CHAPTER 32
Biggest Mistake
NAMAYANI ang ilang segundong katahimikan. Napatulala ako habang nakatingala kay Puppy. Lalo siyang gumuwapo. Nakasuot siya ng teal blue na suit. May kaunting tubo ng bigote sa baba niya pero bumagay iyon sa pagkadepina ng panga niya. At ang ilong niya ay parang nagsusumigaw na siya ang pinakamapalad na nilalang sa buong mundo. Ang mga labi niya ay hindi man lang nagbago. Parang ang sarap pa rin niyang halikan. Pero napalunok ako nang muling mapatingin sa mga mata niya. Wala kasing kaemo-emosyon ang mga iyon.
"Girl, hindi 'to swimming pool. Tumayo ka nga."
Natauhan ako nang bumulong sa tainga ko si Vanessa. Inalalayan niya akong makatayo.
Inayos ko ang damit kong bahagyang nagusot.
"Good morning, Sir!" sabi ni Vanessa. Halatang may bahid ng takot ang boses niya.
Siniko ako ni Vanessa at binulungang bumati rin.
"Go...Good morning, Sir!"
Yumukod pa ako at bahagyang ngumiti pero nahigit ko ang hininga ko nang malamig niya lang akong tiningnan saka bumaling ito kay Sir Joefel.
"Shyr Divine is now part of our team," kalmadong sabi lang ni Sir Joefel.
"Since when did you hire people on your own?"
Biglang parang tumaas ang tension sa buong floor. Napayakap ako sa sarili ko. Nakaramdam din ako ng takot. Bakit parang nag-ibang tao na si Puppy? Parang hindi na ang dating siya na nakilala ko. Para siyang sinaniban ng mapanganib na espiritu.
"What? I'm the operations director after all. Aren't I qualified to do so?" sagot ni Sir Joefel sabay kibit ng kanyang mga balikat.
"To my office now," mariing sabi ni Puppy sabay talikod sa aming lahat. Nakasunod sa kanya ang dalawang lalaking naka-suit din. Mukhang mga head ng ibang department.
Rinig ko naman ang sabay-sabay na pagpakawala ng hangin ng mga empleyado na parang kanina pa sila nagpipigil ng hininga.
Namulsa lang si Sir Joefel sabay ngisi habang sinusundan ng tingin si Puppy na ngayon ay papasok na sa opisina niya.
"Sir Joefel, mukhang mapapagalitan pa kayo nang dahil sa akin," malungkot na sabi ko.
Tinapik niya lang ako sa balikat. Napakamot na lamang ako sa ulo. Hindi pa rin ako makapaniwalang gano'n na ang ugali ni Puppy Gaston. Parang wala naman kaming pinagsamahan kung pagtaasan niya ako ng boses.
"Don't worry, ako ang bahala sa 'yo. Just do your job. I'll have to excuse myself."
Tumango kami ni Vanessa at sabay na bumalik sa cubicle namin. Malalim akong bumuntonghininga nang makaupo na ako. Doon ko lang napansing namamawis pala ang mga palad ko.
"Grabe! Akala ko may mae-evict na naman. Kaya pala ang lamig ng pakiramdam ko, dumating na pala si Sir," untag ng ni Diana, isa sa mga empleyado.
Akala ko nag-e-exaggerate lang si Vanessa tungkol sa ugali ni Puppy Gaston. Iyon pala ay mas nakakatakot sa personal. Sumulyap ako sa opisina niya pero nakababa na ang blinds kaya hindi sila kita sa loob.
"Oh, aralin mo lahat ng laman niyan."
May ipinatong na USB drive si Vanessa sa table ko kaya kinuha ko iyon saka ipinasak sa computer.
"Nandiyan na lahat ng kailangan mong malaman sa operational activities, pati na rin ang mga SOP. Kung may gusto kang linawin, puwede mong tingnan sa notes ko o magtanong ka sa akin."
May ipinatong siya ulit na isang notebook. Pabulong ko siyang pinasalamatan. Kahit naman soundproofed ang office ng CEO pakiramdam ko ay maririnig pa rin kami.
"Bale ang pinaka-main task mo ay tulungan akong mag-set ng meeting sa mga potential clients natin. Mag-follow up at mag-collate ng documents na kailangan. Gagawa rin tayo ng mga presentation na gagamitin sa meeting. Kailangan bawat project at kliyente ay magawan rin natin ng summary ng details, both presentation at hard copy. Pero bago ka mag-schedule ng meeting, kailangan mo munang i-verify ang availability ni Sir Joefel at ni Sir Gaston."
Napatingin ako kay Vanessa habang nagsasalita siya.
"Wala kayong call sign ni Sir Joefel?" tanong ko. Parang boss pa rin kasi ang dating ng pagtawag niya kay Sir Joefel.
Hinampas niya ako at pinandilatan.
"Sumeryoso ka nga. Nasa gitna tayo ng trabaho. Mamaya na ang tsikahan. Ayan pa, tayo rin ang makikipag-coordinate sa bawat project architect at engineer. Meaning to say, bago gawan ng presentation kailangan muna nating hingin ang design sa kanila. Tayo rin ang—"
Napahinga ako nang malalim kaya napatigil si Vanessa saka tiningnan ako.
"Na-overwhelm ka ba? Sige na nga, mamaya naman 'yong iba. Tapusin mo munang aralin iyan."
Tumango ako at ipinagpatuloy ang pag-scroll.
"Mamaya ipapakilala kita sa mga engineer at architect. Madalas kasi silang wala rito. Bumibisita ang mga 'yon sa construction site para siguraduhing nasusunod ang plano ng project."
Sumang-ayon ako sa mga sinabi ni Vanessa. Siguro kailangan ko munang i-familiarize ang sarili ko rito. Saka na ako gagawa ng paraan para makausap si Puppy Gaston.
Panay ang sulyap ko sa opisina ni Puppy. Ang tagal na nila sa loob pero hindi pa rin lumalabas si Sir Joefel. Mukhang seryoso ang pinag-uusapan nila. Kabado ako kasi baka paalisin ako rito. Mukhang hindi pa naman nagustuhan ni Puppy na nandito ako. Halata sa mukha niya kanina ang pagkadisgusto.
Confirmed. Galit nga siya sa akin.
"Tiyak nagtatalo na naman sila. Ilang beses na kasing kinukumbinsi ni Sir Joefel si Sir Gaston na kumuha ng assistant pero ayaw niya," pabulong na kuwento ni Vanessa.
"Pero bakit parang hindi takot si Sir Joefel kay Pupp—kay Sir Gaston? Buti pa siya," untag ko.
Napatigil si Vanessa at tiningnan ako.
"Ang weird pala pakinggan kapag ikaw ang tumawag ng "Sir" kay Sir Gaston. Hindi ako sanay," aniya.
Napasimangot ako.
"Magkaibigan kasi ang mga 'yon. At ang alam ko distant relative ni Sir Gaston si Sir Joefel," dagdag niya.
Napatango-tango ako. Kaya pala parang ang tapang kanina si Sir Joefel. Parang wala lang sa kanya na galit ang CEO.
"Sabay tayong mag-lunch mamaya, ah? May utang ka pang kuwento sa akin."
Kininditan ako ni Vanessa pagkatapos niyang sabihin iyon. Napairap na lamang ako. Hindi talaga siya titigil hangga't hindi siya nakakasagap ng tsismis tungkol sa hiwalayan namin ni Puppy.
Ilang beses akong nag-rehearse kagabi ng sasabihin ko kay Puppy Gaston sa muling pagkikita namin pero hindi ako makapaniwalang wala man lang akong nasabi sa kanya kanina maliban sa good morning. Nautal pa ako. Hay.
Inaral ko ang mga SOP ng kompanya. Ang dami niyon at malapit nang sumabog ang utak ko. Mabuti na lamang at tinawag na ako ni Vanessa para mag-lunch break. Hindi ko man lang napansin ang oras dahil sobrang immersed ko sa inaaral ko. Kahit mahirap at nakakadugo ng utak, hindi ko kayang sumuko kasi naiisip kong kahit sa ganitong paraan man lang ay may ambag ako kay Puppy Gaston.
"Hindi ba natin hihintayin si Sir Joefel? Hindi mo siya sasabayang kumain?" untag ko habang papalabas na kami at papuntang elevator.
"Hindi na. Nai-text ko na siya na tayo muna ngayon. Isa pa ay busy iyon. Baka mamaya pa sila kakain ni Sir Gaston. Madalas naman sabay kumain ang mga iyon."
Sa isang fastfood chain kami pumasok na sa tawid ng Bustamante Prime building. May pagkain naman daw doon sa pantry kaya lang ayaw ni Vanessa na may makarinig ng pag-uusapan namin. Doon kasi kumakain halos lahat ng empleyado.
Pagkatapos naming um-order ay pumili kami ng puwestong hindi masyadong kita mula sa labas. Panay ang tanong niya tungkol sa nangyari sa akin nitong mga nakaraan buwan.
"Curios pa rin talaga ako kung bakit kayo naghiwalay ni Sir Gaston. Samantalang okay na okay naman kayo noon. May third party ba?"
Umiling ako. "Ang komplikado, e. Pero ako ang may kasalanan kung bakit kami naghiwalay."
"Bakit? Ano ba'ng ginagawa mo?"
Sinimulan kong ikinuwento sa kanya ang nangyari, kung paano kami nagkakilala ni Puppy at kung paano kami naging mag-on. Hanggang sa kung paano kami naghiwalay. Pero hindi ko binanggit ang tungkol sa pagbubuntis kong naantala. Ayaw ko nang balikan ang mga bagay na nagpapabigat lang lalo ng loob ko.
Desidido na ako ngayong makipag-reconcile kay Puppy. Tanggapin man niya ulit ako o hindi, ang mahalaga ay makahingi ako ng tawad sa kanya.
Malalim na bumuntonghininga si Vanessa pagkatapos kong maikuwento lahat. Napangiwi ako nang bigla niya akong pinitik sa noo.
"Kasalanan mo nga. Gaga ka talaga. Nagdesisyon ka para sa inyong dalawa. Ni hindi mo man lang hiningi ang opinyon niya bago mo siya hiniwalayan nang gano'n gano'n lang! Loka-loka ka talaga," aniya.
Napatungo ako. "Akala ko kasi makatutulong iyon sa kanya."
"Ayon nga sa kasabihan, the couple should share every weal and woe. Pero ikaw nagdesisyon kang mag-isa para sa inyong dalawa. Natural masasaktan siya. Maganda naman ang intention mo pero mali ang naisip mong paraan para makatulong sa kanya."
Napangiti ako nang mapait. Pakiramdam ko naglasang suka ang kinakain kong fried chicken.
"Pero mahal mo pa ba si Sir?"
Walang kaabog-abog akong tumango. "Hindi naman mawawala 'yon nang gano'n gano'n lang."
Naaawang tiningnan ako ni Vanessa saka pinisil ang kamay ko sa ibabaw ng lamesa.
"Bakit pa ba ako nagtanong e halata naman sa pagmumukha mo kanina no'ng magkaharap kayo. Sana lang ay walang ibang empleyadong nakahalata, kundi magiging topic ka ng tsismis sa opisina."
"Pero siya mukhang nakalimutan na niya ako, Vanessa. Sa tingin mo may feelings pa kaya siya sa akin?"
Napatigil sa pagkain si Vanessa saka napangiwi.
"Girl, ang hirap ng tanong mo. Isa pa, ang hirap kasing basahin ni Sir Gaston. Ang alam ko lang ay malaki ang ipinagbago niya magmula nang maghiwalay kayo at no'ng muntik nang bumagsak ang Bustamante Prime."
Wala na nga kaya? Kaya gano'n ang trato sa akin ni Puppy Gaston? Lalo akong inatake ng pagsisisi. Kasalanan ko talaga ang lahat. Tama si Vanessa, hindi ko dapat pinangunahan noon si Puppy.
Hanggang sa bumalik kami sa opisina ay hindi mawaglit sa isip ko ang katanungang iyon. Parang mas maaatim ko pang makita siyang masaya sa piling ni Shelley kaysa makita ang galit sa mga mata niya. Kung maibabalik ko lang sana ang oras.
"Divine, can you send these to the CEO's office?" biglang sabi ni Sir Joefel.
Nagkatinginan kami ni Vanessa. Bumilis ang tibok ng puso ko.
"Divine?" muling tawag ni Sir Joefel.
Tarantang tumayo ako saka pumasok sa office niya. Salamin lang kasi ang pagitan ng opisina niya at ng cubicle namin ni Vanessa.
"Please hand these bidding documents to the boss. Kailangan niya na 'yan ma-review."
Atubiling kinuha ko iyon sa ibabaw ng lamesa ni Sir Joefel. Mukhang busy siya sa harap ng computer kaya hindi siya nakatingin sa akin.
"Okay po."
Kabadong lumabas ako at tinunton ang opisina ni Puppy. Sinenyasan pa ako ni Vanessa na parang pinapalakas ang loob ko. Kumatok muna ako nang dalawang beses bago pumasok. Naabutan ko siyang nakaharap sa computer niya at parang abala sa nire-review niya.
"Puppy, ito na 'yong bidding documents."
Nakuha ko naman agad ang atensyon niya. Umikot siya at humarap sa akin.
"What did you just call me?"
Nanlaki ang mga mata ko at napatakip ng mga bibig. Huli ko na na-realize ang sinabi ko. May pang-uuyam ang mga mata niyang nakatingin sa akin. Natigalgal ako sa kinatatayuan ko.
"Uhm... Sorry, force of habit. Ah, pinapabigay ni Sir Joefel," mabilis kong sabi sabay patong niyon sa table niya.
Agad akong tumalikod pero bigla siyang nagsalita.
"What are you doing here in my company? Didn't you say you don't want to see me anymore?"
Hindi ako nakasagot. Bigla akong natuod. Ang lakas-lakas ng kabog ng dibdib ko.
"Uhm..."
Napalunok ako. Hindi ko alam ang sasabihin kaya dumaan ang mahabang katahimikan.
"May I just remind you, I am your boss. Not because we have something in the past, you can just call me with anything you want. Behave yourself, Miss Ramos."
Tama nga ang mga narinig ko mula sa mga empleyado. Kung may katawang tao lang ang yelo, siguro siya si Gaston Bustamante. Pati ang pinakamaliit na buto ko sa katawan ay ramdam na ramdam ang lamig ng boses niya. Wala na ang dating masuyong boses niya sa tuwing kinakausap niya ako.
"So...Sorry, Sir."
"Is that the way you are supposed to apologize?"
Nakagat ko ang ibabang labi saka alanganing humarap sa kanya. May bumikig sa lalamunan ko pero agad ko iyong nilunok.
"I'm sorry, Sir."
Ngumiti siya pero halatang sarkastiko.
"Now, tell me. Why are you here? Why did you decide to work for Bustamante Prime?"
Napatungo ako. Akala ko ba tanggap na ako? Bakit biglang may pa-interview?
"Ah, kasi naghahanap po ako ng trabaho. At nagkataong nagkita kami nina Sir Joefel at Vanessa. Kaya no'ng sinabi niyang may bakante rito ay kinuha ko kaagad."
Buti na lang at hindi na ako nautal. Pero nakatungo pa rin ako dahil hindi ko kayang salubungin ang mga mata niyang nagyeyelo sa lamig.
"But, you are not qualified to be here. You don't even have experience, not to mention your course does not align with our hiring requirements."
Nanghina ang mga tuhod ko. Parang indirectly niya na rin kasing sinasabi na ayaw niya akong makita. Samantalang ako miss na miss ko na siya. Parang gusto ko na siyang sunggaban ng yakap. Pero baka bigla niya na lang akong ibalibag sa pader.
"Kahit malayo po ang kurso ko sa trabahong 'to, mabilis naman po akong matuto. Isa pa, gusto ko ang ginagawa ko kaya naniniwala akong may maiaambag po ako sa kompanya. May five months pa naman po ako para patunayan ang sarili ko."
"But don't you know you can be dismissed anytime when your incompetence affects the business?"
Napaawang ako. "Gagawin ko po nang maayos ang trabaho ko."
"You don't need to tell me how you are going to do your job. Show me the results. Besides, you are not so good at keeping your words."
Nanikip ang dibdib ko dahil sa mga sinabi niya. Pigil na pigil kong manubig ang mga mata ko. Si Puppy Gaston ba talaga itong kausap ko?
"Sir Gaston, alam ko pong malaki ang kasalanan ko sa inyo. Pero sana pakinggan n'yo muna ang sasabihin ko. Alam kong nagkamali ako pero mahal pa rin kita—"
Napatalon ako nang bigla niyang hinampas ang lamesa niya. Pumikit siya at hinilot ang sentido niya niya. Pagkadilat niya ay malamig niya akong tiningnan.
"Don't you dare mention anything about the past! Love? That's the biggest mistake I have ever done in my life. Once you decide to love, you start to grow desires. You desire to be happy. You desire to be with someone you love the most. But when you fail to fulfill those desires; there is nothing left in your heart but hatred. Don't you ever tell me those words again or else I will drag you out of this building myself."
Pakiramdam ko ay sinasakal ang puso ko sa sobrang sakit. Hindi ko na nagawang sumagot, Bagkus ay tumango na lamang ako. Nag-angat ako ng tingin saka taas-noong ngumiti nang pormal bago lumabas ng opisina niya.
Malapit na nga siya sa akin ngayon pero ramdam na ramdam kong ang layo niya na sa 'kin. Nag-iba na siya.
©GREATFAIRY
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro