CHAPTER 34
The Fickle Boss
NAG-INIT ang magkabilang pisngi ko. Hindi ko inaasahang hahawakan niya ako. Pero agad kong binawi ang kamay ko nang mapansing blangko ang kanyang mukha.
Marahan naman akong hinila ni Vanessa patayo dahil nasa gilid ko lang siya.
"Patingnan natin sa clinic. Halika na," aniya.
"Ah! Aw!"
Napangiwi na naman ako nang hinawakan niya ako sa likod. Inaalalayan niya kasi akong maglakad.
"Bakit? Meron din bang masakit sa likod mo? Diyos ko! Ano ba kasi ang nangyari sa 'yo?" nag-aalalang usisa niya.
"Ano kasi... May sinagip akong bata na muntik nang mahagip ng sasakyan sa kalsada. Kaya lang namali ako ng hakbang sa katataranta ko kaya ayon," mahinahong paliwanag ko.
"How can you be so careless?!"
Muntik na akong mapatalon dahil sa pagtaas ng boses ni Puppy. Bahagya naman siyang tinapik ni Sir Joefel sa balikat na parang pinapakalma niya iyon.
"Wa...Wala lang 'to, Sir."
Parang natauhan naman siya at agad na tumayo nang matuwid. Namulsa siya.
"Vanessa, send her to the clinic," hindi nakatinging utos niya.
"Yes, Sir."
Napaiwas ako ng tingin nang binalingan ako ulit ni Puppy. Mukha talaga siyang galit. Siguro dahil masyado na akong nakakaabala. Parang wala na yatang pag-asang magkausap kami nang mahinahon.
"Naku naman, girl! Hindi ka nag-iingat," ani Vanessa.
"Tara na," mahinang sabi ko sa ka humawak sa braso niya.
"Hold on."
Napatigil kami ni Vanessa sa paghakbang nang magsalita si Puppy. Nagda-dial siya sa cellphone niya.
"Let's go to the hospital instead," aniya saka hinila ako palabas ng floor.
Napasunod ako nang wala sa oras. Nilingon ko si Vanessa na nakanganga lang. Si Sir Joefel naman ay tumango. Ang mga empleyado naman ay nanlalaki ang mga mata habang sinusundan kami ng tingin. Tiyak na nagulat sila na nasaksihan nila. Mukhang tama nga si Vanessa na magiging topic ako ng tsismis kapag nagkataon.
"Teka. Teka lang, Sir. Ayaw ko po sa ospital. Ayaw ko sa injection, ah! Galos lang 'to."
Hindi niya ako sinagot. Dire-diretso niya lamang akong hinila papasok sa elevator. Seryoso, ayaw ko nang bumalik sa ospital dahil ayaw ko nang maalala ang mga hindi magandang nangyari sa akin nitong mga nakaraang linggo.
Pagkalabas namin sa lobby ay nakaparada na ang sasakyan. Bumaba si Kuya Presto saka pinagbuksan ako sa kabila. Sumakay naman si Puppy sa driver's seat.
Hindi ako makapagsalita dahil pakiramdam ko naumid ang dila ko. 'Yong mukha kasi ni Puppy parang sasabog anytime kapag nagsalita ako o gumawa ng ingay. Nahigit ko ang aking hininga nang bigla siyang dumukwang sa akin.
Hindi kaya concerned siya sa akin kaya dadalhin niya ako sa ospital. Napapapikit ako dahil ang lapit ng labi niya sa akin. Natauhan lang ako nang may marinig akong nag-click. Pagkadilat ko ay nakabalik na siya sa upuan niya.
Hopia. Kinabitan lang pala ako ng seatbelt. Umasa naman akong iki-kiss niya ako.
Nasapo ko na lang ang ulo ko at patay-malisyang ibinaling ang tingin ko sa labas ng bintana. Nakakahiya naman ng iniisip ko!
Pinaharurot niya ang sasakyan na parang may hinahabol na flight. Pigil na pigil kong mapadikit ang likod ko sa upuan dahil baka humapdi na naman.
Wala pang 20 minutes ay humimpil kami sa tapat ng isnag private hospital. Nauna siyang bumaba. Agad ko namang tinanggal ang seatbelt ko at binuksan ang pinto sa gilid. Nagulat pa siya nang pababa na ako pagkatapos niyang umikot para sana pagbuksan ako.
Tumikhim ako.
"Hindi naman na po sana talaga kailangang magpa-ospital kasi—"
"Don't overthink. I'm your boss and you're my employee. Your safety is my responsibility, especially during office hours."
"Oh," nasabi ko na lang.
Napanguso ako dahil wala na talaga akong magagawa. Nandito na kami, e. Na-appreciate ko naman ang ginagawa niya pero ayaw ko na talagang pumunta sa ganitong lugar.
"Let's go."
Sumunod ako sa kanya. Takot akong sumabay kasi baka mapagkamalan akong yaya niya. Lalo na at nakasuot siya ng business suit samantalang ako naka-loose blouse lang na may collar na pinaresan ko ng dark pants. Wala pa kasi akong uniform.
Nanikip ang dibdib nang malanghap ko ang amoy ng ospital pagkapasok namin. Hindi ko alam pero nanubig ang mga mata ko. Pero mabilis ko iyong pinalis.
Kaya ko 'to.
Bigla na lang tumigil sa paglalakad si Puppy kaya nabunggo ang ilong ko sa likod niya. Napangiwi ako sa sakit. Ang suwerte ko naman ngayong araw.
"Why are you walking behind?" malamig niyang tanong.
Napakamot na lamang ako ng ulo at humakbang palapit sa tabi niya.
Sa OPD sana kami kaya lang mas gusto niya raw ng mabilisang resulta kaya natagpuan ko na lang ang sarili kong ipinapasok sa emergency room. Pinagsuot din akong ospital gown.
Tango lang ako ng tango. Tiningnan ng doktor ang likod ko. May mga pasa nga raw pero mabuti na lang at wala namang galos. Gano'n din sa binti ko. Kaya pala ang sakit.
Ipina-x-ray rin ako para matingnan kung may na-dislocate sa katawan ko, pero wala naman daw. Ayaw kasi nilang maniwala sa akin na sa labas lang sakit. Mahapdi lang ang likod ko pero hindi naman mukhang galing sa loob ng katawan ko ang sakit.
Pinadapa ako ng doktor sa kama at may nilagay sa likod ko. Nakaramdam agad ako ng ginhawa nang mailapat iyon. Hindi ko lang mapigilang mahiya kasi nakasunod si Puppy sa amin. Siya pa ang nag-fill out ng mga form na kailangan kong i-fill out. Alam na alam niya pala ang detalye ng personal information ko.
Napangiwi ako nang dumampi sa balat ko ang disinfectant habang nililinis ng nurse ang mga galos ko. Nakuha ko tuloy ang atensyon ni Puppy.
"Does it hurt?" tanong niya habang nakatingin sa braso kong ginagamot.
Umiling ako. Pigil na pigil kong mapaiyak. Anak ng kambing na may bangs, ang hapdi!
"Okay na, Ma'am. Mawawala rin 'yang hapdi," sabi ng nurse.
Kinabitan din nila ako ng suwero. Ayaw na ayaw ko pa naman ng karayom. Noong huling pagkaospital ko kasi ay wala akong malay nang kinabitan ako kaya hindi ko ramdam. Pero iba pala kapag gising na gising ka tapos tinutusok ka ng karayom. Pakiramdam ko ay papasok iyon sa katawan ko.
May mga ibinilin pa sila kay Puppy bago ako nilipat sa isang kuwarto. Malaki pa kasi may sofa at TV. Mukhang nasa hotel lang ako. Mukhang mapapautang na naman ako kay Zia Lynn nito nang wala sa oras.
"Sir, bakit kailangan pa akong i-admit? E malayo naman sa bituka itong mga galos at pasa ko. Bumalik na lang kaya tayo sa office."
"Shut up. It's not your decision to make," malamig niyang tugon.
Napanguso ako. Hihiga na sana ako pero napabangon ako ulit nang maramdaman ko na naman ang mga pasa sa likod ko. Ang alam ko ay masuwerte ako mula pa nang ipinanganak ako. Pero bakit mula nang umapak ako ng bente-uno anyos ay sunod-sunod na kamalasan na ang nangyari sa akin?
Hindi kaya inipon lang ni tadhana lahat ng kamalasan at ngayon lang ibinagsak sa akin lahat para intense?
"You've always been a crybaby. Why are you holding your tears now?"
Umiwas ako ng tingin nang biglang nagtanong si Puppy. This time ay mahinahon na ang boses niya.
"Kasi wala namang magko-comfort sa akin kung iiyak ako."
Dumaan ang mahabang katahimikan pagkatapos kong sabihin iyon. Pero nang ma-realize ko ang nasabi ko ay agad akong napahiga. Tumalikod ako sa kanya para hindi niya makita ang pamumula ng mukha ko.
Bakit ba ako nahihiya? Totoo naman kasi iyon. Buti sana kung nandito ang pinsan ko o si Zia Lynn. Malamang kanina pa ako pumalahaw kung sila ang kasama ko. Mahapdi kaya ang mga braso ko. Tapos masakit pa ang binti at likod.
Pero at least nakaligtas ako ng bata. Parang blessing in disguise rin pala ang pagpunta ko sa part na 'yon. Kahit hindi ako nakahanap ng apartment na malilipatan.
Napahikab ako. Nakakaantok naman ng itinurok nilang gamot.
Wala na. Absent na agad ako sa pangalawang araw ko sa trabaho. Kung kailan gipit ako saka naman nagkaroon ng gastusin. Buhay nga naman parang kinukutya ka araw-araw.
Muli akong napahikab. Naulinigan ko ang pagbukas at pagsara ng pinto. Lumingon ako.
Mukhang lumabas si Puppy.
Mabuti naman. Puwede na akong tumakas at bumalik sa opisina. Pero siguro mamaya na dahil hindi ko malabanan ang antok.
...
Nagising ako matapos kong maulinigan ang isang boses. Pagkamulat ko ay nakita ko ang likod ni Puppy. Naka-polo na lang siya ng puti. Hinubad niya ang suit jacket niya.
Pinagsawa ko ang mga mata ko sa matipuno niyang likod. May kausap kasi siya sa cellphone kaya hindi niya naramdamang gising na ako.
Pinagpala talaga siya. Ang guwapo at hot niya pa ring tingnan kahit nakatalikod siya.
Bumangon ako at pinakiramdaman ang sarili ko. Mukhang okay na ako. Hindi na gano'n kasakit ang likod ko.
Nag-inat ako at tiningnan ang oras. Pasado ala-una na ng hapon. Puwede pa akong sumaglit sa office.
"You're awake. How are you feeling?"
Natigilan ako at napaangat ng tingin. Tapos na pala siya sa pakikipag-usap. Pero, teka...
"Binantayan n'yo ako mula pa kanina, Sir?!"
Napahystirikal ako. Hindi ako makapaniwala. Agad akong bumaba ng kama.
"Who else will if I didn't? I told you, you're my responsibility."
"Oh."
Ramdam ko ang mga titig niya. Nakita kong may paper bag na nakapatong sa lamesa. Napalunok ako. Gutom na ako. Saktong tumunog ang tiyan ko kaya nagkatinginan kami nang ilang segundo. Nakita kong umangat ang sulok ng labi niya.
Anak ng—nakakahiya!
"Puwede na ba tayong bumalik ng Bustamante Prime, Sir? Okay naman na ako. Ayaw ko na rito. Isa pa ay wala akong pambayad. Nakalaan na 'yong pera ko sa lilipatan kong apartment," patay-malisyang untag ko.
"Then, eat so we can go back."
Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa. Agad ko iyong nilapitan saka sinunggaban. Namahangha pa ako kasi puro paborito ko. Buti naman naaalala pa niya ang mga gusto kong kainin. Akala ko kinamumuhian na ako ni Puppy, e.
Ako lang ang kumain. Inalok ko siya pero tumanggi siya. Nakakain na raw siya. Nalungkot ako nang slight pero hindi ko na lang ipinakita. Nakaka-miss ang mga times na magkasabay kaming kumain noon.
Pagkatapos niyang ayusin ang discharge papers ko ay bumalik na kami sa Bustamante Prime. Ramdam ko pa rin ang panlalamig niya sa akin dahil ang tipid niyang magsalita tapos hindi man lang niya ako tinitingnan kagaya ng dati.
"Ah, Sir... puwede ko bang mahiram ang resibo ng bill ko?" untag ko nang makahimpil na kami sa tapat ng building.
Nagsalubong ang mga kilay niya.
"What for?"
"Para mabayaran ko po kayo. Pero puwede bang salary deduction na lang?"
"Okay. I will forward the billing to HR so they can deduct every month"
Napangiwi ako. Ang dali naman niyang kausap. Akala ko sasabihin pa niyang hindi ko na kailangang bayaran, pero na-hopia na naman ako. Mukhang naka-move on na nga talaga siya sa akin. Parang may sumaksak na libo-libong kutsilyo sa dibdib ko.
Bakit ba ako nag-iinarte, e ginusto ko iyon? Kailangan kong tiisin ang consequences.
Mukhang nakaabang na si Kuya Presto sa pagdating namin. Sinalo niya mula kay Puppy ang susi ng kotse. Ako naman ay napapasunod lang sa paglalakad.
May mga nakakasalubong kaming mga empleyado sa elevator area at napapatingin sila sa amin. Siguro nagulat sila na magkasama kami ng big boss. Takot lang silang tsumismis kasi nandito si Puppy. Pero halata sa mga tinginan nila na pinag-uusapan nila kami.
"Follow me to my office," untag niya nang makarating kami sa floor namin.
Napansin ni Vanessa ang pagdating namin kaya sinenyasan niya ako. Nag-approve sign naman ako sa kanya saka sumunod kay Puppy sa opisina niya.
Agad na nanunuot sa balat ko ang buga ng aircon pagkapasok namin kaya napayakap ako sa sarili ko.
"Take a look at it and sign."
May inilahad siyang folder sa akin pagkatapos niyang umupo sa swivel niya. Nagtaka naman ako pero kinuha ko naman at tiningnan ang laman.
"Lease agreement?" wala sa sariling basa ko sa unang page.
"From now on, you will be staying beside my unit. However, since you are a part of Bustamante Prime, you are given an employee discount. Five thousand a month, to be deducted from your salary. I think that's reasonable."
Nanlaki ang mga mata ko. "Seryoso 'to, Sir?! Titira ako sa condo nang gano'n lang kamura?"
"Do you want me to take it back?" masungit niyang sagot.
Napangiwi ako. "Hindi po! Siyempre gusto ko," untag ko saka dire-diretsong pumirma.
"Ayan po. Maraming salamat talaga!"
Bigla akong nabuhayan ng loob. At least may paraan na ako para makalapit sa kanya.
Blangko niya lang akong tiningnan.
"Next time, read the contents before signing anything."
Napaawang ako at muling tiningnan ang nakasulat sa kontrata. Gano'n na lang ang panlalaki ng mga mata ko nang mabasa ang mga iyon.
©GREATFAIRY
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro