CHAPTER 3
Puppy
MAMAYANG hapon na ang alis ng dalawang señorito papuntang Maynila, tapos bukas daw ay maaga pa ang tulak nila pabalik ng Amerika. Hindi pa raw nila alam kung kailan sila babalik dito. Kaya heto ako ngayon, nag-iisa. Naglalakbay sa gitna ng dilim. Lagi na lang akong nadarapa. Ngunit heto, bumabangon pa rin.
Heto ako! Bigong-bigo na naman! Walang masasabihan, walang malalapitan. Sana may luha pa akong mailuluha, at nang mabawasan ang aking kalungkutan. Heto ako—
"Aray!"
Napangiwi ako nang biglang may bumatok sa akin. Paglingon ko sa likod ay si Nanay pala. Naibaba ko ang skimmer net na hawak ko. Ginamit ko kasi itong microphone habang kumakanta sa tapat ng pool.
"Kaya naman pala ang tagal mong matapos ang ginagawa mo dahil nagko-concert ka pa. Kanina pa kita tinatawag sa loob."
"Masakit 'yon, Nay, ah!" Napanguso ako.
"Kasi kanina pa ako nagsasalita rito hindi mo ako naririnig. Ang sabi ko, pagkatapos mong linisin ang mga dahon sa pool, binyagan mo ang mga bulaklak sa hardin para matuwa naman sa 'yo ang Tiyang Sol mo."
"Opo, Nay. Pero hindi pa ba natutuwa sa akin si Tiyang? Ang sipag-sipag ko kaya, puwede ko na nga siyang palitan sa trabaho niya."
"Magtigil ka, Divina. Puro ka kalokohan. Bilisan mo na diyan nang makakain na tayo ng agahan," sabi ni Nanay sabay talikod sa akin.
"Opo!"
Napasimangot ako. Si Nanay talaga panira ng moment. Gusto ko lang namang ipagluksa ang puso kong bigo. Paano kasi hindi ko na makikita si Señorito Gaston kapag umalis na sila mamaya. Tiyak excited na 'yon bumalik sa Amerika kasi magkikita na ulit sila ng girlfriend niya. Tapos kapag nagkita na sila siyempre magyayakapan sila tapos magki-kiss sila, tapos torrid pa.
"Aaah! Sana all!"
Pabagsak kong ibinalik ang panlinis sa lalagyan saka nagtungo sa garden. May gazebo sa gitna no'n pero laging mga guwardiya lang ang nakikita kong tumatambay roon palagi.
Hinila ko ang hose saka nagsimulang binyagan ang mga halaman. Buti pa sila sagana ang buhay. Regular pa ang dilig. Kaya siguro ang gaganda ng bulaklak ng American rose. Pati na rin ng mga orchids na iba-iba ang kulay.
Dahil sa lawak ng hardin ay natagalan akong makatapos. Hindi naman halatang hindi mahilig sa bulaklak ang may-ari ng mansyon na ito. Siguro mahilig sa halaman ang Mommy nina Señorito.
Dahil walang tao sa gazebo ay pumitas ako ng isang daisy saka pumunta roon. Nag-cross sitting position ako saka sumandal sa haligi. Hindi naman siguro magagalit si Tiyang Sol, isa lang naman ang kinuha ko.
"Daisy, may gusto kaya sa akin si Señorito Gaston kahit kahit konti?" tanong ko sa bulalak.
Bumuntonghininga ako. Malalaman natin. Tinanggal ko ang isang petal nito. "He loves me." Tinanggal ko ulit ang isa pa. "He loves me not."
Ipinagpatuloy ko ang pagtatanggal sa petals. Pero habang papalapit na silang maubos ay bigla akong kinakabahan kaya napatigil ako saglit.
Bakit ba ako umaasa? Eh, ang sabi ni Timothy wala raw akong panama sa girlfriend ng kuya niya.
"Wala namang masama kung susubukan ko, 'di ba?" kausap ko sa natitirang petals. Kahit natatakot ako sa magiging kalalabasan ay itinuloy ko pa rin. Sabi kasi sa napapanood ko sa TV legit daw itong paraan para malaman mo kung mahal ka ng taong mahal mo.
"He loves me."
"He loves me not."
"He loves me."
"He loves me not."
"What are you doing?"
"Ay, biga mo aswang!"
Muntik na akong mahulog sa aking kinauupuan nang bigla na lang may sumulpot sa gilid ko. Mabuti na lang at nakakapit kaagad ako. Pero napasinghap ako nang pagtingala ko ay bumungad sa akin ang napakaguwapong mukha ni Señorito Gaston.
"S—Señorito!"
Napalunok ako nang mapadapo ang paningin ko sa mga labi niya. Ang pula no'n tapos mukhang mabango. Para talaga siyang artista.
"What are you doing? Why did you pick Mom's daisy?"
Napangiwi ako sabay peace sign. "Nagpaalam ako sa halaman po. Saka, isa lang naman, eh. Tinitingnan ko lang naman po kung mahal ako ng lalaking mahal ko."
"What?"
Nagtatlong linya ang noo ni Señorito tapos mariin niyang tiningnan ang hawak kong daisy na may natitira pang tatlong petals.
"You like someone?" seryosong tanong niya.
Napayuko ako sa sobrang kaba. Ganito pala ang pakiramdam na makaharap nang malapitan ang crush mo. Pakiramdam ko ang biglang nagsibabaan ang mga anghel tapos nagpapalakpakan sa harapan ko.
"O—Opo," pag-amin ko.
Ano kaya kung aminin ko sa kanya na crush ko siya? Tutal aalis naman na sila mamaya, hindi ko na siya makikita.
"Where is he? Classmate mo?" seryoso pa ring tanong niya. May pagkatsismoso rin pala si Señorito.
"W—Wala po 'yon. H—Hindi niya naman ako gusto. Taken na siya, eh."
Bigla akong nalungkot nang maalala kong taken na pala siya at kapag inamin ko sa kanya na crush ko siya, baka mapahiya pa ako.
"Good."
"Po? Ano'ng good doon? Eh, taken na nga po siya. Masakit kaya." Dinama ko ang dibdib ko.
Umismid siya. "You're too young to entertain boys, Kitten. Dapat pag-aaral ang inaatupag mo," sermon niya. Napangiwi ako.
"Señorito, hindi po ako pusa. Can't you see? I'm a beautiful human being. Mukha ba akong pusa?"
Eksaheradang pinasadahan ko ng tingin ang sarili ko. Nakita kong umangat ang sulok ng labi ni Señorito Gaston. Minsan parang gusto ko nang bawiin na crush ko siya, kasi para talaga siyang eng-eng kung ngumiti.
"You're still a kitten because you're still innocent when it comes to love."
Na-offend ako nang three seconds sa sinabi niya. Grabe naman siyang makapanghusga. Kahit fourteen pa lang ako alam ko nang gusto ko siya, ha. Hindi naman ako masasaktan nang ganito kung hindi ko siya gusto. Iniyakan ko nga no'ng nalaman kong may girlfriend na siya sa U.S. Tapos feeling ko hindi ako makahinga, parang may kumidlat sa gitna ng puso ko.
"Ibig bang sabihin ay hindi totoong mahal ko 'yong crush ko?" Wala sa sariling naisatinig ko iyon kaya nagulat ako sa sarili kong tanong.
Pero ang nagpasama ng loob ko ay ang mabilis na pagsang-ayon ni Señorito. "What you feel is just an infatuation. You know puppy love."
Napakamot ako ng ulo. In fairness, ngayon lang ako kinausap ni Señorito nang ganito katagal. Madalas kasi isnabero siya tapos parang napakamahal ng ngiti. Pero ngayon ay nginingitian niya ako. Kaya lalo akong nagkaka-crush sa kanya. Nakakainis.
Puppy love. Ang alam ko ay napag-aralan namin iyon noon, pero hindi lang ako sigurado sa eksaktong definition. Hindi naman kasi ako nakikinig sa klase lalo na kapag boring ang topic. Madalas nangongopya lang ako kay Zia Lynn. Sa P.E. lang ako madalas active, minsan sa Math, gano'n.
"Bakit po alam n'yo ang tungkol doon? Na-experience n'yo na?" parang close kong tanong. Tutal kinakausap niya na ako, e 'di itotodo ko na.
Pansin kong saglit na natigilan si Señorito. Umilap ang mga mata niya at saka tiningnan ang hawak kong tangkay ng daisy. "You can say that," tila nahihirapang sabi niya.
"Gano'n? Pero bakit puppy love? 'Di ba dapat kitten love kasi sabi mo kitten pa lang ako?"
Humalakhak si Señorito. Nagulat ako sabay sapo sa dibdib ko. Ngayon ko lang siya nakita at narinig na humalakhak. Ang sarap pakinggan ng tawa niya, para akong biglang isinayaw sa hangin. At bakit parang lalo siyang gumwapo sa paningin ko? Labas ang napakaputi niyang mga ngipin. Napalunok ako, ang fresh talaga tingnan ng lips niya. Parang ang sarap halikan.
Nang tumikhim ako ay tumigil siya sa pagtawa. "Sorry, I can't help it," sabi niya sabay supil ng ngiti niya.
"Señorito, tutal mukhang close na tayo." Kinabahan ako lalo na nang biglang bumalik sa pagkaseryoso ang mukha niya.
"P—Puwede ba kitang tawaging Puppy? Kasi 'di ba Kitten ang tawag mo sa 'kin? Para quits na tayong may pet name sa isa't isa."
Parang gusto ko nang bawiin ang sinabi ko nang mapagtanto kong nakakahiya pala ang suhestiyon ko. Kay Timothy kasi payatot ang pet name ko sa kanya. Wala naman sigurong masama kung bibigyan ko rin ng pet name ang kuya niya. Pero parang hindi iyon nagustuhan ni Señorito Gaston dahil biglang sumeryoso ang mukha niya.
"S—Sorry po, Señorito. Kalimutan n'yo na po ang sinabi ko. Pasensya na po."
Yumuko saka humakbang paatras para makaalis sa gazebo. Pero biglang nagsalita si Señorito kaya napatigil din ako.
"Yeah, you can call me puppy if that will make you happy."
"Talaga?"
Mabilis akong humarap sa kanya. Sa tuwa ko ay niyakap ko siya. "Sabi ko na eh, ang bait-bait mo, Puppy!"
"Divina! Ano'ng ginagawa mo?"
Mabilis akong humiwalay kay Señorito nang marinig ko ang boses ni Nanay. Nanlaki ang mga mata ko nang ma-realize kong nahuli niya akong yumakap kay Señorito Gaston.
"N—Nay, nandiyan pala kayo." Nakagat ko ang aking ibabang labi. Nagkunwari akong natatawa.
"Pasensya na kayo, Señorito, makulit lang itong si Divina," hinging paumanhin ni Nanay sabay tingin nang matalim sa akin. Kailangan ko na talagang magtago mamaya at baka kukurutin niya ako sa singit.
"That was nothing, Manang. Divine was just happy."
Hindi ko alam kung seryoso ang mukha ni Señorito o hindi dahil hindi ako makatingin sa kanila.
"Divina, pumasok ka na sa loob. Kakain na tayo ng agahan."
"Opo, Nay."
Tumalima ako. Rinig ko pang nanghingi ulit ng pumanhin si Nanay kay Señorito Gaston. Tiyak talagang patay ako nito mamaya.
Pagkarating ko sa komedor ay saktong pagdating din ni Timothy, galing siguro sa kuwarto niya. Sina Manang Inday naman ay naghahanda ng lamesa.
"What's with that face? You look like you just have been dumped by your boyfriend. Kung meron man," pang-aasar niya pero ipinaghila pa rin ako ng upuan. Napasimangot ako.
"Tigilan mo nga akong payatot ka!" singhal ko sa kanya. Lumingon-lingon ako dahil baka narinig ako ni Tiyang Sol. Tiyak magagalit na naman iyon sa akin.
"Ooops, I forgot. Wala ka palang boyfriend, tapos hindi ka pa crush ng crush mo. Ouch!" Humawak pa siya sa dibdib niya at umarteng nasasaktan. Nanggigil ako bigla.
"Pakialam mo? Ang mahalaga buhay ako at mabango ang hininga ko!" singhal ko sa kanya pero humalakhak lang siya lalo.
Ginawa na talagang hobby ni Payatot na asarin ako. Tapos ilang araw pa niya akong kinulit tungkol kay Zia Lynn. Ayaw niya raw maniwalang may dyowa na ang bestfriend ko. Kung hindi ba naman kasi tanga, hindi pa nga niya nakikita nang personal 'yong isa, ipina-tattoo niya na kaagad ang pangalan sa dibdib niya.
"Mapasukan sana ng langaw ang bunganga mo!"
Tumawa pa siya lalo. "This is hilarious, damn!" tawang-tawa na untag niya. Napatigil lang siya nang dumating na sina Tiyang Sol at Manang Inday. Sumunod na pumasok si Nanay at si Puppy. Napangiti ako nang palihim. At least pinayagan niya ako bigyan siya ng pet name.
Naupo si Puppy sa kabisera kaya katabi niya ako sa kaliwa, sa kanan niya naman si Payatot. Halos mapatili ako sa tuwa, kung hindi lang ako pasimpleng kinurot ni Nanay sa tagiliran. Pinandilatan pa niya ako na parang sinasabi niyang umayos ako.
Napaayos ako ng upo, kaya lang sadyang demonyo si Payatot dahil sinipa niya ako sa ilalim ng lamesa sabay pasimpleng nguso sa kuya niya. Pinandilatan ko siya saka yumuko para magdasal. Si Tiyang Sol ang nag-lead.
Sinipa na naman ako sa paa ni Payatot kaya napaangat ako ng tingin. Nakita ko kung paano yumugyog ang balikat niya habang nagpipigil ng tawa. Pinanlakihan ko siya ng aking mga mata. Demonyo talaga. Nagdadalawang-isip na tuloy ako kung irereto ko pa siya sa best friend ko.
Pagkatapos mag-usal ng maikling dasal ay kanya-kanya kaming lagay ng pagkain sa plato. Hindi katulad kanina ay pansin ko ang pananahimik ni Puppy. Hindi na siya nakangiti. Balik poker face na naman siya. Minsan tuloy naiisip kong ang plastic niya, paano kasi kapag kaharap niya ako minsan tumatawa at ngumingiti pero kapag may iba kaming kasama para siyang lion na nakatira sa wild forest.
Buti na lang sa isang linggong mahigit kong pananatili rito ay natutunan ko nang gumamit ng kubyertos. Tinuruan ako ni Payatot.
"Ikaw, Divina, tulungan mo ako mamayang mag-ayos ng mga gamit na ipadadala ko. Uuwi na kayo bukas, 'di ba?" Ani Tiyang Sol.
"Oo, Ate." Si Nanay ang sumagot.
Bigla akong nalungkot. Mami-miss ko talaga ang napakalaking bahay na ito. Pero mas mami-miss ko si Puppy. Hindi ko na masisilayan ang kaguwapuhan niya. Kahit madalas nakakabwisit si Payatot ay mami-miss ko rin siya.
Tumulong ako kay Manang Inday sa pagliligpit ng mga plato pagkatapos naming kumain. Hanggang sa matapos nga ang kainan ay hindi na kumibo si Puppy. Tahimik lang siyang kumain. Ni hindi niya man lang ako tinapunan ng tingin. Kaya nalilito na ako minsan sa kanya kung bet ba niya akong kausap o napipilitan lang siya.
Habang papalapit nang papalapit ang hapon ay bumibigat ang dibdib ko. Lumabas ako ng kuwarto para abangan sila ibaba. Pero saktong paglabas ko ay siya ring paglabas ni Payatot sa kuwarto niya.
May kinuha siya sa bulsa ng jacket niya saka inabot sa akin. Nagtatakang tiningnan ko siya.
"Ibili mo naman ng regalo si Zia Lynn sa birthday niya," aniya.
Napanganga ako. "Seryoso? Ang dami nito, ah!"
Nanlaki ang mga mata ko habang tinitingnan ang laman ng sobre. Maraming tiglilibuhing papel.
"And for other occasions as well. Itago mo na. And, please don't tell her it's from me."
Napailing ako. "Iba rin trip mo, 'no? Gaano ka kasiguradong magugustuhan ka ng best friend ko? Pihikan kaya 'yon."
"I will work on it when I come back."
"Kailan kayo babalik?" mabilis kong tugon.
"Got you!" Tumawa siya. "Gusto mo lang malaman kung kailan babalik si Kuya, eh. Aminin mo na kasing—"
Inikutan ko siya ng aking mga mata. "Subukan mong ituloy 'yang sasabihin mo, hindi ko 'to ibibili ng regalo para kay Zia. Kasya na kaya 'to sa lifetime supply ko ng banana cue."
Agad naman niyang itinikom ang mga bibig niya. Mayamaya ay bumaba na rin si Señorito Gaston. Naka-V-neck siyang puting T-shirt na pinaresan niya ng khaki pants. May nakasabit na aviators sa dibdib niya. Ang hot niya talaga! Napatulala ako sa kanya habang pababa siya ng hagdan.
"Tulo mo lumalaway."
Hinampas ko si Payatot pagkatapos niyang iangat ang T-shirt ko saka ipinahid sa bibig ko. Sinamaan ko siya ng tingin. Nakita iyon ni Puppy kaya nangunot ang noo niya.
"Let's go, Timothy." Biglang lumamig ang boses niya, tapos nilagpasan niya lang ako.
Tinapik ako ni Timothy sa braso. "Magpatangkad ka at magpataba nang kaunti, ha? Para hindi kita mapagkamalang pader pagbalik ko," sabi niya.
Kahit na gigil na gigil ako kay Payatot ay hindi ko siya pinansin. Nasaktan kasi ako na hindi man lang ako sinulyapan o nilingon ni Puppy. Nagdire-diretso siya palabas ng foyer. Nando'n sa labas sina Tiyang Sol, nag-aabang na sa kanila.
"Bye, Divine!" Ginulo ni Timothy ang buhok ko. Napasunod ako sa kanya papuntang labas. Nasa van na si Puppy pagkarating ko roon. Si Kuya Ramon ang magda-drive papuntang airport. Narinig kong maraming bilin si Tiyang sa kanya.
"Mag-iingat kayo, hijo!" muling bilin ni Tiyang Sol. Niyakap pa siya ni Timothy bago ito pumasok sa van.
Ibinaba ni Timothy ang bintana saka kumaway mula sa loob. Pero si Puppy na sa mismong tabi ng bintana ay kay Nanay Sol lang tumingin. Hindi niya man lang ako nilingon.
Nanakbo ako pabalik sa loob ng mansyon sa sobrang sama ng loob ko. Baka inuuto lang talaga ako ni Señorito Gaston.
Kitten his face!
Isa siyang malaking dagang salot sa puso ko! Break na kami simula ngayon.
Napatampal ako sa noo. Hindi ko pala siya dyowa.
©GREATFAIRY
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro