharian. Ang mamahalin.
Naestatwa ako sa kinatatayuan ko nang mapagtanto ko ang itsura ko ngayon. Napahawak pa ako sa kabilang pisngi ko't napangiwi sa sobrang kahihiyan.
"Ah..."
"Malapit lang ang dagat, bakit sa kanal ka nag-swimming, 'nak?" natatawang untag din ni Nanay.
Tiyak na ang pangit at ang baho ko dahil lahat sila natatawa. Maliban kay Puppy Gaston na titig na titig sa akin ngayon.
Anak ng kabayong walang itlog! Bakit ngayon pa siya nagpakita? Bakit?!
©GREATFAIRY
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro