Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 30

The Truth

NAALIMPUNGATAN ako nang makarinig ako ng kalabog mula sa sala. Marahan akong bumangon saka pinakiramdaman iyon. Ano kaya ang nahulog? O baka naman may nakapasok sa loob ng apartment ko?

Kinabahan ako kaya marahan akong naglakad saka binuksan ang pinto. Sumilip muna ako sa siwang na maliit. Pero gano'n na lang ang pagkagulat ko nang bumungad sa akin ang pagmumukha ni ate Angelica kaya napaatras ako.

"Happy Birthday!' nakangiting bati niya habang hawak-hawak ang isang layer ng cake.

Napatakip ako ng bibig nang maalala kong ngayon nga pala ang birthday ko. Nawala sa isip ko dahil sa dami ng nangyari nitong mga nakaraan.

Nilakihan ko ang pagkakabukas ng pinto saka lumabas. Pasimple ko pang pinadanaan ng mga daliri ko ang gilid ng mga mata ko dahil baka may muta pa ako.

"Ang aga mo naman, Ate! Anong oras ka nagising?" untag ko pagkatapos ng kanta niya.

"Bago mo ako usisain, mag-wish ka muna."

Napatahimik ako't napatingin sa kandila. Pagkatapos ng lahat ng nangyari sa akin, hindi na ako naniniwalang nagkakatotoo ang wish. Kasi bigla namang babawiin sa 'yo ang lahat pagkatapos kang pasayahin nang panandalian.

Isang linggo na akong nakalabas ng ospital, pero mas pinili ko na lang na dito sa apartment tumira. Hindi ako bumalik sa bahay nina Tiyang Solana. Dito niya na rin ako binisita habang nagpapahinga ako. Pero pinagtakpan lang ni Ate Angelika ang dahilan ng pagkakaospital ko. Mukhang naniwala naman si Tiyang na simpleng pagod lang ang dahilan kaya nawalan ako ng malay at dinala sa ospital. 

Gusto ko na sanang sabihin ang lahat pero si ate na ang nagdesisyon na saka na lang namin sabihin ang lahat dahil baka raw mai-stress ako sa mga sermon at galit nila. Bawal daw sa akin ang ma-stress.

"Ano na? Tapos ka na?"

Muntik na akong mapatalon nang muling magtanong si Ate Angelica. Alanganing tumango ako sa hinipan ang kandila.

"Thank you, Ate. Buti ka pa naaalala mo ang birthday ko."

"Mukhang hindi lang naman ako ang nakakaalala ng birthday mo. Kanina pa kaya pumapalahaw ang cellphone mo pagkarating ko. Naiwan mo rito sa sala kaya hindi mo narinig na may tumatawag sa 'yo."

Napatingin ako sa cellphone kong nasa lamesita. Marami ngang missed calls. Puro galing kay Nanay at Zia Lynn. May mga unread messages din. Nag-text si Zia na binabati ako. Agad akong nagtipa ng reply bilang pasasalamat. Wala pang isang minuto pagkatapos kong mai-send ang text ay tumunog na ang cellphone ko.

"Ate, sasagutin ko lang 'to," untag ko kay Ate Angelica sabay taas ng cellphone ko.

Tumango naman siya saka dinala sa lamesa ang cake na bitbit niya.

"Hello—"

"Happy Birthday, Besh! Bakit ngayon ka lang nakasagot? Kanina pa ako tumatawag, ah!" bungad niya sa akin. Mukhang sobrang saya niya base sa boses niya.

"Sorry, kagigising ko lang kasi. Pero salamat kasi naalala mo ang birthday ko."

"Puwede ko ba namang kalimutan ang birthday mo? Ano ba'ng complete address mo diyan sa Maynila nang mapadalhan kita ng regalo?"

Natigilan ako.

"Ha? Hindi na, 'no. Hindi na kailangan ng regalo. Sapat na sa akin na binati mo ako."

Narinig ko ang mahinang tawa niya.

"First time kitang narinig na tumanggi sa regalo. Ano'ng nangyari sa 'yo? Ikaw pa ba ang best friend ko?"

"May utang pa nga ako sa 'yo, tapos bibigyan mo pa ako ng regalo."

"Tangek! Iba naman ang utang sa regalo. At saka bakit mo ba naisip na utang 'yon? Tulong 'yon, ano ka ba? Alam ko naman na mahal talaga ang cost of living sa Maynila kaya 'wag mo nang bayaran iyon."

"Weh? Talaga? First time din kitang narinig na namimigay ng pera. Bente mil din 'yon. Ikaw pa ba ang best friend ko?" balik biro ko sa kanya.

Tumawa si BFF. Mukhang kumikitang kabuhayan na nga siya sa Negros. Hindi na nagtitipid sa pera, e. O baka naman nahawa na rin siya ni Timothy.

"Hindi ako nagbibiro. At saka may sasabihin pala ako."

Huminga siya nang malalim. Kinabahan ako. Baka kasi tungkol kay Puppy Gaston.

"Ano 'yon?"

"Engaged na ako."

Natulala ako at hindi kaagad nakapagsalita. Parang biglang nagkaroon ng prusisyon ng mga anghel sa harapan ko.

"Besh, andiyan ka pa ba?"

"Oo. Pero totoo? Engaged na kayo ni Payatot?!" hindi makapaniwalang bulalas ko.

"Besh naman, ang sakit sa tainga ng boses mo. At saka bakit Payatot ang tawag mo kay Timothy?"

Napangiwi ako. "Ha-ha, kasi payat siya dati noong kita namin. Kaya mula noon payatot na ang tawag ko sa kanya. Pero, congratulations! Ang saya-saya ko for you, Besh! Sa wakas!"

"Sa totoo lang hindi nga rin ako makapaniwala na ikakasal na ako. Sana naman makapunta ka. Ikaw ang maid of honor ko siyempre."

"Love, is that Divine?" dinig kong boses sa background. Mukhang boses ni Payatot iyon.

"Besh, saka na tayo mag-usap, ah? Nandito kasi ang pinsan ko. Salamat sa pagbati. Bye."

"Teka, Divina—"

Agad kong pinatay ang tawag saka nasapo ang dibdib ko. Baka kasi usisain ako ni Timothy tungkol sa nangyari sa amin ng kuya niya. Tiyak kasi na alam na niya ang nangyari sa amin.

"Okay ka lang? Bakit parang balisa ka?"

Napatingin ako kay Ate Angelica. Umiling lang ako at pilit na ngumiti.

"Maligo ka kaya muna at mag-ayos? Nagpa-book ako ng reservation sa isang restaurant. Para makasama natin si Nanay sa pag-celebrate natin ng birthday mo."

"Ha? Hindi na kailangan, Ate. May binili ka nang cake—"

"Lokaret, kung puwede nga sana magluluto kami ni Nanay kaso wala namang kakain dahil wala ka namang magiging bisita. Kaya dine out na lang tayo. Huwag kang mag-alala, it's my treat. Alam ko namang broke ka."

Nangasim ang mukha ko. Tinawanan niya lang ako sabay tulak sa akin papunta sa banyo. Si ate talaga ipinalala pa sa akin na wala akong pera.

"Sige na, maligo ka na. Baka mainip si Nanay sa kahihintay sa atin. Tiyak nauna na 'yon. Anong oras na, oh! Tinanghali ka na ng gising. Ano na naman pinagpuyatan mo kagabi?"

Napatingin ako sa oras. Mag-a-alas diyes na pala ng umaga. Kaya pala parang sobrang liwanag na sa labas. Magmamadaling araw na kasi ako nakatulog. Wala na akong nagawa kundi sundin ang gusto niya. Mabuti na rin sigurong makalabas ako kahit minsan lang.

Nagsuot ako ng dress na may accent na kulay pula para feel ko naman na birthday ko. Kahit ngayon lang siguro puwede naman akong magsaya. Mahigit isang linggo rin kasi akong araw-araw na umiiyak nang dahil sa nangyari.

Sa isang restaurant na nasa loob ng mall kami pumunta ni Ate Angelika. Saktong pagkarating namin doon ay pasado alas onse na.

"Happy Birthday!" bati ni Tiyang pagkakita niya sa akin. May inabot siyang isnag paperbag.

"Salamat po, Tiyang. Nag-abala pa talaga kayo."

"Maliit na bagay lang 'yan. Pero sana magustuhan mo. At saka huwag puro trabaho ang isipin mo. Mag-enjoy ka rin kahit paminsan-minsan."

Nagkatinginan kami ni Ate Angelica. Pasimple niya akong siniko.

"Tara na, pumasok na tayo."

Tumango ako at sumunod kay Tiyang na nauna na sa loob. In-entertain kami ng mga waiter pagkapasok namin saka itinuro ang naka-reserve na table para sa amin.

"Ang mahal dito, 'te. Sure ka bang hindi ka nagkamali ng restaurant?" untag ko habang inililibot ang paningin. Puro reserved ang mga nasa kabilang lamesa. Sa ambiance pa lang ang mamahalin na.

"Loka-loka, mag-enjoy ka na lang dahil birthday mo. At saka hindi naman ikaw ang magbabayad. Siyempre minsan ka lang mag-birthday sa isang taon kaya sulitin na natin," ani ate.

Napangisi lang ako at nagpasalamat.

"Talaga bang okay ka na, Divine? Baka naman sa kapapagod mo sa pagtrabaho mo bumagsak ka na naman sa ospital. Naku, 'yong sasahurin mo kulang pa sa igagastos mo kung magkakasakit ka," ani Tiyang habang hinihintay na mai-serve ang order namin.

Sinipa ako ni Ate Angelica sa paa. Isang linggo na akong nagpapahinga. Mukhang okay naman na ako. Mukhang kailangan ko na ngang ituloy ang naudlot kong application sa mga eskuwelahan. Hindi na kasi sapat ang sahod sa pagtu-tutor ko. Pero kasi bakasyon na next month. Mafo-float lang ako kung mag-a-apply ako kaagad. Liban na lang kng clerical ang gagawin ko.

"Huwag kang mag-alala, Tiyang. Nag-iingat na ako. Pasensya na ulit na pinag-alala ko kayo noong nakaraan."

"Aba, dapat lang. Hindi ko alam kung ano ang ipapaliwanag ko sa nanay mo kapag nagkasakit ka rito. Noong nakaraan nga tawag nang tawag sa akin noong ibinalita kong naospital ka. Tumigil lang siya no'ng sinabi kong nakalabas ka na."

Napabuga ako ng hangin. Almost 3 days lang naman ako sa ospital. Pero may procedures pang ginawa sa akin para malinis daw ang loob ko.

Nang mai-serve na ang pagkain namin ay bigla akong natakam. Nakita ko ang steak kaya bigla na naman akong may naalala.

Nitong mga nakaraang araw ay napag-isipan kong sabihin kay Puppy ang totoo. Pero saka na lang siguro kapag nagkita na kami. Pero wala pa kasi akong balita kung natuloy na nga ba kasal nila ni Shelley. Sana pala hindi ko na lang iniwasan kanina si Payatot. Sana pala nakibalita na lang ako. Pero baka kasi sermonan niya lang ako dahil hiniwalayan ko ang kuya niya pagkatapos ng lahat-lahat.

Ang mabuti pa siguro ay tawagan ko na lang ulit si BFF mamayang gabi para makikumusta ulit sa kanila.

Pagkatapos naming kumain ng main course ay may inihatid na cake sa amin ang crew. Treat daw ng restaurant dahil birthday ko. Kinantahan din nila ako kaya kahit papaano ay naramdaman kong birthday ko.

Tumawag naman sila nanay habang sa gitna kami ng pagkain. Binati rin nila ako. Pero nang kinumusta ko kung may balita na sila kay Bambi ay nagmamadali silang tinapos ang tawag. Tawa naman nang tawa si Tiyang at ang pinsan ko.

"Dadaan pa ako sa school, may kukunin ako. Mauna na kayo?" untag ni Ate Angelika nang makalabas na kami ng restaurant.

"Ako'y mauuna nang mauwi. May tinatapos akong labahin," untag naman ni Tiyang.

"Divine, ano? Sasama ka ba sa school o—"

"Hindi na, 'te. May gagawin din kasi ako. At saka dadaan lang ako ng bookstore. May bibilhin ako. Maraming salamat ulit sa treat."

"Tumigil ka na sa kapapasalamat mo kundi babawiin ko ang ibinayad ko," nakairap na untag niya.

Napakamot ako ng ulo. "Sige na nga. O siya, mag-iingat ka."

"Ingat sa pag-uwi. Happy birthday ulit!"

Pagkatapos ng mahabang paalam ay tinanaw ko silang dalawa na lumabas ng mall. Pumunta naman ako sa bookstore para bumili ng mga kakailanganin kong bond paper. Nakabili rin ako ng printer kasi last time.

Palabas na sana ako ng mall nang may mabunggo ako kaya nahulog ang bitbit ko sa sahig.

"Sorry! Sorry, Miss!" untag niya sa akin.

Tinulugan niya akong pulutin ang pinamili ko. Ngunit gano'n na lang ang pagkasinghap ko nang makilala ang nakabunggo ko.

"Divine?"

"Vanessa!"

"Ano'ng ginagawa mo rito?" sabay naming tanong sa isa't isa.

Napabaling naman ako sa kasama niya.

"Sir Joefel? Nandito ka rin?"

Halatang nagulat silang dalawa na makita ako rito.

"We're here to take our lunch. How about you? Bakit ka nandito?" untag ni Sir Joefel nang makabawi na sa pagkagulat.

"Lunch? Dito kayo magla-lunch? Galing pa kayo ng Iloilo?" gulat kong tanong.

Tumawa nang awkward si Vanessa. Mukhang balisa rin siya at namumula. Mukhang nahihiya siya dahil nahuli ko silang magkasama ni Sir Joefel.

"We are here since last month. Dito na ulit ako na-assign. Vanessa is my assistant so I asked for her to be assigned here as well." Si Sir Joefel ang sumagot.

"Huh? Bakit naman? Akala ko po sa Iloilo na kayo forever?" bulalas ko.

"Wait, sumama ka na lang kaya sa lunch namin? Tutal nandito ka na rin naman," suhestiyon ni Vanessa.

"Uhm, kakain ko lang din, e. Kasama ko ang tiyahin at pinsan ko. Kaso nauna na silang umuwi kasi may dinaanan pa ako."

"Pero sige, sasamahan ko kayo. Magju-juice na lang ako," dagdag ko.

Mukha kasing may nangyari sa Omega Towers kaya nandito sila. Gusto ko rin namang mabalitaan ang nangyari sa kanila.

Sumunod ako sa kanila. Nagulat pa ako kasi sa mismong restaurant din na kinainan namin kanina sila pumasok. May reservation din pala si Sir Joefel. Mukhang balak yata nilang mag-lunch date. Kaya lang nakasalubong nila ako. Siyempre, ayaw ko rin namang sayangin ang pagkakataon na makakuha ng balita tungkol kay Puppy.

"Kaya pala mula nang umalis ka sa Omega Towers hindi ka na nakabalik kagaya ng pangako mong mamamasyal ka roon. Nandito ka na pala sa Maynila. Hindi ka man lang nagkuwento. At hindi ka na rin makontak sa dati mong number," untag ni Vanessa nang makaupo na kami.

Nag-peace sign lang ako sa kanya at sinabing nagbago ako ng numero.

"You mean, you are working here? Saan ka nagwo-work?" tanong naman ni Sir Joefel.

Napangiwi ako at napaiwas ng tingin.

"Uhm... sa bahay lang. Home-based kasi ang work ko."

"Home-based?" sabay nilang bulalas.

Tumango ako. "Tutorial."

"Oh? So, you mean hindi ka pumapasok sa actual na eskuwelahan? Akala ko ipu-push mo ang pagti-teacher," untag ni Vanessa.

Tipid lang akong ngumiti. "Balak ko rin pero wala pa kasing bakante ngayon. Kung magpa-public school ako e 'di sana umuwi na lang ako sa amin."

"Ah..."

Tumango-tango sila.

"Nga pala, bakit kayo na-reassign dito, Sir Joefel? Ano'ng nangyari sa Omega Towers?" pag-iiba ko ng usapan.

"Huh? Hindi mo alam? Hindi ba naikuwento ni Sir Gaston sa 'yo?" takhang tanong ni Vanessa.

Ngumiti lang ako sabay iling. Mukhang wala pa siyang ideya na break na kami ni Puppy Gaston. Nakita ko namang pasimple siyang sinenyasan ni Sir Joefel, na parang sinasabi niyang magdahan-dahan sa katatanong sa akin.

Tumikhim ako.

"Uhm, hindi ko alam ang nangyari kasi naging busy ako mula nang lumuwas ako rito."

"Ah. Pero siguro ayaw ka ring pag-alalahanin pa ni Sir Gaston kaya hindi niya naikuwento sa 'yo."

"Bakit? Ano ba'ng nangyari?"

Nagkatinginan sila ni Sir Joefel. Umiling si Vanessa.

"Oy, ano nga? Sabihin n'yo na."

Dumating ang pagkaing in-order nila kaya natigil saglit ang pag-uusap namin. Pero halatang ayaw nilang magkuwento. Pero si Sir Joefel ay mukhang may ideya na hiwalay na kami ni Puppy.

"May nag-pull out ng shares sa board kaya muntik nang bumagsak ang kompanya nila Sir, muntik na nga silang mag-downsize ng mga empleyado. Nagkaroon din ng pansamantalang cost cutting. Mabuti na lang at may nakumbinseng panibagong investors si Sir Gaston. Ayon, maraming changes sa Bustamante Prime kaya ni-reshuffle ang mga general manager. Kaya kami napunta rito since last month," paliwanag ni Vanessa.

"Ibig sabihin may bago nang general manager ang Omega Towers?" pagkukumpirma ko.

Tumango sila nang sabay. Baka ang tinutukoy nila na nag-pull out ay ang tatay ni Shelley.

"It's really surprising that you don't have any idea. But are you really not interested in working for the Bustamante Prime?" untag ni Sir Joefel.

Napatahimik ako at hindi agad nakasagot.

"Ang totoo kasi niyan ay break na kami," mahinang sabi ko sabay tungo.

Wala naman na siguro akong kailangang itago. At least kahit papaano ay may makausap ako tungkol sa nangyari sa amin. Halatang nagulat si Vanessa. Si Sir Joefel naman ay napailing lang, mukhang may ideya nga siya.

"Seryoso ka? Kailan pa kayo nag-break? Kaya pala magmula nang umalis ka lagi na ring wala si Sir Gaston. Actually umuwi rin si sa Negros last week dahil sa engagement ni Sir Timothy. Kababalik niya lang dito noong isang araw," untag ni Vanessa.

Malungkot lang akong ngumiti.

"Mahabang kuwento, e. Pero nasaan na ba siya ngayon?"

"Nandito rin sa Maynila si Sir. Chairman na siya ng board at CEO pa. Tapos si Sir Joefel naman ay director for operations na. Smooth-sailing na ulit ang Bustamante Prime kahit na dumaan sa matinding crisis. Ang galing talaga ni Sir Gaston at ni Sir Timothy!"

Napaawang ako.

"Grabe! Kaya pala naging workaholic ulit si Sir Gaston kasi broken," nang-aasar na dagdag pa ni Vanessa.

Napangiwi na lamang ako.

"Bakit ba kasi kayo naghiwalay? Mukhang okay na okay naman kayo no'ng nando'n ka pa. Harap-harapan pa nga niyang dinedma si Shelley sa harapan mo. Buti nga nawala na sa landas ko si Shelley, nakakairita kaya ang babaeng 'yon. Ang demanding!" nakangusong talak pa ni Vanessa.

"You mean, umalis si Shelley?" gulat na tanong ko.

"Yeah. Shelley's father pulled out his shares from Bustamante Prime. You know what that means, right?" makahulugang untag ni Sir Joefel.

Bumilis ang pagtibok ng puso ko. Ibig sabihin ay hindi natuloy ang kasal? At wala ring nangyaring masama sa kompanya?

"Sir Joefel, ibig mo bang sabihin hindi natuloy 'yong sa last will and testament—"

"Yeah. Gaston was able to find solutions for the problem," putol niya sa tanong ko.

Napakunot naman si Vanessa sa pinag-uusapan namin.

"Anong last will and testament?" aniya. Nginitian ko lang siya sabay iling na wala lang iyon.

"Kung wala kang mapasukang trabaho, there's still a vacant position in our department. Gusto mo ba? Malapit lang naman dito ang office."

"Oo nga naman, Divine. Sa Bustamante Prime ka na ulit magtrabaho para may kaibigan na ulit ako," sulsol naman ni Vanessa.

Nanikip ang dibdib ko pagkatapos kong malaman ang mga nangyari. Doon ko lang napagtanto na maling-mali nga 'yong nagdesisyon ako para kay Puppy noon. At may pagkakataon na akong itama ang pagkakamaling iyon. 

Kaya natagpuan ko na lang ang sarili kong tumatango sa alok ni Sir Joefel.

©GREATFAIRY 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro